fiction

Ang Huling Regalo ng Nanay
ni Fanny A. Garcia

DALAWA KAMING BUONG magkapatid pero ang dapat na ate ko ay sanggol pa lang nang mamatay noong panahon ng Hapon, kuwento sa akin ng Nanay at Tatay.

Lampas 40 na ang Nanay nang ipagbuntis ako; mahigit 10 taon ang tanda sa kanya ng Tatay. Parang lolo ko na ang Tatay at kapapasok ko pa lang sa UP nang mamatay siya, 17 ako at 72 naman siya. May mga kapatid ako sa ina at ama na sa edad ay puwede ko nang nanay o tatay; may mga pamangkin din na sa edad ay ate o kuya ko na.

Nang ipanganak ko si Erick ay exactong 80 ang Nanay. Nakatira siya sa aming maliit na bahay sa Malabon, kasama ang tatlong batang babaeng apo kay Ado, ang bunso ng Nanay sa mga lalaking anak; katabing-bahay namin ang mga pamilya ng Kuya Pedring, Kuya Virgilio at ni Ado. Nakatira sa ibang mga lugar ang kanya-kanyang pamilya ng Ka Loly (matagal na umupa sa Maynila, di pa nalalaunang nagkalote’t bahay sa Antipolo), ng Ate Luding (umuupa sa ibang lugar sa Malabon) at ng namatay nang Ate Lina (may lote’t bahay sila sa Bulacan).

Noong dalaga pa ako ay umuupa ako ng isang apartment sa Quezon City, kinuha ko para may espasyo’t privacy para sa pagsusulat. Bukod sa gusto kong sumulat ng nobela, susubok sana akong pumalaot sa scriptwriting kaya kailangan ko ng isang writing area—mahirap magsulat sa aming masikip, maingay at mataong lugar sa Malabon.

Sa panahong ito ay naging pasaglit-saglit na lang ang pagdalaw ko sa Malabon—para lang sa mga espesyal na okasyon tulad ng Pasko’t Bagong Taon, Mahal na Araw, piyesta. Sa karaniwan ay overnight, nakasanayan ko na ang luwag at katahimikan ng apartment. Naging bakasyunan naman ng Nanay ang apartment lalo na kapag birthday ko at birthday niya. Pero birthday ko man o hindi, tuwing pupunta sila sa apartment ay may dalang mga paborito ko: talaba, malalaking alimasag o alimango, malalaking hipon o sugpo. Kapag birthday naman ng Nanay ay nagsisimba kami sa Antipolo at bukod sa pansit at iba pang ulam ay may pa-ice cream at cake ako. Para sa birthday celebration niya ay nagpupunta rin sa apartment ang aking mga kapatid, hipag at mga pamangkin at ang Tiya Bining, (bunsong kapatid ng Nanay), uuwi sila sa hapon. Tulad ng ibang bakasyon, naiiwan ang Nanay para sa ilang araw at gabi sa apartment kasama ang kanyang mga paboritong babaeng apo.

***

WALA SA PLANO ko na gawing yaya ni Erick ang Ate Luding. Ang plano ko lang ay siya ang magbantay sa akin sa ospital kapag manganganak na ako. Walong taon na siyang biyuda noon, may kanya-kanya nang pamilya ang tatlong anak, at ang tanging kasama sa inuupahan ay ang binata nang bunsong si Sandy; 52 noon ang Ate Luding.

Dahil kabunsu-bunsuan, lumaki akong walang kamuwang-muwang sa pag-aalaga, mas ako ang inaalagaan. Pagkapanganak ay nakiusap ako sa Ate Luding na pansamantala niya akong alalayan sa pag-aalaga kay Erick, pahiram muna ng kanyang expertise sa pag-aalaga sa sariling mga anak, gayundin sa apat na anak ng kanyang bayaw at bilas (Rolly at Yeta), na siya na rin ang naging yaya dahil nagtatrabaho si Yeta, maigsing ilang lakad lang mula sa kanila ang bahay ng mga ito.

Ang pansamantalang pag-alalay ng Ate Luding ay naging pangmatagalan na. Malaki-laki na noon ang bunso ni Yeta bukod pa nga sa magkapatid kami ng Ate kaya makakahindi ba si Yeta nang hilingin ko sa Ate na siya na ang maging yaya ni Erick? Walang problema kay Sandy, binata na naman daw siya, OK lang sa kanya dahil magkikita naman daw sila kung day-off ng Ate.

Kung ilang taon si Erick ay gayon din katagal ang pagiging yaya ng Ate—idagdag pa ang may 1½ araw sa ospital nang dahil sa 32 oras na pagle-labor ko! Kung tutuusin, sa loob ng panahong ito ay kami ang mas matagal at mas madalas na kasama ng Ate kaysa sarili niyang mga anak at sariling mga apo. Kaya lang siya napapahiwalay sa amin ay kung Pasko’t Bagong Taon, Mahal na Araw, piyesta sa kanilang lugar sa Malabon, di katagalang pagbabakasyon sa pamilya ni Erson na taga-Capiz ang napangasawa, si Flor. Ang pinakamatagal nang pagkahiwalay ng Ate ay noong 2001—dalawang buwan siyang tumigil sa Malabon para magpalakas pagkaopera, kinailangang tanggalin ang kanyang matris at mga obaryo. Animnapu’t anim na taon na ngayon ang Ate.

Noong tatlo-limang taon si Erick ay basta natuklasan na lang namin na parehong Aya ang tawag ni Erick sa aming dalawa ng Ate. Sariling imbento ni Erick ang Aya. May panahong Aya pa rin ang tawag niya sa akin kahit tinuturuan ko siya na Ma o Mama; kalaunan, mawawala ang Aya na tawag niya sa akin, naging Ma o Mama na. Tuluyang nawala ang Aya ni Erick para sa Ate, kahit ibang sariling imbento niya ay wala nang pantawag si Erick sa Ate. Pero tinuruan ko si Erick kung paano sulatin ang Tiya Luding, TIYA LUDING nang palimbag at kabit-kabit-—para kung hindi man matawag ni Erick ay may written identity naman ang Ate kay Erick.

***

NANG MAGING YAYA na ni Erick ang Ate ay naging padalas nang padalas, patagal nang patagal ang pagdalaw ng Nanay. Nakahalata agad ang Ate, pinagseselosan daw siya ng Nanay dahil siya raw ang kasama namin, parang siya ang biyenan ni Roli, parang siya ang lola ni Erick—na dapat ay papel ng Nanay. At tunay nga, dahil malaki ang agwat ng edad ni Erick at ng Ate, at dahil maagang pumuti ang buhok ng Ate (30-40 pa lang siya noon!) at dahil din kahit minsan ay hindi siya nagpa-hairdye (tanggap na tanggap niya ang pagputi ng buhok, doon din naman daw talaga pupunta!), lola ni Erick ang tingin sa kanya ng lahat, bukod pa sa siya ang kasa-kasama ni Erick kapag ipinapasyal sa labas, siya ang nakikitang kasama sa eskuwelahan, sa ospital, saanman. Liyebo 80-90 na ang Nanay sa panahon ni Erick, (92 ang Nanay nang mamatay), imposibleng masabayan pa niya ang demands ng pagpapalaki sa isang sanggol at dagdag pa rito’y magiging nonverbal hyperactive autistic!

Padalas nga nang padalas, patagal nang patagal ang pagbabakasyon ng Nanay, nagpapahatid at nagpapasundo na lang papunta’t pabalik. Isang beses, isinara’t kinandaduhan ng Nanay ang aming maliit na bahay sa Malabon, dinala ang marami sa kanyang mga damit. Tawanan na lang kami ng Ate!

Muli, naulit ang pagsama-sama naming mag-iina sa iisang bubong tulad noong bata pa ako at dalaga pa ang Ate.

***

KINAGISNAN KO NA ang kasipagan ng Nanay sa loob ng bahay at sa trabaho (pagtitinda ng meryenda noong maliit pa ako, pagtitinda sa palengke nang nasa UP na ako). Father’s daughter ang turing ko sa sarili; 1975 pa lang ay inalayan ko na ang Tatay, noo’y siyam na taong patay na, ng isang artikulo tungkol sa kanya, “Si ACG alyas 617”. Doo’y sinulat ko kung paano minolde ng Tatay ang karakter ko; kung paanong siya’y naging inspirasyon ko bilang high school writer; na noong 1969, naglalakad papunta sa sakayan galing sa publication office (nag-follow up sa unang pagtatangka ko sa maikling kuwento at sabi ng editor ay ilalathala ang kuwento), naisip ko ang Tatay, na kung buhay pa siya ay tiyak na tiyak na matutuwa’t magmamalaki siya dahil ang tingin ko sa kanya ay ang aking no. 1 reader fan!

Dahil father’s daughter ang tingin ko sa sarili, ang pagiging mas malay ko sa papel ng Nanay sa buhay ko ay nag-umpisa lang nang mamatay ang Tatay. May sandaling panahon na inalihan ako ng sibling rivalry kay Ado, ang sinundan ko sa mga buhay na kapatid, noon ko lang napansin na paborito ng Nanay si Ado. Hindi naman talaga nagtagal ang pakiramdam kong ito, walang basehan dahil mapapatunayan ko rin sa sarili, at obvious naman ito sa mga kapatid ko, na paborito rin ako ng Nanay.

