fiction
Ang Pagbabalik
ni Abdon
M. Balde, Jr.
Nakadungaw siya sa bintana ng bus
papuntang opisina pero wala siyang nakikita sa
daan. Naglalakbay ang kanyang isip. Naglalakbay
sa makitid at mahabang landas ng kanyang kabataan.
Ang nakikita niya ay pira-pirasong alaala, punit-punit
na pangitain. Parang libu-libong maliliit na litratong
isinabog mula sa tuktok ng isang matayog na gusali.
Parang mga paru-parong sumasayaw sa hangin.
May matitingkad na alaala, may mga kupas na pangitain.
May masaya, tulad ng pamamastol ng kalabaw sa
burol, pamimitas ng bunga ng asin-asin na pambala
sa sumpit, at maging ang pamboboso sa silong nina
Tiyo Peles kung tag-ani at maraming dayong dalaga.
May malungkot din, tulad ng pagkahuli sa kanya
nang nangupit siya ng pera sa tindahan din nila.
Nilatigo siya ng kanyang tatay at dumugo ang latay
sa kanyang hita.
Tatlong alaala ang matitingkad sa lahat: ang sakuna
ni Sauro, ang di-pagbalik ni Tiyo Mariano at ang
pag-aasawa ni Ason.
Pauwi si Sauro sakay ng kalabaw isang dapit-hapon.
Dumulas ang kalabaw habang bumababa sa dike. Nahulog
si Sauro, bumulusok at natuhog mula sa puwit hanggang
dibdib ng isang palong kawayan. Kapitbahay nila
si Sauro at pinanood niya nang nililinis ng imbalsamador
ang bangkay sa kanal sa tapat ng bahay nila. Isang
kaputol na bituka ni Sauro ang nabitIwan ng imbalsamador
at ito’y tinangay ng agos. Sinundan niya
ang bituka. Parang ahas itong sumayaw, sumisid
at lumitaw sa mabilis na agos hanggang lamunin
ito ng imburnal at tuluyang maglaho.
Si Tiyo Mariano ay volunteer na sundalo no’ng
araw sa Korea. May kupas siyang litrato na palagiang
nakasuksok sa kanto ng salamin sa tokador ng asawa
niyang si Tiya Sayong. “’Yang si Mariano
ko,” malimit na bulalas ni Tiya Sayong,
“maski kailan ay hindi tumanda. Palaging
magilas tumayo, parang Teksas na pansabong.”
Sa litrato ay nakatayo si Tiyo Mariano sa pagitan
ng dalawang sundalong Koreano. Makakapal ang uniporme
nila. May yelo ang bundok sa likod nila. Ang tanging
bumalik sa Pilipinas ay ang sunog na dog tag ni
Tiyo Mariano.
Si Ason ang pinakamatalino sa klase nila. Valedictorian
si Ason mula Grade 1 hanggang Grade 6. Ipinangako
niya sa sarili na paglaki nila ay pakakasalan
niya si Ason. Ang mga anak nila ay magiging kasintalino
ni Ason. Third year high school pa lang sila nang
magpakasal si Ason sa isang inhenyerong sintanda
ng ama niya. Second year college siya nang nabalitaan
niyang namatay sa kanser sa baga ang inhenyero.
Ang namana ni Ason ay limang gusgusing anak at
hanggang-leeg na utang.
Matitingkad ang mga alaalang iyon; may pahiwatig
at pagbabanta ng bagsik ng kapalaran at ng karupukan
ng tao. Para bang nagsasabing saan ka man mapadpad,
ano man ang maging katayuan mo sa buhay, at kanino
ka man mapamahal ay huwag mong kalimutan na may
taning ang iyong buhay. Hindi ka makakaligtas
sa iyong kapalaran. Ang tulos na kawayan ay matagal
nang nag-aabang kay Sauro. Si Tiyo Mariano ay
nangibang-bansa pa para salubungin si Kamatayan.
