Si LILIA QUINDOZA SANTIAGO
ay naging "Makata ng Taon" ng 1989 sa bisa ng
kanyang tulang "Sa Ngalan ng Ina, ng Anak, ng
Diwata't Paraluman." Premyado din ang kanyang
mga koleksiyon ng tula: ang "Dung-aw at iba pang
tula" (1977), "Ordinaryo" (1990), at "Mga Larawang
Pisikal" (1995). Ang mga tulang ito ay kasama
sa dalawang aklat ng tula na nalimbag na, ang
Kagampan (Pregnant,
Kalikasan Press, 1989) at Asintada
(U.P. Press, 1997). Kuwentista
rin siya at may koleksiyon ng maikling katha,
Ang Manggagamot ng Salay-Salay at
iba pang kuwento (Kalikasan Press,
1989) at editor ng iba't ibang libro at mga sulatin.
Ang kanyang nobelang "Ang Kaulayaw ng Aguila"
ay nagwagi ng Grand Prize sa nobelang Filipino
sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Si LQS ay anak nina Victorino Quindoza ng Sta. Cruz,
Marinduque at Buena Cadanilla ng Solano, Nueva
Vizcaya, at kabiyak ng makata-mang-aawit na si
Jesus Manuel Santiago, ina ng apat na anak na
sina Haya Pag-asa, Halina Mandala, Balagtas Himigbayan
at Daniw Plaridel. Ipinanganak sa Manaoag, Pangasinan
ngunit lumaki at nag-aral sa Lungsod ng Baguio,
napagsasanib niya sa kanyang mga sulatin ang usapin
ng kababaihan kaugnay ng mga katutubo, mga taga-Iloko
at iba pang etnolinggwistikong grupo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nagtuturo siya ng panitikang Pilipino
at malikhaing pagsulat sa U.P., at Associate for
Fiction sa Likhaan: Sentro ng Malikhaing Pagsulat,
U.P. Diliman, Quezon City.
Noong 2004 natanggap niya ang GAWAD Balagtas
mula sa Unyon ng Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)
at nagkamit din siya ng Outstanding Professional
Service Award mula sa U.P. Alumni Association.
Sa taong 2005, naging Fulbright Visiting Professor
siya sa Old Dominion University (ODU) sa Norfolk,
Virginia U.S.A.
back to authors | home |