|
criticism
Ang
Bata sa Pagtuklas ng mga Bayani: Ang Pagkabata ng Bayani
sa mga Etnoepiko ng Pilipinas
ni Eugene
Y. Evasco
Kailangan ng bata ang titingalaing bayani.
Ito ang kadalasang hinahanap ng mga kritiko at magulang
kapag tinitimbang ang halaga ng akdang pambata. Sa musmos
na kamalayan ng mga mambabasa, mahalagang makatagpo
sila ng karapat-dapat na bayaning gagabay sa pag-unlad
ng kanilang kultura at mga halagahan. Ilang magulang
na ang natatakot sa pagbaling ng kanilang anak sa mga
huwarang bayani buhat sa popular na daluyan ng kultura
tulad ng telebisyon, pelikula, at komiks. Paliwanag
nila’y bukod sa banyaga ang bayani, marahas at
mapanghamak ang bayaning kinahuhumalingan ng mga bata
ng kasalukuyang panahon. Sa mga resulta ng ilang pag-aaral,
lumilitaw na nakahihigit ang mga artista sa pelikula’t
telebisyon, mga mananayaw at mang-aawit, at ang barkada
bilang huwarang sasandigan ng mga bata. Nalalayo na
ang mga bata sa kanilang magulang, tagapag-alaga, at
guro bilang kanilang huwaran. Ang nakapanlulumo pa,
naiulat sa dokumentaryong Super Size Me (2004)
ni Morgan Spurlock, higit na kilala ng mga bata sa kasalukuyan
ang mga imahen mula sa fastfood (e.g., Wendy at Ronald
McDonald) gayong `di nila matukoy ang identidad sa larawan
ni Hesukristo.
Mahalaga ang tungkulin ng bayani sa panitikan.
Nagtatampok ito ng mga unibersal na panghalina, nagpapalaganap
ng mabuting halagahan, at naglalaan ng huwaran para
sa mambabasa. Ayon pa kina Manjari Singh at Mei-Yu Lu,
pinauunlad nito ang pang-unawa ng bawat mamamayan sa
mga atas ng lipunan. Taglay ng bayani ang mga katangiang
karapat-dapat tularan ng mambabasa. Dahil dito, may
kapangyarihan ang panitikan na likhaing muli ang lipunan
at ipagpatuloy ang kinagisnan nitong mga halagahan.
Dagdag pa ni B. Davis, “They have been useful
for thousand of years to the people for whom they serve
as an idealized human, a sort of ‘super’
person, capable of dealing with problems that surpass
normal humans and their abilities” (sipi kina
Singh at Lu).
Dalawang tungkulin ang natukoy nina Singh
at Lu kaugnay ng mga bayaning tampok sa panitikang pambata.
Una, tungkulin ng bayani na maging halimbawa ng mga
unibersal na katangian. Tinutukoy nito ang mga katangiang
pinahahalagahan sa mga lipunan, sa iba’t ibang
panahon—kagitingan, pagmamalasakit, tiyaga, paniniwala
sa sarili, at optimismo. Sa pamamagitan ng isang bayani,
makikita ang iba’t ibang paraan kung paano dapat
harapin ang mga hamon sa lahi, etnisidad, uri, at relihiyon.
Sa pagtatampok at pag-aaral ng iba’t ibang danas
ng mga bayani, mailalatag sa mambabasa ang mga estratehiya
sa pagdulog sa mga hamon at suliranin.
Ikalawang tungkulin ng bayani sa panitikang
pambata ay ang pagiging huwaran nito sa mambabasa. Sa
tungkuling ito, marapat na taglay ng bayani ang katatagan
at iba pang mainan na katangiang makatutulong upang
maigpawan ang mga hamon sa buhay. Habang kumikilos ang
bayani sa kuwento, napauunlad ng mga mambabasa ang kanilang
halagahan. Sa bawat tagumpay ng bayani, lagi itong nakapagtatatak
ng mensahe sa mambabasa: karapat-dapat itong tularan.
May mahalagang pag-aaral si Loline M. Antillon
kaugnay ng Agyu, ang etnoepiko ng mga katutubong
Bukidnon at Manobo. Idiniin sa kaniyang pag-aaral ang
pagiging panlipunang dokumento ng isang epiko. Samakatuwid,
naitatala ang kasaysayan sa anyong pampanitikan na “pinaiikot
sa isang bayani. Sa buhay at pakikipagsapalaran ng bayaning
ito, itinala nila ang kanilang pakikibaka, ipinadama
ang lungkot at saya, ipinagdiwang ang tagumpay, tinanggap
ang mga kabiguan, ipinahayag ang mga pagpapahalaga,
ipinagtanggol ang mga paniniwala at pananampalataya,
at inilagak ang mga katangiang sumasalamin sa kanilang
pagkatao at lipi” (Antillon 1991: 4). Idinagdag
pa, gayong umiikot sa buhay ng isang bayani ang epiko,
ito ay “kolektibong katauhan, pag-aari at tradisyon
ng liping lumikha sa kaniya” (Antillon 1991: 4).
Natuklasan rin ni Antillon ang kaibahan
ng mithiin sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Agyu
kumpara sa mithiin ng mga bayani sa ibang epiko ng bansa.
Kung ang kadalasang mithiin ng bayani ay maghanap ng
mapapangasawa, ipaghiganti ang ama, o sumuong sa digmaan,
katangi-tangi si Agyu dahil tinuklas niya ang Nalandangan,
ang lupang pangako para sa kanilang lahi. Naitala sa
bawat kompletong episodyo ng epiko ang paniniwala na
mas mainam “mamuhay nang naghihirap ngunit malaya
kaysa masagana ngunit alipin naman” (Antillon
1991: 10). Mangyari, sa ganito ring sentimiyento umiikot
ang pakikipagsapalaran at paglalakbay ng pamilya at
lahi ni Agyu mula pagkaalipin tungo sa maalwang buhay
sa paraiso sa lupa. Inihalintulad rin ng naturang mananaliksik
ang Nalandangan sa kahalintulad na konsepto ng lupang
pangako sa Bibliya at sa Utopia ni Plato. Pinatatunayan
niya ang pagkakahawig ng tatlo sa banghay at istruktura
ng naratibo, “bagay na magpapagunita sa paniniwala
ni [Carl] Jung na may isang kolektibong memorya na dumadaloy
sa kamalayan ng tao o ng isang lahi” (Antillon
1991: 5). Natukoy sa pananaliksik ang paglalarawan sa
lupang pangako ng epikong Manobo. Kasama sa paghihiraya
sa Nalandangan ang konsepto ng pananagutan sa paraiso:
kailangang mapangalagaan ito upang mapanatili ang biyayang
handog nito. Maihahalintulad ito sa isang ipinagtatanggol
na kuta na “ang mga puno ng bahay ay pinagkabait-kabit
ng mga rattan ngunit pinahigpit ang kapit sa isa’t
isa sa pamamagitan ng laway ng mga sawa” (Antillon
1991:21).
Tungkulin, gamit, at kabuluhan para sa
kasalukuyang panahon ang mga natukoy ni Joi Barrios
sa kaniyang pag-aaral ng mga etnoepiko sa Pilipinas.
