Cesar Ruiz Aquino

Talambuhay

Isa ang tula sa pinakamabisang lunsaran ng damdamin at ideya ng isang manunulat. Ganito ang pinatunayan ng isang manunula mula sa Zamboanga City na pinalaganap ang mga salita at tugma ng isang payak na Mindanawon.

Dinadakila sa larangan ng pagsulat ng tula si Cesar Ruiz Aquino na nag-umpisang ipamalas ang talas ng kanyang panulat noong kaniyang kabataan. Nagkamit ng iba’t ibang parangal sa loob at labas ng bansa, naging isang guro at tagasanay ng ibang manunulat, at higit sa lahat ay tagapagtaguyod ng wika at panitikan.

Dangal ng Katimugan

Bagaman sa Zamboanga City isinilang, sa Maynila nagtapos ng pag-aaral si Ruiz Aquino. Mula siya sa Ateneo de Manila University at University of the Philippines. Gayunman, nagtungo siya sa Visayas at nag-aral sa Silliman University upang doon kunin ang kaniyang PhD.

Ang mga likhang tula at iba pang akda ni Ruiz Aquino ay nag-iwan ng marka sa maraming mambabasang Pilipino. Dalawang ulit siyang nagwagi sa Carlos Palanca Mermorial Awards for poetry at nakadalawang parangal din sa pagsulat ng maikling kuwento.

Dahil sa hindi matatawarang kontribusyon sa panitikan, kinilala siya ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) bilang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas for Lifetime Achievement noong 1997. Naparangalan din siya bilang National Fellow for Poetry ng University of the Philippines Institute of Creative Writing (UP ICW) noong 2003.

Pinarangalan din siya noong 2004 ng Southeast Asian Writers Award mula sa royal family ng Thailand.

Nagniningas na Panulat

Nananatiling aktibo si Ruiz Aquino sa paghubog ng mga manunulat. Sa katunayan, nakapagturo na siya sa malalaking unibersidad sa bansa kabilang ang Ateneo de Zamboanga, University of the Philippines, Maryknoll College, at sa kanyang sintang paaralang Silliman University kung saan ay patuloy siyang nagtuturo ng malikhaing pagsulat simula 1981.

Sunod-sunod rin ang mga nailimbag niyang aklat na may kinalaman sa tula at maiikling kuwento. Naisulat niya ang mga aklat na Chronicles of Suspicion, Checkmeta: The Cesar Ruiz Aquino Reader, at Word Without End.
Nitong 2013 lamang, sa ilalim ng UST Publishing, inilabas ni Ruiz Aquino ang panibagong antolohiya ng kaniyang mga tula sa aklat na Caesuras: 155 New Poems.

Popular Posts