criticism
Pagsulat ng
Kuwentong-Pambata
ni Rene
O. Villanueva
Ano ba ang esensiyal na pagkakaiba
ng kuwentong pambata sa isang kuwentong hindi
pambata?
Ito ang tanong na kailangang sagutin
ng sinomang nagnanais sumulat ng kuwento para
sa mga bata; dahil ang kuwento ay kuwento, pambata
man o hindi. Maaaring may bahagyang pagkakaiba
ang dalawa sa haba o paraan ng salaysay o sa uri
ng wikang ginagamit. Ngunit ang mga ito ay pagkakaibang
hindi esensiyal o hindi ganoong kahalaga.
Ang mahalagang pagkakaiba ay nasa
katangian ng pinatutungkulan ng kuwento. Kaya
kuwentong-pambata dahil sadyang kinatha para sa
mga batang mambabasa.
Linawin muna natin ang ilang katangian
ng sinasabi nating “batang mambabasa.”
Naiiba ito sa depinisyon kung sino o ano ang “bata.”
Sino ang “bata”?
Ayon sa Unicef ang bata ay sinomang
ang edad ay mula 18 taon pababa. Maraming kategorya
ng bata batay sa depinisyong ito. Nariyan ang
mga unborn child o batang nasa sinapupunan pa
lamang mula O hanggang 9 na buwan. Pagkasilang
ng bata, maaari siyang maikategorya sa sumusunod
na uri: sanggol o pagkapanganak hanggang tatlong
taon; pre-school o mula tatlo hanggang anim na
taon; school-age o mula anim hanggang 13 taon;
adolescent o juvenile, mula 11 hanggang 16 na
taon; young adult, mula 16 hanggang 21 taon.
Dapat ipaalala na maaaring mag-iba-iba
ang saklaw na edad ng mga kategorya depende sa
nag-uuri. Ngunit sa pangkalahatan ay magagamit
ang ganitong pag-uuri para linawin ang panahong
itinuturing na kabataan. Dapat ding tandaan na
batay sa developmental psychology bawat uri ay
may kanya-kanyang katangian. Ang mga bata sa bawat
kategorya ay may natatanging interes at pangangailangang
nararapat tugunan ng pamilya at lipunan, bagaman
hindi pare-pareho ni pantay-pantay ang kantidad
ni kalidad ng paglaki at pag-unlad ng bawat bata
sa bawat antas o kategorya.
Sa pagsulat ng kuwentong-pambata,
ang katha, sa pangkalahatan, ay nakatuon sa mga
nasa walo o sampung taong gulang pababa o sa tinatawag
natin ngayong beginning readers.
Anong klaseng mambabasa ang mga
batang nagsisimulang magbasa?
Sino ang “batang mambabasa”?
Maaaring hindi pa sila nakapagbabasa
nang mag-isa o nagsisimula pa lamang sila makakilala
sa ugnayan ng mga titik at tunog ng mga salita.
Maaaring nakauunawa na sila ng mga salita o pangungusap
mula sa pakikinig sa wikang pasalita ngunit marami
pang konsepto at kahulugan ang kailangan nilang
mantindihan. Hindi ito nangangahulugang wala o
kulang ang kakayahan nilang umunawa sa mga bagay
na nararanasan nila. Mas angkop sabihing ang mga
batang kabilang sa ganitong kategorya ay may natatangi
at sarili nilang paraan ng pag-unawa. Wala pa
silang sapat ni lubos na kakayahan para maituring
na literate individuals.
Ayon kay Piaget, ang paraan ng
pag-unawa ng mga bata sa ganitong edad ay maituturing
na animistic. Sa unang mga taon ng paglaki ng
bata, hanggang sa walo o sampung taon, ang bata
ay maaari lamang magkaroon ng napakapersonal na
pag-unawa sa mga bagay na kanyang nararanasan.
Bilang mambabasa, maaaring kailangan
pa nila ng matatanda para magbasa sa kanila. Mas
mahilig silang makinig sa mga kuwentong binabasa
sa kanila.