Naisa-isa niya ang mga halagahang nakalakip sa mga pahina
ng nailimbag na bersiyon. Ayon kay Barrios, ang pagbibigay-halaga
sa mga bayani ng epiko ay “pagbibigay-halaga na
rin sa mga katangian ng katapangan at kagitingan, mga
bagay na mahalaga para sa patuloy na pagkabuhay ng isang
komunidad” (Barrios 1991; 35). Natukoy rin niya
ang mga litaw na tema ng pagtutulungan, damayan, at
pakikiramay sa mga epiko. Aniya, “Ang problema
ng isa ay problema ng buong komunidad” (Barrios
1991: 36) kung kaya hindi nakikipagtunggali at nagtatagumpay
ang isang bayani sa epiko nang nag-iisa. Dahil lantad
ang kolektibong pagkilos at pakikipaghamok, nangangailangan
ang bayani sa epiko ng tulong ng mga kapatid, anak at
kapanalik (Barrios 1991: 42) Dagdag pa rito ang pagpapahalaga
sa pagkilos, paggawa ng paraan at pananalig sa sariling
gawa (Barrios 1991: 37).
Sa huli, inilatag ni Barrios ang kaniyang
interpretasyon sa tungkulin ng mga bayani sa etnoepiko.
Aniya:
Ang bayani'y hindi namamatay pagkat
ang ating bayani ay hindi iisang tao kundi maraming
bayani na kumikilos bilang isa...Ang bayani'y hindi
namamatay pagkat laging may handang magbuwis ng buhay
para sa iba...Ang bayani'y hindi namamatay hangga't
buhay ang kaluluwa ng pakikibaka. Ito ang diwa, ang
esensya, ang dahilan ng pakikipagtunggali. Hangga't
naniniwala ang mga bayani ng ating bayan na sila ang
nasa matwid, hindi sila mawawalan ng pag-asa. (Barrios
1991: 43)
Kaugnay sa pag-aaral ng dalawang Pilipinong
iskolar ukol sa mga bayani at mga epiko, mahalagang
ibahagi ang Deconstructing the Hero: Literary Theory
and Children’s Literature (1997), isang
imbestigasyon ni Margery Hourihan kaugnay sa namamalasak
na konsepto ng bayani sa panitikang pambata mula sa
Estados Unidos, Britanya, at sa Europa. Sa kaniyang
pag-aaral ng mga texto, gamit ang mga naunang pag-aaral
nina Vladimir Propp at Joseph Campbell ukol sa narrative
functions ng kuwentong-bayan at monomyth,
natukoy ang hulmahan ng kuwento ng isang bayani sa
anyo ng paglalakbay at pakikipagsapalaran:
-
The hero is white, male, British,
American or European, and usually young. He may
be accompanied by a single male companion or he
may be the leader of a group of adventurers.
-
He leaves the civilized order of
home to venture into the wilderness in pursuit of
his goal.
-
The wilderness may be a forest, a
fantasy land, another planet, Africa or some other
non-European part of the world, the man streets
of London or New York, a tropical island, et cetera.
It lacks the order and safety of home. Dangerous
and magical things happen there.
-
The hero encounters a series of difficulties
and is threatened by dangerous opponents. These
may include dragons or other fantastic creatures,
wild animals, witches, giants, savages, pirates,
criminals, spies, aliens.
-
The hero overcomes these opponents
because he is strong, brave, resourceful, rational
and determined to succeed. He may receive assistance
from wise and benevolent beings who recognize him
for what he is.
-
He achieves his goal which may be
golden riches, a treasure with spiritual significance
like the Holy Grail, the rescue of a virtuous (usually
female) prisoner, or the destruction of the enemies
which threatens the safety of home.
-
He returns home, perhaps overcoming
other threats on the way, and is gratefully welcomed.
-
He is rewarded. Sometimes this reward
is a virtuous and beautiful woman.
Mula sa pagsusumang ito ni Hourihan,
nabanggit niya ang mga katiwalian at mga negatibong
representasyon sa mga ganitong tipo ng kuwentong pinag-aralan
niya. Lantad sa pagbubuod niya ng mga naenggkuwentrong
teksto ang pangingibabaw ng mga puting Europeo at
ang pagsasantabi sa kababaihan. Binansagan niya ang
mga teksto bilang pangunahing katha (master story)
ng sibilisasyong Kanluranin na may malaking impluwensiya
sa pandaigdigang panitikang pambata. Sang-ayon sa
may-akda, nakaangkla ang kuwentong ito sa kamalayang
Kanluranin at nagsilbing batayan ng mga pinakapopular
at pinakamatagumpay na produkto sa industriya ng pagbibigay-aliw.
Ito ang peligro sa pananaig ng ideolohiyang Kanluranin
sa iba’t ibang kultura sa daigdig. Dagdag pa
niya:
It has always glorified the patriarchy.
Now it is a disabling story, naturalizing the exploitation
of the environment, the domination of non-European
peoples, the marginalization and subordination of
women, the wanton slaughter of animals for use and
amusement, and the use of force and violence to achieve
these ends. It depicts this behaviour as natural,
rational and good, as the struggle of the morally
and culturally superior to achieve appropriate mastery.
(Hourihan 1997: 233)
Sa nasabing pag-aaral, ipinapanukala
ko ang muling pagbabalik sa limot at bibihirang teksto
ng etnoepiko ng bansa. Mainam itong sagot sa kapangyarihang
taglay ng banyagang kultura, bukod pa sa pagsusulong
ng pambansang identidad. May dalawang antas ang pag-aaral
na ito. Una, maituturing ang pananaliksik bilang pagbabakas
sa konsepto ng batang bayani mula sa mga etnoepiko
ng Pilipinas. Ihahanay rito ang mga maririkit at kagila-gilalas
na kuwento ng pagkabata ng mga bayani o ng mga bata
sa etnoepiko at mga prosang bersiyon sa epiko (tulad
ng mantukaw ng mga katutubong Bukidnon). Layon din
ng sanaysay na muling ipakilala sa mga bata at sa
mga manunulat ng akdang pambata ang mga bayani buhat
sa katutubo at etnikong anyong pampanitikan sa bansa,
lalo pa’t ang modernong kabataan ang mga pangunahing
biktima ng pandaigdigang kulturang popular sa taguyod
ng Kanluran.
Sa pangalawang antas, binigyang-diin
ang pagkabata ng mga bayani sa etnoepiko upang mapag-alaman
kung paano hinuhubog ng mga sinauna at katutubong
akdang Filipino ang pagkabata. Sa pamamagitan ng pagsasalansan,
maikukumpara ito sa konstruksiyon ng pagbata sa panitikan
noong panahon ng kolonisasyon. Patutunayan ding ang
usapin ng karapatang pambata ay hindi bago sa lipunang
Filipino; sapagkat matagal na itong isinusulong habang
inaawit ang mga epiko at pasaling-dilang lumalaganap
ang panitikang-bayan. Ilalarawan din na ang kapangyarihan
ng mga batang bayani sa epiko at kuwentong-bayan ay
nagpapahiwatig ng kalayaan ng kabataan at ng lipunan
sa pangkalahatan.