Ang ikalawang muling pagkatuklas ko kay Nanay ay noong hirap na hirap ako sa panganganak, naisip ko ang Nanay at ang kasabihang sa panganganak ay nakatapak ang isang paa mo sa hukay, naisip ko kung paano nahirapan ang Nanay nang ipanganak ako, kung paano rin niya itinaya ang sariling buhay—at sa mga sandaling iyon ay naramdaman kong mas na-appreciate, mas mahal ko ang Nanay.

Ang sumunod na muling pagkatuklas ay nagpi-Ph. D. na ako, sa pamamagitan ng dalawang magkahiwalay na paper requirements sa dalawang kurso. Ang isang papel ay may kaugnayan sa pagsusulat, ang isa pa ay kaugnay naman ni Erick—pero sa dalawang magkahiwalay na paksang ito ay parehong nakapaloob ang Nanay. Sa pamamagitan ng dalawang papel na ito ay mas nakita ko kung gaano ako kamahal ng Nanay. Noon ko rin natuklasan na hindi ko man sinasadya, minaliit ko ang dakilang kontribusyon ng Nanay sa aking intellectual development, sa aking pagiging manunulat at career woman. Dahil simula 1975 nang sulatin ko ang “Si ACG Alyas 137” kasama na ang ilang sinulat ko gayundin ang ibang mga sinabi ko sa mga interbyu sa akin bilang manunulat, paulit-ulit ako sa pagsasabing ang Tatay ang naging inspirasyon ko sa pagsusulat dahil binabasa niya ako at ipinagmamalaki sa mga iba ang mga sinulat ko, na ang Tatay ay mahilig sa pagbabasa ng fiction kaya sa kanya ako nagaya, etsetera, etsetera. Anupa’t sa pagbabasa ko ng feminist books para sa isang kurso ay maeengkuwentro ko ang “angel of the house” na sa isang panahon sa Western writing ay tumutukoy sa babae/mga babaeng siyang umaako, sumasalo sa domestic chores/responsibilities ng mga naging bantog na manunulat, single man at lalo pa nga ba kung may-asawa, at lalo pa nga ba kung may asawa’t mga anak. Ang “angel of the house” ay tumutukoy sa ina, tiya o sinumang babaeng kamag-anak, o kaya’y babaeng servants para ang mga babaeng manunulat ay makapasok sa kanya-kanyang kuwarto (a room of one’s own, wika nga ni Virginia Woolf) para sa solitude ng pagsusulat.

“Angel of the house?” Para akong tinamaan ng kidlat nang maunawaan kung ano ang ibig sabihin nito. Muli kong nakita ang batang ako—isang prinsesa kay Nanay dahil siya lang ang trabaho nang trabaho sa bahay, libreng-libre ako sa pagbabasa, sa pag-aaral—ganito mula elementarya hanggang hayskul at college, ganito hanggang nagsusulat ako! (Nang sumali ako sa kilusan, isang malaking kakulangan ko ay hindi ako marunong magluto o mamalengke, lahat na ng gawaing-bahay gayong ordinaryong pamilya lang ang pinagmulan ko—at sa totoo’y lihim ko pang sinisi ang Nanay dahil napapahiya ako sa mga kasama na kumpara sa akin ay galing sa mas angat ang kabuhayan.) Hindsight na lang ang magsasabi sa akin na ang pagpapalayaw niya sa akin sa pamamagitan ng paglilibre sa akin sa trabaho ay may dalawang anyo: pagmamahal ng isang ina sa pangkalahatan, at sa partikular ay suporta ng Nanay sa aking mental, intellectual development, sa akin bilang manunulat, bilang career woman—dahil iyon ang kaya niya, iyon ang sa tingin niya’y pinakamabuting magagawa’t suporta niya. All along, she’s my “angel of the house” through and through! I felt humbled by my too much late realization. Noon ko lang nakita na pantay na pantay lang ang papel nila ng Tatay, kung tutuusin ay higit pa dahil mula’t sapul ay araw-araw ang paglilingkod ng Nanay sa kanyang prinsesa!

At hindi lang sa akin naging consistent ang Nanay sa pagtupad niya ng tungkuling pagkalinga’t pag-aaruga. Nang basta na lang siya nag-alsa-balutan at tumira na sa apartment, iyon na rin ang simula ng pagsisilbi niya kay Erick sa abot ng kaya’t alam niya. Alam kong espesyal sa kanya si Erick dahil espesyal ako sa kanya. (Sa panahong iyon, si Erick ang kanyang pinakabatang apo; pito-walong taon pagkaraan, isisilang si Chen-Chen, bunso ni Ado, ang magiging kahuli-hulihang apo ng Nanay).

Mula sa apartment sa Bagobantay, Quezon City ay lilipat kami sa walk-up housing sa Hardin ng Rosas, UP. Sa apartment ay ang malakas pang Nanay; sa Hardin ng Rosas ay ang papahina nang Nanay, at di maglalaon, ang ulyanin nang Nanay.

Sa apartment, lalo pa nga ba nang hindi pa nag-aaral si Erick ay maluwag ang trabaho dahil sa panahong ito ay hindi na ako tanga sa mga trabahong-bahay at ang Ate naman ay tulad din ng Nanay na masipag. Dahil liyebo 80 na, hindi na nakipagkompetisyon ang Nanay sa pamamalengke at pagluluto, papel na ito ng Ate; lalong hindi siya puwedeng mag-alaga kay Erick na sanggol pa lang ay mas malaki, mas malakas, mas malikot kaysa mga kaedad.

Wala kaming washing machine at nagtutulungan kami ng Ate sa paglalaba pero sa Nanay ang paglalaba’t pagpapalantsa ng mga damit ni Erick. Sabi ng Nanay, siya ang bahala sa mga damit ni Erick, matanda na raw siya, malapit nang mamatay, mapagsilbihan man lang niya kahit paano ang kanyang apo sa akin (tuwing sasabihin niya ito, mangiyak-ngiyak ako). Kaya hindi na kami nakipagkompetisyon pa ng Ate—alam naming kaligayahan iyon ng Nanay at hindi naman siya mahihirapan dahil maliliit naman ang mga damit ni Erick. Pinaplantsa ng Nanay ang mga damit ni Erick na dapat plantsahin; ang mga pambahay ay parang plantsado rin dahil sa kanyang superpulidong pagtitiklop. Siya rin ang tagatiklop ng aming mga damit pambahay at ibang pang hindi na kailangang plantsahin. Sa panahong may labandera nang papunta-punta sa amin, sumunod ay nang may washing machine na kami, patuloy pa rin ang Nanay sa paglalaba ng mga damit ni Erick. Ayaw ko nang maglaba ang Nanay, nagi-guilty ako: libre na kami ng Ate sa paglalaba, naglalaba pa siya? Payo ng Ate, pabayaan na ang Nanay, kapag maraming lalabhan ay tutulungan niya. Ayaw namang magpatulong ng Nanay, hayaan daw namin na mapagsilbihan niya si Erick.

Nang mag-aral na si Erick ay naging dagdag na trabaho ng Nanay ang pagiging taong-bahay. Iyon ang panahong mahilig pa siyang manood ng TV at magbasa ng diyaryong Filipino kaya komportable ako, kami na iwan siya—may libangan siya matapos ang paglalaba’t pagpaplantsa. Mabuti na lang at sa mga pag-iisang ito’y hindi siya sinumpong ng kanyang pana-panahong high-blood.

Paminsan-minsan ay umuuwi ang Nanay sa Malabon—karaniwan ay sabay sila ng Ate o kaya’y ipinapasundo’t ipinapahatid sa isa sa tatlong anak na lalaki o isang apo. Kaya pa ng Nanay noon na sumakay ng dyip at bus. Kaya ang aming nakakandadong maliit na bahay sa Malabon ay bubuksan, lalampasuhin, papalisan ng alikabok. Karaniwan nang mas maaga kaysa kanyang sinabing petsa ng pagbabalik ang pagsungaw muli ng Nanay sa Quezon City, naiinip na raw siya. E ano pa nga ba, mas sanay na siyang sa amin nakatira, tulad din ng pagmamadali kong makabalik sa apartment kapag umuuwi sa Malabon noong ako’y dalaga pa.

Kapag birthday ng Nanay ay parang family reunion. Pupunta sa apartment ang mga kamag-anak, isang grupo ang pupunta sa Antipolo para magsimba. Kasama ng Nanay ang Ate Luding at si Erick saka ang iba pa; sa apartment ako para asikasuhin ang mga kakainin. Sa simbahan ng Antipolo ay palaging bumibili ng sweepstakes ticket ang Nanay para kay Erick, pamana raw niya sakaling manalo; suman at kalamay naman para sa akin at kay Roli, saka kasoy na alam niyang paborito ko.

Sa apartment ko nakita ang huling hirit ng sigla’t lakas ng aking napakasipag na Nanay. Masigla, malakas, masipag sa paglalaba, pagpaplantsa, pagtitiklop ng mga damit ni Erick kasama na ang mga damit namin. Isang karaniwang eksenang bubulaga sa akin pagbungad ko sa gate ng apartment ay ang pagsasampay niya o kaya’y ang pagtatanggal ng mga tuyo nang damit ni Erick sa sampayan. O kaya’y nasa sopa, nagtitiklop ng mga damit, tatayo para pagbuksan ako ng pinto. Kontentong-konteto ang Nanay sa apartment. Sa katunayan, ang pinakamalayo niyang nararating ay ang pagsasampay sa harap ng apartment; libangan din niya na habang nagsisigarilyo sa tabi ng gate ay nakatingin sa kalsada sa harap, tabing-daan ang apartment. Mahilig pa rin siyang manood ng TV (kapag comedy, bigay na bigay ang tawa ng Nanay), mahilig pa ring magbasa ng diyaryo.