Ano ang kahulugan nito sa pagkatha
ng kuwentong-pambata? Maaarin nating ipagpauna
sa mga nagbabalak magsusulat ng kuwento na ang
haba ng salaysay o kalidad ng wika sa pagkukuwento
ay hindi limitado sa napakaikling naratibo ni
sa paggamit ng napakapayak sa wika.
Ang Mito ng Haba at Kapayakan ng Kuwentong-pambata
Ang dalawang katangiang ito ay
rekomendasyon lamang ng mga editor at publisista
ng kuwentong-pamba; mga praktikal na konsiderasyon
lamang. Hindi sila kabilang sa nararapat na katangiang
dapat taglayin ng kuwentong-pambata.
Batay sa karanasan ko sa pagsusulat
sa Aklat Adarna, ang rekomendadong haba ng isang
kuwento ay 14 na spread at kadalasang binubuo
ng 10 hanggang 25 linya o pangungusap o mas maikli.
Nakatuon ang haba ng kuwento sa bilang ng spread
sa halip na pahina sapagkat ang bawat spread o
dalawang pahina ay pinaghahatian ng teksto at
larawan (isang pahina o kalahating spread para
sa teksto at isang pahina o ang kabilang spread
para sa larawan). Ang rekomendadong bilang ng
linya ay para magkaroon ng espasyo sa parallel
text (teksto ng salin sa Ingles o teksto para
sa mas nakatatandang mambabasa).
Sa katangian naman ng wikang gagamitin,
isang praktikal na rekomendasyon lamang ang paggamit
ng simpleng wika sa pagkukuwento sa mga pambata.
Noong aktibo pa ako sa pagsusulat
para sa Adarna, mga katapusan ng dekada ’70
hanggang dekada ’80, hindi pa gaanong handa
ang mga akademikong institusyon sa siyentipikong
pagtaya sa kakayahan ng mga batang mambabasa.
Halos walang mga pag-aaral sa lawak ng bokabularyo
ng mga batang walo o sampung taon pababa, lalo
kung wikang Filipino ang ginagamit. Ang karaniwang
kinokonsulta ay mga pag-aaral sa mga batang mambabasa
mula Europa o Estados Unidos, na wikang Ingles
o Europeo ang gamit sabihin pa.
Natitiyak kong marami nang pag-unlad
sa ngayon sa larangang ito; ngunit mahirap pa
ring sabihin nang may katiyakan kung gaano kahaba
o kapayak ang wika ng isang kuwentong-pambata.
Kung babasahin nating muli ang
salin ng mga orihinal na kuwento ni Hans Christian
Andersen at ng Brothers Grimm, o kahit ang mga
kuwentong kabilang sa Arabian Nights kapansin-pansin
ang haba at dawag (lushness) ng mga ito. At ang
pagsasalin sa kanila sa modernong bersiyon na
mas maikli o mas payak ay hindi laging nangangahulugan
ng kapaki-pakinabang na karanasan sa pag-unawa
ng mga batang mambabasa.
Paanong Mag-isip ang mga bata
Kailangan nating balikan ang katangian
sa pag-iisip at paraan ng pag-unawa ng mga batang
mambabasa upang higit na malinawan ang isyu ng
haba at kapayakan ng isang kuwento para sa bata.
Iba ang paraan ng pag-iisip at
pag-unawa ng mga batang walo o sampung taong gulang
pababa kaysa sa ating mga may edad na. Hindi gaya
ng nakatatandang mambabasa, hindi sila objective
kung mag-isip at umunawa. Ang paraan ng pag-iisip
nila hanggang sa pagsapit nila sa age of puberty
ay karaniwang animistiko.
Sa isang batang walong taon, batay
sa halimbawa ni Jean Piaget, ang araw ay buhay
dahil nagbibigay ng liwanag. At saan kaya nagpupunta
ang araw pagsapit ng gabi? Sa isang bata, marahil
ang araw ay umuuwi sa bahay ng kanyang mga magulang
o lolo’t lola para doon matulog at magpahinga.