Mahiwagang Pagsilang, Maalamat na
Pagkagulang
Mahalagang elemento sa pagbubuo ng bayani
ay ang kaniyang mahiwagang pagkakasilang. Tinutukoy
dito ang pambihirang paglaki at mga katangiang eksaherasyon
sa biolohikal na pag-unlad ng isang tao. Ang nakalakip
na salamangka sa pangyayaring ito ay nagbabadya ng
kagitingan at kadakilaan; nagtatakda ng pagkabayani
sa epiko. Ayon pa kay Cecil M. Bowra, ang kakaibang
kapanganakan ng bayani ay pangitain ng isang tagumpay
(sipi kay Eugenio 2001: xvii).
Sa mantukaw (ayon kay Carmen Unabia,
ito ay rendisyong kuwento ng epiko) ng katutubong
Bukidnon, isinilang si Damanaas/ Baybayan mula sa
dayap na natagpuan ni Banlak, kapatid ni Agyu, habang
naliligo sila sa ilog. Hinati ni Banlak ang dayap
na inaanod ng ilog; ang kalahati ay ikinuskos niya
sa katawan, ang isa’y ipinaanod niya. Natagpuan
ang kalahati ng isang dalagang pinahintulutan ng amang
maligo sa ilog buhat sa pagkakakulong sa mataas na
tore. (Sa paniniwalang Bukidnon, mataas ang halaga
ng dalagang hindi pinatatapak sa lupa.) Ikinuskos
ng dalaga ang kalahati ng dayap sa kaniyang buhok.
Pagdating ng dalaga sa kaniyang tore, ikinabigla niya
ang kaniyang pagdadalantao. Pagkaraan ng tatlong oras,
nagsilang ang dalaga. Pagkasilang na pagkasilang,
nilibot ng sanggol ang silid at hinanap ang kaniyang
ingkong (lolo). Nais pala ng sanggol na bigyan siya
ng pangalan, na hindi naman ipinagkait ng lolo. Tinawag
siyang Damanaas. Pagkaraan, humingi si Damanaas ng
bitag sa lolo para manghuli ng manok.
Sumusunod sa hulmahan ng buhay at kasaysayan
ng bayani, na natukoy nina Otto Rank, Lord Raghan,
at Johann Georg von Hahn, ang kasaysayan ni Damanaas
na mas kilala bilang Baybayan. Nasa talaan sa ibaba
ang pagkakahawig ng mga pangyayari:
-
Ang ama ay maharlika. Ama ni Baybayan
ang kapatid ng bayaning si Agyu na si Banlak. Katuwang
ni Agyu si Banlak sa mga pakikipagsapalaran sa bersiyong
epiko at mantukaw.
-
Ang ina ay isang birheng nananahanan
sa tore at hindi nakalantad sa balana.
-
Ang ina ay isang prinsesang anak
ng Datu.
-
Supling si Baybayan ng marangal at
itinatanging magulang.
-
Kagila-gilalas na pagdadalantao ng
prinsesa.
-
Kinilala bilang "Damanaas" ang sanggol
dahil kaloob diumano ito ng Diyos Magbabaya.
-
Nagtagpuan ni Damanaas ang kaniyang
amang si Banlak.
-
Sa pagtatagpong iyon, nabiyayaan
si Damanaas ng buhay na walang-hanggan at kinilala
bilang Baybayan.
-
Kinilala si Baybayan ng taumbayan
at binigyang-kapangyarihan bilang tagapayo.
-
Dinaig ni Baybayan ang haring si
Dauban na nagmamay-ari ng malawak na palayan. Nanaig
sa paligsahan ng pagtatanim si Baybayan—itinanim
niya ang mahiwagang binhi ng palay na agad sumupling
at nahinog ng malalaking butil.
-
Naging banal at hari si Baybayan
sa pagkakalupig niya kay Dauban.
-
Narating ni Baybayan ang kalangitan,
sakay ng salimbal.
Maihahalintulad ang pagkakasilang ni
Damanaas kay Banna, bayani ng epikong Ullalim ng mga
Kalinga. Naliligo rin ang isang dalaga ng Magobya
sa batis nang natagpuan niya ang isang hiwang nganga
(betel nut). Nginuya ito ng dalaga at buhat dito’y
ipinagbuntis niya ang anak na si Banna. Biglaan ang
paglaki ng sanggol nang matuklasan ni Banna, buhat
sa tukso ng mga kababatang Agta at pagtatapat ng ina,
na ang kaniyang amang si Dulliyaw ng Dulawon ay binihag
ng mga tauhan ni Guwela sa kapatagan ng Sakbawan.
Panata ni Banna na ipaghiganti ang sinomang lumapastangan
sa ama niya.
Si Sandayo, bayani ng epikong Suban-on,
ay buhat sa sinusuklay na buhok ng dalaga. Humingi
si Salaong ng langis kay Datu Salaria. Sabi ni Salaong,
“Pagkat susuklayin ko/ at pakikinisin ko/ buhok
kong malago/ nang kumintab lalo” (Castro et
al. 1983: 373). Binigyan naman siya ng ama ng “langis
mula sa pitong bote.” Pinahid niya ito sa kaniyang
buhok, “gamit ang langis/ sinuklay niya ang
kanyang buhok/ nang walong ulit./ Walong ulit niyang
sinuklay/ at siyam pa pagkatapos./ Sa ika-siyam na
ulit/ may nalaglag na sanggol” (Castro et al.
1983: 373). Pagkaraan ng isang linggo, nakapaglakad
na si Sandayo at saka lumaki naman sa loob ng isang
buwan.
Si Kudaman naman, bayani ng epikong
Palawan, ay tugon ni Nagsalad (panginoon ng mga Palawan)
sa hiling ng mag-asawang Pipatuwan at isa sa pitong
Binibini ng Ika-labing-apat na antas ng Kalawakan
(Linamin at Anguringan). Ipinayo ni Nagsalad na kailangang
awatin sa gatas ang isisilang na sanggol at ikulong
sa pinid na silid (kutaq) sa loob ng pitong
gabi. "Nakaraos sa pagsubok ang sanggol, at nagkaroon
ito ng di-pangkaraniwang lakas. Siya'y pinangalanang
Kudaman, 'ang nasa pinid na silid'" (Maranan at Revel-Macdonald
1991: 62).
Sa epikong Ag Tobig nog Keboklagan
(Ang Kaharian ng Keboklagan) ng mga Suban-on,
mabilis lumaki ang anak na sanggol (Taake) ni Timoway
kapag gabi, at lalong kumikisig kapag umaga. Noong
pitong buwan pa lamang si Taake, umatungal ito at
ginambala ang lahat sa bayan ng Sirangan. Nagsalita
ang sanggol para alamin sa ina kung may ama siya,
ang ano ang trabaho nito, ang mga gawaing pang-araw-araw,
at ang tunay na dahilan sa pagkamatay ng ama. Pagkaraang
malaman ni Taake ang buhay ng ama, ipinamana sa kaniya
ng ina ang kagamitan sa pangingisda ng ama. Naging
kilala ang batang Taake sa pangingisda dahil sa may
kapangyarihan siyang makipag-usap sa mga isda at hipon.