At si Ason, hindi ba naisip ng matalinong utak
ni Ason na ang malaking agwat ng gulang nila ng
lalaking iyon ay may panganib ng maagang pagkaulila?
Hindi ba naramdaman ni Ason ang pangako na nakaukit
sa kanyang puso?
Parang ganoon nga ang pahiwatig. Para bang ang
buhay mo’y wala sa sarili mong mga kamay.
Pero mukhang hindi tama. Sapagkat kung magkaganoon
nga ay bakit pa siya kikilos? Inisip niya: Bakit
pa ako magkukumahog sa trabaho? Sa panunuyo? Sa
pakikisama sa ibang tao? Maupo na lang ako at
pabayaan kong dumating ang aking kapalaran. Kaya?
Bakit nangangarap ang tao? Bakit nananaginip?
Tulad niya ngayon—pagdating sa opisina ay
tiyak na tambak na naman ang trabaho. Magmamadali
ang lahat. Para bang mauubusan ng oras. Balang
araw, sa loob-loob niya, ay magiging manager din
ako. Sir na rin ang tawag sa akin. Sasaluduhan
na rin ako ng guward’ya sa pintuan. Magkakaroon
rin ako ng sariling sekretarya, magandang sekretarya.
Bumalik sa isip niya si Ason. Maganda pa kaya
si Ason? Magkasintanda lang sila. Pero dalawang
kambal na ang iniluwal ni Ason. Ano kaya ang naging
epekto ng panganganak, ng kahirapan at pagdarahop,
sa katawan ni Ason? Balita niya’y tumatanggap
ng labada si Ason. Siguro’y luto sa sabon
ang mga kamay ni Ason. Nag-uslian na ang mga pasmadong
ugat sa braso at binti. Sunog na sa araw ang balat.
Puno na ng guhit ng kalungkutan ang mukha. Kaawa-awang
Ason! Kung nakapaghintay sana siya...
Ano kaya kung umuwi siya sa kanyang nayon at kupkupin
niya si Ason? Puwede ba ’yon nang hindi
niya kukupkupin ang mga anak nito? Binata pa naman
siya at may matatag na trabaho. Siguro’y
makakaraos din sila. Ano kaya?
Nang bumaba siya sa bus ay si Ason pa rin ang
laman ng kanyang isip. Iniluwa siya ng elevator
sa ikapitong palapag ng gusaling kinaroroonan
ng kanyang opisina. Pumasok siya sa isang pintuang
may nakatatak na tatlong malalaking letrang C:
Construction Consultants Corporation.
Halos naroon nang lahat ang mga ka-opisina niya.
Ang receptionist ay nagpapahid ng kulay-rosas
na lipstick. Ang tatlong draftsman ay subsob na
gumuguhit sa kani-kanilang mesa. Dalawang inhenyero
nila ang nagtatalo sa harap ng isang plano. Ang
tatlong babae sa secretarial pool ay nagpapakitaan
ng baon. Wala pa ang manager nila. Siguro’y
nasa project inspection.
Marami na ngang papeles sa ibabaw ng mesa niya.
Mga cost estimate na dapat ma-review. May change
order sa isang project na minsan na niyang na-reject
pero ’eto na naman. Makulit ang contractor.
May isang plano ng drainage na dapat baguhin.
’Asan ba yong dating drainage plan? Lumapit
siya sa sabitan ng mga plano na nakatayo sa tabi
ng bintana.
Paglapit niya sa bintana ay nakita niya ang isang
maya na nakadapo sa pasamano. Umaawit ang ibon.
Pero hindi niya ito marinig dahil nakasara ang
bintanang bakal at salamin. Marahan niyang binuksan
ang bintana...
Ang awit ng ibon ay kaagad nagdala sa kanya sa
mga kagubatan at kabundukan ng kanyang nakalipas
na kamusmusan. Para bang sa isang kisap-mata’y
nakabalik siya sa kinamulatang kabihasnan. Natulos
siya sa pagkakatayo, hindi makagalaw. Tumataba
ang kanyang puso sa bawat huni ng ibon. Tumitingkad
ang mga alaala. Naririnig niya ang pagaspas ng
sanga ng makopa at nadarama ang lamig ng habagat
na nag-uugoy sa mga bunga nito. Nalalanghap niya
ang iniihaw na hito at dalag. May kalansing ng
tabo sa lumang tapayan na nagpaparamdam ng kauhawan
sa kanyang lalamunan. Nararamdaman niya sa kanyang
binti ang naninigid na lamig ng patubig sa putikang
tumana. Halos naaamoy niya ang mga binhi. Naririnig
niya ang hagupit sa tubig ng mga buntot ng nagsisipaligong
kalabaw sa dako pa roon ng sapa na nakukulapulan
ng malubago at kawayan at mangilan-ilang gabing
ligaw.
At siya’y nagpasiya: Panahon na para bumalik.
Ang sabi niya sa sarili: Siguro’y ito na
ang taning ng buhay ko. Ang ibong ito ang tagapagpaalala.
Sino nga ba ang mag-aakalang may ibon pa sa dakong
ito ng lungsod?
Sampung taon na nga ba? Mahigit pa. Pagkatapos
niya ng engineering sa Legazpi ay kaagad na siyang
lumuwas sa Maynila. Kung saan-saan na siya nadistino.
Sa Novaliches, sa Antipolo, sa Tayabas, sa Nueva
Ecija at sa Bulacan. Nagbubukas ng subdivision,
nagtatayo ng planta, nag-aaspalto ng kalsada.Wala
na siyang pagkakataong umuwi. Palagi siyang may
dahilan: abala sa trabaho, malayo ang distino,
mahal ang pamasahe, wala namang okasyon. Siguro
pag marami-rami na akong naipon, sabi niya sa
sarili, para sa ganoon ay hindi naman alangan
ang tayo ko; ayokong masabi nila na walang nangyari
sa akin sa lungsod.
Walang nangyari? Ang totoo, nang magkatrabaho
na siya, ay nagpakasasa siya sa mga aliw na inilalako
ng lungsod. Alin bang club sa Malate o Ermita
o Makati o Pasay ang hindi niya napasok? At di
ba minsan ay nagumon siya sa alak? Sa babae?
Naalala niya si Jenny na ipinakilala sa kanya
ng kaibigan niyang si Edwin. ’Asan na kaya
si Jenny ngayon? Dati itong waitress sa Golden
Dragon. Hatid-sundo niya noong una. Pero nang
makuha niya’t napagsawaan ay di na sinipot.
Si Liza na nakasakay niya sa bus, nakakilala at
naging kaibigan. May anak sa labas si Liza, dancer
sa club sa gabi at ahente ng insurance sa araw.
Ganoon din kay Jenny, nakasawaan.
Si Merle na singer sa Pasay ay ipinasa niya kay
Alex. Si Edna na salesgirl sa Makati ay tinakbuhan
din niya nang ayaw na itong datnan. Si Rowena
ay muntik nang nahuli sa apartment niya ng asawa
nito. Si Gerlie, si Irene…at marami pa.
Ilang beses na ba siyang nagkasakit sa babae?
Tuloy bumaba ang pagtingin niya sa mga babae.
Gumuho ang respeto, para bang ang isip niya ay
puwedeng bilhin lahat. May mahal nga lang; may
mura naman. May madaling kunin; mayroong padadaanin
ka sa santong paspasan. Pero sa bandang huli ay
titihaya rin.
Kaya ano’ng nangyari? Heto siya—treinta-singko
anyos na ay wala pa ring asawa. Maski kasintahang
matatawag ay wala. Asan na ba ang mahihinhing
mga binibini ng kanyang kabataan? Yaong mga dilag
na ni ayaw pasaling kahit sa braso, parang nadadarang
makipagdaupang-palad.
Panahon na nga para bumalik.
