fiction

Arrivederci
ni Fanny A. Garcia

LINGGO. DALAWANG BUS ang inarkila para sa outing. Ang pupuntahan ay isang kuweba sa bundok, mala-katedral ang ganda’t kabuuan na mismong kalikasan ang lumikha. Limang oras ang biyahe mula sa Roma.

Ang mga bus ay ang klaseng may partisyon sa bandang dulo para sa isang munting kusina’t munting kasilyas. Nakakandado ang kasilyas. Nasa ikalawang bus si Nelly at ang mga kasama sa apartment. Sina Evelyn at Cynthia ay nakaagap ng upuan sa may bandang gitna. Si Nelly, ang “mag-asawang” Berna at Didith, ang “pensiyonadong” si Jimmy ay napapuwesto sa “kusina”. Kasama ni Jimmy ang kanyang nobya numero uno, si Loida.

“Ayos na ayos,” nakangising sabi ni Jimmy. Ipinatong niya ang baraha sa parisukat na mesang nasa gitna ng “kusina”.

Hindi nasunod ang takdang oras ng pag-alis sa lugar-antayan – ito ang oras-Pilipino-Italyano. Nang umandar na ang bus, ang payat, maitim na si Linda, na isa sa mga nag-organisa ng outing, ay nagpunta sa harap. Tulad ng iba, ayos na ayos siya, at para pa ngang sa isang pagtitipon pupunta. Makintab ang tela ng kanyang blusa’t pantalon. Makulay sa meyk-up ang mukha. Kumikislap ang mga alahas. Kasama ng iba pang singsing, nakadispley ang kanyang singsing pangkolehiyo. Siya’y dating accountant sa Pilipinas.

Hawak ang mikropono, ipinahayag ni Linda na mahigpit na ipinagbilin ng mga Italyanong tsuper na huwag magkakalat sa bus, at hindi maaaring gamitin ang kasilyas. Ipinayo niyang ilagay sa plastik ang mga kalat at itapon ang mga ito sa basurahan sa restawrang hihintuan bandang kalahatian ng paglalakbay, o kaya’y sa pook na pupuntahan.

Inilabas ni Linda ang kanyang rosaryo at hawak pa rin ang mikropono, sinabi niya, “Now we pray the rosary for our safe journey.” Naglabas ng rosaryo ang iba. Nagsasagutan ang dasal habang papalabas ng Roma.

Okupado ang lahat ng upuan. Anim lamang ang lalaki sa bus, kasama na ang Italyanong tsuper. Sa harap, malakas na pinatutugtog ang stereo-casette-recorder. Ang iba’y sumasabay sa mga awit sa Ingles, Pilipino, Ilokano, Bikolano, Bisaya. Maraming dalang cassette-tape mula sa Pilipinas.

Idinaos ang inihandang programa. Inuna ang paligsahan sa awit. Palakpakan. Isinunod ang paligsahan sa pagkukuwento ng katatawanan. Hagalpakan. Binigyan ng regalo ang una, pangalawa, pangatlong nagwagi sa bawat paligsahan, at sinabitan ng laso ang napiling Miss Beautiful, Miss Friendly, Miss Cooperative, Miss Best Dressed, Miss Liveliest. Sa bawat pagtawag, sumasabog ang sigawan at palakpakan. Ang tinawag ay sasapuhin ang mukha, o mamumulagat, o mapalulundag, at patakbo o lakad-reynang pupunta sa harap. Ang nagwagi at si Linda ay magpapakuha ng retrato, nasa akto ng pag-aabot ng regalo o pagsasabit ng laso, ang mga mukha’y nakangiti sa kamera. Sa panghuli’y tinawag ang Most Romantic Couple. Sina Berna at Didith! Sigawan, palakpakan. Magkahawak-kamay, nakangiti ang dalawa nang magpunta sa harap. “Kiss! Kiss!” hiling ng iba. Sigawan, palakpakan nang magpaunlak ang dalawa.