Pero sa panahong ito na ang paghina ng tenga ng Nanay. Sa simula ay kailangang ulit-ulitin ang sinasabi sa kanya. Sumunod ay kailangang malakas ang boses para marinig niya. Sumunod ay malakas na ang boses, uulit-ulitin mo pa. Sumuko ako—naging paraan ko na kapag may gusto akong sabihin sa Nanay ay isinusulat ko sa papel at ipinapabasa sa kanya.

Sa pagsulpot ng problema sa autismo ni Erick ay naging limitado ang interaksiyon ko sa Nanay. Nasa depression ako, iyak nang iyak. Nahuhuli ko ang Nanay na nakatingin sa akin, kay Erick—pero tahimik lang siya. Ilang beses na inisip ko na sabihin sa kanya na autistic si Erick pero wala akong energy noong panahong iyon—hindi ko lang basta maisusulat sa papel, “Nanay, autistic si Erick.” Itatanong siyempre ng Nanay pagkabasa, “Ano ba’ng ibig sabihin nitong sinulat mo?” Pagod na pagod ako sa kaiiyak at sa depression ko noong panahong iyon—wala, wala akong energy para sumulat ng himay-himay na pagpapasimple ng autismo para maunawaan ng Nanay kung ano nga bang ismo ito. Gayunman, kahit tahimik lang ako sa kanya tungkol sa malaking pinoproblema ko kay Erick ay sinasabi niya sa akin, “Huwag kang mag-alala, paglaki ni Erick, magbabago rin.” “Huwag kang mag-alala, magsasalita rin si Erick.”

Pero hindi man alam ng Nanay ang salitang autistic at autismo, isang beses, hindi napapansin ng Nanay ay narinig kong sinabi niya sa Ate, “Ibang bata si Erick.” Lihim na napaiyak ako: words of wisdom from my mother, siya na nagsilang ng maraming anak, siya na lola ng maraming apong ang pinakamatanda ay mas matanda pa sa akin ng apat na araw, siya na may mga apo na sa tuhod at kalaunan, mga apo rin sa talampakan. Napaiyak ako, hindi ko na kailangang sabihin sa Nanay na autistic si Erick dahil alam na alam na niya, sabi nga niya sa kanyang sariling mga salita, “Ibang bata si Erick.”

***

PALAKI NANG PALAKI, parami nang parami ang mga damit ni Erick na nilalabhan ng Nanay. Mabilis ang paglaki ni Erick, mas malaki siya kaysa mga kaedad at dahil hyperactive ay maya’t maya ang palit ng damit. Saway nang saway kami sa Nanay sa paglalaba, matanda na siya, pero tulad ng dati ay palagi niyang sasabihin, “Matanda na ako, gusto ko namang magserbisyo sa apo ko bago man lang ako mamatay.” Tulad ng dati, lihim naman akong napapaiyak, naiisip kong limitado na ang aming pagiging magkasama sa isang banda, at sa kabilang banda ay labis akong naaantig ng kanyang pagmamahal sa anak ko at kanyang apo. Kung paano niya ipinakita ang pagmamahal, aruga’t kalinga niya para sa akin ay gayon din para sa aking anak. Siguro’y kapantay ng iniukol niya sa akin, siguro’y higit pa nga kung hindi nga lang siya’y nasa liyebo 80 na.

Palakas nang palakas si Erick at pahina naman nang pahina ang Nanay. May instruction kami sa Nanay, iiwas siya kay Erick para hindi siya mabangga. Basta talon nang talon o takbo nang takbo si Erick, umupo na lang muna siya. Kung minsan ay napapagalitan ko tuloy ang Nanay, may mga pagkakataong nalilimutan niya na matanda na siya, mapipilayan lang siya kung kakalungin o aakayin si Erick.

May mga pagkakataong “bumibigay” ako kay Erick at napapalo ko sa puwit nang dahil din sa sobrang kakulitang peligroso sa kanya o sa iba (halimbawa, kaugnay ng Nanay, may panahong kurot nang kurot si Erick sa lola niya, o kaya’y sinusuntok sa puwit). Pero ang “kasalanan” man ni Erick ay sa kanyang lola o kaninuman, lagi’t lagi akong sinasaway ng Nanay, “Huwag, huwag mong paluin si Erick.” Pinapagalitan niya ako, pinagkakagalitan namin ang pagpalo ko kay Erick. Ako, “Sobra na kasi si Erick. Dapat, alam din niyang mali siya!” Nanay, “Huwag mong patulan ang bata. Walang kasalanan si Erick.” Tatawagin niya si Erick sa tabi niya at kung hindi hyperactive ay yayakapin, aamuin, “Dito ka sa lola,” hahagud-hagurin niya ang puwit na tinamaan ng sinelas. (Kahit minsan, hindi ako napalo ng Nanay. Kay Tatay ay ang nag-iisang insidente: may kinakain si Ado, humihingi ako, ayaw akong bigyan, sinaway ako ng Tatay, ayaw kong makinig, humingi uli ako kay Ado na muli ay ayaw akong bigyan at hinugot ng Tatay ang kanyang sinturon at pinalo ako sa puwit kasabay ang isang leksiyon, “Kapag humingi ka at ayaw kang bigyan, huwag kang mamimilit!” Mula noon, basta sinaway ako ng Tatay, tigil agad ako. Hindsight: Kapag humingi ka at ayaw kang bigyan, huwag kang mamimilit.)

***

PALAKI NANG PALAKI, palakas nang palakas si Erick. Pahina nang pahina naman ang Nanay, nawawala na ang bilog ng katawan. Hindi tulad ng dati, ayaw na niyang magpakulot at magpaitim ng buhok. Palabo nang palabo ang mga mata. Nawawala na ang sigla’t liksi na siyang trademark niya kaya nga ang karaniwan nang pagbati o reaksiyon sa kanya ng mga kakilala namin, “Para kayong hindi tumatanda!” Mahina na ang kanyang mga tuhod, mabuway na ang paglakad kaya kapag dumadalaw sa Malabon, papunta’t pabalik ay pinagtataxi ko na.

Padausdos na rin ang kanyang korona bilang “dakilang labandera” ni Erick. Nakihati kami ng Ate sa mga damit ni Erick, tantiyado namin ang para sa Nanay para maramdaman niyang may silbi pa rin siya kay Erick. Bandang huli, tagatiklop na lang siya ng mga damit. Ngayo’y wala na akong narinig na protesta ng Nanay, maligaya na siya sa papel na tagatiklop ng mga damit. Sa isang banda’y pinalungkot at pinaiyak ako nito: qualitative change iyon, tinanggap na ng Nanay na mahina na siya, hindi na niya kayang maglaba kahit ilang piraso man lang ng mga damit ni Erick; sa kabilang banda’y may dahilan para ikatuwa ko rin: matanda na ang Nanay, mas gusto kong makitang nanonood siya ng TV o nagbabasa ng diyaryo kaysa nakaupo sa bangkito’t nakayuko sa paglalaba.

***

KINAILANGANG UMALIS KAMI sa apartment dahil ipapa-repair daw ng may-ari. Ito naman ang panahong patapos na ang UP housing sa Hardin ng Rosas. Nakakuha si Roli ng paupahang yunit, nasa fourth floor. Isang beses, sakay ng taxi ay pumunta kami sa Hardin ng Rosas. Sa ibaba lang ng bilding ang Nanay at tandang-tanda ko pa ang sinabi niya sa akin, nang wala namang hinanakit, wika nga’y pagsasabi lang ng totoo, “Paglipat ninyo rito, hindi na ako sasama. Uuwi na ako sa Malabon. Hindi ko na kayang umakyat pa.” Nangilid ang luha ko sa sinabi ng Nanay, naramdaman ko ang kurot at kirot sa aking puso.

Pero ang totoo, hindi pa man ako kausapin ng Nanay ay sinabi ko na kay Roli pagkarating na pagkarating namin sa tapat pa lang ng pinto ng fourth floor unit na para sa amin, lalo pa nga sa pagtingin ko sa gilid ng sementong hagdang walang railings mula first floor hanggang fourth floor, “I don’t think we can live here.” Dahil fourth floor at bukas ang sementong hagdan, peligrosong-peligroso para sa hyperactive na si Erick, Diyos ko, Diyos ko, baka kung ano ang mangyari sa anak ko! At siyempre, imposibleng makaakyat pa sa fourth floor ang Nanay (inakay namin, umayaw papuntang second floor). At kung buhatin man ang Nanay makarating lang sa fourth floor, maiiwan siyang mag-isa dahil nagtatrabaho kami ni Roli, nasa school si Erick at ang Ate. Diyos ko, para namang itinapon ang Nanay sa fourth floor, saka baka malula’t matakot ang Nanay, ngayon lang siya titira sa bilding, at fourth floor pa! Naalala ko ang ilang nabasa tungkol sa depression—at suicides din—ng mga taga-Third World countries, lalo ng mga African, nang matira sa high-rise buildings lalo’t higit sa New York. Labas pa sa depression at suicides na ito ay naiisip ko rin, paano kung sumpungin ng kanyang pana-panahong alta-presyon ang Nanay, paano namin siya ibababa para dalhin sa doktor? O halimbawang magkasunog lalo pa nga ba kung siya’y nag-iisa sa itaas, Diyos ko, Diyos ko!