Bumalik ang kanyang malay sa kapaligiran ng kanyang
opisina. At sa unang pagkakataon ay parang nawalan
ng katuturan ang kanyang paligid. Puro papel lamang
ang nasa mesa. Kahoy na nagbabalatkayo sa pintura.
Pinakinis na semento. Salaming may kulay, pangharang
ng sikat ng araw. Hanging galing sa air-conditioner,
artipisyal ang lamig. Mga kurtinang nylon at polyester.
Mga kagamitang plastik! Nilingap niya ang kanyang
mga kasamahan sa trabaho. Mga pansamantalang kaibigan
at kakilala. Mabababaw na pagsasamahan.
Ang kanilang opisina ay maliit na mundo sa kalipunan
ng libu-libong maliliit na mundo na nabubuo sa
pagsapit ng alas-otso ng umaga at nabubuwag sa
pagdating ng alas-singko ng hapon. Sa loob ng
maliit nilang mundo ay nagkakabiruan sila, nagtatalo,
nagkakainggitan at nagkakaibigan. Pero alam nila
na pansamantala lamang ang lahat. Walong oras,
humigit-kumulang, sa bawat araw. Pagkatapos ay
kanya-kanya na naman sila ng hanap ng aliw at
kaligayahan sa karimlan ng malanding buhay ng
lungsod.
Ibang-iba ang panghabang-panahong pagsasamahan
sa kanilang nayon. Doon sa nayon ay alam mo na
ang pagkakaibigan ng dalawang nilikha ay mamanahin
ng kanilang mga anak at ng mga anak ng kanilang
anak. Masusundan ang mga bakas ng kanilang pagsasamahan
sa paghihiraman ng gamit sa bukid kung panahon
ng taniman o anihan. Sa pagpapalitan ng kandila
kapag humahawak sa binyag ng kani-kanilang mga
anak. Sa pagsanib ng kanilang mga dugo kapag nagiging
magkabiyak ng puso ang mga anak nila. Sa nayon
ay hinerasyon ang inaabot ng pagiging magkaibigan.
Ibang-iba talaga ang kabihasnan ng nayon.
Panahon na nga para bumalik...
***
Nang siya’y dumating sa kanilang nayon ay
sumalubong ang halos lahat niyang kamag-anak.
Hindi magkamayaw ang mga tao sa bahay nila. Walang
tigil ang dalaw ng mga dating kababata at kaibigan.
Animo’y pista ang nayon.
Kung sa bagay, hindi kataka-taka na magkagayon
ang kaniyang mga kakilala dahil siya ang kaunaunahang
naging inhenyero sa kanilang nayon. Noon ngang
nabalita na lilisan siya para kumuha ng kurso
sa Legazpi ay nagkaroon pa ng marangyang salu-salong
despedida para sa kanya. Ang mga kababata niya
ay nag-ambagan pa ng kung ano-anong luto. Minatamis
na kundol ang dala noon ni Ason. Pagkatamis-tamis
na kundol. Lahat sila ay nagpahiwatig ng pag-asa
sa kanyang magandang kinabukasan.
“Pag inhenyero ka na siguro’y makokongkreto
na ’tong kalsada natin.”
“Idedesenyo mo ’ko ng bahay, iho.
Aantayin ko’ng pagbabalik mo.”
“Mabuti naman at may sarili tayong inhenyero
at hindi na lang tayo parating iniinosente ng
mga taong-gobyerno. Aba’y makailang ulit
nang ginagawa ang tulay sa Hilaga ay bagsak pa
rin nang bagsak sa kakaunting taas ng ilog. Mabuti’t
matingnan mo’ng tulay na ’yan pag
inhenyero ka na.”
“Baka naman pag inhenyero ka na’y
hindi mo na kami kilala.”
“Anak, huwag kang makakalimot. Ipinagdarasal
ka namin. Lilingon ka sa ’yong pinanggalingan
para hindi ka naliligaw.”
“Babalik ka, hane?”
Nang umalis ang bus na magluluwas sa kanya patungong
Legazpi ay maraming kumakaway sa magkabilang panig
ng batuhang kalsada. Nakangiti sila pero nalulungkot
sa paglisan niya. Nakasilip siya sa salamin sa
likod ng bus at nagsisikip din ang kanyang dibdib.
Babalik ako, bulong niyang marahan. Babalik ako.
Kahit magpakailan man.
At siya nga ay bumalik. Kasama niya ang dalawang
ka-opisina: ang inhenyerong si Edwin at si Alex
na draftsman. Sila ang pinakamatalik niyang kaibigan.
Habang pinagkakaguluhan siya ng kanyang mga kamag-anak
sa salas ay kausap naman si Edwin at Alex ng Tatay
niya at ilang tiyuhin.
“Natutuwa kami’t hindi n’yo
pinabayaan ang anak ko,” sabi ng Tatay niya.
“Kami naman ho talaga ang magbabarkada.
Parang kapatid na nga ang turing ko sa kanya,”
sagot ni Edwin.
“Kumusta ba naman siya sa trabaho, iho?
Alam mo’y napakalaki ng pag-asa namin sa
batang iyan,”ang Tiyo Munding niya ang nagsalita.
“Naku okey po sa trabaho. Sharp ho ’yan
at mabilis”
“Ano ba ’yong sharp? Ha, Tino?”
“Matalino, Ka Munding.”
“Alam mo, inaasahan namin siyang bumalik
dito pagkatapos niyang pumasa sa eksamen. Pero
mukha yatang nawili sa Maynila,” sabi uli
ng Tatay niya.
Si Alex ang sumagot.“Nasabi nga niya sa
amin ’yon. Pero gusto niya’y magka-experience
muna siya sa malalaking project. Siyempre dito
sa baryo ay maliliit lang ang mga project, hindi
niya magagamit lahat ng pinag-aralan niya.”
“May katuwiran din naman,” sabi ng
Tatay niya. “Kaya lang, mahigit sampung
taon na. Hindi na siya kilala ng mga tiyuhin niya
dito. Kung di pa kami paminsan-minsang lumuluwas
ng Maynila ng Nanay niya ay di na siguro kami
matatawag na pamilya.”
“Matagal ko na ho siyang kilala kaya kabisado
ko na’ng ugali niya,” sagot ni Edwin.
“Malalim siya sa anumang bagay. Serious
at moody. Pag nawili sa isang bagay ay bigay-todo.
Noon nga hong enjoy siya sa night life namin ay
sumobra naman. Minsan, paumagahan pa. Para bang
palaging may hinahanap siya. Parang palaging kulang.
Pag lasing na ay lumilipad na ang utak. Naaalala
niya kayo. Itong lugar n’yo. Labasan na
ang mga kalabaw sa kuwento niya. Natatawa nga
ho kami’t pati pangingisda sa ilog ay ikinukuwento—di
ko naman maintindihan dahil laking-Maynila ako.
Tawag ko sa kanya’y farm boy. ’Yong
si Tiyo Mariano’t si Aling Sayong ho ba
’yon? At saka ’yong natuhog ng kawayan.
At saka si Ason...”
“Si Ason?” biglang tanong ng kanyang
Tiyo Munding, “’yong biyuda ni Engineer?”
“Yon nga po. In love ho siya doon.”
“Kay Ason? Aba, lima na’ng anak ni
Ason! Saka...” Napailing ang kanyang Tiyo
Munding. “Sa lahat ba naman ay ...sa bagay
kababata nga niya si Ason. Akalain mo—may
sikretong amor pala kay Ason!”
“Alam n’yo, nitong mga nakaraang linggo
ay palagi na niyang bukang-bibig si Ason at itong
baryo n’yo. Puro ho mga experience niya
no’ng bata pa siya ang ikinukuwento.”
“Sige nga, ikuwento ninyo ng buo ang nangyari,”
sabi ng Tatay niya kina Edwin at Alex.
Nagtinginan ang dalawa.
“Mauna ka na,” sabi ni Alex kay Edwin.
“Kayo naman ang magkasama no’ng Linggo
ng gabi.”
“Pero ikaw ang nakakita sa kanya no’ng
Lunes,” sagot ni Edwin. “Yong akin
ay obserbasyon ko lang naman. Ewan ko nga kung
’yon ang nasa isip niya.”
“’Di bale,” sabi ni Alex, “sa
’yo na mag-umpisa at tatapusin ko.”
Humarap si Edwin sa Tatay niya. Sandaling nag-isip.
“Actually po, hanggang ngayon ay hindi maliwanag
sa amin ang lahat. In fact, nagtalo pa rin nga
kami ni Alex sa biyahe. Nito po kasing nakaraang
linggo ay parang bigla siyang naging palaisip.
Malayo palagi ang tingin. Parang may problema.
At no’ng Linggo nga po, dahil birthday ko
ay nagkainuman kami sa bahay. Masaya siya no’ng
una, may kabilisan nga lang uminom. Sabi ko nga
ay dahan-dahan lang at limitado ang budget ko.
‘No problem,’ sabi niya, ‘akin
ang huling kahon.’ Sa madaling sabi, enjoy
kami hanggang past twelve na ng gabi, umaga na.
Nag-uwian na ang lahat, pati nga itong si Alex...”
“’Ala kasi kaming katulong sa bahay
at mahirap gisingin ang biyenan ko...” singit
ni Alex.
“Yon nga,” patuloy ni Edwin, “nag-uwian
na sila pero siya ay tila ayaw pang umuwi. Sabi
ko nga, doon na matulog sa amin. Kaya lang, may
pasok kinabukasan at kailangan din niyang magbihis.
So, tuloy ang inom naming dalawa.
“Later, ay naglabas na siya ng mga nasa
loob niya. Kesyo napakalaki ng pagkukulang niya
sa inyo. Napakarami na daw ng promises niya na
di natutupad. Uprooted na daw siya sa kanyang
pinanggalingan. Hindi raw siya
natutong limingon. Masyado daw siyang nawili sa
Maynila, sa mga bisyo. Natatakot daw siya na pag
umuwi siya dito ay ma-realize niya na alienated
na siya sa inyo.
“Saka ’yong mga kaibigan at kababata
niya, baka daw pag umuwi siya nang gayon na lang—na
wala man siyang naiuuwi na mahahalagang bagay
o pera ay baka raw lumabas na mas mabuti pang
di na siya pinaghirapan ninyong mapagpaaral. Ganoon
nga po, puro sentimiyento.
“Pagkatapos ay nabuksan na ang secret love
niya. Talaga daw matindi ang tama sa kaniya. Sabi
ko nga, baka puppy love lang ’yon dahil
bata pa siya noon. Pero di raw, kasi lahat daw
ng babae sa Maynila ay ikinu-compare niya kay
Ason. Sabi ko naman, simple lang ang dapat niyang
gawin: umuwi siya dito at ligawan niya uli. Pero
ang ikinakatakot daw niya sa lahat ay baka hindi
na si Ason ’yong Ason na inibig niya noon.
Sabi ko, siyempre iba na, sa tagal ba naman niyang
nawala. Di ho ba? Siyempre, nagka-edad na rin
siguro ’yong tao.
“Tapos, ang tanong niya, kung magkaganoon
daw nga, saan na niya hahanapin si Ason niya?
Natawa nga akong nabigla. Biniro ko pa nga. ‘Dito,’
sabi ko, at itinuro ko ang ulo niya. ‘Sa
isip. Sa imagination mo. D’yan kaya mong
gawin lahat ng gusto mo. Sabi nga ni Nonoy Zuniga,
diyan ay kaya mong igapos ang ihip ng hangin.
D’yan ay kaya mo siyang hagkan.’ Mukhang
mali yata ang biro kong ’yon. Bad joke.
Kaya lang, tipsy na rin ako sa dami ng nainom.