Muling nagpatugtog ng cassette-recorder. Ipinagpatuloy ang pagsusugal sa “kusina”. Malaki na ang natatalo kay Jimmy, panay ang hingi ng pera kay Loida. Tumigil na ng pagsusugal si Nelly, naubos na ang kanyang pantaya. Tumayo siya, namimitig ang kanyang mga hita’t binti. Sa bandang harap, sumali siya sa mga nakalipumpon sa nakaupong si Ester. Nakasalamin, maputi, maganda, seksi, ang dating nars na si Ester ay nakatingin sa palad ng isang babaeng tatlo o apat na beses nang nakikita ni Nelly sa Roma. Mukhang lampas na ng kuwarenta. May ilang gatla ang noo. May salit nang puti ang unat, mahabang buhok na nakapunggos sa likod. Humpak ang mga pisngi, malalim ang mga mata. Payat at bahagyang hukot. Parang pagod na pagod. Tulad ni Ester, siya’y matamang nakatitig sa mga guhit sa kanyang palad. Ngunit hindi tulad ni Ester at ng iba, simpleng-simple siya. Wala kahit isang alahas. Walang meyk-ap kayat halatang namumutla. Luma ang damit at sapatos.

Namimilog ang mga matang tumingala si Ester sa hinuhulaan. “Grabe ka kung magalit. Ikaw ang tipong p’wedeng makapatay!”

Lalong namutla ang hinuhulaan.

Tinantang ni Ester ang hawak na palad. “Bati tayo ha?”

Tawanan.

“Itanong mo, Vicky, ang pinakaimportanteng tanong!” sabi ng isa.

“Alin?” tanong ng hinuhulaan.

“Kung magkakaasawa ka pa!”

Namula ang mga pisngi ng hinuhulaan.

Muling pinag-aralan ni Ester ang mga guhit sa palad. Napailing-iling. “Sabi rito’y tatandang dalaga ka.”

“Hindi nga ba? Thirty-eight na ‘ko.”

Tawanan.

Binitiwan ni Ester ang palad ng hinuhulaan. “Tapos na.”

Agad inilahad ni Nelly ang palad. “Ako naman,” may lambing na sabi niya.

Inayos muna ni Ester ang salamin sa mata na medyo dumausdos sa ilong, hinawakan ang palad ni Nelly, pinag-aralan ang mga guhit.

“Matutupad ba’ng mga pangarap ko sa buhay?” tanong ni Nelly.

Nakatingin pa rin sa palad si Ester. “Sabi rito’y makapaglalakbay ka.”

“Narito na tayo sa Italia!” sabi ng isa.

Tawanan at hagikgikan.

Umirap si Ester. “Bakit, Italia lang ba ang ibig sabihin ng ibang bansa?”

Nagpalundag-lundag si Nelly. “After Europe, makakapunta ‘ko sa States!”

“Magkita tayo do’n!” sabi ni Ester.

Nag-“Ako rin!” ang mga nakapaligid. Mamata-mata ang kanina’y hinuhulaan.

“O, ano pa?” tuwang-tuwang muling inilahad ni Nelly ang palad.

Muling tumitig si Ester sa mga guhit. “Tagaibang bansa ang mapapangasawa mo.”

Kumislap, nandilat ang mga mata ni Nelly. “Amerikano ba? O European? Milyonaryo ba?”

“Mga milyonaryo na tayo, hindi ka pa kontento?”* sabi ng isa.

Tawanan, hagikgikan.

“Ano?” untag ni Nelly kay Ester.

“Basta tagaibang bansa ang mapapangasawa mo, period,” nakangiti si Ester.

“Ilan ba’ng magiging anak ko?” tanong ni Nelly.

Kinuha ni Ester ang kanang kamay ni Nelly, bahagyang itinikom, tiningnan ang gilid niyon. “Mga apat.”

