drama
Karitas at Damaso
ni U
Z. Eliserio
Synopsis
Isang musical. Pagsasadula ng banal
na soneto ni John Donne, kung saan nagsasalita ang
isang makasalanan, na tumatawag sa Diyos, at ang katapusang
linya'y: "[I am] never chaste lest you ravish
me." Eksaminasyon ng papel ng pananampalataya
sa ating mga ideya hinggil sa sex, pag-ibig at tungkulin.
MGA TAUHAN
JUANA DONNA - ginahasa, may kumot na
nakabalot sa ulo, Maria Clara get-up
SALVE REGINA - madre, payat na payat
DAMASO - pari, mataba
KARITAS - madre, mataba
KORO - apat na babae, apat na lalake,
lahat nakabahag
PANAHON AT TAGPUAN
Kasalakuyan sa simbahang pipitsugin.
Altar sa gitnang likod. Pambilyar ang mesa sa gitnang
harap. Sa kaliwang likod ay may confessional booth.
Sa kanang likod ay may estatwa ni Jesus, nakapatong
sa platapormang may gulong. Nakakalat ang maraming
monoblock sa paligid. May dambuhalang krus sa likod
ibabaw ng altar, kung saan nakapako ang mga kasama
sa koro. Isa sa gitna, isa sa ibabaw n’ya,
dalawa sa kanyang kaliwa, dalawa sa kanyang kanan,
at dalawa sa kanyang ilalim.
Naghahalikan sina DAMASO at KARITAS.
Nakahubad si DAMASO, nasa mesa ang kanyang abito.
May rosaryo sa sahig. May maririnig na katok.
SALVE REGINA (Voice-over): Padre,
Padre Damaso.
Mabubulabog ang dalawa.
Kukunin ni KARITAS ang abito, pero ipatutulakan s’ya
ni DAMASO papasok sa confessional booth.
DAMASO (Ihahampas pasara ang pinto
ng confessional booth.): Pasok!
Bubuksan ni KARITAS
ang confessional booth. Ibabato n’ya ang abito
kay DAMASO. Palitan sila ng flying kiss.
Isasara ni KARITAS ang confessional booth.
DAMASO: Ay, teka lang muna! (Magbibihis.
Makikita ang rosaryo sa sahig, pupulutin ito at popormang
nagdarasal.) Sige, pasok na!
Papasok si SALVE REGINA,
kasunod ang nakatungong si JUANA DONNA.
DAMASO: Sumainyo ang panginoon.
SALVE REGINA: Sa inyo na lang.
DAMASO: Itaas ang inyong puso at isipan.
SALVE REGINA: E di namatay na kami
nun.
DAMASO: Hindi pa naman n'ya tayo pinapatay.
SALVE REGINA: Marapat na s’ya
ay pasalamatan.
Masalimuot na frat secret
handshake.
SALVE REGINA (Iuupo si JUANA DONNA
sa monoblock.) Ito na po s’ya.
DAMASO (Bulong.) Muslim na
magpapaconvert?
SALVE REGINA: Ang babaeng ginahasa
ni Padre Abraham!
DAMASO (Tatango kay JUANA DONNA.)
Tama, tama. H’wag ka nang mag-alala pa sa kanya.
Nakamit na n’ya ang karampatang parusa. Nilatigo
namin s’ya. At ang mga sugat na resulta’y
sinabuyan ng alcohol. Kinutusan din s’ya.
Pinaddle. Binayagan.
JUANA DONNA: Nasaan na po s’ya
ngayon?
DAMASO: Nagmimisa sa kabilang parokya.
(Hahawakan ang ulo ni JUANA DONNA.) Pero
hindi pa tapos ang kuwento ko tungkol sa kanyang mga
parusa. PAgkatapos bayagan, dinuro s’ya ng
mga semenarista at sakristan. Binato ng kamatis…
JUANA DONNA (Sisingit.) Hindi
naman po kaparusahan n’ya ang aking nais.
DAMASO (Parang walang narinig.):
Pinakain ng limang patola sa isang upuan, pina-inom
ng chocolate milk shake sa loob ng MMDA male urinal…
SALVE REGINA: Pero Padre-
DAMASO: Pinaluhod s'ya sa munggo, sa
bigas, sa mais, sa bubog. Pina-inom ng tatlong bote
ng beer at hindi pinaCR.
