Isinilang si Faustino S. Aguilar
sa Malate, Maynila, noong 15 Pebrero 1882. Sumapi
siya sa Katipunan sa gulang na labing-apat at
nakisangkot sa madugong paghahamok ng mga Pilipino
at Kastila. Sa panahon ng Amerikano unang nakilala
si Aguilar bilang mamamahayag at patnugot ng pahayagang
Taliba. Naglingkod si Aguilar sa iba’t ibang
sangay ng Pamahalaan katulad ng Kawanihan ng Paggawa.
Yumao siya noong 1955.
Isang batikang nobelista, tinahak ni Aguilar
ang landasin ng realismong sosyal. Kabilang sa
kanyang mga akda ang Busabos ng Palad (1909),
Nangalunod sa Katihan at Sa Ngalan ng Dios
(1911), Ang Lihim ng Isang Pulo (1926),
Ang Patawad ng Patay at Ang Kaligtasan
(1951). Makikita sa nasabing mga nobela ang
malawakang pagsusuri sa mga pangyayaring nagaganap
sa lipunang batbat ng karahasan at kawalang-katarungan.
back to authors | home |