Tapos no’n, tumahimik na lang siyang bigla.
Akala ko nga’y nakatulog na. Pero nang magsindi
ako ng sigarilyo ay nakita kong umiiyak siya.
‘Pare, bakit?’ tanong ko sa kanya.
‘Down lang ako,’ sagot niya. Masyadong
depressing daw ang nangyari sa kanya. Sabi ko,
‘Wala ’yon, mga simpleng problema.
Ha’mo, magbabakasyon tayo sa inyo. Tayong
tatlo nina Alex.’ At ’yon nga ang
nangyari. Kaya heto kami ngayon. Kaya lang...”
“Ganoon lang?” tanong ng kanyang Tatay.
“Anong klaseng problema ’yon? Akala
ba niya ay di namin siya mauunawaan?”
“Iba po yang anak n’yo,” susog
ni Edwin. “Sabi ko nga ay masyadong malalim.
At saka may pagka-sensitive. Madaling bumigat
ang pakiramdam. Pero, sabi ko nga kanina, ay observation
ko lang ’yong akin. Wala po ako sa opisina
kinabukasan ng Lunes dahil dumiretso ako sa project.
Si Alex po ang naroon nang dumating siya. Iba
naman po ang version niya. Sige nga, Alex, ikaw
naman ang magkuwento.”
Lumunok muna ng laway bago nagsalita si Alex.
“Na-late nga po siya ng konti no’ng
Lunes,” simula ni Alex. “Sabi nga
ni Edwin ay inumaga silang dalawa. Kaya nang pumasok
siya sa opisina nang walang imik, sa loob ko ay
may hangover lang o kaya ay inaantok sa kakulangan
ng tulog. Gumuguhit po ako sa mesa ko nang makita
ko siyang nakaupo sa desk niya at hinahalungkat
ang mga papel. Maya-maya ay may iniladlad siyang
plano. ’Yong drainage lay-out ng isang project
namin. Pinag-aralan niya, ata.
“Tapos, nakita ko na lang siyang nakaharap
sa isang bintana. Parang may tinatawag sa labas.
Matagal siyang nakatayo doon. Kumuha po ako ng
tracing paper sa stock room namin. Nang bumalik
ako sa mesa ko, wala na siya sa kinatatayuan niya.
Pero wala rin siya sa mesa niya. Akala ko nga’y
nag-jingle. Eh, umano po sa toilet.
“Tuloy nga po ako sa pagguhit ko. Kaya lang,
napansin ko na bukas ang bintana—naka-aircon
po ang opisina at hindi dapat na bukas ang bintana.
Binitiwan ko na ang pen ko at pinuntahan ko ang
bintana para isara. Pagdungaw ko po ay, ayun,
nakita ko na… na may pinagkakaguluhan sa
labas, sa ibaba!”
“Eh, ano naman ang deklarasyon no’ng
pulis na nakita sa kanya?” Si Tiyo Munding
niya ang nagtanong.
“Traffic aide lang po ’yon, hindi
pulis,” sagot ni Alex. “Sabi nga po
no’ng traffic aide ay nakita daw niya na
may lalaking nakatayo sa gilid ng bintana sa building
namin. Akala daw po niya ay tagalinis. Yon ho
bang maintenance man. Kaso, nagtaka daw siya at
hindi naman nakaayos pangtrabaho. Isa pa, sa taas
daw po’ng ’yon na pitong palapag ay
wala man lang lubid o kableng hinahawakan.
“Ang hindi po namin maintindihan ay ’yong
kuwento ng isang janitor sa katapat naming building.
Nasa ikawalong palapag ang janitor, at nagkataon
ngang naglilinis ng salamin sa bintana nila. Nadungawan
daw niya na lumabas sa bintana ang isang lalaki—siya
na nga po—at may hinuhuli daw pong ibon!
“Tapos...”—parang nag-alangang
ituloy ni Alex ang kanyang sasabihin—“tapos...ay
nadulas daw po!”
back to fiction | home |