Sa kaniyang unang huli, nakalikom siya ng pitong bilao
ng isda na inialay niya sa ina. Isang araw, humiling
ang bata ng mainam na damit sa ina para hindi ito
lumabas na kahiya-hiya kapag makatagpo ng mga dalagang
Muslim o Bisaya habang nangingisda sa malayong dagat.
Sa paglalakbay ni Taake, nakatagpo niya ang isdang
sinlaki ng burol na may mga gintong kaliskis. Nabingwit
niya ito pero nakipagbuno sa isda sa loob ng pitong
buwan (Eugenio 2001: 478).
Kagila-gilalas din ang pagkasilang
ni Labaw Donggon, ang bayani sa epiko ng Panay. Bunga
ito ng pagiging mala-diyos ng bayani—anak siya
ng diwatang si Anggoy Alunsina at ng mortal na si
Buyung Paubari. Kilala ang bayaning ito bilang “Binata
sa sinapupunan/ ni Anggoy Alunsina...Pagkasilang na
pagkasilang/ Nabigla ang sanlibutan/ Kagyat na nagbinata/
Naging matipunong binata” (Castro et al. 1983:
128). Pagkaraan ding isilang, tatlong ulit pa itong
nanligaw ng mga dalaga.
Ang kapangakan ni Tudbulul, ang bayani
sa epiko ng mga T’boli, ay naglalarawan sa magiging
buhay ng sanggol sa kaniyang paglaki. Kadakilaan ang
ipinahihiwatig ng kaniyang pagkakasilang dahil kakambal
niya ang mga sumusunod na gamit-pandirigma: sombrero,
kalasag, mamahaling gong, at isang kabayo. Ayon kay
Damiana Eugenio, ang epikong ng mga T’boli ay
nagpapakita at nagbibigay-halaga sa mga kaugalian
at paniniwala ng lipunang T’boli kaugnay sa
pag-aaruga ng sanggol. Ito ang mga tinukoy na mga
kustombre sa epiko:
- Chewing or cutting betel nut, accompanied
by a woman, is part of the courtship custom.
- A father's preference for a son to
be his first-born, as expressed by Kemokul. "I have
eleven good fortunes/ I was able to have a son/ In
exchange for hoping for a baby girl."
- The unusual birth of the hero. Various
objects accompanied the birth of the child.
- Choosing a name for the child is a
serious affair.
- A strong belief in omens; e.g. the
wild pigeon is an omen bird.
- An equally strong belief in charms
and amulets, chief of which is a tooth from the right
side of a snake’s mouth.
- The great concern for what the child
will inherit.
- The father's eagerness to teach his
infant son things that a boy should know-swim, trap
a bird, make a kubol (trap), etc.
- There is tracing of the family tree
of Tudbulul. He said that he “comes from the
clan of blacksmith/ From Benati, the chief of thunder.”
(Eugenio 2001:
564)
Pinakapopular, batay sa elemento ng salamangka,
ang pagkakasilang sa bayaning si Lam-ang ng mga Iloko.
Hirap sa panganganak si Namongan. Hindi siya matulungan
sa pagluluwal ng mga hilot na sina Tandang Marcos, Alisot,
at Pas-hong. Ang tanging nakatulong sa pagpapaaank ay
isang matandang babaeng hilot na may mapakalakas na
daliri. Mahiwagang sanggol na lalaki ang isinilang.
Pagkaraang mailuwal, nagsalitang agad ang sanggol: “Ay,
mahal kong inang Namongan/ Kapag ako’y iyong pabibinyagan/
Lam-ang ang nais kong pangalan/ maging ninong ko si
Tandang Gibuan” (Acacio 1969: 40). Pagkaraan ng
binyagan, nagtaka si Lam-ang kung bakit wala ang ama
sa kaniyang piling. Usisa ng sanggol sa ina, “Ay,
itatanong ko aking ina/ Kung mayroon o wala akong ama/
kung anak ako sa pagkakasala/ o anak akong marangal
at sinisinta” (Acacio 1969: 41). Tinugon naman
ni Namongan ang anak—ang ama ng bayani ay nakikidigma
laban sa mga Igorot. Nagpasiya si Lam-ang na hanapin
ang kaniyang ama, gayong nag-aalala ang ina at tutol
sa pasiya ng siyam na buwang anak. Ang ikinakatakot
ni Namongan sa anak, “Ang paa mo’y tila
pamaling kawayan/ Mga bisig mo’y tila karayom
pa lamang” (Acacio 1969: 42).
Sa puntong ito, binaklas ng batang si Lam-ang
ang nosyon na ang bata o sanggol ay walang-wala. Paniniwala
ng marami, ang sanggol ay ipinanganak na blangko ang
isip. Ngunit may mga pag-aaral na nagpapatunay na habang
nasa sinapupunan pa lamang ang sanggol, umuunlad na
ang isip nito. Kaya nga sa kasalukuyang panahon, nauso
na ang pagpaparinig ng klasikal na musika at pagkukuwento
ng magulang sa sanggol sa sinapupunan dahil ang buhay
at pag-unlad ng tao ay hindi nagsisimula sa kaniyang
kapanganakan.
Kagila-gilalas at Marilag na Kaanyuan
Nagpapahiwatig ng kadakilaan ang pisikal
na kaayuan ng bayaning sanggol. Sa paggamit ng mga paglalarawan,
naitatangi ang sanggol hindi bilang karaniwang tao kundi
mahalagang tauhan sa epiko. Sa epikong Sandayo, ang
batang bayani ay napakarilag na maihahantulad sa bulaklak
at liwanag ng araw. Hindi rin pinupuri ng kaniyang magulang
si Sandayo. Itinuturing itong pangit at walang halaga.
Paniniwala ng mga Suban-on at ng mga taga-baryo sa Kabisayaan
na kinaiinggitan ng mga masasamang espirito ang mga
batang pinupuri (Castro et al 1983: 374). Gayunpaman,
hiniling ng bata na bihisan siya ng ginintuang damit
para maghitsurang datu. Ayaw ng batang magsuot ng lampin.
At sa pagsusuot ng ginto, lalo itong naging maningning
at maliwanag. Lalo pa’t “Alipato’y
lumagapak/ sa ulo ni Sandayo.” At nagliwanag ang
bata “tulad ng araw na bagong sumisikat/ sa bukang-liwayway...waring
hindi siya/ tagalupa/ sintuwid ng puno/ tila anak ng
Diwata/ tulad ng bulaklak na pambihira/ sa paningi’y
kaaya-aya!” (Castro et al. 1983: 375).
Ganito rin ang pagkakalarawan sa batang
si Labaw Donggon:
Siya’y naramtan ng pilak
Siya’y nabalot ng ginto.
May bandana sa ulo
Panyong maningning at burdado.
Di habi sa tinubuang lupa
Bagkus sa bansang banyaga.
Dahan-dahang pinulot
Ang putong na si Saramingku
May palawit na pilak
Na umaawit sa hangin
May puntas na maririkit
Na umaawit nang pagkatamis-tamis.