Upang muling magbigay-liwanag paggising kinabukasan.
Magreklamo man ang matatanda na
ang ganitong paraan ng pag-iisip ay hindi siyentipiko;
at magpanggap man ang bata na sumasang-ayon siya
sa matatanda para sila masiyahan o para maiwasan
niya ang siya ay kutyain, sa kanyang puso ay alam
ng bata kung ano ang totoo. Maaaring ilibing niya
ang paniwalang ito sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa
upang maligtas mula sa pagkalkal ng rationality,
ngunit mabubuhay at mapalalakas ito ng pagbabasa
niya ng epektibong kuwentong-pambata.
Ayon kay Bruno Bettelheim, sa "The
Uses of Enchantment," ang klasikong pag-aaral sa
silbi ng fairy tales at mga kuwentong-pambata,
“anoman ang ating edad, ang mga kuwento
lamang na sumasang-ayon sa mga prinsipyo ng pag-unawa
natin sa mga bagay ang mga kuwentong tunay nating
pinaniniwalaan.”
Pinagtitiwalaan ng bata ang mga
fairy tales at mga tradisyonal na kuwentong pambata
dahil ang “pananaw nito sa daigdig ay tulad
ng pananaw nila.”
Hamon sa Muling Pagsasalaysay ng Kuwentong-bayan
Sa kasalukuyan, maraming nalalathalang
kuwentong-pambata ang muling pagsasalaysay ng
ating mga sinaunang mito, alamat at mga kuwentong-bayan.
Sa isang banda, sinasabing mahalaga
ito dahil sa pagpapakikilala sa bata ng kulturang
Filipino. Subalit dalawang bagay ang dapat isaalang-alang
kaugnay ng ganitong tunguhin sa paglikha ng kuwento
sa mga batang Filipino.
Una ang mga alamat at mito, at
marami sa tinatawag na kuwentong-bayan ay malayong
maituring na pambata at hindi binuo sa kapakanan
ng bata.
Ang mga mito at alamat ay nalikha
sa panahong tinatawag nating “unang panahon.”
Noong ang ating mga ninuno ay hindi pa siyentipiko
kung mag-isip. Maipapalagay nating nang panahong
iyon, dahil sa kabataan ng mundo, maraming bagay
ang nakapagtataka at nangangailangan ng paliwanag.
Halimbawa, bakit minsan o may panahong
nagdidilim ang langit at bumubuhos sa lupa ang
malakas na ulan? Upang sagutin ito, lumikha ang
mga taga-Panay ng kuwento upang ipaliwanag ang
penomenon ng ulan.
Sa kuwento ng mag-asawang diyos
na sina Tungkung Langit at Alunsina, iniwan ng
babaeng bathala ang asawa dahil ayaw payagan ni
Tungkung Langit ang babaeng diyos na gamitin nito
ang kapangyarihang lumikha. Mas mabuti raw na
magkasya na lamang ang babae na magsilbing inspirasyon
ng lalaki sa paglikha ng buong sanlibutan at lahat
ng lalamanin nito, mula sa panahon, mga planeta
at iba pa. Bagaman paulit-ulitna nakiusap si Alunsina
sa asawa na bigyan siya ng pagkjakataong maging
manlilikha, nagbingi-nbingihan ang lalaking diyos
at inakalang naiinip lamang ang asawa. Kaya upang
pawin ang inip ng maybahay, gumawa si Tungkung
langit ng kulog at kidlat na gugulantang sa babae.
Hanggang sa magsawa si Alunsina sa pakikiusap
kaya iniwan niya ang tahanan nila sa langit. Matindi
ang naging kalungkutan ni tungkung Langit nang
matuklasan ang pagkawala ng maybahay. Pakiramdam
niya ay laging malamig ang kanilang higaan at
walang silbi ang kanan. Ngunit ang matinding panindim
ng lalaking diyos sa pagkawalay niya sa asawa
ay naibsan nang mapansin niya,isang araw, na may
kakaibang bagay ilalim kanilang tahanan sa kalangitan.