JUANA DONNA at SALVE REGINA: Padre
Damaso, hindi pagpapahirap kay Padre Abraham ang kailangan!
DAMASO (Gulantang.) Ha? Ano
ang inaasahan n’yo mula sa simbahan?
JUANA DONNA: Ang nais ko po’y
maibalik ang aking pagiging birhen.
SALVE REGINA at DAMASO: Hu-what?
JUANA DONNA: Narinig n'yo ako. (Tatayo.)
Mula bata’y asawa lang ang hinanap ko. Pangarap
ko’y ikasal nang grande, labasan ng sampung
barako. Hindi po ako dadalhin sa altar ng aking nobyo
kung malaman n’yang nakantot na ako.
SALVE REGINA: E hija, sa honeymoon
n’yo pa n’ya malalaman ang pagkabiyak!
JUANA DONNA: Ayaw ko pong magsinungaling
sa kanya.
SALVE REGINA: Tapos na! Hindi na magiging
payapa ang inyong pagsasama.
JUANA DONNA: Ang aking pagiging birhen
ang pinakamahusay na regalong aking maibibigay sa
aking magiging asawa. (Uupo.) Nais ko lang
pong maging karapat-dapat sa kanya.
DAMASO: At ano naman iyong plano?
JUANA DONNA: Nais ko pong magkumpisal.
SALVE REGINA at DAMASO: Kumpisal?
JUANA DONNA. Opo. (Ituturo ang
confessional box.) Doon po.
SALVE REGINA: Susmaryosep, 'yun lang
pala. Sige, pwedeng-pwede.
DAMASO: Susmaryosep, may nangungumpisal
pa rin pala sa panahong ito.
SALVE REGINA: May problema?
DAMASO: Hindi s'ya maaaring magkumpisal.
SALVE REGINA at JUANA DONNA: At bakit
naman hindi?
DAMASO: Dahil, dahil, dahil. (Patlang.)
Basa ang pintura ng confessional box.
SALVE REGINA: E di rito ka na lang
mangumpisal Juana Donna. (Akmang aalis.)
Pa’no, iwan ko muna kayong dalawa.
JUANA DONNA: Mawalang-galang po, kaya
ako may kumot sa ulo para hindi makilala. Hindi po
yata makakatulong kung tatawagin n’yo ako sa
buo kong pangalan. Saka po, mula nang ako’y
magahasa ay ayaw ko nang maiwan sa kwarto nang pari
lang ang kasama. Lalo na sa simbahan. (Patlang.)
At hindi sa nagpapaawa ako, pero maawa naman kayo.
Hindi na nga tuna yang unang karanasan ko ng pagtatalik.
Pati ba naman sa pangungumpisal ko’y gaganapin
sa gitna ng mga monoblock?
DAMASO: Nagahasa ka lang ang arte mo
na.
SALVE REGINA: Padre, konting pag-intindi.
(Lalapit sa confessional box.) Halina Juana
Donna, mas mabuti nang madungisan ng pintura kaysa
manatiling madumi ang puri.
Susunod si JUANA DONNA.
DAMASO: Huwag! (Hindi s'ya pakikinggan.)
Huwag! May mas mainam na paraan. (Mapapatititig
sa kanya ang dalawang babae.) Dito’y parang
itinahe ng sastre pabalik ang iyong puke.
JUANA DONNA: Muling pagbibinyag?
SALVE REGINA: Pagpapapako sa krus?
DAMASO: Hindi. (Bubuntong hininga.)
Dasal itong magreresulta sa isang himala. Binabalaan
ko kayo, matataas na pari lamang ang nakaaalam nito.
Hindi maaaring ipagsabi.
SALVE REGINA: Kung gayon ay bakit mo
ipapaalam sa amin?
DAMASO: H'wag ka ngang kontrabida.
Gusto ko lang linisin si Juana Donna.
JUANA DONNA: Maraming salamat Padre!
Kayo lang ang mabuting pari sa aking buhay ngayon.
