Isa sa mga pinakamahuhusay na musikero
ng ating panahon si Jose Iñigo Homer Lacambra
Ayala. Ipinanganak siya noong 1 Hunyo 1956 sa
Bukidnon. Nagtapos si Joey ng AB Economics sa
Ateneo de Davao at walang sawang nagpatuloy sa
paglinang ng kanyang husay sa larangan ng musika.
Kasama siya sa pagkakatatag ng bandang Bagong
Lumad na isa sa mga nagdulot ng pagbabago sa alternatibong
musika ng Pilipinas. Gumagamit siya ng mga katutubong
instrumentong pangmusika sa paglikha ng mga awit.
Ilang ulit nang nanalo ang mga awit na kanyang
isinulat sa KATHA Music Awards, Metropop Songwriting
Contest at iba pang patimpalak sa musika sa loob
at labas ng Pilipinas. Taong 1992, nang bigyan
siya ng Gawad ng Pagkilala ng Komisyon sa Wikang
Pilipino dahil sa paglikha ng mga awiting mayaman
sa pagpapahalagang moral sa wikang Filipino at
paglalapat ng musika sa pamamagitan ng katutubong
mga instrumento. Tunay ngang ang kanyang mga likha
ay nakatutulong sa pagpapayabong at pagpapaunlad
ng wika at kalinangang Pilipino.
Noong 1970 hanggang 1980, aktibo siyang lumikha
ng musikang inilapat sa ilang rock opera at concert
tulad ng Sa Bundok Ng Apo, May-I, May-I ng PETA,
Nukleyar I at Nukleyar II. Siya rin ang nagcompose
at namuno sa direksiyon ng musika, nagsulat ng
script at umarte sa audio-visual production na
Lansangan noong 1978.
Kakarampot lang ang nakakaalam na kuwentista
rin si Joey. Ang kanyang mga maiikling kuwentong
ay nagtamo ng gantimpala sa Philippines Free Press
Annual Literary Award at The Carlos Palanca Award
for Literature, Carlos Palanca Memorial Foundation.
Si Joey ay naging National Fellow for Poetry and
Songwriting ng UP ICW noong 1998.
Ilan pa sa mga parangal na kanyang tinanggap
ay ang Datu Bago Award mula sa pamunuang bayan
ng Davao, ang The Outstanding Young Men (TOYM)
Award mula sa The Philippine Jaycees para sa “humanitarian
efforts directed towards the two objectives of
art - as relevant socially-oriented medium and
as aesthetic principle” at noong kabataan
niya, ay ang Gerry Roxas Leadership Medal.
Sa kasalukuyan, tumutugtog at lumilikha pa rin
siya ng pagkaririkit na mga awitin. Makikita,
maririnig at makakausap pa (pag break) si Joey
Ayala sa Conspiracy Garden Café (#59 Visayas
Avenue, Quezon City) tuwing Biyernes ng gabi.
back to authors | home |