(Castro et al 1983: 129)
Pati ng batang bayaning si Bidasari ng
mga Muslim sa Mindanao—“a daughter, like
a flower/ more beautiful than statue of gold/ just like
the tulip that the princess plucked.”
Tinig naman ang mahiwaga kay Lumalindaw,
ang bayani sa epiko ng mga Ga’dang sa Mountain
Province. Tulad ng ibang bayani, mabilis ang paglaki
ng bayani. Ngunit kapansin-pansin ang lakas ng kaniyang
tinig: kapag sumigaw siya, lalagpak ang lumilipad na
ibon; kapag hihiyawan ng puno ng niyog, magbabagsakan
ang mga buko. (Eugenio 2001: 71).
Dakilang Handog, Matuwid na Gabay
Maikakategorya sa dalawang uri ang pamanang
maiaalay ng mga magulang sa epiko sa kanilang bayaning
anak. Iyong una’y mga materyal na bagay. Si Sandayo’y
binigyan ng mga ginintuang damit para maging datu at
magmistulang anak ng diwata. Si Labaw Donggon nama’y
biniyayaan ng mga yaman at damit mula sa malaking baul
na nagngangalang Barugbugan Umbaw:
Bukasan, pakibuksan
Si Barugbugan Umbaw
Na may magagarang ukit
Ang mabigat na takip.
At pagkatapos doon
Ay maingat na piliin
Ang pinakatatagong kayamanan
Ang magilas na damit
Huwag sa kailaliman
O kaya’y sa kaibabawan
Kundi sa kalagitnaan
Huguting dahan-dahan
Ang barong may burda
Na sa katawan ko
Pambalot na magara.
(Castro et al. 1983: 128-129)
Handog naman kay Lumalindaw ay ayoding,
isang kagamitang pang-musika na nagpapayo sa sinomang
may-ari. Ito ang nagpabatid sa bayani na pumunta sa
may gawing silangan, sa Manimbawan, para maghanap ng
magandang dilag. Sa simula ng paglalakbay na ito, hinandugan
ang bayani ng kaniyang ina ng mahiwagang bolo na tunay
na pag-aari ng ama. Umaawit ang bolong ito kapag ikinukumpas
at ang kinang ng espada’y bumubulag ng kaaway
(Eugenio 2001: 71).
Kung si Taake'y pinamanahan ng gamit-pangingisda
ng yumaong ama, sa kuwentong Darangen ng mga Maranao
nama'y pinangalanan muna ni Linog ang dalawang niyang
anak na lalaki bago lumisan: Tominaman sa Rogong at
Mangondaya' Boisan. Pagkaraan, pinamanahan niya ang
mga anak ng mamahaling bagay at ng dalawang agong na
ginagamit para maghamon ng digmaan o para magbalita
sa pagyao ng isang pinuno. Kapansin-pansin sa halimbawa
na mahalagang ipamana ng ama ang kaniyang instrumento
(lalo na't iyong kaugnay sa sariling tungkulin o trabaho)
para sa kaniyang anak. Pinagtitibay ng epiko ang ugnayan
ng mga batang bayani sa kaniyang ama, lalo na't ang
ipapamana ay hindi lamang kasangkapan kundi ang husay,
ang talino, at ang magiging tungkulin sa lipunan. Ang
paghahandog ng mga materyal na bagay sa bayani ay paraan
ng pagkilala at pagtanggap sa taglay nitong kapangyarihan
at sa pagiging bahagi nito sa kultura at pamayanan.
Sa bahaging ito, lilitaw ang ikalawang
uri ng handog/ pamana sa batang bayani. Ito’y
ang edukasyong kultural at teknikal. Bagamat pinagpala
sa kaanyuan, hiwaga, at potensiyal ang batang bayani,
mahalaga pa ring maipasa ng magulang ang kanilang kagalingan.
Pinagtitibay nito ang pakinabang ng bayani sa komunidad
o sa lipunan. Pinalilitaw rin sa puntong ito na ang
pagkabayani ay hindi lamang nadadaan sa salamangka.
Mahalaga ang pagpapatalas ng utak, katwiran, pagkamalikhain,
at kakayahan.
Sa kuwentong Darangen, naghabilin
muna si Diwata Ndaw Gibon, ang kauna-unahang hari sa
Bembaran, sa kaniyang mga anak. Inihabilin niyang dapat
maging huwaran ang mga anak upang maging pinuno. Dapat
ipamalas ang tapang at lakas para katakutan sila ng
mga mamamayan. Hinding-hindi raw dapat gamitin ang lakas
para pumaslang. Kasama rin sa habilin ang tamang asal
sa pagiging hukom kapag may sigalot sa loob ng sariling
hukbo; mahalagang ipagmalaki ang kanilang kampilan (espada)
para makilala sila bilang Ayonan. Mahalaga rin daw na
maging patas sa pagpapasiya; hindi ligtas ang kamag-anak
sa parusa. Pinakamahalaga sa habilin ng hari ang pagpapahalaga
sa pangangalaga ng mga materyal na kultura: mahiwagang
sinturon na gayuma, tore ng mga prinsesa, kanilang tahanan,
at ang agong na nagmula pa sa ninuno ng kaniyang asawa.
Sa Parang Sabil ng mga Tausug sa
Sulu, tinuturuan ang bayaning si Urang Kaya Hadjiyula
ng Banal na Koran ng kaniyang ina. Sa katunayan, tinatawag
niyang Dayang ang inang guro bilang paggalang.
Naglalakbay pa ito mula Jolo hanggang Borneo para humiling
ng ilmu (karunungan) mula sa guro doon at natatanging
kaalaman sa ilmu pagkausugan para magkaroon ng
proteksiyon sa pakikidigma. Nag-aral din siyang mangabayo.
Sa labis na galak ng ama, halos sunod-sunod
ang plano sa edukasyon ng supling na si Tudbulul gayong
kapapanganak pa lamang nito—pagkukuwento ukol
sa bubuli sa dagat, paglangoy, pagbitag ng ibon, at
paglikha ng kubol. Nais ng ama na maging dakila at kagalang-galang
na mamamayan ang sanggol (Eugenio 2001: 572).
Batang Mandirigma, Bayaning Tagapagtanggol
Walang kinikilalang edad ang kabayanihan.
Sa mga etnoepiko ng Pilipinas, ang paghulma sa mga batang
mandirigma bilang tagapanggol ng bayan at tagapagligtas
ng lahi ay patunay sa mataas na pagtingin at paggalang
sa kakanyahan ng bata. Paraan din ang etnoepiko upang
ibahagi sa mga makikinig—bata man o matanda—ang
mahalagang katangiang dapat tularan mula sa mga bayaning
pangkultura.
Sa epikong Agyu, hindi ipinagkait sa batang
anak ng bayani ang makilahok sa pagtatanggol ng kanilang
pamayanan. Tulad ng kaniyang ama, ang anak ay sumailalim
sa ritwal-sayaw bago makidigma; sampung ulit na inikot
ang lupain ng Tigyandang at siyam na ulit namang inikot
ang sabang (junction) ng Muda'udan. Pagkaraan
nito'y tinahak na ng bata ang dalampasigan para makidigma.