***

ANG MAS MALAKING yunit sa fourth floor ay naipagpalit sa isang mas maliit na yunit sa first floor sa ibang bilding sa Hardin ng Rosas. Pero first floor man, sa loob na lang ng yunit ang Nanay, hindi na niya kaya ang baba’t akyat sa hagdang bato kung walang aakay. Sa loob na lang siya ng yunit palakad-lakad: sala-dining area, toilet, kuwarto nila ng Ate. Sa labas, sa tabi ng pintuan siya nagsisigarilyo—ang katumbas ng kanyang paninigarilyo’t pagtanaw sa labas ng gate ng apartment. Paborito niya ang pag-upo sa silya sa tabi ng bay windows sa sala—at dahil bay windows ay kitang-kita ang mga taong yao’t dito, ang mga nagkukuwentuhan sa silong ng katapat na bilding o kaya’y ang mga umiigib sa posong nasa aming tapat.

Hindi tulad sa apartment, alanganin na akong magtaong-bahay ang Nanay pero mapilit siya, dati na naman daw niyang ginagawa. Mabagal nang magtiklop ng mga damit ang Nanay, lukot-lukot na, hindi na rin pantay ang pagkatiklop dahil mas namamaluktot, naninigas na ang mga daliri ng Nanay, marahil ay mas malabo na rin ang mga mata. Sama-sama, halo-halo na ang mga tiniklop—hindi tulad noon sa apartment na kanya-kanya, grupo-grupo ang T-shirts, panyo, atbp. Binawasan namin ng Ate ang mga tinitiklop niya—mga damit na lang ni Erick, na bago namin iligpit ay inaayos namin ang mga mali o kulang sa pagtitiklop ng Nanay. Hindi na rin siya nagbabasa ng diyaryo; kahit may salamin ay nahihirapan na raw siyang basahin ang maliliit na letra. Pero kaya pa rin niya ang panonood ng TV at nalulugod ako kapag nakikita at naririnig ang pagtawa niya sa comedy shows; interesado pa rin sa soap operas.

Kapag maiiwan nang mag-isa ang Nanay ay ayokong gamitin niya ang barrel bolt sa pagsasara ng pinto, sigurado ako na hindi niya mahihilang pabukas, at siyempre pa, ayokong nakasusi ang pinto dahil sigurado ako na komplikado sa kanya ang ikot at kontra ikot ng master key. Para kay Nanay ay gumawa ako ng “espesyal” na pansara—na sa totoo lang ay makapal-kapal na tali para lang masabing may pansara ang pinto, at sa totoo lang ay nakakawit lang sa loob. May bilin kami sa Nanay na kung masama ang kanyang pakiramdam o kung may emergency ay pumunta siya sa aming kaduplex na pinaghahabilinan naman namin, “Pakisilip-silip na lang po ang aming matanda diyan sa kabila.”

Masunuring taong-bahay ang Nanay. Bawal magplantsa, bawal buksan ang kalan (baka makalimutan niya, baka magkasunog!) Sa sala na lang siya: manood siya ng TV, kapag gustong magpahinga o matulog ay sa sopang nasa tabi lang ng bintana’t pinto para alam niya agad na dumating na ang sinuman sa amin, at para rin madali siyang makapunta sa o mapuntahan ng kaduplex namin kung may emergency sa kanya. Sa sala na lang siya maliban na lang kung kailangang pumunta sa toilet.

Pero dumating ang tag-ulan at siya’y bumaba sa silong ng bilding (play area at lugar din ng mga sampayan) para kunin ang aming mga sampay. Natakot ako, “Pa’no kung nahulog kayo sa hagdan? Hindi na baleng mabasa ang mga sampay, Nanay!” Isang beses namang maganda ang panahon at biglang umulan nang nag-iisa na siya sa bahay, kinailangan niyang umakyat pa sa silya para isara ang mga bintana sa aming kuwarto, “Diyos ko, Nanay, e kung nahulog kayo?” Pero ano nga ba ang isasagot niya kundi “Pa’no, mababasa ang kuwarto ninyo.” Isang beses naman ay bumaha ang tubig-ulan galing sa may bay windows, nataranta ang Nanay sa paghahanap ng mga basahan! Kahit tapos na ang insidente, nagpanic naman ako nang malaman, “Diyos ko, e kung nadulas kayo, Nanay?”

Kaya problem-solving uli ako. Ang policy ay isara ang mga bintana sa mga kuwarto basta aalis kami. Diniskubre kung bakit biglang baha ang tubig-ulan mula bay windows, barado na pala ang dalawang tubong lagusan sa may ibaba ng bay windows. Tinanggal ang mga bara bukod pa sa kapag iiwan na ang Nanay ay medyo nililiitan namin ang bukas ng bay windows para sakaling umulan ay madaling maisara ng Nanay.

Iyon ang panahong kapag ako’y nasa eskuwela at biglang dumilim ang langit lalo pa nga ba kung malakas ang buhos ng ulan ay sumisikdo ang aking dibdib: may sampay ba kami, baka bumaba ang Nanay? naisara nga ba namin ang mga bintana sa kuwarto, baka nakalimutan, Diyos ko!

Nalutas ang problema sa pag-iisa ng Nanay nang tumira na sa amin ang aking pamangking si Ria, bale “working student” sa amin, nag-aaral sa STI kung umaga, pagkatapos ay kasama ni Erick sa school. Ang Nanay at Ate Luding na sa bahay.

Bihirang-bihira nang dumalaw ang Nanay sa Malabon, si Ria ang malimit niyang kasama para rito. Isang beses ay inireport sa akin ni Ria, pagbaba pa lang ng taxi ay ihing-ihi na ang Nanay at kinailangang makiihi sa isang kamag-anak namin na ang bahay ay tabing-daan. Inisip kong praktikal nang mag-adult diapers ang Nanay kapag nagbibiyahe pero ayaw ng Nanay, pinilit namin ng Ate, mas mapilit si Ria, “Baka maihi sa taxi ang Lola!” at napasubok naman namin siya. Pero halos iilang beses na lang ang mga pagdalaw na ito. Kung noo’y pagdalaw sa Malabon para makita ang kanyang maliit na bahay at para makita ang kanyang mga kahinlog, ang mga susunod na pagdalaw sa Malabon ay dahil pinapalayas daw namin siya. Kesyo nagsasawa na kami sa kanya, etsetera, etsetera. Inaaway niya kami ng Ate. Depende sa ihip ng hangin, bida o kontrabida ang tingin niya sa akin pero ang Ate ay iisa lang ang papel: kontrabida at kontrabida. Kaya sa isang banda’y welcome sa amin ng Ate ang mga ganitong pag-uwi ng Nanay sa Malabon, nakakapag-recharge kami ng Ate mula sa kanyang tampo rito-tampo roon, hinala rito-hinala roon, kesyo rito-kesyo roon. Pero sandali pa lang sa Malabon ang Nanay ay nami-miss ko na at ang Nanay naman ay agad maiinip, magpapahatid agad sa Quezon City.

Hindi na nagtitiklop ang Nanay, napansin na lang namin ng Ate. Nalungkot ako, lihim kong iniyakan ito. Pero nanonood pa rin siya ng TV at nalulugod ako lalo na kapag napapahalakhak siya ng comedy shows.

***

SA MGA HULING taon ng liyebo 80 ng Nanay ay ang obvious na malalaking pagbabago ng Nanay dahil sa katandaan.

Napansin ko na lang na matagal na palang hindi siya nakakapaligo. Tandang-tanda ko pa ang unang beses na pinaliguan ko siya: mag-ina man kami, damang-dama ko pa rin ang panimulang hiya’t pagkaasiwa niya sa kauna-unahang pagkakataong siya’y pinapaliguan kong parang isang sanggol. At nauunawaan ko ang marahil ay nadarama’t iniisip ng Nanay: may nawala na sa kanya—ang kanyang sariling kapangyarihang alagaan ang sarili, ang pagiging independent niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko ang hubad na kabuuan ng aking ina, nakaupo sa may takip na toilet bowl, nakapikit at nakayuko, nakapatong ang mga kamay sa magkadikit na mga tuhod. Wala pang limang talampakan ang taas ng Nanay pero ngayo’y mas maliit siyang tingnan dahil payat na siya, nawala na ang medyo bilugang Nanay noong bata-bata pa.

Ilang paligo pa kay Nanay bago ko naramdamang hindi na siya asiwa na pinapaliguan ko. Parang sanggol na ipinapaubaya na niya ang sarili sa pag-shampoo ko, sa pagsabon sa kanyang mukha, sa pagkuskos ko dito at doon, sa pagbabanlaw ko. At sa bawat pagtatapos, kapag pinupunasan ko na siya ng tuwalya ay ang kanyang paulit-ulit na pasasalamat, “Salamat, anak, salamat…”

Pero matapos ang ilang unang beses ay nilagyan na niya ang drama ang umpisa ng bawat pagpapaligo ko sa kanya. Naroong umayaw siya, nagagalit o umiiyak dahil kaya ko raw siya pinapaliguan ay dahil nagsasawa na sa kanya at ibabalik na siya sa Malabon. Depende sa mood ko (pagod o hindi? masaya o may pinoproblema?) ay natatawa na lang ako, “Nanay, maliligo lang kayo, kung ano-ano na’ng iniisip ninyo!” o kaya’y naha-high blood na rin ako, “Naku, Nanay, tigilan nga ninyo ako!”