Nakita ni Tungkung Langit ang Daigdig na nilikha
pala ni Alunsina para patunayan (una, sa kanyang
sarili) na siya ay isa ring manlilikha. Muli,
hinimok ng lalaking diyos ang babaeng bathala
para magbalik sa piling niya sa kalangitan. Ngunit
hindi dininig ni Alunsina ang paulit-ulit mang
pakiusap ng dating asawa.
Kaya upang muling makaniig
at makatalik ni Tungkung Langit ang pinakamamahal,
kailangan niyang magpalit ng anyo, maging isang
malakas na buhos ng ulan na makabababa sa daigdig
upang bumuhos, dumilig, magpataba, at magpalunti
sa bathalang si Alunsina na nasa anyo naman ng
lupa.
Sa pamamagitan ng paghabi ng isang
marikit na kuwento ng pag-ibig, naipaliwanag ng
mga taga-Panay kung bakit umuulan. Mahihinuha
nating nakapagpagaang ng loob ng mga sinaunang
tao ang ganitong paliwanag kaysa sa hindi nila
pag-unawa sa penomenon ng pag-ulan. Ang paghabi
ng kuwento ay isang paraan ng pagsupil sa mga
takot o pagkabahala ng tao sa kanyang paligiran
at pag-unawa rito.
Sa sinaunang lipunan, ang paghabi
ng kuwento ay pagpapaliwanag sa mga karanasang
hindi madaling maunawaan. Ang mismong pag-iisip
ng kuwento ang siyang paliwanag sa karanasan,
na humahantong sa kapanatagan ng buhay o pagbaka
sa mga takot.
Sa paglipas ng panahon, marami
pang magiging paliwanag kung bakit umuulan. Halimbawa
noong panahon bago ang paglaganap ng relihiyong
Kristiyanismo, marami ang naniniwala na uulan
kapag nanawagan at nag-alay ang tao sa mga diwata
at anito na nagbabantay sa kaligiran. Katumbas
ito ng paniwala noong panahon ng Kristiyanismo
na mapipigil ang pagbuhos ng ulan sa pamamagitan
ng pag-aalay ng itlog kay Santa Clara.
Nang dumating ang panahong siyentipiko,
maaaring sa ikalawang hati ng siglo 19 nang matatag
ang meteorological observation sa Maynila sa pamumuno
ni Padre Faura, nagkaroon ng ibang paliwanag kung
bakit umuulan. Pinag-aralan ang galaw ng hangin
at iba pa penomenong pang klima at pang-atmospa.
Ipinaliliwanag na ang penomenon ng ulan sa pamamagitan
ng siyensiya. Mula sa pagmamasid at pagtatala
ng mga obserbayon. Napatunayan ang prinsipyo ng
evaporation at condensation. Dahil may siyentipiko
nang paliwanag kung bakit umuulan, ang sinaunang
alamat kaugnay ng paghihiwalay ng lalaki at babaeng
bathala ay naisantabi na at, nito na lamang kalagitnaan
ng dekada ’80, muling binuhay ng Cacho Publishing
ang alamat bilang kuwentong-pambata, gaya ng ginagawa
ng ngayon na maraming pabliser ng mga aklat para
sa bata.
Naging pambata ang mga sinaunang
kuwento dahil nagkagulang na ang mundo at yumayakap
na ang mga Filipino sa ibang paraan ng pag-iisip
at pag-unawa sa mga bagay. Isang paraang ng pag-unawa
na mailalarawan bilang batay sa realidad, empirikal,
rasyonal, lohikal at siyentipiko. Kaya ang sinuna,
matanda, pantastiko at tradisyonal na paliwanag
gaya ng kuwento nina Tungkung Langit at Alunsina,
ay naging isa na lamang katha, isang kuwento na
para na ang pangunahing silbi ay aliwin ang mga
bata.