Pumiksi si Nelly. “Ay, sana, isa o dalawa lang. Mahirap magtravel kung marami.”

“Dapat, nag-stewardess ka, hindi katulong,” nakatawang sabi ng isa.

“Piloto ang pikutin mo.”

“Mas mainam kung may-ari ng kompanya ng eroplano.”

“Magiging maligaya ba kami ng mapapangasawa ko?”

Tumingin muli sa palad si Ester. “Matigas ang ulo mo. Kung ayaw mong magkahiwalay kayo, hinay-hinay ka lang sa mga desisyon mo.”

“Magtatagal ba’ng buhay ko?” tanong muli ni Nelly.

Tingin muli sa palad. “From seventy to eighty,” sagot ni Ester. “Hindi ka naman magiging sakitin.” Binitiwan ni Ester ang palad ni Nelly.

Ilang nakalahad na palad ang halos madikit na sa mukha ni Ester.

Nagbalik sa “kusina” si Nelly. May dalawang bagong nagsusugal – sina Elmer at Ben. Sina Berna at Didith ay naupo muna sa upuan nina Elmer at Ben sa bandang gitna. Naupo si Nelly sa dulo ng mahabang upuan, natuon ang pansin sa mga nagsusugal.

Si Jimmy. Dating inhinyero, ngayo’y “pensiyonado”. Bagong kasal nang umalis ng Pilipinas. Magiging tsuper siya, ayon sa kontrata. Agad niyang nilayasan ang among Italyana nang bilang katulong, pinaglaba siya ng panties nito. Tinangka niyang tanggapin ang katotohanang sa Italia, wala siyang mapapasukang trabaho kundi ang pagkakatulong. Ngunit umaagos pa rin ang kanyang luha kapag nagluluto, naglalaba, nagsasampay, namamalantsa, nagkukudkod ng kubeta. At natuklasan niya ang isang uri ng hanapbuhay. Kaunting-kaunti ang mga Pinoy sa Italia. Takot namang pumatol ang mga Pinay sa mga Italyano dahil sa nasaksihan o nabalitaang panloloko sa iba sa kanila. Marami tuloy ang tumatandang dalaga. Ang iba’y pinadalhan ng pera ang nobyo sa Pilipinas upang makasunod sa Italia. Pinag-aagawan, pinagkakagalitan ang iilang lalaki at tomboy. Balewala sa mga babaeng naghahanap ng pagmamahal at romansa ni Jimmy na siya’y may asawa na.

Si Loida. Tapos ng sikolohiya. Bilang nobya numero uno ni Jimmy, kanya ang karapatang matulog sa apartment na tinutuluyan ni Jimmy kung Sabado ng gabi. Handang makipagbungangaan, makipagsabunutan, manampal nang dahil kay Jimmy. Hindi siya makaipon o makapagpadala sa Pilipinas. Kay Jimmy napupunta ang kanyang kita. Basta kasama si Jimmy, kapit-tuko siya.

Si Ben. Tapos ng fine arts, nagtrabaho sa isang magasin sa Pilipinas. Nang malaman ng kanyang amo na siya’y isang artist, pinapintahan sa kanya ang bahay. Pinadisenyuhan din ang ilang set ng maliliit at malalaking pinggan, puswelo’t platito. Nang sabihan siya ng mga kababayan na huwag paagrabyado sa amo, sinabi ni Ben, oo, alam naman niya iyon. Ngunit ano ang magagawa niya, gusto rin naman niyang pinsel, hindi pangkudkod-kubeta, ang hawak-hawak niya.

Si Elmer. Dating seaman. Isa sa mga nagwelga sa kanilang barkong nakadaong noon sa Rotterdam, Netherlands. Binawian ng seaman’s permit, tinanggal sa trabaho. Pumunta siya sa Italia dahil nabalitaan niyang doo’y maraming Pilipino at madaling makapagtrabaho, katulong man, kahit walang mga kailangang papeles. Sa panahong wala pa siyang trabaho, kasama ang iba pang tulad niya, tumuloy siya sa isang kuwarto sa isang murang hotel, sa pensione, sa tulong ng mga kababayang may trabaho. Hindi tulad ni Jimmy, ayaw samantalahin ni Elmer ang pangangailangan ng mga babaeng kababayan. Aminado siyang may asawa’t mga anak sa Pilipinas, at mahal na mahal niya ang mga iyon.

Sumandal sa pagkakaupo si Nelly, tumanaw sa labas ng bintana. Naglalandas na sila sa kabundukan. Ang zigzag ay nagpapagunita ng ilang paglalakbay niya sa Baguio. Kapag naglalagos sa tunnel, naiisip naman niya ang naikuwento sa kanya ng isang nakapaglakbay na sa Switzerland. Naroon daw ang pinakamahabang tunnel ng tren sa buong Europe. Ilang minuto nga ba ang paglalakbay sa dilim? A, kailangang marating niya ang Switzerland. At bago nga pala siya tuluyang umalis ng Italia, bukod sa mga retratong ang background ay mga guho, kailangang magpakuha rin sa isang pataniman ng ubas. Nakikita na niya ang sarili—sapol-sapol ang kumpol-kumpol, mapipintog na ubas, iba’t iba ang kulay.

Umayos sa pagkakaupo si Nelly. Inaantok siya. Napuyat siya kagabi. Tulad ng dati, kapag may lakad kinabukasan, hindi siya makatulog nang deretso, kahit pa sabihing handing-handa na ang lahat, may alarm clock man, o may pagbilinang tiyak na gigising sa kanya. Mayroon siyang pakiramdam na baka siya mahuli o kaya’y maiwan. Pumikit siya. Nakita niya ang sarili na isang paslit pa. Nasa kanilang salas, nakaupo sa lapag, katabi ang kahong lalagyan ng iba’t ibang uri ng kard na padala sa kanyang Ate Myrna. Iniisa-isa niya ang mga kard. Ipinapalibot niya sa kanya ang mga pamaskong kard, ibinabalik sa kahon ang iba. Tuwang-tuwa siya sa mga nakalarawang yelo, snow ang tawag doon, sabi ng kanyang Ate Myrna. May isang kard na nagustuhan niya nang higit sa lahat. May nakalarawang isang bahay na may chimney, may mga punong evergreen ang tawag, sabi ng kanyang Ate Myrna. Nalalatagan ng snow ang buong paligid. Kayganda ng puting Pasko sa ibang bansa! Sana, may snow sa Pilipinas, naisip niya. Hiningi niya sa kanyang Ate Myrna ang kard na iyon.

Naidlip siya.

“Hagurin n’yo ang dibdib! Masahehin ang buong katawan nang tumakbo ang dugo!”

“Buksan n’yo ang zipper! Luwagan ang bra nang makahinga!”

“Eto ang pamaypay!”

“Pa’no ba natin maihihiga si Vicky?”

“Naku, ke putla-putla! Ang puti-puti ng mga labi!”

“Tumigil kaya muna tayo. Nagkakagulo na sa labas ay nagsusugal pa tayo.”

“Ang daming nars do’n.”

Nasa ospital siya, isa nang dalaga. Binabantayan niya ang ama, mag-iisang linggo na ito sa ospital. Ito’y tinubuan ng bukol sa kanang pigi, na kanser pala, at inopera. Isang beses, nakita niyang nilalanggas ng nars ang pinagwakwakan ng lamang may kanser— amoy-bulok, kulay-bulok ang naukang bahagi ng ama. At siya’y nagtatakbo sa kasilyas, sumuka nang sumuka sa lababo. Ngunit mahal niya ang ama, at kailangang pagsilbihan niya ngayong ito’y matanda na’t may sakit, at malapit nang mamatay. Bumalik siya sa kuwarto, sinanay niya ang mga mata, ilong, bituka sa sangsang ng nabubulok na katawang natatakpan ng puting kumot.

May sakit din sa puso ang kanyang ama, at kanina, dumaing ito sa kanya, mabuti pang ako’y mamatay. Pinigil niyang maiyak. Inayos-ayos niya ang madalang, nalulugas na buhok ng ama. May sangsang ng kamatayan ang hininga ng kanyang ama. Pinilit niyang ngumiti, gagaling kayo, Tatay. Kumain kayo’t magpalakas, nang kayo’y makauwi na sa bahay. Mapait ang aking panlasa, sabi ng kanyang ama, nangangapal ang aking bibig. Matiyagang sinepilyuhan niya ang ama. Pinunasan niya ang bibig, ang baba, ang leeg nitong nabasa. May gusto ba kayong kainin, Tatay? tanong niya. Gusto ko ng sorbetes, sabi ng ama. Bababa ako, ibibili ko kayo, sabi niya. Tumayo siya, at bago lumabas ng kuwarto, sa may pintuan, lumingon siya, at nakita niya, nakatitig sa kanya ang ama.

Katanghaliang tapat noon, tag-init, at wala siyang makitang sorbetero sa tabi, sa paligid ng ospital. Tumawid siya, nakailang tindahan bago nakabili. Nakatitig pa rin sa pintuan ang kanyang ama nang siya’y bumalik. Naupo siya sa tabi ng ama, sinubuan ito ng sorbetes. Ganadong-ganado ang kanyang ama! At sa mga sandaling iyon, nalimot niya ang sangsang ng hininga’t laman. Gagaling ang kanyang ama! Mauubos na ang sorbetes nang saklutin nito ang dibdib, naghabol ng hininga. Nabitiwan niya ang lalagyan ng sorbetes, ang kutsarita. Mabilis na hinagod niya ang dibdib ng ama, ngunit nang makita niyang napapatirik na ang ama, nagtatakbo siyang palabas, tinawag ang dalawang nakasalubong na nars, hinatak ang isang nakasalubong na doktor. Takbo sila sa silid ng ama, at ang mga nars at doktor ay pumalibot sa kama ng kanyang ama, diniinan, minasahe sa dibdib ang kanyang ama, at dahil ayaw na niyang makita pa ang namimilipit na mukha nito, at dahil ayaw na niyang marinig pa ang pahagok na paghinga nito, lumabas siya ng kuwarto. Doon sa may labas ng pinto, umagos at naghalo ang kanyang luha’t sipon na pinapahid niya ng kamay o braso. Nilapitan siya ng ilang lalaking nakaportpolyo, inalok ng kanya-kanyang mas mahusay na punerarya, natulala siya, ngunit sa isip ay isinigaw niya, layuan n’yo ‘ko, hindi mamamatay ang Tatay ko! Gusto niyang duran, sampalin, tadyakan ang mga lalaking iyon, ngunit tinawag siya ng doktor, may sinabi sa kanya, at patakbong tinungo niya ang ama, at nakita niya, nakapikit ito, nakaawang ang bibig, latag na latag ang katawan, nakakuyom ang mga palad.

Mabilis na kumilos ang naiwang nars. Binalot ng puting kumot ang kanyang ama, pinaikot-ikot, biniling-biling, at gusto sana niyang sabihin, huwag, huwag, magdahan-dahan ka sana, siya’y aking ama, ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang lalamunan. Ilang sandali lang at isang puting kabuuan na lang ang nasa kama. Lumabas ang nars, dumating ang isang lalaking attendant, hila-hila ang isang rolling bed. Parang kung anong bagay lang na binuhat ang nakabalot, medyo pabagsak na inilagay sa rolling bed, hinilang palabas ang rolling bed. Sumunod siya, at sa pasilyo, sa tapat ng pintuan ng kuwarto, inihatid niya ng tanaw ang puting nakabalot sa ibabaw ng rolling bed, papalayo nang papalayo. Iyon nga ba ang kanyang ama? Muli, umagos ang kanyang luha. Humikbi-hikbi siya. Ngayon, siya at ang kanyang Ate Myrna ay ganap nang ulila.

