criticism
Mga Pedagago sa Textbuk
ni Michael M. Coroza
Mula nang ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang bagong Basic Education
Curriculum (BEC) noong pasukan ng 2002, maraming suliranin sa pagtuturo
ang patuloy na binubuno ng mga guro sa mga pampublikong elementarya at
hay-iskul sa buong kapuluan. Dahil higit itong nakatuon sa paglinang
ng mga kasanayang pang-agham at matematika ng mga mag-aaral, ang mga
paksang tatalakayin maging sa mga asignaturang Ingles at Filipino ay
kailangang may kinalaman o hango sa agham at matematika. Walang masama
rito, lalo na para sa asignaturang Filipino. Pagkakataon ito upang mapatunayan
na intelektuwalisado at mabisang magagamit ang wikang pambansa sa mga
usaping tekniko.
Sa hangaring mapagaan ang gawain ng mga guro, may ilang kalipunan ng
mga dalubguro ngayon ang sumusulat, nagtitipon, at nagbibili ng mga pang-araw-araw
na banghay-aralin sa eksaktong magagamit para sa kabuuan ng taong-panuruan.
Wala na halos gagawin ang mga guro kundi sundin at isakatuparan na lamang
ang lahat ng aktibidad na nakahanay sa banghay-aralin. Sa gayon, alinsunod
sa isinusulong na student-centered learning ng marami sa mga kasalukuyang
eksperto sa larang ng edukasyon, facilitator na lamang talaga ang guro.
Nabuklat naming ang isang kalipunan ng banghay-aralin na ginagamit
ng mga guro ng Filipino sa Pateros National High School. Ayon sa aming
napagtanungan, inakda ng isang pangkat ng mga gurong taga-Quezon City
ang apat na tomong kalipunan ng banghay-aralin. May magandang binding
ngunit wala ni pahinang pampamagat o pampag-aari at wala ring pahina
ng mga nilalaman, ipinagbibili ang bawat tomo sa halagang 150 piso. Bawat
guro ng Filipino sa nasabing paaralan ay may sari-sariling sipi ng tomo
ng mga banghay-aralin para sa antas ng mag-aaral na kanilang tinuturuan.
Pangklase sa ikatlong taon ang nabusisi namin. Sa antas na ito, alinsunod
sa BEC, itinuturo ang teorya at panunuring pampanitikan. Ang leksiyon
para sa unang linggo ng unang markahan ay tungkol sa “Mga Elemento
ng Tula.” Agad na hihinalain ng sinumang malay sa mga kalakarang
kritikal na pormalismo ang saligan ng ganitong aralin.
Ang akdang susuriin o gagawing lunsaran ng pagtalakay ay ang tulang “Sa
Aking mga Kabata” na sinasabing sinulat ni Dr. Jose Rizal noong
walong taong gulang pa lamang siya. Sa banghay-aralin, “kababata” sa
halip na “kabata” ang inilagay na salita sa pamagat gayong “kabata” ang
ginagamit sa mga kritikal na edisyon nito. Sa pang-apat na taludtod ng
huling saknong, nagging “lawa” ang salitang “laot” sa
mga kritikal na edisyon ng tula. Sa ibaba ng tula, inilagay ang “Taong
1896 — Rizal” bilang indikasyon marahil kung kailan nalikha
ang akda. Ngunit kung paniniwalaan ang alamat, hindi maaaring sinulat
ito ni Rizal noong 1896. Ang totoo, isang dekada na halos ang nakalilipas
mula nang bitayin siya at panahon na ng Amerikano nang matuklasan at
maipalathala ito na nakapangalan sa kaniya. Kaya nga pinagdududahan kung
siya nga ang may-akda nito.
Sa pagsipi pa lamang ng tekstong pag-aaralan, mukhang may problema
na ang mga gumawa ng banghay-araling tinutunghayan natin.
Sa banghay-araling ito, kasanayang pampanitikan na lilinangin ang “pagpapaliwanag
sa mga kaisipang nakapaloob sa akda.” Kasanayang pampag-iisip naman
na lilinangin ang “pagbubuo ng konsepto.” “Pagmamahal
sa wika” naman ang halagang pangkatauhan (human values) na bibigyang-diin.
Sa bahaging ito pa lamang, mapupuna na nating tila lihis sa paksa (Mga
Elemento ng Tula) ang mga inihanay na kasanayan at pagpapahalaga.
Lalo nang lihis sa paksa ang mga tiyak na layuning pang-araw-araw (para
sa buong linggo) na sumunod na inihanay:
A. Nakapaglalahad ng mga pansariling karanasan kaugnay sa mga karanasang
nakapaloob sa akda.
B. Mga Layuning Pampagtalakay
B.1 Pagsusuring Panlinggwistika
Napipili at nabibigyang kahulugan
ang mga piling kaisipang
nakapaloob sa akda.
B.2 Pagsusuring Pangnilalaman
Nailalahad ang bisa ng mga kaisipang
nakapaloob sa akda
batay sa repleksiyon nito sa mambabasa.
B.3 Pagsusuring Pampanitikan
Nasusuri ang tula batay sa elemento
nito.
C. Natutukoy ang bisang
pandamdamin at pangkaisipan ng akda.
D. Nakasusulat ng tulang nagpapakita ng iba’t ibang paraan ng
pagmamahal sa bayan.
Maituturing na bahagi lamang ng gawaing pangganyak ang layunin A. Ngunit
ang pagbabahagi ng mga mag-aaral ng karanasang kaugnay ng karanasang
nakapaloob sa akda ay nangangahulugang naunawaan na ng mga ito ang tula.
Sa panimulang gawain para sa unang araw, Think or Sink ang estratehiyang
iminungkahi. Sa gawaing ito, magpapakita ang guro ng apat na larawan
(Jose Rizal, puso, alpabeto ng wikang Filipino, at isda). Magbibigay
siya ng tanong: “Ano ang kahalagahan ng wika sa isang bansa?” Magpaparinig
pagkatapos ng isang awit ang guro: “Ako’y Isang Pinoy” ni
Freddie Aguilar. (Ang totoo, kay Florante de Leon, hindi kay Freddie
Aguilar, ang nasabing awit.)
Tatanungin niyang muli ang mga mag-aaral: “Tungkol saan ang awit?
Anong kaugnayan ng awitin sa nabuong kaisipan batay sa mga larawan sa
panimulang gawain?”
Mga mag-aaral sa ikatlong taon ng hay-iskul nga kaya ang nasa isip
ng gumawa ng banghay-araling ito? Hindi kaya mag-aaral sa una o ikalawang
baiting ang nasa isip niyang tanungin ng tanong na ang sagot ay kitang-kita
o obvious naman? Maganda sanang gawaing intertekstuwal ang mailulunsad
ng hakbang na ito. Kung pagtatabihin ang dalawang teksto (ang tula ni
Rizal at ang awit ni Florante), mapaghahambing ang sinasabi ng mga ito:
magkapareho nga lamang ba o may malinaw na kaibhan? Ngunit hindi ito
naisip o sadyang hindi alam gawin ng umakda ng banghay-araling ito.
back to criticism | home |