Magkagayon man, may mahalagang
silbi pa rin ang mga ganitong kuwento. Marami
ang naniniwala na magagamit ang kuwento at mga
kauri nitong kuwentong-bayan bilang mapa ng sinaunang
paraan ng pag-iisip ng ating mga ninuno o durungawan
ng kasalukuyang Filipino sa kanilang katutubo
at nakaraang kultura, pag-iisip at paraan ng pamumuhay.
Sa maraming guro at kuwentista, ito ang pangunahing
silbi ng mga alamat, mito at kuwentong-bayan.
Ngunit sa muling pagsasalaysay
sa kanila, naniniwala akong mahalagang mabihisan
ng bagong kaalaman o halagahan para sa kontemporanyong
lipunan ang mga ganitong kuwento. Dapat pag-isipan
ng moderenong kuwentista, pambata man o hindi,
kung paanong makapaglilingod ang mga kuwentong-bayan
sa kontemporanyong mambabasa at lipunan. Hindi
sapat na muling isalaysay ang mga kuwento para
marinig ng mga bagong tagapakinig o kaya ay muli
silang isalaysay sa bagong anyo, gaya ng dulang
musikal. O isalaysay lamang sila gamit ang modernong
wika at mga kontemporanyong pamamaraang pansining.
Ang muling pagsasalaysay sa mga
kuwentong mula sa ibang panahon o lipunan ay humihingi
ng pagsasalaysay na magsisilbi sa interes ng mga
kinukuwentuhan. Kung hindi ganito, walang saysay
ang muling pagsasalaysay.
Pagpapahalaga sa Kulturang Filipino
Mahalaga ring linawin ang ideya
kaugnay ng kulturang Filpino sa muling pagsasalaysay
ng mga kuwentong-bayan.
Ang kulturang Filipino ay patuloy
na umuunlad; at sa bawat panahon ay nagbabago.
Umuunlad ito batay sa mga pagbabagong historikal,
panlipunan at iba pa. Hindi nararapat na mabalaho
ang ideya natin tungkol sa kulturang Filipino
sa isang panahon, lalo sa sinauna at di-siyentipikong
panahon.
Sa paglikha ng mga kuwento, maipakikita
ang kultura at lipunang Filipino kahit sa mga
kontemporanyong kuwento, kahit sa mga kuwentong
walang malinaw na panahon o lunan, kung ito ang
layuning minamahalaga ng isang manunulat.
Halimbawa, ang kuwentong “Unang
Baboy sa Langit” ay kuwento tungkol kay
Butsiki, ang patron ng mga baboy na “may
tala sa noo at ginto ang mga kuko.” Kakaiba
ang biik na si Butsiki mula nang isinilang siya.
Isa siyang malinis na baboy; naghihilamos siya
pagkagising, naghuhugas ng kamay bago st matapos
kumain, gumagamit ng panyo kapag buabahing, nagpapalit
ng damit-pantulog bago matulog sa gabi at nagdarasal.
Hindi lamang siya malinis, tinuruan, din niya
ng kalinisan ang mga kamag-anak at kapitbahay.
Kaya itinuring siyang kaaway ng mga ahente ng
dumi at salaula. Nagalit kay Butsiki ang mga butete
sa kanal at mga lamok sa madidilim na sulok-sulok
ng kanilang kural. Isinakdal nila ang kakaibang
baboy sa diktador na pinuno ng mga hayop; at nilitis
siya. Napatunayang nagkasala si Butsiki dahil
lumalabag siya sa kalikasan ng mga baboy sa kanyang
pagtupad sa isang malinis na buhay.
Kaya ipinagbawal ang kalinisan.