Libo-libong kaaway ang napaslang ng bata sa loob ng
dalawang araw. Pagkaraan ng apat na araw, napatahimik
ang mga kaaway at makikita sa paligid ang mala-bundok
na dami ng mga bangkay. Sabi pa ng batang mandirigma
sa mga kalaban:
See my headress
look at my gear
it will be hard for you to wipe my country
of Matig’ayun na Yandang
Impossible for you to slaughter my people
at the junction of Mudan’udan.
(Castro et al. 1983: 59)
Tutol man ang amang si Salaria, sinuong
ni Sandayo ang larangan ng digma. Katwiran ng ama, napakabata
pa nito at hindi kaya ang paglalakbay; may tumutulo
pang gatas mula sa kaniyang labi at hindi pa naawat
sa pagsuso sa ina. Gayunpaman, ang inang si Bae Salaong
ang nag-alay ng gintong espada sa sanggol na mandirigma.
Sipatin natin ang sipi mula sa teksto:
He took the sword
And tucked it in his waist.
The sword of Sandayo
Dragged on the floor
Scraping the mat,
So small the child.
Sandayo strutted
Towards the door.
Brandishing the sword
His golden sword;
Seven times he hurled it,
And seven times he caught it.
(Eugenio 2001: 540)
Ganito rin ang kaso ng batang si Lam-ang.
Nag-alala ang kaniyang inang si Namongan sa sanggol
na anak na nagpasyang hanapin ang amang nakikidigma
sa mga Igorot—“mga paa mo’y tila pamaling
kawayan/ mag bisig mo’y tila karayom pa lamang/
Di pa malakas ang iyong katawan/ sa loob ng siyam na
buwan lamang” (Acacio 1969: 42). Gayumpaman, tinungo
pa rin ng sanggol ang lupalop ng Kaigorotan, dala-dala
ang mga agimat na bato ng sagang (mailap na hayop
na kahawig ng pusa na may matalas at maapoy na mga mata),
bato ng tangraban (ibong malaki-laki sa pugo),
bato ng ibong lawlawigan (maliksing ibong magaling
umawit), at bato ng mailap na musang (uri ng
pusang-bundok) (Acacio 1969: 43).
Sa epikong-bayan ng mga Bikol, hinandugan
ng bayaning si Handyong ang kasama nitong kabataang
si Bantong ng libong mandirigma bilang katulong sa pagpaslang
kay Rabot, na kalahating-tao, kalahating-halimaw (Espinas
1996: 19). Binigyan ng pagkakataon ng nakatatandang
bayani ang bata para patunayan ang halaga nito sa pagtatanggol
ng bayan laban sa kaaway. Mahahalagang aralin naman
sa pamumuno, pagiging hukom, at pakikidigma ang alay
ni Haring Gibon sa mga batang anak nito sa mga kuwentong
prosa mula sa Darangen. Sa Hudhud hi Aliguyon ng
mga Ifugao, hindi lamang sinanay ang batang mandirigmang
si Aliguyon sa pakikidigma, kundi hinanda rin ito bilang
pinunong-espiritwal ng kaniyang hukbo.
Sa mantukaw naman ng mga Bukidnon, makulay
na isinalaysay ang pakikidigma ni Binembi, batang anak
ni Agyu. Hinahanap ng bata ang kaniyang ama at napag-alaman
niya mula sa kaniyang mga tiyahin na ang ama at ang
hukbo nito ay matagal nang hindi nakababalik mula sa
labanan. Pagkaraan nito, nabulabog ang kababaihan ng
Yandang. Sa bukana ng ilog, namasdan nila ang libo-libong
mandirigmang nasa tabing-dagat ng Mudan-udan. Nabahala
ang mga tiyahin ni Binembi dahil wala silang tagapagtanggol.
Anila, “Mga kapatid, ano’ng gagawin natin?
Walang naiwan ni isa mang lalaki dito sa Kuta. Lahat
ay sumama kay Agyu sa digmaan.” Agad namang hinarap
ng sanggol ang napipintong digmaan. Sabi ng sanggol,
“Sabihin n’yo sa akin kung nasaan ang aking
mga sandata.” Hiningi niya ito sa kaniyang mga
tiyahin at maging ang baluti na iniwan ni Agyu para
sa anak. (Lumisan si Agyu at nakidigma nang hindi pa
isinisilang ang anak na si Binembi.) Agad namang isinuot
ng bata ang kaniyang damit pandigma: ang baluting limbutung,
balaraw, kalasag, at sibat. Nagpahanda pa siya ng nganga
sa mga kapatid na babae ng ama. Sa pagnganga ni Binembi
nito, lumaki siya nang lumaki. Pero hindi pa rin maitago
ng mga tiyahin ang pag-aalala sa bata. Nakiusap itong
huwag bumaba sa tahanan at makipaglaban. Sabi ng mga
tiyahin, “Pakiusap Binembi, huwag kang bumaba
at makipag-away. Nag-iisa ka lamang at bata ka pa upang
makipaglaban.” Ngunit hindi pa rin nila mapigilan
si Binembi ng Kapukaw, si Dayday ng Enaw-enaw. Pagtapak
ni Binembi sa lupa, lumubog siya hanggang tuhod dahil
sa bigat niya. Sumayaw pa siya ng saut, ang pandirigmang
sayaw, bago harapin ang kaaway ng Nalandangan (Unabia
1996: 294-295).
Hindi naman mahuli ng mga kaaway ang maliksing
si Binembi dahil sa mabilis nitong kilos na inihalintulad
sa ibong layang-layang. Hindi naglaon, natuklasan ng
hukbo ni Agyu ang pakikidigma ng kaniyang anak na sanggol
sa Nalandangan. Nakilala niya ito sa mga gamit pandigma
nito. Sabi ni Agyu sa kasama niyang mandirigmang anak,
“A, `yon ay kapatid mo na hindi isinisilang nang
tayo’y umalis. Nakakaawa naman ang iyong nakakabatang
kapatid na nag-iisang nakikipaglaban sa libu-libong
kaaway.” Labis na nagalak si Agyu dahil naipagtanggol
ng sanggol na Binembi ang lupang pangako at kababaihan
laban sa kaaway. Sa katunayan, kalahati na ng bilang
ng kaaway ang napatay ni Binembi. Sa pagod ni Binembi
sa digmaan, pinagpahinga ni Agyu ang bunsong anak sa
baklaw (pulseras na nakalagay sa bisig). Sabi
ni Agyu, “Anak ko, magpahinga ka muna sapagkat
pagkakataon na naming makipaglaban.” Siya at ang
kaniyang hukbo ang nakidigma sa natitirang kaaway (Unabia
1996: 296-297).
Pagtuklas ng Pangalan, Pagsaliksik sa
Ama
Bakit nakikidigma ang mga batang bayani?