Paano po, paano ko po maibabalik ang aking pagiging
birhen?
DAMASO: Magpakantot ka kay Kristo.
SALVE REGINA: Padre! Anong uri ng
birhen ang magpapakantot? Kahit na si Kristo po ang
kantutero!
DAMASO: Ang isip ng tao ay hindi isip
ng Diyos. H’wag subukang intindihin ang hindi
maaaring intindihin. Hindi ba’t ang Diyos ay
tatlong iisa?
KORO: Amen! Alleluia! Purihin ang
Panginoon!
DAMASO: At ang mga bulag, kanyang pakikitain?
KORO: Amen! Alleluia! Purihin ang
Panginoon!
DAMASO: Kung gayon, walang imposible
sa Diyos. Kahit patay ka n’yang buhayin.
KORO: Amen! Alleluia! Purihin ang
Panginoon!
DAMASO: Samakatuwid, ang kinakantot
ni Kristo, nagiging birhen.
SALVE REGINA at JUANA DONNA: Amen!
Alleluia! Purihin ang Panginoon!
DAMASO: Bueno, simulan na natin. Dahil
banal na ritwal, kailangan ng kandila.
Maglalabas ng isang
metrong kandila si SALVE REGINA.
DAMASO: At insenso.
Maglalabas ng timba
si JUANA DONNA. Maamoy ang insenso.
DAMASO: At higit sa lahat, pera!
JUANA DONNA: E kung imasking tape ko
na lang kaya ang punit na puke ko? (Akmang aalis.)
SALVE REGINA: Huwag Juana Donna! Isipin
mo ang iyong magiging asawa!
JUANA DONNA: Kumpisal lang naman ang
ipinunta ko rito. (Lalapit sa confessional box.)
DAMASO: Huwag! (Hindi s'ya pakikinggan.)
Sige na, hinawakan ng Espiritu Santo ang aking puso.
Libre na ang iyong pagpapakantot kay Kristo.
JUANA DONNA (Sisindihan ang kandila.)
Simulan na natin. Baka bawiin mo pa ang iyong sinabi.
DAMASO: Sige. (Lalapit sa estatwa.
Itutulak ito nang pasayaw.) Tara na!
Lalabas ng confessional
box si KARITAS. Bubuo ng snakeline ang apat.
DAMASO (Kakanta.):
Saktan mo ako Diyos ko
Dito ako masaya
Sa hagupit at lupit
Ng banal kong papa
Hampasin, bunuin
Lahat aking titiisin
Gaano man ang kirot
Paghihirap tatanggapin
Kantutin, kantutin
Kantutin mo 'ko Kristo
Halina, kabayuin ang kaluluwa ko!
(Salita.) Sabay na!
LAHAT pati KORO:
Kantutin, kantutin
Kantutin mo 'ko Kristo
Halina kabayuin ang kaluluwa ko!
Kantutin, kantutin
Kantutin mo 'ko Kristo
Halina kabayuin ang kaluluwa ko!
Ang kaluluwa ko!
Ang kaluluwa ko!
Babalik si KARITAS sa confessional
box. Uupo ang tatlo sa monoblock.
SALVE REGINA: Ang husay mo talaga Padre!
DAMASO: Hindi ako kundi ang Diyos ang
mahusay. (Kay JUANA DONNA.) Magling ka nang
muli anak. Humayo at magpakarami.
JUANA DONNA: Hindi pa rin naman po
ako birhen muli. Walang nagawa ang inyong dasal,
kanta at ritwal.
SALVE REGINA: Erehe!
DAMASO: Filibustero!
DAMASO at SALVE REGINA: Gusto mo bang
itakwil ka ng Simbahan?
JUANA DONNA (Tatakbo patungo sa
confessional box.) Nais ko lang namang magkumpisal.
(Bubuksan ang pinto.) Halina Padre, patawrin
n’yo na ako.
KARITAS (Lalabas mula sa confessional
box.) Susmaryosep Dam-dam, tatlong araw na akong
patay sa loob!
DAMASO: Madre Karitas, nariyan ka pala!
SALVE REGINA: "Dam-dam"? Mahal, anong
ibig sabihin nito?