Makakalimutan ng Nanay ang drama niya habang pinapaliguan ko. Parang sanggol na ipapaubaya niya ang sarili sa sabon dito, banlaw roon at siya’y pupunasan ko ng tuwalya at naka-bathrobe na lalabas ng banyo ang Nanay akay-akay ko o ng Ate o ni Ria. Sa kanilang kuwarto ay bibihisan ko siya, pupulbusan, gugupitan ng mga kuko. Salamat, maraming salamat na naman ang maririnig ko, masuwerte raw siya at may anak na tulad ko, bida na naman ako kay Nanay. Palagi, marahil ay dahil napreskuhan at marahil ay dahil din sa masahe ng pagkuskos ng bimpo ay mag-aantok ang Nanay, paghiga’y agad makakatulog at ako’y nalulugod na lalabas ng kuwarto. Ako naman ang maliligo.

Bukod sa akusasyon niyang ibabalik na siya sa Malabon sa bawat umpisa ng pagpapaligo ko sa kanya ay lagi rin niyang inirereklamo ang ulam: tira-tira kung hindi man panis na ang pinapakain sa kanya—gayong pareho lang ang aming ulam. Inaakusahan din niya kami na sadyang ginagawang maanghang ang ulam para hindi siya makakain. Kalaunan ko na lang maiisip na baka ang anghang na sinasabi niya ay dahil sa pagpalpak na rin ng kanyang taste buds nang dahil sa katandaan. Kapag OK ang mood namin ng Ate, natatawa na lang kami ng Ate sa bintang ng Nanay na nilalason namin siya; kung kami’y pagod o may kanya-kanyang problema, naku po, high-blood! Mahirap na rin siyang ibili ng pagkaing pasalubong. Marami ang hindi na niya kayang kainin dahil gilagid na lang practically ang kanyang pangnguya, o kaya’y isang kagat pa lang ay “Di ko gusto ang lasa.”

Kung gabi, lalo pa nga ba at malalim na ang gabi ay magugulat ako sa pagbukas ng pinto at sisilip ang Nanay at kapag tinanong ko, “Bakit Nanay?” ay ang hindi nagbabagong sagot niya, “Tinitingnan ko lang kung dito pa kayo nakatira.” Kalaunan ko na lang maiisip na ito, gayundin ang bintang niya na ibabalik na siya sa Malabon tuwing papaliguan ko ay expressions ng kanyang inseguridad bilang isang matanda, bilang isang dependent: baka ayaw na namin sa kanya, paano kung nilayasan na namin siya?

Pinagkakagalitan din namin ang ngayo’y ipinagpipilitan niyang paglalagay sa kanyang aparador ng kanyang banig, kumot, mga nasuot nang damit, “Nanay, huwag, marumi ‘yan! Huwag sa aparador!” pero malinis naman daw, huwag siyang pakialaman, sa kanya ang aparador! Kapag hindi niya nakikita ay aalisin ko ang mga ipinasok niya sa aparador pero mauulit na naman ang eksena dahil heto na naman siya, dala-dala ang banig o kumot o damit na nagamit na.

Ito rin ang panahong walang katapusang ritwal sa kanya ang pagpapabalik-balik sa kanilang kuwarto at sa sala-dining area. Pagdating sa sala ay uupo sandali sa kanyang paboritong silya sa tabi ng baywindows, tatayo, may nakalimutan daw siya sa kuwarto; pagdating sa kuwarto, uupo sandali sa kanyang higaan, tatayo, pupunta na naman sa sala-dining area, kasasayad pa lang ng puwit sa kanyang silya ay tatayo para bumalik sa kanilang kuwarto o para sa kanyang paulit-ulit na pagtitimpla ng kape o pag-inom ng tubig (pinupuno ng kape o tubig ang kanyang mug, iinom lang ng kaunti, ibubuhos na sa lababo—kaya ibinili ko siya ng mas maliit na mug).

Kapag naririndi na ako sa Nanay ay tumitingin ako sa isa sa family photos na nakadispley sa sala—family photos na sadyang pinili ko para anu’t anuman ay may visual history si Erick ng kanyang family roots. At ngayon, ang isa sa family photos na naroon ay nagkaroon ng partikular na gamit at kabuluhan para sa akin: ang retrato ng Nanay noong siya’y 65-66 na taon pa, medyo mabilog pa, iyon pa rin ang panahon ng kanyang sigla’t liksi’t mataginting na mga halakhak. Kapag naririndi na ako sa pag-uulyanin ng Nanay, nakikita ko na lang ang sarili na tinitingnan ang retratong ito ng Nanay sa sala at muli ay babalik sa akin ang mga araw noong mas bata’t mas malakas pa ang Nanay at ako ang kanyang prinsesa at mararamdaman kong ako’y muling matitigib ng pagmamahal, pasensiya’t tiyaga para kay Nanay.

***

TULAD NG KANYANG pagkabingi na nakakapagtaka kung bakit may mga pagkakataong kahit mahina ang sinabi o pinag-uusapan ay naririnig o naiintindihan niya (biglang luminaw kaya ang pandinig o nagli-lip-reading kahit paano ang Nanay, naiisip namin ng Ate), hindi palaging ulyanin ang Nanay. Darating ako sa bahay at spontaneous na sasabihin niya, “Kumain ka na, baka nagugutom ka na.” Tulad ng dati. Kapag nakitang nakayapak ako halimbawang hindi ko makita ang sinelas ko, nag-aalalang sasabihin niya, “Bakit ka nakayapak? Magsinelas ka, baka ka mapasma.” Tulad ng dati. Malapit sa upuan niya sa tabi ng baywindows ang computer ko (hindi pa sira noon) at kapag nagsusulat ako, sa pagsulyap ko sa kanya ay makikita ko siyang malugod na nakatingin sa akin at karaniwan nang sabihin sa akin, “Baka nagugutom ka, magmeryenda ka muna.” “Baka napapagod ka, magpahinga ka muna.” Tulad ng dati.

Ang Nanay na sumasaway pa rin kapag nakikitang napapalo ko si Erick o kung hindi man siya nagsasalita ay sasawayin ako ng kanyang malungkot-naaawang tingin kay Erick. Ang Nanay na kahit tahimik ako ay nagtatanong, “May problema ba kayong mag-asawa?” at ang kanyang unsolicited advice, lagi, “Mag-usap kayo. Huwag ninyong papatagalin ang away.”

Dalawang beses na akong nagpanic nang dahil sa masamang pagbagsak ng Nanay, nagdugo ang kanyang ulo at kailangang itakbo siya sa UP Infirmary. Sa dalawang insidenteng ito ay mas grabe ang pangalawa. Paalis na noon ang aming mga dumalaw na kamag-anak at kami’y nasa ibaba, naghahatid sa mga sasakay sa dyip. Hindi namin alam ay lumabas ang Nanay at sa tapat ng pinto ng aming kaduplex ay inihatid niya ng tanaw ang mga paalis. Nang tumakbo na ang dyip ay babalik na sa yunit namin ang Nanay pero pag-ikot niya ay nasabit ang kanyang paa sa sinelas sa tapat ng pinto ng aming kaduplex. Sa pag-akyat namin sa sementong hagdan ay nakita namin ang Nanay, napaupo sa sulok, duguan ang ulo’t damit. Tumama ang ulo ng Nanay kung hindi sa sementong pader ay sa screen door ng aming kaduplex. Itinakbo ang Nanay sa UP Infirmary pero matapos ang first aid ay dalhin daw sa pinakamalapit na ospital, sa New Era Hospital, dahil malalim ang sugat bukod pa sa kailangang ma-X-ray. Ilang araw at gabi sa ospital ang Nanay, ang Ate ang tagabantay. Kapag dumadalaw ako sa Nanay ay pilit siyang nagpapauwi, malakas naman daw siya, inip na inip daw siya sa ospital. Isang bagay na ikinahanga ng mga doktor sa kanya, “Malakas ang loob ni Lola,” dahil maliban sa sugat ay OK ang Nanay: kalmado siya, OK ang blood pressure. Isang bagay na hindi ko ikinakagulat—matapang ang Nanay. Mataas ang kanyang threshold of pain, hindi tulad ko na hinihimatay dahil sa puyat o gutom o sakit ng tiyan o nang bunutan ng ngipin. Matatakutin ako sa multo kahit noong bata pa pero ang Nanay ay hindi naniniwala sa multo-multo (“Marami na akong mga kamag-anak na namatay. Kahit isa, walang nagpakita sa akin!”) Hindi siya naniniwala sa mga aswang, manananggal, tiyanak, etsetera (“Bakit noong panahon ng Hapon, hindi naglitawan ‘yang mga ganyan-ganyan? Tinakot sana nila ang mga Hapon!”)