Kagyat na matutukoy ang paghahanap at pagtatanggol sa
ama ang pangunahing dahilan sa paglalakbay, pakikipagsapalaran,
at pakikidigma ng isang bayani. Ito ang layunin ng mga
sanggol na sina Lam-ang, Taake, Banna, Aliguyon, at
Binembi. Pagkasilang na pagkasilang ng mga bayani, una
nilang hinanap ang kanilang mga ama. Pagkaraang malaman
ang sitwasyon ng magulang, magiting nilang hinarap ang
hamon ng adbentura. Itinatampok sa bahaging ito ang
pagpapahalaga ng mga kultura sa pinag-ugatan ng kanilang
lahi, gamit ang simbolo ng ama.
Naiiba sa karamihan at kinamihasnan ang
kuwento ni Pikasa. Nagsimula ang kaniyang adbentura
hindi lamang para hanapin ang ama kundi upang alamin
ang kaniyang tunay na pangalan at pinagmulan. Kahawig
ito ng buhay ni Tudbulul, na sa pamamagitan ng epiko’y
natukoy ang kasaysayang pampamilya niya—buhat
sa lahi ng mga panday; mula kay Benati, ang pinuno ng
kulog. Hindi man hayag, kumbensiyon sa bayani ng etnoepiko
ang pagbibigay-halaga ng dakilang lahi o liping pinagmulan
ng bayani. Mahalagang matuklasan ito habang bata pa
ang bayani upang magsilbing inspirasyon sa kaniyang
dakila ring tungkulin sa bayan.
Isinalarawan sa ikalawang bahagi ng kuwentong-bayang
Bukidnon na Ang Kasaysayan ng mga Unang Tao sa Gitnang
Mindanao ang pagsaliksik ng batang si Pikasa o Pikas
Indahag (Ibig sabihi’y hati o may kapansanan dahil
wala siyang tunay na pangalan at hindi niya batid ang
tunay na ama) ng kaniyang identidad at pinagmulan. Mangyari,
nagkaroon ng bawal na ugnayan sina Bai at Datu Dignanawan,
habang nasa digmaan si Sultan Lambintuen, ang bana ng
babae. Nagdalantao si Bai sa pagniniig na iyon at saka
lumisan na ang lalaki at umuwi sa bayan niyang Palintauwan.
Bilin ni Dignanawan sa buntis, kapag dumating ang tunay
na asawa, “Ilagay niya ang kanyang sibat sa kaluban
nito at ihinto na ang labanan hanggang lumaki iyang
bata na iyong dinadala ngayon. Iiwanan kita ng pitong
alipin, salapi at ginto. Sabihin ko kay Lambituen na
hindi niya bibigyan ng pangalan ang bata sapagkat ang
pangalan niya ay nandoon sa Palintauwan. Siya ay isang
datu kaya’t alam niya ang ibig sabihin nito”
(Unabia 1996: 275).
Batid ni Lambituen na hindi niya anak ang
ipinagbubutis ng asawa. Hindi naman siya nagalit sa
asawa at hinayaan pa niyang magpaliwanag sa pagdadalantao
nito. Sinunod din niya ang bilin ng datu ng Palintauwan.
At dahil hindi niya binigyan ng pangalan ang bata, binansagan
ang sanggol na “Pikasa”. Tinawag din siyang
“Pikas Indahag” ng mga tao sa bayan. Hindi
nagtagal, humingi ang bata ng pahintulot sa kinagisnang
ama upang hanapin ang tunay niya pangalan. Pinayagan
naman siya ni Lambituen. Ipinaalam niyang matutuklasan
ng bata ang kaniyang pangalan kay Datu Dignanawan sa
Palintauwan. Ipinasuot pa niya sa bata ang limbutong,
isang kasuotang pandigma at ang sibat. Dagdag pa ng
datu, “Pero tiyakin mong magbalik ka dito bago
magpitong araw. Kapag hindi ka nakabalik bago sumapit
ang takdang araw na ito, nagpapahiwatig iyan na hindi
ka kinilala at hindi ka tinanggap ng mga tao ng Palintauwan”
(Unabia 1996: 276). Sumumpa pa ang datu na maghihiganti
siya kapag nakaranas ng masamang pakikitungo ang bata
buhat sa bayan ng Palintauwan.
Nang narating na ng bata ang bayan ng mga
Maranao, itinuro sa kaniya ng isang isang tao ang bahay
ng datu. Nagtagpo ang mag-ama at sinabi ni Dignanawan
na siya ang tunay na ama at ang kaniyang pangala’y
Aliga. Binigyan din ang binata ng tungkulin—“bantay
ng apat na tribo, at tulad ng natumbang balite, walang
makakaapak sa iyo” (Unabia 1996: 277). Inutusan
ni Dignanawan ang anak na hubarin ang kasuotang Maranao
at sa halip ay isuot ang kaniyang damit, ang damit ng
isang Talaandig. Pagkaraan, nilisan ni Aliga ang bayan
ng ama para tupdin ang utos ng kinagisnang ama. Nagpahatid
naman ng handog na pitong kalabaw at pitong alila ang
datu para sa mga Maranao.
Nakabalik na si Pikas Indahag sa bayan
ng kaniyang ina. Nakilala naman siya ni Lambituen kahit
nakasuot ito ng damit ng taga-Palintauwan. Ipinabatid
ng binata ang natuklasan niyang tunay na pangalan at
ang pagiging “lantung na magbabantay sa
pintuan sa pagitan ng mga Maranao at Talaandig”
(Unabia 1996: 278).
Sa kuwentong ito, mailalatag natin ang
katutubong halagahan kaugnay sa pagkalinga ng bata—pinahahalagahan
ang tunay na identidad; may karapatan ang bata na tuklasin
ang pinagmulan; binibigyan ng karampatang paggalang
ang isang “anak sa pagkakasala”, hinahandugan
ang bata ng mga bagay (tulad ng sibat at kasuotang pandigma)
na mahalaga sa pagpapaunlad ng kaniyang sarili; hindi
isinisisi sa bata ang pagkakamali ng matatanda; at nabibigyan
ng espesyal na tungkulin ang bata kaugnay sa kapayapaan
ng magkakatunggaling bayan.
Ang Batang Bayani at ang Bayan
Bilang pagwawakas, mailalatag ang mga katutubo
at etnikong paniniwala ukol pagkabatang Filipino batay
sa mga epikong binasa. (1) Kapansin-pansing katangian
ng mga sanggol o batang bayani ang kapangyarihang makapagsalita
pagkaraan ng kanilang pagkakasilang. Si Lumalindaw,
halimbawa, ay may mahiwagang tinig na kayang magpabagsak
ng mga ibong lumilipad at ng mga buko mula sa puno.
Ano ang sinasabi nito? Malay man o hindi ang mga manlilikha
ng epiko, iginigiit nilang may tinig ang bata sa lipunan.