JUANA DONNA: Hindi ba obvious?
DAMASO at SALVE REGINA: Shut up!
KARITAS: Panahon na siguro para sabihin
ko. Mahal ko kayo pareho! (Uupo sa mesa.)
Ok lang ba?
DAMASO: Ok lang, handa ako, basta masaya
ka.
SALVE REGINA: Hindi ba parang buffet
table ka n’yan?
KARITAS: Hindi naman. (Lalapit
kay SALVE REGINA.) Actually, para akong pumipili
sa buffet table. (Patlang.) At kayo ang pagkain.
(Kukunin ang kamay ni SALVE REGINA. Kakagatin
ito.)
SALVE REGINA: Ayaw ko yata sa threesome.
DAMASO: Hindi naman threesome. Wala
naming mangyayari sa ating dalawa.
KARITAS: Tiyak 'yon!
JUANA DONNA: Mawalang-galang po. Paano
na ang problema ko?
DAMASO: Shut up sinabi!
KARITAS: Huwag ka namang ganyan. Ikaw
kaya ang magahasa. Kumpisalin mo na kasi.
DAMASO: Ok, sige. Halina sa confessional
box.
JUANA DONNA: Ayaw ko nga!
DAMASO: Kanina gustong-gusto mo, ngayon
ayaw mo? Ang mga babae talaga, pabago-bago ng isip!
SALVE REGINA: Ang sexismong ganyang
ay kaakibat ng panggahasa. Gamit ng mga lalake para
mang-api ng babae.
KARITAS: Bakit nga ba ayaw mo na?
JUANA DONNA: Bakit naman ako hihingi
ng tawad sa isang makasalanan? Baka mapunta akong
impyerno, tulad n’yong tatlo!
SALVE REGINA: Aba! Unang-una, walang
masama sa relasyon namin sa isa’t isa. Consenting
adults naman kami. Pangalawa, lahat naman ng pari
makasalan. Kanino ka magkukumpisal?
JUANA DONNA: Didiretso ako sa Diyos!
Tatawa ang tatlo, pati
ang KORO.
KARITAS: Ano ka, Protestante?
SALVE REGINA: Mas malala: born again!
JUANA DONNA: H'wag nga kayong mang-insulto!
Basta, kaya kong humingi ng himala mula sa Diyos nang
hindi dumadaan sa pari, o nagbabayad sa simbahan.
DAMASO: Good luck sa 'yo! Alam mo
ba kung gaano kahirap gumawa ng dasal. At para maging
epektibo, kailangan mong ikanta. Kaya mo bang kumanta?
JUANA DONNA: Oo naman!
SALVE REGINA: Aber, sige nga. Birit!
Banat!
JUANA DONNA (Kakanta.)
Diyos ko bakit?
Diyos ko bakit?
Ako hinalay?
Lagi namang nagdadasal.
Diyos ko sana
Ibalik N’yo
Ang pagka—
Birhen ko.
Mahabang patlang. Unti-unting tatawa
ang KORO. Sasama si DAMASO at ang dalawang madre.
JUANA DONNA (Mauupo sa monoblock.):
Bakit? Bakit ganito ang sagot ng langit?
Mapapatigil si SALVE
REGINA. Sisikuhin n’ya ang dalawa para tumigil
din sila. Tatabihan n’ya si JUANA DONNA. Unti-unting
titigil sa pagtawa ang KORO.
DAMASO: H'wag kang mag-alala.
SALVE REGINA: Hindi mo kasalanan.
KARITAS: Ganyan lang talaga ang Diyos,
mahilig manggago.
DAMASO at SALVE REGINA: Ano ka ba?
H’wag ka ngang lapastangan!
KARITAS: Kayo ang tumahimik! Mag-aminan
nga tao! (Patlang.) Noong ginahasa ako—anong
ginawa n’ya?
JUANA DONNA: Ibig mong sabihin, nagahasa
ka rin?
SALVE REGINA: Susmaryosep, h’wag
ka ngang inosente. Madre s’ya, siyempre nakaranas
s’ya ng panggagahasa. Ako nga e—
DAMASO: Paramihan na lang!
KARITAS: Limang beses akong nagahasa.
SALVE REGINA (Sisinghal.) Iba-iba?
KARITAS: Iisang tao lang. (Patlang.)
Pero Obispo! Laban ka?
SALVE REGINA: Para malaman mo, pitong
beses na akong nagahasa, ng iba-ibang lalake! Isang
Obispo, isang cardinal, at isang beses—gang
rape! Tatlong sakristan!
JUANA DONNA: Paano n'yo natitiis?
SALVE REGINA at KARITAS: Hinayaan ng
Diyos, ibig sabihin, tama. Karangalan namin ang maghirap
sa ngalan n’ya.
JUANA DONNA: Hindi ko kayang tanggapin
ang nangyari sa akin.
DAMASO: Kaya mo 'yan. (Tatayo,
pupunta sa altar.) Teka lang ha? (Maglalabas
ng ostya at alak.)
KARITAS (Tatayo at tutulong kay
DAMASO.): Tamang-tama!
Magdadala ang dalawa
ng mga baso, alak, plato at ostya sa kanilang mga
kasama. Ipagtutulakan nila ang mga monoblock
at parang nagpipiknik na uupo sa sahig. Magtotoast
sila at sabay-sabay na lalagok ng alak. Bwakawan
sa ostya.
JUANA DONNA (Kay SALVE REGINA.):
Salamat. (Kay DAMASO.) Kayo po, nagahasa
na?
DAMASO: Oo naman! Pero minsan lang.
Semenarista pa ako. (Patlang.) Minsan nga,
iniisip ko, bakit di na naulit? Baka may ibang hinahandang
pagsubok sa akin ang Diyos. Kaya nga lagi kong dinarasal:
‘O Diyos na mahabagin, sana po’y magahasa
ako. Ayoko pong magkaketong, o kaya’y maging
dukha.’
SALVE REGINA at KARITAS: S’ya
nawa.
JUANA DONNA (Lalagok.) Hindi
kaya (Patlang.) pagsubok lang ng Diyos ang
pagkawala ng pagiging birhen ko?
SALVE REGINA, DAMASO, KARITAS at KORO:
Malamang!
JUANA DONNA: Hindi pala ako dapat lumuluha.
Dapat pa nga akong matuwa! Kasi bigay ng langit ang
aking pagkakagahasa!
DAMASO: Ang dapat dito'y awit!
SALVE REGINA: May alam ako! Itinuro
ng obispong tumurbo sa aking pwet!
KARITAS: Hala, bira!
SALVE REGINA (Tatayo. May kasamang
sayaw ang kanyang pag-awit.)
Hesus, salamat
Maliit ang burat
At mabilis ang banat
Ng gumahasa sa akin!
Hesus, ulitin
Pasakit sa ‘kin!
Ako’y nabitin
Sa cariņo brutal!
Hesus, salamat
Sa ‘yong pagsubok!
‘Tong paghihirap!
Alay ko sa ‘yo!
Palakpakan ang lahat. Bow
si SALVE REGINA, pagkatapos ay uupo.
DAMASO: Ayan Juana, pwede ka nang umupo.
KARITAS: S'ya nga. Basta sabihin mo
sa magiging asawa mo, pag nagreklamo s'yang hindi kanya
ang unang ondo: 'Buti nga ito lang. E kung utang ang
ibinigay sa akin ng Diyos?'
SALVE REGINA: At tulad nga ng sinabi
ko sa dalagitang bumisita sa akin noong nakaraang Linggo:
hindi mahalaga kung gahasain ka man ng sampung impakto.
Ang importante, mahal ka ng Panginoon!
KORO: Alleluia! Purihin ang Panginoon!
DAMASO: O, pa'no, hanggang sa susunod
na trahedya. (Sesenyas sa dalawang madre. Magsisimulang
magligpit.)
KARITAS: Lagi kaming narito. Pwera Miyerkules.
(Aabutin ang plato ng ostya ni JUANA DONNA.)
JUANA DONNA (Hindi ibibigay ang plato.)
Bakit hindi?
SALVE REGINA: Secret!
Tatawa ang tatlo.
JUANA DONNA: Hindi pa rin ako pwedeng
umalis.
KARITAS: Anak ng Diyos, ano pa ang problema
mo?
DAMASO (Kay KARITAS.): H’wag
ka namang ganyan. (Kay JUANA DONNA.) Kung bukod
sa panggagaha ‘yan e may singil na talaga ha?
Naiintindihan mo?
JUANA DONNA: Ang asawa ko kasi ay—
SALVE REGINA: Pangit?
KARITAS: Baog?
DAMASO: Mahirap? (Gagasp. Patlang.)
Aba e, h’wag mo nang ituloy ang kwento mo. Hindi
ka pala makakabayad. (Sisimulang ibalik ang mga
plato at baso sa altar.)
JUANA DONNA: Hindi pera ang problema.
(Bubuksan ang bag at magtatapon ng pagkarami-raming
barya sa sahig.)
Ibabagsak ni DAMASO ang
mga dala at magkakandarapa sa pagpulot ng barya.
KARITAS: H'wag namang ganyan Padre!
SALVE REGINA: Tirhan mo kami!
Sasama sa pamumulot ang
dalawa.
JUANA DONNA: Tigil! (Hindi s'ya pakikinggan.
Maglalabas s'ya ng baril.) Pakinggan n’yo
ako!
Tuloy pa rin ang tatlo.
JUANA DONNA: Bakit ayaw n’yong
makinig? (Babarilin si DAMASO. Patay ang pari.)
SALVE REGINA (Tatayo.): At bakit
mo naman ginawa ‘yon?
KARITAS (Tatayo.) Kakafloorwax
lang namin! Ngayon malagkit na naman ang sahig!
JUANA DONNA (Palipat-lipat ang tutok
ng baril.) Hindi ka natatakot?
SALVE REGINA: Kung kakampi namin ang
Diyos, sino ang kakayaning lumaban sa amin?
KARITAS: Saka extra pogi points pa nga
ang patayin. Kinakasihan ng Diyos ‘yung mga nagpapakamartir.
SALVE REGINA: Dapat nga magpapako sa
krus.
KARITAS: Kaso nga lang, walang Romano
dito.
SALVE REGINA at KARITAS: Kaya ibang uri
ng pakuan ang nangyayari!
JUANA DONNA (Ibabagsak ang baril.
Mapapaupo sa monoblock.) Hindi ko masakyan. Sa
inyo, kasiyahan ang paghihirap. Buhay ang kamatayan.
Dalisay ang kantutan.
KARITAS: Ganyan talaga pag nasa puso
mo si Kristo. Halika, tulungan mo kami.
Bubuhatin nila ang bangkat
papuntang confessional booth. Tulong-tulong nilang
ipapasok ito. Pagkatapos ay balik sila sa mga monoblock.
JUANA DONNA: Sana'y mabait ang mga pulis.
KARITAS: Pulis? Hindi ka naman namin
isusumbong.
SALVE REGINA: Diyos naman ang magdadala
ng katarungan, kung ito ang nais N’ya.
KARITAS: Nalayo na tayo. Ano ba ‘yung
nasabi mong problema sa ‘yong asawa?
SALVE REGINA: Tama, tama, tama. O sige
na, share na.
JUANA DONNA (Tatayo at aawit.)
Hindi pangit
Hindi baog
Magiging asawa ko.
Ang kaso lang
Mayaman man
Hindi kanya ang puso ko.
Barbeque stick man ang titi
Siksik man ang titi
Iba ang mahal ko.
KARITAS: At sino naman 'yan?
SALVE REGINA: Si Padre Abraham!
JUANA DONNA: Paano mo nalaman?
SALVE REGINA: Hula lang. Wow, ang galing
naman may powers ako!
KARITAS: Hay naku, mga babae talaga.
Kunwari ayaw magpakantot. Gusto naman talaga. Kaya
ako hindi naniniwala sa gahasa-gahasa. Sa totoo lang,
enjoy ang mga ‘yan!
SALVE REGINA: Ano ba 'yang sinasabi mo?
JUANA DONNA: Hindi, tama s’ya,
totoo.
KORO: Totoo, totoo, totoo.
JUANA DONNA: Si Padre Abraham ang aking
inaasam.
KORO: Asam, asam, asam.