Bagamat hindi singgrabe ng pangalawa ang unang pagbagsak ng Nanay, kinailangan din siyang itakbo sa UP Infirmary pero pinauwi rin agad matapos ang dalawang stitches. Hindi man sinasadya, si Erick ang dahilan ng kanyang unang pagbagsak. Sa maigsing koridor papunta sa magkatapat na pinto ng aming kuwarto at ng kuwarto ng mga Nanay, malapit na sa pinto ng kanilang kuwarto ang Nanay nang heto na si Erick na hagibis sa pagpunta sa kuwarto namin at nabangga niya ang Nanay na bumagsak at tumama ang ulo sa gilid ng aming pinto. Nasa sala-dining area ako, nakaharap sa koridor kaya kitang-kita ko ang mabilis na pangyayari, nagpapanic na nilapitan ko ang Nanay, nagkagulo kami sa bahay pero ang paulit-ulit lang na sinasabi ng duguang Nanay, huwag pagalitan si Erick, wala raw kasalanan ang kanyang apo, walang kasalanan si Erick…

Mula noo’y “traffic policewoman” na ako sa maigsi’t makitid na koridor, “Erick, huwag mong sabayan ang lola mo, baka magbanggaan na naman kayo.” “Nanay, huwag muna kayong lumabas, nandiyan pa si Erick.” Na isang napakahirap at time-consuming na trabaho dahil ang isa’y isang malaking batang hyperactive autistic at ang isa nama’y isang bingi’t ulyanin at eengkang-engkang na matanda. Idagdag pa ang nakakatakot na isiping baka ang anak ko pa ang maging sanhi ng pagkamatay ng Nanay sakaling magkabungguan na naman ang maglola, huwag po, Diyos ko, Diyos ko!

***

BUMALIK SI RIA sa Malabon at naiwan kami ng Ate Luding sa pag-aasikaso sa maglola. Ito ang panahong may M.A. full scholarship na ako nang dalawang taon—nag-aplay ako para matupad ang dalawang layunin ko: magkaroon ng maraming oras sa bahay at nang maturuan ko si Erick ng pagsulat, pagbasa at paggamit ng computer, at para maasikaso ang libro ko tungkol kay Erick.

Ang buhay ko ay uminog sa pag-aalaga sa Nanay at kay Erick, sa pag-aasikaso sa pamilya’t bahay, sa pag-aaral, sa panimulang pagsasaayos sa Erick Slumbook at sa pagtuturo kay Erick. Salamat sa Ate na kasangga ko sa pag-aalaga sa maglola at sa mga gawaing bahay. Isang beses, nakayuko’t nakatingin sa paikot-ikot na mga damit sa loob ng washing machine, naisip kong ganoon na rin ang buhay ko, parang damit na nakakulong sa washing machine, paikot-ikot-ikot na lang. Walang katapusan ang paghuhugas ng mga pinggan, ang paglalaba, ang kung ano-anong trabaho sa bahay. Salamat, salamat at nasa tabi ko ang Ate Luding! Kinatakutan ko ang Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw, piyesta sa mga Ate Luding dahil mag-iisa akong on-duty sa maglola, may sakit man ako o wala. May mga hatinggabing pagdantay ng likod ko sa higaan ay saka ko lang maiisip, hindi pa pala ako nakakapaligo—puwede na, tulog na naman ang maglola, wala na ang peligrong magbanggaan ang maglola habang ako’y nasa banyo. Nangyayari ring mas gusto ko nang matulog—kailangang mag-recharge para sa muling pag-aalaga sa maglola bukas.

Kaya nang dumating ang hindi inaasahang buwanang dagdag na allowance na P3,000 ay nagdesisyon ako na regaluhan ang sarili—nagpakuha ako ng dalawang assistant sa tulong ni Flor, taga-Capiz na manugang ng Ate kay Erson. Isang desisyon na noon at hangga ngayo’y isa sa pinakamalaking regalo ko sa sarili. Sa hindsight nga ay nagsisisi ako kung bakit bandang huli ko na lang naisip ang ganitong regalo sa sarili, kung bakit kapag may extrang sariling pera ako ay pulos gastos sa iba ang iniisip ko.

Ang desisyon kong pagkuha ng dalawang assistants ay dahil kay Erick, sa Nanay, dahil tumatanda na ang Ate, dahil sa pag-aaral ko, at dahil sa aking ginagawang libro tungkol kay Erick. Gusto ko, kailangang-kailangan ko ng mga oras lampas sa domestic chores and responsibities!

Dumating si Lyn-lyn, 16, parang amasona ang katawan, pansinin ang ganda ng mukha; si Abet ay may edad na, may pamilya, mahina ang tenga, paspas kung magtrabaho. Tanong nila, Ate o Manang ba ang itatawag sa akin? Pinili ko ang Manang para mas natural sa kanila; na-excite ako, mag-aral kaya ako ng Ilonggo sa kanila?

Agad babalik si Abet, pinoproblema ang malilit na anak na iniwan sa iresponsable’t lasenggong asawang walang trabaho. Agad naman akong makakakuha ng kapalit—si Nene, 19—salamat muli kay Flor, ang aking “recruiter.” Aabutan nang tatlong taon si Lyn-lyn bago umalis; mag-aapat na taon na sa amin si Nene, kasama namin hangga ngayon. Masuwerte kami kina Lyn-lyn at Nene: bukod sa mga trabaho sa bahay ay matiyaga sila kay Erick at sa Nanay. May lambing sila sa maglola, hindi pinapatulan ang wika nga’y odd behavior ng isang special child at isang ulyanin. Kapag sasayaw-sayaw sina Lyn-lyn at Nene ay napapatawa nila ang Nanay, para raw tipaklong! Lugod na lugod ako kapag naririnig ang paghagikgik ng Nanay.

Dahil kina Lyn-lyn at Nene ay nalibre ako sa maraming responsibilidad sa Nanay: may palagi siyang kasabay sa pagkain o sa “panonood” ng TV (basta lang siya nakaupo sa harap ng TV, madalas pa nga’y nakayuko’t natutulog), may kaharap at kumakausap sa kanya habang nakaupo sa bay windows at kung ano-ano pang pag-aasikaso sa kanya. Ang tanging trabahong hindi ko ipinapagawa sa kanila ay ang pagpapaligo sa Nanay—ako pa rin iyon. Talagang may mga extrang oras na ako para sa pagtuturo kay Erick, sa pag-aasikaso sa libro ko tungkol kay Erick, at para sa pag-aaral ko ng M.A., kalaunan, ng Ph. D. dahil muli akong nakakuha ng full scholarship para sa tatlong taon.

Isang araw ng Oktubre 1999, pare-pareho kaming nasa bahay noon nang tumayo ang Nanay mula sa kanyang paboritong silya sa tabi ng bay windows, bigla na lang siyang bumagsak pero nagawa pa rin niyang makakapit sa kalapit na silya sa kabisera ng dining table. Nang lapitan ni Roli ang Nanay ay putlang-putla, parang mahihimatay pero hindi naman siya tuluyang nahimatay. Pinagpahinga namin siya sa kanina’y kinapitang silya sa kabisera at nang kaya na niya ay inaalalayang inakay siya papunta sa kuwarto. Nakakausap naman siya.

Pinatingnan namin siya sa manghihilot, wala naman daw pilay ang Nanay, dala na lang daw ng katandaan. Naging bedridden na ang Nanay mula noon. Dumaraing ang Nanay, masakit, masakit. Dalhin natin ang Nanay sa National Orthopedic Hospital, sabi ko sa Ate. Duda ang Ate kung gagalawin pa ng mga doktor ang Nanay—92 na ang Nanay, ipagpalagay nang kailangang i-plaster cast, paano? Malambot na ang mga buto ng Nanay, mainit at mabigat ang plaster cast, kaya pa ba ng Nanay?

Bukod pa sa pressures ng pag-aaral ng unang semestreng iyon ng aking Ph. D., ang Hulyo-Nobyembre 1999 ay mga buwan ng pagsubok sa aking emosyon at bulsa. Tumutulong ako sa gastos ng noo’y labas-masok sa ospital na si Ado dahil sa matinding sakit ng tiyan, matutuklasang colon cancer pala. Hindi na namin ipinaalam sa Nanay ang tungkol dito.

Sa kabilang banda, Oktubre rin nang bumagsak ang Nanay at maging bedridden. Pero daig pa ng Nanay ang may dalawang private nurse—malinis ang Nanay, hindi nandidiri sina Lyn-lyn at Nene sa pagpupunas at paglilinis sa kanya, lalo na si Nene. “Kung nagkataong nakapag-aral ka, Ne,” sabi ko nga, “siguro’y naging nars o doktora ka.” Hindi tulad ko na madaling masuka o maduwal o mahilo ay matibay ang sikmura nina Lyn-lyn at Nene. Sila ang katulong ng Ate kapag pinapalitan ng diapers ang Nanay, kapag nililinis ang Nanay. Hangang-hanga ako sa kanila, “Pasensiya na kayo, mahina talaga ang sikmura ko. Kaya nga siguro naging writer at teacher ako. Hindi ako puwedeng doktora o nars.”