Marapat pakinggan ang kanilang tinig dahil may angking
kapangyarihan ito. Hindi dapat isinasantabi ang kabataan
sa mga usaping pangkomunidad o pambansa. (2) Ang “pagpapalamuti”
sa buhay ng mga bata sa epiko ay nagpapahiwatig na may
kakambal na himala ang bawat supling. Sinasabi ring
bawat bata ay mahiwaga. Nakaatang sa lipunan ang pagpapayabong
ng himala at salamangkang taglay ng bawat sanggol. (3)
Magugunita ring ang mga batang bayani sa epiko ay binibihisan
ng kasuotang pilak at ginto, at inihahalintulad sa liwanag
ng araw at pambihirang bulaklak. Inihahatid nito ang
mensaheng nararapat iaalay sa mga bata ang lahat ng
pinakamainam para sa kanilang ganap na pag-unlad. Nararapat
sa bata ang lahat ng biyayang maaari niyang matanggap.
(4) Idinidiin ng mga etnoepiko ang edukasyon at paghahasa
ng katalinuhan at kaalaman ng mga batang bayani. Ang
pagpapamana ng mga kagamitang mahalaga sa isang grupo
o tradisyon tulad ng kalasag, sibat, at balaraw ay sumasagisag
sa karunungang maipapamana sa pagpapatuloy ng isang
lipunan. Inihahatid nito ang mensaheng hindi lamang
sa pagbubuntis at pagluluwal natatapos ang pagiging
magulang. Hindi natatapos ang tungkulin ng magulang
at lipunan sa pagpapangalan sa bata. (5) Kahit sabihin
ng mga magulang sa epiko na may gatas pa sa labi ang
kanilang anak, ang paa ng bayani’y kawayan, o
tila karayom ang kanilang mga bisig, binabasag ng epiko
ang nosyong mahihina ang mga bata. Labis na kapangyarihan
ang iniuugnay sa batang bayani, higit pa sa kakayahan
ng isang karaniwang matanda. (6) At naisisilang lamang
ang bayani kapag naihandog ang tamang patnubay, pananalig
sa kanilang kakayahan, at naipamana ang karunungan.
(7) Sapagkat ang bayani ay isinisilang, hindi ng kaniyang
ina, kundi ng isang lahi o liping pinag-ugatan ng mga
epiko.
Sa pag-aaral ng pagkabata ng bayani, pagdududahan
kung dumaan nga ba sa yugto ng pagkabata ang bayani
ng mga etnoepiko. Maaaring sabihin ng ilan na wala naman
talagang yugto ng pagkabata sa buhay ng bawat bayani
dahil taglay ng mga ito katangian ng matatanda—ang
kagitingan, ang katapangan, ang kapangyarihan, ang pagmamalasakit
sa bayan. Maaaring may magsabing pinagtitibay nito ang
pagtingin sa mga bata bilang miniature adults.
Ngunit dapat isaalang-alang na ang pag-uugnay ng mga
kagila-gilalas na elemento sa batang bayani ay patunay
sa pagpapahalaga ng katutubo, etniko, at prekolonyal
na lipunang Filipino sa mga bata. Hindi ito isang anyo
ng panghahamak o pagsasantabi sa yugto ng pag-unlad
ng isang nilalang. Pinatutunayan din ng mga halimbawang
nakalap at nasipi na kapwa may potensiyal at kapangyarihan
ang bata at matanda sa lipunang Filipino. Hindi pag-aari
ng mga matatanda ang malasakit sa bayan at ang kadakilaan.
Malaki ang pagkakaiba nito nang dumating
ang mga mananakop sa kapuluan at nagpalaganap ng mga
kolonyal na teksto. Sa pangunang suri, masasabing ang
bata, bukod pa sa kababaihan, ay ang pangunahing biktima
ng kolonisasyon. Ang mga bata ang naging ehemplo ng
urbanidad batay sa pagkakahulma sa kanila bilang sibilisasdong
indio. Bata rin ang naging kasangkapan upang ipatanggap
sa nakararami ang mga aralin sa panlasa at kulturang
Kanluranin. At dahil dito, sila ang pangunahing sektor
ng lipunan na unang nahuhubog ang kamalayang kolonyal
at namamanipula ang mga paniniwala. Bata ang naging
proyekto ng mga mananakop sa pagbibigay ng sibilisasyon
at kasangkapan sa pagpapalaganap ng relihiyon, gamit
ang aparato ng edukasyon. Ang masama pa, bata rin ang
unang sinisisi sa pagpapanatili ng kamalayang makadayuhan
at kolonyal. Sa panitikang Filipino, matutukoy bilang
biktima ng kolonisasyon ang mga batang sina Urbana,
Feliza, at Modesto, sina Crispin at Basilio, sina Nena
at Neneng, si Yeyeng na naging Miss Phathupats, at ang
talambuhay ng dalagitang si Rosa na nilapastangan ng
mga sundalong Hapon noong Digmaang Pasipiko. Ang mga
natukoy ay magpapatibay sa paglupig ng mga kolonyalista
sa kapangyarihan ng mga batang bayani sa katutubo at
etnikong panitikan. Sapagkat sa kolonyal na panitikan
ng bansa, ang mga bata ay pinatatahimik at pinipipi.
Sila ang binabansot habang binubura sa kolektibong gunita
ang kabayanihan nina Binembi, Lam-ang, Sandayo, Aliguyon,
Lumalindaw, Taake, Kudaman, Labaw Donggon, atbp.
Sinasabi ng ilang kritiko at historyador
na tatlong dekada lamang ang edad ng panitikang pambata
sa bansa. Ngunit batay sa pagdukal ng mga limot at bibihirang
bersiyon at transkripsiyon ng mga epiko ng kapuluan,
maaaring mahango ang kumbensiyon ng panitikang pambata
na may perspektibong Filipino. Makatutulong ang muling
pagsasabuhay ng kuwento ng mga batang-bayani hindi lamang
bilang tugon sa misrepresentasyon ng bata sa mga kolonyal
at mala-kolonyal na teksto kundi paggigiit ng pagka-Filipino
sa panitikang pambatang inaaakusahang hango sa estetika
at impluwensiyang Kanluranin.
Mahalagang ibalik ang kapangyarihan ng
bata buhat sa epiko tungo sa kasalukuyang produksiyon
ng panitikan. Mainam ring ituro sa mga batang mambabasa
ang tradisyon ng mga Filipino ukol sa ganitong uri ng
mga kuwento. Mahalaga itong kapanabay na babasahin sa
pagtalakay ng karapatang pambata at sa pagpapaliwanag
na may natatanging pangangailangan ang bawat bata—pagkakaroon
ng sariling pangalan, tungkulin, at lugar sa lipunan;
sapat na pagkalinga; tamang edukasyon; at payapang pamumuhay.
Mangyari, ang etnoepiko ay testamento sa pagkilala sa
sanggol at bata bilang lehitimong miyembro ng isang
lipunan. Sa pamamagitan nito, napagtitibay na nasa pambansang
kaugalian ang pananalig sa kabataan bilang potensiyal
na bayaning magtatanggol ng lupang pangako, ang piraso
ng paraiso sa lupa. Kung gayon, napapanahon nang bigyang
pansin ang yugto ng pagkabata sa mga epiko dahil hitik
ito sa kabayanihang magsusulong sa pagpapanatili ng
lipunan at kultura. Kailangang idiin na ang bayani,
sa anumang panahon, sa anumang kultura, ay dumaan sa
napakahalagang yugto—ang pagkabata.
back to criticism
| home
|