JUANA DONNA: Sinadya kong galitin s’ya
para saktan n’ya ako.
KORO: Saktan, saktan, saktan.
SALVE REGINA: Ang pag-ibig ay parang
pananampalataya. Sa sakit lang nasusukat. Mas maraming
paghihirap ang kaya mo, mas dakila ang laman ng iyong
puso.
LAHAT pati KORO: Amen! Purihin ang Panginoon!
Amen!
JUANA DONNA: Ngunit paano na ako ngayon?
Sa isang banda meron akong magiging asawa na utos ng
Diyos na aking pagsilbihan. Ngunit sa isa pang banda
umiibig ako sa paring nagpa-usbong ng aking pagkababae!
KARITAS: Magdasal ka tayo?
SALVE REGINA: Magandang suhestiyon, subalit
baka sawa na ang Diyos!
KARITAS at JUANA DONNA: Lapastangan!
SALVE REGINA: Uy, h'wag nga kayong mabilis
manghusga! Isipin n'yo, kung dasal tayo nang dasal,
sasabihin ng Diyos na hindi natin ginagamit ang ibinigay
n'ya sa ating kakayahang mag-isip!
KARITAS: Pero hindi ba may limitasyon
ang utak ng tao, kaya dapat laging sa Diyos dumudulog?
SALVE REGINA: Marahil tama ka, pero para
saan pa ang ating talino kung hindi natin ito gagamitin?
KARITAS: Talino, isip, kakayahan. Kung
magsalita ka parang hindi ka Kristiyano!
SALVE REGINA: H'wag mo akong insultuhin!
Bawiin mo ang sinabi mo!
KARITAS: Erehe at pilibustero!
SALVE REGINA: Isa! Dalawa!
KARITAS: Day, ano naman ang pwede mong
gawin sa akin?
SALVE REGINA (Pupulutin ang baril.
Babarilin si KARITAS, patay.) Tatlo!
JUANA DONNA (Yayakapin ang nakahandusay
na bangkay ni KARITAS.): Bakit? Hindi ba magkaibigan
kayo?
SALVE REGINA (Itututok ang baril kay
JUANA DONNA.): Una, hindi ko s'ya kaibigan. Syota
lang, may malaking pagkakaiba. Pangalawa, inakusahan
n'ya akong hindi sumasamba kay Hesus. Wala nang hihigit
na insulto. Ano ako? Budista? Hindu? (Patlang.)
Iglesia ni Cristo? (Patlang.) At pangatlo,
ayos lang mamatay. Binyag naman s’ya, kasapi
sa Simbahan. Tiba-tiba s’ya sa langit ano man
ang mangyari. (Patlang.) Ang kulit mo naman,
ilang beses na naming itinuro ‘yan! Hindi ka
ba sa Catholic school nag-aral?
JUANA DONNA: Excuse me lang ha? Paulinian
ako!
SALVE REGINA: E ba't di mo alam ang mga
utos ni Hesus?
Susugod sana si JUANA
DONNA kay SALVE REGINA pero tututukan s’ya ng
baril nito.
SALVE REGINA: Kargahin mo si Karitas
papuntang altar.
Susunod si JUANA DONNA,
pagkatapos ay uupo silang muli.
SALVE REGINA (Itatapon ang baril.):
Ang buhay nga naman oo. Pumunta ka rito para magkumpisal
tapos nakapatay ka. Bakit nga ba may dala kang baril?
JUANA DONNA: Hindi naman talaga kumpisal
ang balak ko. Wala lang akong madahilan.
SALVE REGINA: At ang baril?
JUANA DONNA: Alam ko namang hindi na
maibabalik ang pagkabirhen ko.
SALVE REGINA: E 'yung baril nga?
JUANA DONNA: Pumunta ako rito para patayin
si Padre Abraham.
SALVE REGINA: O, akala ko ba mahal mo
s’ya?
JUANA DONNA: Nakakalito ang mundo. Kung
sinong mahal mo, s’yang ayaw sa ‘yo.
SALVE REGINA: May mahal s'yang iba?
Madre 'no?
JUANA DONNA: No!
SALVE REGINA: Seminarista? Pari? Obispo?
