Tubong Quezon si Mesándel Virtusio Arguelles. Isinilang siya sa Agdangan noong 27 Oktubre 1977 ngunit lumaki at nakapag-aral ng primarya at sekondarya sa Candelaria. Nakapagtapos siya ng kursong AB Mass Communication sa New Era University at nagpapatuloy ng MA Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman.
Naging kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) noong 1998 at napiling fellow sa tula sa UP National Writers Workshop noong 2000. Taong 2000 din siya naging kasapi ng Orágon Poets Circle.
Nalathala ang kaniyang mga tula sa iba’t ibang publikasyon gaya ng Sunday Inquirer Magazine, Philippine Panorama, Philippine Collegian, Dapitan, Hulagway, High Chair Online Journal, Montage, Project, Literary Apprentice, Ikatlong Bagting, at iba pa. Nagwagi rin siya sa ilang timpalak tulad ng Gawad Collantes, Gawad Komisyon sa Tula, Maningning Miclat Award for Poetry, at Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Ang una niyang aklat ng tula, Menos Kuwarto, ay inilathala ng Pithaya Press noong 2002. Sinundan ito ng Ilahás na inilathala ng High Chair noong 2004. Ang ikatlo niyang koleksiyon ng tula na may pamagat na Hindi man lang nakita ay nakatakda ring ilathala ng High Chair. Kabilang sa aklat na ito ang tulang “Sa Dulo ng Mundo.”
Kasalukuyan siyang nagtatrabaho siya sa isang publishing company at naninirahan sa Cavite kasama ng kabiyak na si Jane at ng anak nilang si Maria Rilke. Maaaring makipag-ugnayan sa kaniya sa mesandel@gmail.com.
back to authors | home |