Ipinagbawal ang paglilinis ng paligid at pagiging
malinis. Dahil dito, lumaganap ang peste sa mga
baboy at marai ang dinapuan ng sakit na nagging
dahilan para iwasan ng mga tao ang pagkatay o
pagkain sa kanila. Ngunit gaya ng paniwala ni
Butsiki, “walang silbi ang isang baboy na
hindi naging litson o ni hindi man lamang naging
sitsaron.” Kaya pagsapit ng pista, ang baboy
lang na may tala sa noo ang nalitson at pinagsaluhan
ng mga tao. Ang kaluluwa ni Butsiki ay umakyat
sa langit, sinalubong ng mga anghael habang pinauulanan ng
mga kalatsutsi at sinasalubong ng masigabong pagdiriwang
ng mga banal na trumpeta. Pagsapit niya sa kalangitan,
idineklara si Butsiki bilang “unang patron
ng mga baboy.”
Paanong makapaglalarawan ng kulturang Filipino
ang isang kuwentong tungkol sa mga baboy, lamok
at butete; tungkol sa isang baboy na tumangging
maging salaula, at naniniwalang ang kabuluhan
ng pagiging baboy ay nasa pagiging masarap na
litson kung may handaan o kaya’y katakam-takam
na sitsaron sa isang salo-salo?
Malayang sumasalok ang kuwento sa balon ng kontemporanyong
kasaysayan ng Pilipinas ng mga Fiilipno. Inaalala
ng kuwento ang karanasan ng bansa sa ilalim ng
batas-militar at authoritarian regime, bukod sa
nililingon nito ang isa sa pinakamaking imahen
sa kulturang popular, ang pahayag ni Elsa (na
ginampanan sa pelikula ni Nora Aunor) na “Walang
Himala!” Maaaring makaligtas sa bata ang
obhetibong halaga ng ganitong reperensiya, ngunit
maaaring masapul nila ang kahulugan ng paniniil
at kawalang hustisya ng sistema sa isang baboy
na ang nais lamang naman ay magtaguyod ng kalinisan.
Ang halaga ng kalinisan ay isang bagay na madalas
itagubilin ng matatanda sa mga bata; at maraming
bata ang sumusuway dito. Sa pamamagitan ng parikalang
paglalahad o pagbaligtad sa sitwasyon (ang ipinatutupad
ng lider ay pagiging marumi, na sinuway naman
ni Butsiki), inaasahang mauunawaan ng bata ang
kahulugan ng pagsunod at pagsuway sa alituntunin,
bukod sa naging bunga ng pagiging marumi.
Napahahalagahan din sa kuwento ang papel ng bata.
Ipinakikita sa kuwento na ang bata ay hindi lamang
laging tagasunod sa mga itinatagubilin ng mga
nakatatanda, minsan maaari din siyang sundan at
sundin ng iba; na ang bata ay makapamumuhay nang
may kimkim na lihim (ang pagiging malinis ni Butsiki,
sa kabila ng pagiging marumi ng mga kasambahay
sa kural), bagaman ang ganito ay makapaghahatid
ng kapahaman sa kanyang mga kapamilya. Isa rin
ito sa susi kung bakit kapana-panabik ang bahaging
ito ng kuwento: ano kaya ang ibubunga ng lihim
ni Butsiki? Tinutugunan din nito ang takot o pag-aalala
ng bata na maging mitsa siya ng kapahamakan o
disgrasya sa pamilya. Karaniwan ang ganitong pag-aalala
sa bata; ang mga kakulangan nila (kawalang kasanayan
sa maraming bagay, gaya ng di-wastong pagkilos,
walang sapat na kakayahang maipaliwanag ang sarili)
ay maaring humantong sa kasawian ng mga kasambahay,
gaya sa nangyari sa mga kaanak ni Butsiki.
Dahil may kultura sa bawat panahon at ang kultura
ay laging napapanahon, naniniwala rin ako na isang
mahalagang katangian ng kuwentong-pambata ang
pananaw nito sa kultura ng batang mambabasa. Makikita
ito sa kuwentong naganap sa kontemporanyong panahon
at sa lugar na madaling makilala ng mga pamilyar
sa urban poor.