Nawala ang mga pag-aalala ko sa Nanay dahil sa mga maoobserbahan. Maganda na ang kulay ng kanyang mga pisngi. Dati siyang palaging nakapikit, gising man o tulog, pero ngayo’y dumidilat na siya kapag gising. Kapag kinakausap at sinuwerteng marinig at maintindihan, may maigsing sagot. Nawala ang ilang pangingitim sa kanyang hita, tuhod at binti, nagbunga rin marahil ang pagtitiyaga ni Nene sa pagtatapal ng pinainitang dahon ng tuba-tuba (para raw sa pilay) bukod pa sa masahe. Ang dating palagi lang nakahigang Nanay ay naibabangon na nang paupo sa pag-alalay nina Lyn-lyn at Nene. Ang dating isa-dalawang kutsara ng lugaw o oatmeal o sopas ay nagiging tatlo-apat na. Bandang huli, dalawa-tatlong beses nang naiuupo sa silya ang Nanay bagamat tulad ng kapag nakaupo sa higaan ay palaging nakayuko pa. May isa-dalawang kutsarang dagdag na subo ng lugaw o oatmeal o sopas ni Nene kaya buong isip namin ng Ate ay pagaling na ang Nanay. After all, biro ko nga sa Ate, bata pa ang Nanay, 92 pa lang! (ang lola namin sa Nanay, na Inang ang tawag ng lahat—anak man o apo o apo sa tuhod o sa talampakan—ay 107 nang mamatay sa katandaan, walang sakit kundi ang kataratang ikinabulag!)

Kapag may mga kamag-anak na dumadalaw sa Nanay ay lagi kong ipinagmamalaki ang dalawang “private nurse” ng Nanay, lalo pa nga ba ang mas matiyagang si Nene. Lagi ay nalulugod akong ipasilip sa mga kamag-anak ko ang tanawin sa silid ng Nanay: sina Lyn-lyn at Nene, inaalalayan ang Nanay sa pag-upo sa higaan, o kaya’y kinukutsarahan ni Nene ng lugaw, o kaya’y pinupunasan nina Lyn-lyn at Nene ang Nanay, o kaya’y minamasahe ni Nene ang binti o tinatapalan ng pinainit munang mga dahon ng tuba-tuba… At sa mga dumadalaw na anak o apo at apo sa tuhod ng Nanay ay hindi ko nakakalimutang sabihin, “Ayan, tingnan ninyo, tingnan ninyo, kaya ninyong gawin iyan? Tingnan ninyo sina Lyn-lyn at Nene!” Hangang-hanga ang mga kamag-anak ko kina Lyn-lyn at Nene, lalo na kay Nene. Obvious na may concern kay Nanay ang dalawang assistant ko, hindi sila nandidiri sa pag-aalaga sa Nanay. Sa pana-panahon ay sina-sound off ko sina Lyn-lyn at Nene kaugnay ng pag-aalaga sa Nanay. Ako, “Nakakahiya naman sa inyo. Hirap na hirap kayo sa Nanay.” Lyn-lyn at Nene, “Mahal naman namin si Lola, Manang. Parang ang lola na rin namin.” At obvious namang totoo ang sinasabi nila dahil iyon ang aking nakikita sa araw-araw.

***

HULYO NANG PUNTAHAN ako ni Ado para humingi ng pera para magpadoktor nang hindi na matiis ang matinding sakit ng tiyan. Iyon ang kahuli-hulihang pagkikita nila ng Nanay. Mula noon ay nagpalipat-lipat na si Ado ng government hospitals at matapos operahan sa bituka sa Tondo General Hospital noong Oktubre ay pinauwi na sa bahay, may butas sa tiyan, may nakakabit na maliit na plastic bag kung saan inilalabas ang kanyang dumi. Oktubre at pareho nang bedridden ang Nanay at si Ado at ewan kung pagkakataon lang, sa mga oras na malapit sa pagkamatay ni Ado noong Nobyembre 11, 1999 (ang inakalang natutulog na si Ado ay patay na pala, nakitang tinanggal pala niya ang maliit na plastic bag na nakatapal sa butas sa tiyan, parang tinanggap na niya ang kamatayan), dito naman sa Quezon City, ang nakapikit na Nanay ay narinig naming parang may tinatawag, “Conrado! Hayun si Conrado!” Ibabalita sa akin ng Kuya Pedring, sa telepono, na namatay na si Ado at iisipin namin ng Ate, nagpaalam ba o sinusundo ni Ado ang Nanay?

Namatay dito sa Hardin ng Rosas ang Nanay noong Nobyembre 18, 1999 matapos ang may isang buwang pagkaratay, exactong isang linggo matapos mamatay si Ado. Namatay ang Nanay noong gabing iyong kauuwi lang namin ng Ate Luding galing sa libing ni Ado sa Malabon, marahil ay hinintay lang kami para makapagpaalam naman siya. Nasa kuwarto ako noon ng Nanay, may kung anong tinitingnan at nagpapansin sa akin ang Nanay sa pamamagitan ng kanyang malakas na paghihilik at tiningnan ko siya’t napansin ko, pataas ang galaw ng hangin mula tiyan, paakyat nang paakyat, at kinabahan ako, baka naghihingalo na ang Nanay at tinawag ko ang mga kasambahay na nasa sala, “Ang Nanay! Ang Nanay!” Alam ko na paborito ako ng Nanay kaya binigyan niya ng espesyal na regalo ang kanyang kabunsu-bunsuan bago siya umalis. Paalam, anak. Paalam, Nanay.

Sa libing ng Nanay, ako na ayaw na ayaw ng anumang drama o eskandalo na kasasangkutan ko sa harap ng mga tao, nang ipapasok na sa nitso ang kabaong ng Nanay ay narinig ko na lang ang sarili na humahagulgol nang gayon na lang, “Nanay, Nanay! Mahal na mahal kita, Nanay!” Humagulgol at nanangis ako nang gayon na lang at pagkatagal-tagal.

Nang dahil sa magkasunod na pagkamatay ng Nanay at ni Ado ay namaos ako buong buwan ng Disyembre. Kahit pa sinasabi ng isip ko na dapat na ngang magpahinga si Ado sa kanyang karamdaman at ang Nanay naman ay sa kanyang katandaan, ayaw makinig ng puso ko: balik nang balik sa isip ko ang mga araw na kasama ko sila, iyak ako nang iyak kapag nag-iisa. Enero 2000 na nang magbalik ang boses ko. Welcome bagong milenyo!

***

ANG BANIG, MGA unan at kumot ng Nanay, nang nakaburol siya, ay ipinasunog ko sa bakanteng parte ng garden sa likod. Ang kanyang sinelas pambahay, salamin sa mata, suklay, face powder compact at iba pang mumunting gamit na nakita namin sa kanyang maliit na bag ay inilagay ko sa isang munting hukay malapit sa Chinese bamboo ng Nanay, ang kalahati ng Chinese bamboo na nasa paso sa bintana ng aming bahay sa Malabon—na sa pagpunta ko sa burol kay Ado ay natuklasan kong siya na lang palang halaman ng Nanay na natira mula nang iwan na niya ang bahay sa Malabon para tumira kasama namin sa Quezon City. Gusto ko sana ay ipa-cremate ang Nanay at ang lalagyan ng kanyang mga abo ay ibaon sa tabi ng kanyang Chinese bamboo, magpapagawa ako roon ng munting grotto at kung gayon ay madalas ko siyang madadalaw, maaalayan ng mga bulaklak at dasal; gayundin, lagi akong may pakiramdam na kasama ko pa rin siya tulad ng dati. Pero nagprotesta ang Kuya Pedring, hindi nila tanggap ang idea ng cremation, lahat sa aming angkan ay inililibing sa nitso—kabaong at katawan. Ayaw rin ng Kuya Pedring na i-cremate ang Nanay at dalhin ko sa Quezon City ang kanyang mga abo; sa mga taga-Malabon ay madali nilang madadalaw ang Nanay sa aming matandang sementeryo katabi ng aming matandang simbahang San Bartolome (sintanda ni Rizal, 1861). Agad kong iniurong ang balak kong cremation at grotto sa tabi ng Chinese bamboo ng Nanay. Hindi lang ako ang nagmamahal sa Nanay.

Kapag nami-miss ko ang Nanay ay nagpupunta ako sa back garden, tumatayo sa harap ng Chinese bamboo malapit sa dalawang maliit na hukay na may tambak na mga bato: sa isang maliit na hukay ay ang mga abo ng mga sinunog na gamit sa pagtulog; at sa kabilang maliit na hukay ay ang kanyang mga sinelas, salamin sa mata, suklay, face powder compact, atbp.

Exactong isang linggo ng pagkamatay ng Nanay, nalulungkot ako dahil sa kanya at ako’y pumunta sa back garden, tumayo sa harap ng Chinese bamboo. May isang paruparo—itim, may dilaw-dilaw sa gilid ng mga pakpak—ang lumipad paikot sa akin, tatlong beses! Nakatingin sa paruparong umiikot sa akin ay kung bakit siyang naisip ko, exactong isang linggo na ang Nanay, may ibig kayang sabihin ito? nagpaparamdam kaya sa akin ang Nanay?

