Nagtapos siya ng Bachelor of Arts Major in Philosophy sa University of Santo Tomas, Master of Arts in Filipino Literature sa Ateneo De Manila University, at Kandidatura para sa pagkakamit ng Doctor of Philosophy in Filipino sa University of the Philippines, Diliman. Sa kasalukuyan, Assistant Professor siya sa Kagawaran ng Filipino ng School of Humanities ng Ateneo De Manila University , nagtuturo ng panitikan, malikhaing pagsulat, at pagsasalin sa mga mag-aaral sa kolehiyo at gradwadong paaralan. Pana-panahong naglilingkod din siya bilang Associate Professorial Lecturer III sa Graduate School ng University of Santo Tomas , humahawak ng mga kurso sa pagsulat ng tula, kasaysayan, kritisismo, at pagsasaling pampanitikan.
Gumaganap siyang panelist sa mga pambansang palihang pampanitikan na itinataguyod ng Ateneo Institute for Literary Arts and Practices (AILAP), UST Center for Creative Writing and Studies (USTCCWS), University of the Philippines Institute of Creative Writing (UP-ICW), Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), Cultural Center of the Philippines (CCP), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Palagian ding nagiging hurado siya sa mga pambansa at pampaaralang patimpalak pampanitikan gaya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature , Gawad Collantes ng Komisyon sa Wikang Filipino , at USTETIKA Literary Contest ng UST. Aktibong kasapi at dating pangulo siya ng LIRA at isa sa mga nakababatang halal na direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Kasalukuyan din siyang opisyal ng Konsehong Tagapagpaganap ng Pambansang Komite sa Wika at Pagsasalin ng NCCA , Pangalawang Tagapangulo ng Samahan ng mga Tagasalin (SALIN), at isa sa siyam na pilíng miyembro ng Lupong Tagapagpaganap ng Filipinas Institute of Translation (FIT).
Bilang malikhaing manunulat, nagkamit siya ng mga pangunahing gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2008, 2007, 2002, 2001, 1998, at 1991), Talaang Ginto sa Tula—Gawad Collantes ng Komisyon sa Wikang Filipino (1999), at sa Taunang Paligsahan sa Tula ng Home Life Magazine (2000). Nalathala na sa iba't ibang publikasyong pambansa at pandaigdig ang ilan sa kaniyang mga tula. Inilathala ng UST Publishing House ang kaniyang dalawang aklat ng tula, ang Dili't Dilim (1997) at ang Mga Lagot na Liwanag (2002) na pinagkalooban ng Ateneo De Manila University ng Publication Award para sa taong 2002 at naging finalist para sa 2003 National Book Award for Poetry ng Manila Critics Circle. Ilalathala ng Lampara Books ang kaniyang maikling kuwentong pambata na Imbisibol Man ang Tatay bago matapos ang 2008. Ilulunsad sa kalagitnaan ng 2009 ang kaniyang ikatlong aklat ng tula, Kung Bakit May Awit na Hindi Mawaglit .
Pinagkalooban siya ng Gawad Pagkilala ng Komisyon sa Wikang Filipino noong Abril 2005 bilang pagpapahalaga sa mga naiambag na niya sa kabang yaman ng Panitikan at Kulturang Pambansa. Tinanggap niya noong Oktubre 2007 mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang maituturing na pinakamataas at pinakaprestihiyosong pagkilala sa kaniyang pagkamakata sa ngayon—ang SEAWRITE Awards (Southeast Asia Writers Award).
Masigasig na tagapagtaguyod siya ng pagpapalaganap ng panulaan lalo na sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagdalo at pag-oorganisa ng poetry reading sessions sa mga paaralan sa loob at labas ng bansa. Siya ang tanging nakababatang makata sa ngayon na nakikipagbalagtasan kay Teo T. Antonio , pangunahing kontemporaneong makata at anak ng Hari ng Balagtasan na si Emilio Mar. Antonio. Kinatawan niya ang Filipinas sa 10 th Kuala Lumpur World Poetry Reading sa Malaysia noong Agosto 2004. Mula Agosto 2002 hanggang Disyembre 2005, palagiang bumigkas ng tula at umawit sa palatuntunang “Serenatang Kumbidahan” ni Tiya Dely Magpayo sa DZRH (AM Band) ng Manila Broadcasting Company. Kasalukuyan siyang host at producer ng palatuntunang “Harana ng Puso kasama ang Mabuhay Singers” sa DWBR 104.3 FM ng Philippine Broadcasting Service, sumasahimpapawid tuwing araw ng Linggo, ika-8 hanggang ika-9 ng gabi.
Bilang propesyonal na tagasalin, naisalin na niya sa Filipino ang ilan sa mga akda nina Leo Tolstoy, Stephen Crane, John Donne, Federico Garcia Lorca, Pablo Neruda, Nick Joaquin, N.V.M. Gonzalez, Bienvenido Santos, Ophelia Alcantara-Dimalanta, Kerima Polotan-Tuvera, Gilda Cordero Fernando, Carmen Guerrero Nakpil, Rony Diaz, Alejandro Roces, at Diosdado Macapagal. Proyektong tinatapos ngayon ang pagsasalin sa Filipino ng mga piling tula nina Jesus Balmori at Manuel Bernabe, mga pangunahing makatang Filipino sa wikang Kastila sa bungad ng ikadalawampung siglo.
Bagaman sa Lungsod ng Maynila isinilang, tubong-Laguna ang kaniyang mga magulang na sina Marcial Zorilla Coroza at Salud Urriza Modina . Sa Lungsod ng Marikina siya nagbinata at nagtapos ng kaniyang elementarya ( Parang Elementary School ) at hay-iskul ( Marikina Institute of Science and Technology ). Bayang binabalik-balikan at itinuturing niyang malayong tahanan ang Majayjay at doon, buong pagkamangha niyang tinitingala at pinagninilayan ang Bundok Banahaw . Ikinasal siya noong 1994 kay Jeanette Mendoza Job , nanunungkulang punungguro ng Marichu Tinga High School sa Upper Bicutan, Lungsod ng Taguig. May tatlong supling sila—sina Miko Idyanale (1995), Jeanne Haraya (1996), at Miguel Bulawan (2003). Kasalukuyang naninirahan sila sa Nangka, Lungsod ng Marikina. back to authors | home |