Sa “Ang Makapangyarihang
Kyutiks ni Mama,” ikinawing sa napapanahong
kuwento ang natatanging paraan ng pag-iisip ng
bata.
Akala ng Batang Babae na pangunahing
tauhan sa kuwento, ang mama niya ay isang doktor.
Kasama-sama kasi siyang lagi ng ina sa pagpunta
sa iba-ibang bahay; ang mama niya ay laging may
dalang bag na kinalalagyan ng mga botelya na sari-sari
ang kulay. Naihambing niya ang Mama niya kay Doktora
Santiago na ipinatatawag ng ina tuwing siya ay
maysakit. Gaya ng Mama niya, si Doktora ay lagi
ring may dalang bag na may sari-saring gamot.
Napansin din niya ang mga babaeng
nagpapatawag sa kanyang mama. Sila’y malulungkot,
matatamlay at mukhang may problema, parang gaya
ng nararanasan niya kapag siya ay may karamdaman
at hindi makapaglaro sa labas ng bahay. Ngunit
sa sandaling bigyan sila ng gamot ng kanyang mama
mula sa makukulay na botelya, nagbabalik ang kulay
at saya sa kanilang mga mukha. “Matapos
silang pahiran ng kyutiks ni mama, ngumingiti
sila. Parang mga batang babaeng naghahalakhakan.”
Maaring matagal pa bago matuklasan
ng bata ang katotohanan, na ang ina niya ay hindi
doktora kundi isang manikurista, ngunit hindi
na iyon ang mahalaga.Ang mahalaga ay nasa tapat
na pagmamalaki at lantay na paghanga ng isang
bata sa kanyang ina, dahil sa kakayahan nitong
makatulong sa kapwa. Hindi direktang nangangaral
ang kuwento tungkol sa dignity of labor, respect
for women, mutual help among women, o iba pang
malalaking aral na maaaring matukoy sa kuwento.
Bagaman makikita sa kuwento ang
mga ito, ang aral o pagpapahalaga ay ipinababahala
sa bata. Hindi idinuduldol o ipinangangalandakan
sa babasa. Kaya hindi rin dapat salungguhitan
o bulatlatin sa pamamagitan ng tiyak at malinaw
na paliwanag ng sinomang babasa ng kuwento sa
bata.
Sa mga hindi mapapalagay kung hindi
kami magbibigay ng tahasang gabay sa pagsulat
ng kuwento sa bata, lilinawin natin ang paliwanag
ni Feny de los Angeles ng Community of Learners,
tungkol sa dalawang bukal ng mga kuwentong-pambata.
Bawat kuwento ay mauugat sa kultura.Una
sa kultura ng bata. Pangalawa sa kultura ng kabataan.
Ang kultura ng bata ay tumutukoy
sa lahat ng maraming konteksto ng mga batang Filipino;
sa kanilang kinalalagyang komunindad, sa kinabibilangan
nilang kasaysayan, tradisyon at uri ng pamumuhay.
Bawat batang Filipino ay napaliligiran ng kasaysayan,
tradisyon, grupong-panlipunan, uri ng pamumuhay
at paniniwala at marami pa. Lahat nang ito ay
maaaring maging balon ng mga kuwento na mapaghahanguan
ng kuwento ng sinomang nagnanais makasulat ng
kuwentong-pambata. Samantala, tumutukoy naman
ang kultura ng kabataan sa lahat ng tao, lugar,
damdamin, at karanasan ng bawat batang Filipino
kaugnay ng kanyang pagiging bata, ng kanyang paglaki
at pagkakagulang.
Bilang pangwakas, inaanyayahan
ko kayong magbasa ng mga modernong kuwentong-pambata
na sinulat ng mga Filipinong kuwentista para sa
mga batang Filipino.; kasabay ng hamong suriin
ang bukal na pinaghanguan sa mga ito o ang nangingibabaw
na paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mundo.
Maraming salamat sa inyong
panahon at pakikinig.
back to criticism | home |