April 30, 2000 at birthday anniversary ng Nanay, dapat ay 93 na siya kung buhay pa. Pumunta kami sa sementeryo sa Malabon, nagtulos ng kandila at nag-alay ng dasal sa harap ng halos magkatapat na mga puntod ni Ado at ng Nanay. Kinabukasan, nakatayo ako sa harap ng Chinese bamboo ng Nanay, hawak ang garden tool na mahabang pantusok sa mga tuyong dahon, tinutusok-tusok ko ang lupa sa paligid ng Chinese bamboo para “makahinga” ang lupa. Maya-maya ay may narinig akong bzzz-bzzz-bzzz sa kaliwang tenga ko. Hawak sa kanang kamay ang pantusok ay patuloy ako sa ginagawa, pinapalis naman ng kaliwang kamay ang bangaw (akala ko) na sa ikalawang beses ay nag-bzz-bzz-bzz sa kaliwang tenga ko. Pagtingin ko sa inaakalang bangaw ay laking gulat ko, paruparong itim pala, may dilaw-kayumangging bilog-bilog sa gilid ng mga pakpak. Natulala ako, sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nilapitan at “binulungan” ng paruparo, at dalawang beses pa! Ang paruparo ay dumapo muna sa halaman sa kabila ng garden saka lumipad palayo. Saka pumasok sa isip ko, birthday ng Nanay kahapon, nagpaparamdam kaya siya? Bakit kaya ang dalawang insidenteng may paruparo—ang una ay inikutan ako nang tatlong beses, ang pangalawa ay “binulungan” ako nang dalawang beses—parehong nangyari habang nakatayo ako sa tapat ng Chinese bamboo ng Nanay. Ang una ay noong exactong isang linggo ng kanyang pagkamatay; ang ikalawa ay kinabukasan ng kanyang kaarawan, ang unang anibersaryo ng kanyang kaarawan sa panahong siya’y patay na.

***

NOONG MAS MALIIT pa si Erick at hindi ko pa alam na magiging autistic ay ikinuha ko ng education plan na mula elementary hanggang college, pang-exclusive schools. Idea ko ang education plan bagamat magkatulong kami ni Roli sa pagbabayad.

Nang kumpirmado nang autistic si Erick ay napag-alaman ko na ang education plan ni Erick ay hindi puwedeng gamitin para sa special education niya. Ibinenta ko ang education plan at ang pinagbentahan ay ginamit na pang-downpayment sa isang lote sa isang subdivision dito rin sa Quezon City (ayoko sa plano ni Roli na taxi, sabi ko’y risky investment ang iniisip niya, hindi tulad ng lote). Tulad ng education plan, idea ko rin ang pagbili ng lote—ang panimulang hakbang para sa pangarap kong lote’t bahay para kay Erick. Paupahang apartment ang unang tinirhan ni Erick, ngayo’y sa isang paupahang UP housing unit. Tuwing makakakita ako ng taong-grasa ay naiisip ko si Erick: saan titira si Erick pagdating ng araw? Gusto kong bigyan ng dignidad ang anak ko: ayokong lumaboy-laboy siya; kaysa naman dagdag na problema pa sa mga kakalinga sa kanya sa hinaharap kapag patay na kaming mga magulang niya, mas mainam kung bukod sa may sariling bahay na titirhan ay may sarili ring regular na pagkukunan ng panggastos para sa pagkain.

Kung ako nga lang ay may extrang malaking pera, gusto ko sana ay makabili ng isang farm kung saan may tirahan na si Erick ay magiging productive pa siya sa pagtatanim at/o pag-aalaga ng hayop. O tulad ng ginawa ng ibang mga magulang ng ibang special children ay magtatayo ako ng panaderya para doon tumulong si Erick at kumita. Pero dahil wala akong gayong extrang malaking pera ay ang pagseguro ko muna sa isang komportableng maliit na bungalow para kay Erick—at sana, oo, sana’y makapagpatayo ako ng paupahan sa kalahati ng lote para pagdating ng araw ay may katiyakan kahit paano ang buwanang gastos niya sa pagkain. Kung gayon, hindi naman siya magiging pabigat pa sa mga sinumang kakalinga sa kanya sa panahong patay na kaming mga magulang niya—my idea of Erick as a special person who is a dependent and an independent person at the same time—lalo pa sa panahong siya’y may sakit at/o matanda na.

At tulad ng maraming magulang, lalo na ang mga ina ng special children, dumarating ang mga sandali ng insecurities: paano na ang anak ko kapag patay na ako? sino ang titingin sa anak ko? Kaya nga ba narinig ko sa isang kapwa ina ng isang autistic, mas gusto pa niyang mauna sa kanya na mamatay ang kanyang special child—kapag magkasakit ay aalagaan niya, aasikasuhin hanggang nitso. Aaminin kong tulad ng inang ito ay naiisip ko rin ito sa mga sandali ng insecurities ko para sa aking panganay at bunso, at sigurado akong marami pang ibang inang may special child ang nakapag-isip o nag-iisip ng ganito rin.

Isang malalim na ang gabi ay naisip ko ang Nanay at ang kanyang mga huling araw. Ano ba’t kaylinaw na nakita ko sa isip ang mga eksenang nakabukas ang pinto ng kanilang kuwarto at ako’y parang isang tourist guide na pabulong pero nagmamalaking sinasabi sa mga dumalaw na kamag-anak, “Tingnan ninyo, tingnan ninyo, daig pa ng Nanay ang may special nurse!” at sa nakabukas na pinto ay ang tanawing magkatulong na pinupunasan nina Lyn-lyn at Nene ang Nanay, o kaya’y sinusubuan ni Nene ng lugaw, o kaya’y minamasahe ni Nene ang braso’t binti, o kaya’y tinatapalan ni Nene ng pinainit munang mga dahon ang tuhod at binti ng Nanay… At tunay ngang ipinagmamalaki ko sina Lyn-lyn at Nene—lalo na ang mas matiyagang si Nene—lalo pa nga ba sa mga apo at apo sa tuhod ng Nanay, “Tingnan ninyo, tingnan ninyo, hindi sila nandidiri sa Lola ninyo! Alagang-alaga nina Lyn-lyn at Nene ang Lola ninyo!”

At tunay ngang noon ko lang naisip ang tunay na kahulugan at kabuluhan ng mga tanawing iyon. Noon ko lang naisip na akala ko ay ako ang nagpapakita sa mga tanawing iyon, “Tingnan ninyo, tingnan ninyo,” sabi ko sa aking mga kamag-anak pero sa halip ay ako pala ang pinag-uukulan ng Nanay ng mga tanawing iyon at paulit-ulit ay sinasabi niya sa akin, “Tingnan mo ako, anak, tingnan mo ako...” Noon ko lang nagagap ang mensahe ng Nanay, “Anak, alam kong labis-labis na pinoproblema mo, paano na si Erick kapag wala ka na? Tingnan mo ako, anak, tingnan mo sina Lyn-lyn at Nene. Hindi ko sila mga tunay na kadugo pero tingnan mo, hindi nila ako pinandidirihan, inaalagaan nila ako na para bang ako’y tunay nilang kadugo.” Natulala, napaiyak ako sa mga sandaling iyon ng pagkatuklas, pagbubukas ko sa kahuli-hulihang regalo sa akin ng Nanay—na sa katunayan ay espesyal na regalo niya para sa aming dalawa ni Erick. Kahuli-hulihang espesyal na regalo na siniguro niyang maibigay sa aming dalawa ni Erick bago siya mamatay.

Noon ko rin natuklasan kung saan ko hinuhugot ang komitment ko kay Erick. Nagmumula ito hindi lang sa aking sariling pusong-ina—ang tunay na pinagbubukalan nito ay ang tradisyon ng Nanay—sa kanya ko hinuhugot ang tradisyon ng pagmamahal at pagkalinga na ako mismo ang direktang pinatutungkulan at tagatanggap, ang kanyang tradisyong nasaksihan ko kaugnay ng mga ibang nakakatandang kahinlog hanggang sa kanyang mga babaeng apong inalagaan sa aming sariling bahay—kaya nga may mga pamangkin ako na para bang mga nakakabatang kapatid ko na rin sa turing—sina Cora, Nery, Ria, Isa, Cheche—hanggang kay Erick na naihabol niya sa kanyang pagmamahal at pagsisilbi bago siya nanghina, nag-ulyanin at namatay. Napakadakila mo, Nanay, hindi ka pumayag na mamatay hanggat hindi mo natutupad ang misyon mo para sa aking panganay at bunso, para sa aming mag-ina. Kung ano ang unconditional love ay ipinadama’t itinuro mo sa akin, sa amin. Maraming-maraming salamat, Nanay, mula sa akin at mula sa iyong apong nonverbal.

***

KAPAG INAATAKE AKO ng insecurities sa kung ano na ang mangyayari kay Erick kapag wala na ako ay pinapakalma ako ng mga tanawing iyon sa likod ng pinto, “Tingnan mo ako, anak, tingnan mo, kahit hindi ko sila kadugo...”

Maiisip ko rin ang sinabi ng isa pang ina, siya na dadalawa lang ang anak nilang mag-asawa pero parehong autistic. Hindi na siya nag-aalala, aniya, ipinagkakatiwala na niya sa Diyos ang kanyang dalawang special children, aalagaan ng Diyos ang kanyang dalawang anak.

Kung gayon, hayaang ihabilin ko ang aking panganay at bunso sa mga taong may mabubuting kalooban, kadugo ko man kayo at lalo pa nga ba kung hindi ko kadugo. Ngayon pa lang ay maraming-maraming-maraming salamat sa inyo, pagpalain kayo ng Diyos sa gagawin ninyong paggabay at pagkalinga kay Erick sa panahong wala na ako.

At tulad ng ina na ang tanging dalawang anak ay parehong autistic, iiwan ko rin ang aking insecurities sa paanan ng Diyos. Kasama si Erick sa mga aalagaan Niya at ng mga ibang nilikhang may mapagmahal at mapag-arugang puso’t kalooban tulad ng kay Nanay.

Mula sa: Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama ang Anak Kong Autistic. Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2004. pp. 248-275.

back to fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive