fiction
Huling Hiling, Hinaing at
Halinghing ni Hermano Huseng
ni Pat V. Villafuerte
Huling Hiling: Iskuwala
NAGSISIMULANG MAGKULAY-GINTO ang
dati’y luntiang punla na nilinang ng mapagpalang-kamay
ng mga anak-bukid nang huli kong masilayan si
Hermano Huseng, pagkaraan ng ilang taong pinaghiwalay
kami ng panahon at ng pagkakataon. Noo’y
kanyang kasibulan – maglalabimpitong tag-araw
ng kanyang buhay. Malapad ang dibdib, maumbok
ang siksik na mga braso, masigla at malakas. Pagmulat
ng kanyang mga mata kasabay ng pagputok ng araw,
isang katangi-tanging ritwal ang pinagkakaabalahan
niyang gawin - ang talunin at magpaikut-ikot sa
mahabang bakal na ang magkabilang dulo’y
natatalian ng makapal na lubid at nakabuhol sa
walong talampakang kawayan. Parang binabaluktot
na ratan ang kanyang katawan tuwing itinataas-ibinababa
ang pantay niyang mga paa, at ito’y nagmimustulang
lagas na dahon ng banaba habang inililipad ng
hangin. Pagkaraan ng ilang sandali’y pantay
ang mga paang lulundagin niya ang lupa habang
tuwid at magkapantay ang kanyang mga kamay na
nakaturo sa langit. Nganganga’t ibubuga
ang nakaipong hangin sa malapad niyang dibdib
saka sisimulang punasin ng kupasing lavacara ang
namumuong mga pawis sa kanyang noo, pisngi, liig,
batok at braso. Isang seremonya ko na ring gumising
nang maaga kapag nauulinigan ko na ang kanyang
mga yabag. At sa munting bilog na butas ng sawaling
dingding ay lihim kong pinagmamasdan ang kanyang
kahubdan. Ang malapad niyang dibdib at ang maumbok
at siksik niyang mga braso. At ako’y nakadarama
ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag
na damdamin.
Masasabing kababata ko siya bagamat
walong taon na ako nang sumulpot siya sa sangmaliwanag.
Halos nagkakaumpugan ang dingding at bubong ng
aming mga tahanan kaya’t nasaksihan ko ang
kanyang paglaki’t pagbibinata. Bunso siya
sa apat na magkakapatid na pulos lalaki ng mag-asawang
Tata Pulo at Nana Docia, samantalang bugtong na
anak ako ng mag-asawang maggugulay. Ngunit ang
natatandaan ko, mula nang ako’y magkaisip,
siya lang ang nilikhang laman ng aking isip .
. . pagsikat at pagtirik ng araw. Kaya nga ba’t
sa tuwing magdadapit-hapon, sa tuwing aangkinin
ng makakapal na ulap ang hilahod na kapaligiran
ng buong nayon, ay itinuturing kong isang walang
kahandaang kamatayan ang sandaling iyon para sa
akin.
Kapwa kami lalang at lumaki sa
Tungkong Bato, isang natutulog na baryo sa San
Antonio. Iisang Impong Gande ang nagpaanak sa
amin. Iisang bisita* ang pinagdalhan sa amin upang
maging kristiyano. Iisang Tata Roman ang nagpanguya
sa amin ng usbong na bayabas upang pagkatapos
ay bawasan ng isang kapirasong laman ang
pinakatatago naming “kamyas” sa katawan.
Iisang baku-bakong landas sa gilid ng bundok ang
aming nilalakbay patungo sa yari sa anim na raang
kuwadro metrong pandayan ng karunungan. Ngunit
habang nagpapalit ang mga araw at nagsisimula
kaming mangarap para sa papaunlad na buhay ay
nagkakaroon ng pagbabago sa aming paniniwala at
ideolohiya. Bunga ng maghapong pakikinig ng mga
balitang panglokal (walang nakararating na dyaryo
sa aming nayon) ay higit na nagiging malalim ang
pananaw sa buhay ni Hermano Huseng. Higit siyang
naging maurirat sa mga isyung pulitikal. Higit
siyang nagiging mapusok at marahas.
Sa mga bagong nakikilala ni Hermano
Huseng ay hindi nakakaligtaang itanong sa kanya
kung ano ang kahulugan ng Hermano na nakakapit
sa kanyang pangalan. Bukod sa kanyang magulang
at mga kapatid, kami nina Tatang at Inang ang
nakaaalam ng lihim na alamat. Simula sa unang
araw ng Mayo hanggang katapusan ng buwan ay ipinuprusisyon
ng mga taga-Tungkong Bato ang imahen ni San Isidro,
ang patron ng mga magsasaka. Bawa’t gabi’y
isinasagawa ang “panunuluyan”. Isang
pamilya ang “umaampon” sa imahen.
Ang bunsong anak na lalaki ay tinatawag na Hermano
at kung babae ang bunsong anak, ito’y tinatawag
na Hermana. Ipinaghahanda ng Hermano o Hermana
ang pagdating ng kanilang “ampon”.
Ang pangunahing pinto at mga bintana ay ginagayakan
ng iba’t ibang ani – palay, mais,
suman at iba pa. Dadasalan at aawitan ang “bagong
panauhin”. Isang buong araw itong manunuluyan
at pagsapit ng gabi ay ibang pamilya na naman
ang “aampon” sa imahen. Simula nang
manuluyan kina Tata Pulo at Nana Docia ang patron
ng mga magsasaka ay ikinapit na kay Huseng (mula
sa pangalang Jose) ang salitang Hermano. Mula
noon, ang anak na tumangging humawak ng pait,
katam, lagare at martilyo ay tinawag ng Hermano
Huseng.
Anluwage ang ama ni Hermano Huseng.
Isang maestro karpintero ng kanyang panahon. Namana
niya ito sa kanyang ama na namana naman ng huli
sa ama ng kanyang ama. Sa maikling salita, angkan
ng mga anluwage ang pinag-ugatang lahi ni Hermano
Huseng. Sinasabi ng mga naunang mamamayan ng Tungkong
Bato na halos ang buong pamayanan ng nayon ay
dumaan sa katam, martilyo’t lagare ng angkan
ni Hermano Huseng. Ang kauna-unahang bisita*,
bahay, paaralan, klinika, ospital, palengke, bahay-sanglaan,
bangko, panaderya, punerarya, tulay at palikurang-bayan
sa Tungkong Bato; ang lumang kapitolyong pinagkutaan
ng mga Kastila sa karatig-bayan; at ang pinakamamahaling
ataul ng Funerarya Lorenzo sa San Antonio ay nagawa
dahil sa mapagpalang mga kamay ng kanunununuan
ni Hermano Huseng. Kaya’t para sa sinaunang
mga mamamayan ng Tungkong Bato, kasama na ng iba
pang nayon at bayan ng San Antonio ay institusyon
na ang lahing pinag-ugatan ni Hermano Huseng.
Kaya’t hindi dapat pagtakhan kung sakali
mang makarinig si Hermano Huseng ng masasakit
pananalita mula sa kanyang ama sa tuwing tatangkain
niyang putulin ang kinagisnang tradisyon. Tanging
siya, sa apat na magkakapatid na lalaki ang hindi
sumasama sa ama kapag may batarisan o kapag nangingibang-bayan
para mag-anluwage. Mas ginusto pa nitong magsulat
ng mga tula. Mas kinahiligan pa nitong mag-alaga’t
magpalaki ng mga itik at bibe. At pagkaraang pakainin
ang mga ito, pagkatapos ang sabay-sabay na pag-iingay
ng mga ito ay uupo siya sa papag na nasa ilalim
ng punong santol at magsisimulang magsulat. Nakatutuwang
ako ang kanyang naging unang tagabasa at kritiko.
Ang unang dalawang saknong ng
kauna-unahang tula ni Hermano Huseng na pinabasa
at ipinasuri niya sa akin ay naganap isang hapon
sa ilalim ng isang punong santol. Isang hapong
ayon sa kanya’y tamang panahon ng pagpapalayang-diwa:
At sapagkat ang mabuhay
sa daigdig
ay walang katapusang pagkukumagkag
sa nakagapos na proseso ng kapagalan,
bawat lakad-pasulong
bawat likong pakaliwa’t pakanan
bawat yapak-pabalik
ay may pagsuko sa loob ng ating sarili.
nahahakbangan ang puso
natatalisuran ang isip
ngunit nahahawan ang landas
para sa kaluluwang pagal sa paghahanap ng katotohanan
sa di-madalumat na katotohanan
sa pagitan ng maraming pagtango’t pag-iling
sa pader ng di-mabilang na pagpigil at pagtutol.
“Parang galit ka sa
mundo,” ang tanging nasabi ko.
Ang akala ko’y iyon ang
magiging simula ng isang magandang yugto sa buhay
ko. Hindi pala. Pagkaraan ng ilang linggo’y
naibalita niya sa akin na kinumbinsi siya ng kapatid
ng kanyang hipag na magtrabaho sa konstruksyon
ng kauna-unahang mall na maipatatayo para sa mga
Nueva Ecijano. Ito’y nangangahulugang sa
lungsod ng Cabanatuan na siya maninirahan, at
paminsan-minsan na lamang siya luluwas sa Tungkong-Bato.
Ito na rin marahil ang magiging simula ng aking
kalungkutan. Ng aking kamatayan.
Naging suliranin ni Hermano Huseng
ang magkakasunod na taong pag-aasawa ng tatlo
niyang kapatid. Papatanda na ang kanyang ama at
wala nang makakatuwang sa pag-aanluwage. Ang kanyang
kuya ay nakapangasawa ng isang Sebuwanang namasukang
katulong sa tahanan ni Meyor. Sa munisipyo na
nagtatarabaho ang panganay na kapatid. Nang sumunod
na taon ay itinanan ng kanyang diko ang dalawang
taon nitong nobya na taga-Aluwa. Sa bayan na ng
babae nanirahan ang mag-asawa. May minanang kiskisan
ng palay ang babae nang mamatay ang mga magulang
nito at ito ang kanilang pinagkikitaan. Pagkaraan
ng isang taon, nagpaalam ang kanyang sangko na
magpapakasal na rin sa kasintahan nitong nasa
kabilang ibayo. Maestra sa isang publikong paaralan
ang napangasawa nito. Nagtayo ng maliit na tindahan
ang mag-asawa at ito ang kanilang pinalalago.
Siya naman ay sa pinagtatrabahuhan na namamalagi.
Dalawang beses sa isang buwan na lamang siya kung
umuwi sa Tungkong Bato.
Nagsasalansan ako ng mga bakawan
sa silong ng bahay nang maulinigan kong nag-uusap
sina Tata Pulo at Nana Docia.
“Pa’no tayo
mabubuhay kung ang bawat nagpapakumpuni ng bahay
ay pabatares? Ang pangingibang-bayan na lamang
ang atupagin mo,” tinig iyon ni Nana Docia.
“Ang tao namang ire.
Ako nga abay* ye* bigyan mo ng kahihiyan.
Halos kamag-anakan natin ang mga nagpapabatares.
Si Madeng ba ye pagbabayarin ‘ta? Alam mo
namang nag-iisa sa buhay at di-nakapag-asawa.
Mabuti’t nakumpuni ko ang bubong ng kanyang
poltri bago dumating ang malakas na bagyo. Tatanggapin
ko ba ang inaabot ni Kapitan Ontong gayong halos
siya ang nagligtas at bumuhay sa ‘tin no’ng
panahong pasukin tayo ng mga taong-labas? Ay,
tinamaan ka ng lintik. Baka ni isa mang tagarito
ye walang dumamay sa ‘yo sakaling dumating
ang huling subo ko?” tugon ni Tata Pulo.
Bagamat itinuturing na pinakamahusay
kumarkula ng mga kahoy at kawayan kahit hindi
nakatuntong man lamang ng unang grado sa paaralang-bayan,
walang naaksayang gamit ang ama ni Hermano Huseng.
Maging ang mga pinagtabasan at pinagkatamang kahoy
ay kanyang nagagamit sa ibang paraan. Ang kayang
katwiran, “Dapat panghinayangan ang alinmang
bagay na natatapon. Ang lahat ng ‘yan ay
may paggagamitan.” Pag-uwi mula sa pinaggawaan,
sunung-sunong niya ang mga lumabis na pira-pirasong
yero, kahoy at kawayan. Maayos na isasalansan
sa silong ng bahay. Dudukutin sa bulsa ang naipon
at nahinging mga pako na may iba’t ibang
sukat at isisilid sa isang lumang lata, kasama
ng naipon ding maliliit na lapis na bagong tasa.
Isang magdadapit-hapon, kasagsagan
ng ulan nang dumating mula sa pambabatares si
Tata Pulo. Nanginginig ang kanyang buong katawan.
Inaapoy ng lagnat. Matapos palitan ng tuyong kamiseta
ang kanyang basang damit, banyusan ng mainit na
tubig ang kanyang mukha, mga braso’t binti;
at medyasan ang mga paa, pinahigop siya ni Nana
Docia ng isang tasa ng mainit na kape.
“Iwasan ninyong maglabas
ni isa mang sentimo kapag sumakabilang-buhay ako.
Hilingin mo na lang sa ating mga anak na gamitin
ang mga nakatambak na kahoy sa silong para sa
aking kabaong. Ibig kong sila ang gumawa ng aking
himlayan,” ang bilin ni Tata Pulo. “Isama
mo sa aking puntod ang mga gamit ko. Tutal, pinutol
na nila ang kinalakhan kong tradisyon. Sayang
. . . Sayang . . .”
Pasungaw na ang araw nang tuluyang
ipinikit ng Maestro Karpintero ang kanyang mga
mata. Isang nangungulilang kamatayan ang nasaksihan
ko nang umagang iyon.
Magtatanghali na nang magkakasunod
na dumating ang apat na anak ni Tata Pulo, kasa-kasama
ang asawa’t anak ng mga ito; maliban kay
Hermano Huseng na nananatiling binata. Pinasok
ng magkakapatid ang silong, namili at naglabas
ng mga kahoy habang inilalabas ni Nana Docia ang
mga gamit sa pag-aanluwage ni Tata Pulo. Ngunit
. . .
“Bakit ba pahihirapan
pa natin ang ating katawan sa paggawa ng kabaong?
Maaari naman tayong kumuha ng serbisyo sa Lorenzo?”
tinig iyon ng panganay.
“Saka may kalumaan na ang mga kahoy na ito.
Takpan man natin ng makapal na pintura’y
lalabas din ang tunay na kayo,” tinig iyon
ng pangalawa.
“Mag-ambag-ambag na
lang tayo. Kumuha tayo ng magandang kabaong sa
Lorenzo,” tinig naman iyon ng pangatlo.
“Saka paghati-hatiin na rin natin iyong
kanyang mga gamit.”
“Ngunit ang hiling
ng inyong ama ay . . .”
Halos papalubog na ang araw nang
dumating ang panghabang-buhay na higaan ng pinakamatandang
anluwage ng buong bayan ng San Antonio. Napagpasyahan
ng magkakapatid na ilibing na kinabukasan ang
ama.
“Wala naman tayong
mga kamag-anak na hinihintay. Bakit kailangang
patagalin pa ang libing? Pare-pareho tayong may
pamilya na dapat asikasuhin,” tinig iyon
ng panganay.
“At may kabuhayan
tayong dapat tutukan. Malakas pa naman sa panahong
ito ang kiskisan. Sang-ayon ako kay Kuya na mailibing
na agad si Ama,” tinig iyon ng pangalawa.
“Ako rin. Hindi kami
kailangang magtagal dito. Si Luming ay may turo
sa bayan. Pinilit ko nga lamang lumiban sa klase
ngayon,” tinig iyon ng pangatlo.
Kinabukasan, inihatid namin sa
kanyang huling hantungan ang labi ni Tata Pulo.
Mangilan-ngilan lamang ang nakipaglibing. Ni hindi
sumipot ang mga taong natulungan ng matandang
anluwage. Payak na libing ito para sa isang henyo
ng paggawa. At sa paglisan ng apat na magkakapatid
ay baon nila ang naiwang yaman ng amang anluwage:
Martilyo ang pinili ng panganay, lagare ang inangkin
ng pangalawa, katam ang kinuha ng pangatlo at
iskuwala ang tanging hiling ng bunsong si Hermano
Huseng sa kanyang ina.
“Bakit iskuwala?”
ang tanong ko kay Hermano Huseng habang inihahatid
ko siya sa sakayan.
“Hindi ako kailanman
nakatulong kay Ama sa panahon ng kanyang pag-aanluwage.
Sa mga gamit ni Ama, ang iskuwala ang hindi na
gaanong ginagamit sa panahong ito hindi tulad
ng martilyo, lagare at katam,” ang sagot
ni Hermano Huseng. “Ito lang ang huling
hiling ko, masaya na ako para kay Ama.”
Huling Hinaing: Kalatas
PAPALAPIT NA ANG BAGYO sa Gitnang
Luzon at nagsimula nang magsilikas ang ilang pamilyang
taga_Tarlac at Pampanga sa kanilang mga kamag-anakan
sa ilang kalapit-bayan ng Nueva Ecija. Katulong
ni Tatang, sinimulan na naming suhayan ang aming
nalulugmok ng bahay habang unti-unti ang inaani
ni Inang ang mga gulay sa tumana*. Kinulong ko
na rin ang mga alagang itik ni Hermano Huseng
na siya kong naging libangan at tagapagpaalala
ng aking itinatagong damdamin sa nagmamay-ari
niyon. Magdadalawang taon nang nailibing si Tata
Pulo at mag-iisang taon nang namayapa si Nana
Docia. Tanging ng pangalawang anak na lamang ng
matanda ang nakarating sa libing nito. Balitang
nagtatago ang panganay na anak dahil nakadispalko
ng salapi sa munisipyo at ang pangatlong anak
naman ay balitang nangibang-bayan. Samantala,
walang makapagsabi kung nasaan si Hermano Huseng.
May nagsasabing nasa Maynila at namamasukan bilang
weyter. May nagbabalita namang nakasama ito sa
lumubog na barko patungong Cebu. Ngunit malaki
ang kutob kong siya’y buhay. Iba ang nadarama
ng isang umiibig . . . nang lihim.
“Pag-aari na pala
ng mga Intsik ang halos ikatlong bahagi ng Tungkong
Bato. Taga-Taiwan . . . Taiwan nga ba ‘yon?
Mula sa hanggahan ng ilog hanggang sa kawayanan.
Sakop ang lupa natin, Ingga, pati na’ng
ating tumana,” tinig iyon ni Tatang. “Pagtatayuan
daw ng pabrika.”
Iyon ang dahilan ng pakikipagpulong
ni Alkalde sa mga taga-Tungkong-Bato sa tanggapan
ni Kapitan no’ng isang gabi. Kabilang kami
ni Tatang sa mga dumalo. Sa simula’y kinaringgan
ng mga pagtutol, ngunit nang malauna’y may
mangilan-ngilang sumang-ayon nang ipahayag ni
Alkaldeng “Walang ibang magtatrabaho sa
konstruksyon kundi mga taga-San Antonio lamang.
Kapag natapos ang proyekto’y kayo pa rin
ang magtatrabaho sa pabrika. Malaking tulong ‘yon
sa inyong kabuhayan. Huwag kayong mag-alala. Tutumbasan
ng salapi ang alinmang pag-aaring masasagasaan,
maging ito’y bahay o lupang sakahan.”
Isang gabing pumapagaspas ang
mga dahong anahaw ay ginambala ng pagtulog ko
ang sunud-sunod na pagkahol ng aso at pag-aalburuto
ng mga itik at bibe ni Hermano Huseng. Pakiwari
ko’y pinasok na naman ng mga taong-labas
ang iniwanang bahay ni Hermano Huseng, katulad
no’ng buhay pa si Tata Pulo. Bagama’t
may isang metro ang distansya, katapat lamang
ng higaan ko ang pintuan ng ibinandonadong bahay;
kaya’t dinig na dinig ko ang kakaibang langitngit
ng pintong kawayan habang sumasabay sa malakas
na hihip ng hangin. Bukas ang mga matang hinintay
ko ang pangyayaring maaaring maganap. Pagkaraan
ng ilang sandali’y muling lumangitngit ang
pintong kawayan kasunod ang papalapit na mga yabag.
Sandaling huminto, na sa pakiwari lo’y sa
tapat ng aking kinahihigan. Mayamaya’y muli
kong narinig ang mga yabag, ngunit papalayo hanggang
sa mawala’t tanging ang sunud-sunod na pagaspas
na lamang ng mga dahong anahaw ang aking narinig.
Hindi ako gaanong nakatulog ng
gabing iyon kaya’t nakasungaw na sa bintana
ang nag-iinit na araw nang ako’y bumangon.
Nakapag-init na ng kape si Inang at kinukumpuni
na ni Tatang ang bubong na sa wari ko’y
dinaanan ng malakas na hangin. Agad kong tinungo
ang bahay ni Hermano Huseng. Iginala ko ang paningin
sa buong kabahayan. Walang nabago. Walang tanda
ng paglapastangan sa naiwang alaala ni tata Pulo,
ni Nana Docia at ni Hermano Huseng. Naroon pa
rin at nananatili ang larawan ng sinaunang tradisyon
na hinubdan ng maraming paghihirap, pagtitiis,
pangungulila at pangangarap. Pinasok ng kakaibang
lamig ang katawan ko, at marahil pati na ang kaluluwa
ko, nang makita ko sa ibabaw ng mesa ang isang
bagay na ni sa panaginip ay hindi ko inaasahang
makikita: ang iskuwala ni Hermano Huseng!
Paglabas ko ng bahay, sinundan
ko ang mga yapak sa putikang lupa hanggang sa
gilid ng aming bahay, katapat ng aking hinihigaan.
Isang nakarolyong papel ang nakita kong nakaipit
sa kapirasong butas ng dingding: Binasa ko ang
nakalahad:
i. Sama-samang pagsigaw
Sa langit nakatunghay,
Sama-samang pagkilos
Sa lupa nakalaan.
ii.
Dugo ang itinitik
Sa
telang inuusig,
Silakbo
yaong himig
Ng
pusong humihibik.
iii.
Bawat awit at tula
May
tarak ng pagpuksa
Bawat
ningas ay siga
Sa
pugon ng pagluksa.
Kayat ngayon na ang panahon para
hubdan ang nakamaskarang mukha ng lipunang pag-aari
ng mapagbalat-kayong mga dayuhan! Ipagtanggol
ang karapatan ng mga aping manggagawa! Isulong
ang demokrasyang pipigil sa mapagsamantala’t
mapanlait na naghaharing uri! Mabuhay ang tunay
na kasarinlang makapipigil sa karukhaan ng sambayanang
Pilipino! Isulong ang pambansang pakikibaka!
Sa likod ng kalatas ay nakasaad ang ganito: Nasa
kalatas na ito ang aking hinaing. Pag-aralan mo
ang isinasaad ng kalatas at ipaliwanag ang kahulugan
sa ating mga kanayon. Nasa loob ng munting baul
ang mga polyeto, kasama ang mga kalatas na katulad
nito. Ipamudmod mo sa ating mga kanayon. Ito lang
ang huling hiling ko, masaya na ako para sa bayan.
Huling Halinghing: Kasal
PARANG HINATULAN NG ISANG MABAGSIK
NA SUMPA ang buong lalawigan ng Nueva Ecija nang
salantain ito nang halos maglilimang buwang tagtuyot.
Nangagyuko ang mga uhay sa pananim. Nangabitak
ang dating matabang lupa. Nangarilang ang buong
palayan. Nangamatay ang maraming hayop at halaman.
Nangagkasakit ang maraming bata. Lumaganap ang
iba’t ibang uri ng sakit at epidemyang kumitil
ng maraming buhay. Nangagsara ang ilang negosyong
pang-agrikultura sa Gapan at San Isidro. Nangatigil
ang ilang makina ng mga pabrika sa Jaen at San
Leonardo. Binawi ng ilang negosyante’t imbestor
ang pakikipagkalakalan sa Gapan at Lungsod ng
Cabanatauan. Isa nang disyerto ang Tungkong Bato.
Ito ang nilalaman ng ulo ng balitang nakasaad
sa Ang Nueva Ecijano, pahayagang lokal ng lalawigan,
dala ng isang kasama namin sa kilusan, isang hapong
siya’y bumaba sa kabayanan. Kung bakit at
paano ako napahinuhod ni Hermano Huseng na mamundok
at sumapi sa kanilang kilusan ay bunga ng aking
lihim na pagtatangi sa kanya. Pagsaping ang naging
bunga’y ang mapangahas na pagtatapat ko
kina Tatang at Inang ng aking tunay na pagkatao
at iniingatang lihim. Pagtakwil ang ipinabaon
sa akin nina Tatang nang lisanin ko ang Tungkong
Bato upang sumamang mamundok kay Hermano Huseng.
Pagtakwil na dadalhin nila hanggang sa hukay,
nang hindi ko nakakamit ang kanilang kapatawaran.
“Patawad, Tatang .
. . Patawad, Inang . . . Patawad . . .”
ANG PAGYURAK SA AKING DANGAL bilang tao ang matinding
dahilan ng pag-anib ko sa kilusan, pangalawa lamang
ang nadarama ko para kay Hermano Huseng. Nagsisimula
na noon ang pagtutuyot, habang isinasalansan ko
ang mga polyetong ipinagkatiwala sa akin ni Hermano
Huseng ay tatlong armadong lalaking nakauniporme
ng militar ang walang kaabug-abog na pumasok sa
aming bahay. Sa pagitan ng aming pagmamakaawa
at pagpupumiglas laban sa kanilang pananakot at
pananakit ay walang habag na iginapos nila sina
Tatang at Inang.
“NPA ka raw?”
anang isa.
“Hindi, sino’ng
maysabi sa inyong NPA ako?” ang nahihintakutan
kong tugon.
“Napangiti sila sa
uri ng tinig na kanilang narinig. At sila’y
tuluyang naghagikhikan.
“Ibang putahe pala
‘to, eh,” ang puna ng pinakamatanda
sa pangkat. “Makinis . . . Mas maganda pa
sa misis ko, Pare.”
Gumuhit sa lalim ng gabi ang nakababasag
na halakhak.
“Pinulong mo raw ang
mga kanayon mo at nagpamudmod ka ng mga polyetong
maka-kaliwa,” ang sabi ng isa. Palinga-linga.
Waring may hinahanap.
“Hindi totoo ‘yan,”
ang pagkakaila ko.
“Kung hindi’y
ano’ng ibig sabihin ng mga polyetong ito?
Bakit nasa pag-iingat mo?” Sinu-sino kayo?
Sino ang lider ninyo? Ikaw?” Galit ang tinig.
“Hindi . . . Hindi
ko alam ang sinasabi mo,” ang sabi ko.
Pinalibutan ako ng tatlo. Isang
malakas na suntok sa sikmura ang nagpapilipit
sa akin. Isa-isa nilang hinubad ang aking damit,
pati pantalon at pati ang nasa loob ng aking pantalon.
Isang suntok sa mukha ang nagpatigil sa aking
paghiyaw. Ibinaba ng kaharap ko ang kanyang pantalon
pati ang panloob na tumatakip sa kanyang kahubdan.
Inilabas ang nasa loob niyon. Sapilitan niya akong
pinaluhod, hawak ang aking buhok, marahas niyang
ibinuka ang aking bibig. At . . . Taas-baba .
. . Taas-baba . . . Taas-baba . . . Sumunod ang
isa. Higit siyang marahas. Taas-baba . . . Taas-baba
. . . Taas-baba . . . Itinayo ako nu’ng
huli, isinalya’t pinaharap sa dingding.
Tutop ang aking bibig, parang hayok sa laman na
tinutukan ang aking likod. Sunud-sunod . . . Paulit-ulit
. . .Pabilis nang pabilis . . . Palakas nang palakas
. . . Pabaon nang pabaon . . . Palalim nang palalim
. . .
“Mga hayop kayo! Hayooooooooooop!
Putang-ina n’yong lahat!”
KAYRAMI KONG NATUTUHAN sa aking bagong daigdig,
dito sa isang liblib na nayon ng Camarines Sur;
mula nang kunin ako ni Hermano Huseng pagkatapos
niya akong maitakas sa piitan, kasama ng iba pang
mga lalaking hindi ko kilala. Ang karanasan kong
iyon ang nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Mula
sa nakade-kahong ideolohiya ay nakawala ako sa
gintong hawlang nasususian ng maraming pagtutol
at pagbawal. Ngayong ako’y kaisa na ng kilusan,
sa kabundukan ko napagsino ang aking sarili -
ang noo’y kayraming pangamba at takot na
ayaw kumawala sa aking dibdib, ang aking pagkamakasarili
na wala palang puwang sa sistemang sosyal, moral
at pulitikal ng bayan; ang maling paglingon ko
sa hinaharap; ang napakataas na pagpapahalaga
ko sa edukasyon at hindi sa damdamin ng nakararami;
ang kaginhawahan at kasiyahang nadarama ko kapag
ako’y busog habang may mga kababayan akong
hindi kumakain; at higit sa lahat, ang malaking
takot kong mamatay dahil sa aksidente, pagkakasakit
o pagtanda at hindi nang dahil sa bayan. Ang lahat
ng ito’y naikintal sa isipan ko nang dahil
sa kilusan. Nang dahil sa lihim na pag-ibig ko
kay Hermano Huseng. Nang dahil sa dangal na nawala
sa akin.
Hndi binago ni Hermano Huseng
ang kanyang pangalan sa kilusan bilang paggalang
niya kay Tata Pulo. Samantalang ako’y bininyagan
niya sa pangalang Ka Hermana bilang paggunitang
minsa’y naging hermana ako ng “ampunin”
nina Tatang ang patrong si San Isidro ng Tungkong
Bato. Sa mahabang panahon ng pamamalagi ko sa
kabundukan ay lalo akong napalapit kay Hermano
Huseng. Ako ang nag-aasikaso sa kanya kapag siya’y
nagugutom, nagkakasakit o nasusugatan sa tuwing
may mga armadong militar na lumulusob sa aming
pinagkukutaan. Katuwang ko sa pag-aasikaso sa
kanya si Ka Santan, isang dating madreng guro
na siyang nagtatago ng mga nakumpiskang armas
ng mga militar nang minsang nagkaroon ng engkuwentro
sa paanan ng bundok. Sadyang kaysarap pagsilbihan
ang isang taong lihim na minamahal.
Isang umagang lumalangoy ako sa
ilog ay bahagyang umalimbukay ang alon nang isang
malakas na katawan ang tumalon sa tubig. Nang
lingunin ko ang nagmamay-ari ay muling tumambad
sa aking harap ang isang taong nagtataglay ng
malapad na dibdib, maumbok ang siksik na braso,
masigla at malakas. Si Hermano Huseng.
“May mahalagang pulong mamayang gabi. Malaki
ang nagawa mong tulong sa kilusan kaya’t
dumalo ka. May lihim akong ibubunyag sa ating
mga kasamahan. Panahon na marahil para pagbigyan
ko naman ang tibok ng aking puso. Ikaw ang pinakamahalagang
taong dapat na makarinig sa aking ikinukubling
lihim,” ang sabi ni Hermano Huseng.
“Ito na kaya ang araw
na itinakda sa akin ng Panginoon?” ang naitanong
ko sa aking sarili. “Imposibleng mangyari,
ngunit ayokong umasa . . . ayoko.”
Maliyab na maliyab ang sindi ng
mga sulo nang dumating ako sa pinagdarausan ng
pulong. Ayon sa isang kasama’y sampung minuto
nang nagpupukulan ng mga tanong at nagpapalitang-kuro
ang mahigit na walumpung kasapi ng kilusan, kasama
na ang isang dating pulitiko, isang pinatalsik
na miyembro ng gabinete, isang pari, isang kilalang
tagapagtatag ng grupong pangrelihiyon, isang babaing
newscaster, dalawang peryodista, isang propesor
ng political science at dalawang dating militar
na dinukot nina Ka Undo noon, na matapos pababain
ng bundok dahil na rin sa kahilingan ng gobyerno
ay nagretiro sa pagsusundalo at muling nagbalik
sa kabundukan para panghabang-buhay na maging
kasapi.