JUANA DONNA: Mali po.
SALVE REGINA: Janitor?
JUANA DONNA: May taste naman si Padre
Abraham ‘no! Hindi s’ya papatol sa mababang
uri.
SALVE REGINA: Kung gayon (Patlang),
hindi, hindi maaari. Pero napakaobyus. (Patlang.)
H’wag mong sabihing—
JUANA DONNA (Tatango.): Oo.
SALVE REGINA at JUANA DONNA: Si Kristo!
SALVE REGINA: At paano mo naman balak
patayin si Kristo?
JUANA DONNA: Una, babasagin ko ang kanyang
estatwa. Pangalawa, papatayin kita. At panghuli, ibabagsak
ko ‘yun (Ituturo ang krus ng KORO).
SALVE REGINA (Tatayo.): Hindi
kita papayagan!
JUANA DONNA: O, sige, hindi na kita papatayin.
SALVE REGINA: Hindi kita papayagang ibagsak
ang krus!
JUANA DONNA (Tatayo.): Bakit ka
kay Kristo kumakampi? Ako, tao, babae, inaping tulad
mo. Dapat nga magtulungan tayo!
SALVE REGINA: Ba't naman ako sa 'yo papanig?
Diyos ka ba?
JUANA DONNA (Lalapit sa altar.)
Hayaan mong awitan kita para makumbinsi. (Aawit.)
Tayong mga tao
Naghihirap sa mundo.
Tumulong ba ever
‘Yang sinasamba mo?
Tayong mga tao
Dasal lang nang dasal.
Nasaan ang Diyos mo?
Baka nagsasalsal.
Tayong mga tao
Lalaya na ngayon.
Pagwasak sa simbahan
Sa langit ang tugon.
SALVE REGINA (Pupulutin ang baril.)
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Kaaway mo si
Kristo. Kaaway kita.
Babaril si SALVE REGINA
pero makakailag si JUANA DONNA. Sa kanilang
habulan/barilan mababagsak ang estatwa ni Hesus, mahuhulog
ang bangkay ni KARITAS sa billiard table, mabubuksan
ang confessional booth at malalabas ang bangkay ni DAMASO.
Sa dulo madadapa si JUANA DONNA sa gitna. Sa kanyang
likod tatayo si SALVE REGINA.
KORO: Tumayo ang lahat.
Tatayo sina DAMASO at
KARITAS, pero patuloy pa rin ang luhod ni JUANA DONNA.
KORO: Yumuko ang lahat.
Yuyuko ang lahat maliban
kay SALVE REGINA.
KORO: Patnubayan kayo ng makapangyarihang
Diyos, Ama, Anak at Espiritu Santo.
SALVE REGINA: Amen. (Patlang.)
Tapos na ‘to, humayo kayo at magpakarami.
JUANA DONNA: Tigil!
SALVE REGINA: Ano na naman?
JUANA DONNA: Maaari ba akong magdasal?
SALVE REGINA: Isang kondisyon. Kasama
kaming lahat.
Sasayaw ang apat kasabay
ng kanta.
LAHAT pati KORO:
Saktan mo ako Diyos ko
Dito ako masaya
Sa hagupit at lupit
Ng banal kong papa
Hampasin, bunuin
Lahat aking titiisin
Gaano man ang kirot
Paghihirap tatanggapin
Kantutin, kantutin
Kantutin mo ‘ko Kristo
Halina, kabayuin ang kaluluwa ko!
Kantutin, kantutin
Kantutin mo ‘ko Kristo
Halina kabayuin ang kaluluwa ko!
Kantutin, kantutin
Kantutin mo ‘ko Kristo
Halina kabayuin ang kaluluwa ko!
Ang kaluluwa ko!
Ang kaluluwa ko!
Pagkatapos ng sayaw/kanta
babagsak sina DAMASO at KARITAS. Luluhod si JUANA DONNA.
Babarilin s’ya ni SALVE REGINA. Patay.
TAPOS
Notes:
Unang nalathala sa www.tinig.com, Oktubre
2005, nakaarkayb sa http://www.tinig.com/2005/09/v44dula_eliserio/
back to drama | home
|