Nagsisimula nang pumatak ang ulan
nang ipahayag ni Hermano Huseng ang ganito:
“Kailangang magsipaghanda
tayo. Anumang oras ay maaaring pumasok sa teritoryo
natin ang pwersang militar. Nagkaisa na ang gobyerno,
ang simbahan at ang media laban sa atin. Hindi
raw natin pinahahalagahan ang nilagdaang kasunduan.
Kasalanan ba natin kung bumalik sa bundok ang
dati nilang mga kaanib? Kusang-loob ang pagbabalik
dito nina kapitan,” ang bungad ni Hermano
Huseng. “Lumalakas ang ating pwersa at iyan
ang pinangangambahan ng gobyerno.”
Nagsindi siya ng sigarilyo. Nagpawala
ng usok.
“Bago ako sumapi sa
kilusan ay ipinangako ninyo sa akin na anuman
ang maging desisyon ko sa hinaharap, ako’y
inyong pakikinggan at uunawain.” ang pagpapatuloy
ni Hermano Huseng. “Sa pagkakataong ito,
sa kapahintulutan ng ating punong repormistang
si Kumander Magayon, ay nais kong ipabatid sa
inyong lahat na kami ni Ka Santan ay lihim na
nagkakaibigan. Nais ko siyang pakasalan at pakisamahan
habang buhay. Kasal ang tanging halinghing ko
kay Ka Santan. Ito ang huling halinghing ko, masaya
na ako para sa aking sarili.”
Gumuho ang pangarap na aking binuo
nang kayhabang panahon. Nawalang-saysay ang lahat
ng aking pagsisikap at pag-asam. A, kayhaba ng
gabing iyon. Kasinghaba ng magdamag kong pagluha.
At bago pumutok ang araw, sa tulong ng isang aandap-andap
na ilawan, ang sakit ng puso ko’y itinala
ko sa isang kapirasong papel:
Nagising ako sa katotohanang hindi nga pala maaaring
mangyari ang lahat. Salamat sa iyo na nagpatibok
ng aking puso. Salamat sa alaala. Maramng salamat
sa isang napapanahong pagpapamulat. Paalam.
Sumabay ang pagpatak ng aking
mga luha sa walang lingon at salit-salitan kong
paghakbang. Kayhaba na ng aking nalakbay. Habang
daan, pumapalaot sa diwa ko ang huling saknong
ng tulang sinulat ni Hermano Huseng na ipinabasa
niya sa akin kamakalawa ng gabi:
Kaysarap sanang maging malaya
kung ang laya’y
Di malalambungan ng pagsisisi o pag-aalipusta.
Bawat makata’y isang laya sa diwa at dugo.
Bawat diwa’y isang bala ng poot,
Bawat patak ng dugo’y isang punlo ng dangal.
Ngunit,
Hindi sa pamumundok,
Hindi sa paghawak ng armas
Nasusukat ang ang lakas at giting,
Hindi sa lawakang paglusob at pananakop
Nakakamit ang laurel at kamanyang,
Kundi sa loob ng ating sarili.
Laban sa gutom.
Laban sa hirap.
Laban sa ligalig.
Laban sa daigdig.
Sa daigdig ng napasukong daigdig.
Sa dakong hilaga, mga yabag na
papalapit ang gumambala sa aking paghakbang. Isang
mahabang kilabot ang humaplos sa aking buong katawan.
Nagtago ako sa isang lihim na lagusang natatakpan
ng mahahabang damo at dayami. Mayamaya’y
natulig ako sa sunud-sunod na pagpapalitan ng
mga putok kasunod ng maramihang pagsabog. Malalakas.
Nakatutulig. Nakamamatay.
Pagkaraan ng dalawang araw at
dalawang gabing pagtatago sa lihim na lagusan
ay nagpatuloy ako ng paglalakad. Inihatid ako
ng aking mga paa sa kabayanan. Usap-usapan ang
enkuwentrong naganap sa pagitan ng mga militar
at NPA kamakailan.
Bumalong ang pangangatal ng buo
kong katawan nang tumambad sa aking harapan ang
nakalarawan sa pamukhang pahina ng pahayagan.
Isang sugatang lalaking NPA ang matinding nananangis
sa harap ng isang babaing NPA na sabog ang utak
at pira-piraso na ang katawan. Ang lalaking iyon,
sa kabila ng sunog ang kaliwang mukha’y
nakikilala ko pa rin. Siya ang lalaking nagtataglay
ng malapad na dibdib at maumbok at siksik na mga
braso, na noon, sa tuwing makikita ko’y
nakadarama ako ng naiibang sigla. Ng naiibang
pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin.
*bisita - maliit na
simbahan
*abay - asawa
*ye- ay
*tumana – taniman ng gulay
Pangatlong Gantimpala
sa Maikling Kuwento, 2002 Carlos Palanca Memorial
Awards for Literature
back to fiction
| home |