Nagising siya sa tapik ni Loida sa kanyang balikat. “Nananaginip ka?”

Pumilig si Nelly. Bakit hangga ngayo’y sinasalakay siya ng bahaging iyon ng kanyang buhay?

Pumasok sa “kusina” si Evelyn, sumiksik ng upo sa tabi ni Nelly.

“Kumusta’ng pasyente?” tanong ni Loida.

“Maayos na. Hayu’t nakaupo na,” sagot ni Evelyn.

“May sakit ba sa puso?” tanong ni Elmer.

“Wala naman daw. Napagod lang daw s’ya nang husto kahapon,” sagot ni Evelyn.

“Paikot-ikot kasi ang biyahe, ang tagal-tagal pa. Kahit nga ako’y medyo nauulaw,” sabi ni Ben.

“Bus pa lang ‘yan, pare,” sabi ni Elmer. “No’ng unang sakay ko sa barko, ga-higante ang mga alon. Gusto ko nang tumalon sa dagat.”

“Sino ba’ng nahilo?” hihikab-hikab si Nelly.

“Si Vicky,” sagot ni Evelyn.

Sumilip si Nelly sa dakong unahan. Bawat isa’y nasa kanya-kanyang upuan. Parang walang anumang kaguluhang nangyari. Tumingin siya sa labas ng bintana. Mga bundok pa rin.

“Malapit na raw tayong mag-stopover,” sabi ni Evelyn.

***

SA PARADAHAN NG mga sasakyan ay may mga kainan at tindahan ng mga postcard at souvenir na karamiha’y nakalarawan ang mala-katedral na kuweba. Bumili si Nelly ng isang postcard, hindi upang ipadala kaninuman kundi upang itago kasama ng iba pang iniingat-ingatang souvenir. Pagdating ng araw, titingnan niya, o kaya’y ipakikita ang mga souvenir sa kanyang mga anak at mga apo. Iyon ang magpapatunay na hindi niya inaksaya ang mga araw niya sa mundo.

Hindi kalayuan sa paradahan at mga kainan at tindahan ay may mga burol. Nagkanya-kanyang grupo ang mga Pilipino upang magtanghalian. Maganang-magana dahil sa pagkaing sadyang pinag-isipan at inihanda: kanin, adobo, litsong kawali, pansit, karekare, inihaw na isda, posit, at iba pa. Nagpapalitan at nagbibigayan. May kumakain nang nakakamay. May nagkukuhanan na ng retrato.

Maraming batang eskuwela sa paligid, kasama ang ilang guro. Ilang bata ang lumapit at nag-usyoso sa mga Pilipino.

Biglang sigawan at takbuhan. Pinagkaguluhan ang isang Pinoy na may hawak na ilang manggang hilaw, pasalubong daw ng isang Pinay na bagong dating mula sa Pilipinas. Nangasim, naglaway si Nelly, nanindig ang balahibo sa kanyang braso.

Dagling naglaho ang mga mangga. Kahit kapirasong balat ay hindi nakatikim si Nelly. Tumingin siya sa malayo upang palipasin ang pangangasim. Nakita niya ang isang kulumpon ng mga bata, ang isa’y may hawak na mangga. Kumagat iyon, kumagat ang iba. May umasim ang mukha, may nangiwi, kayat ang iba’y tumangging tumikim. Napagigil si Nelly nang makitang ang malaki-laki pang mangga’y ipinukol sa himpapawid. Kanino ba siya maiinis: sa bata, o sa kababayang nagmagandang-loob?

Nagligpit pagkakain. Nagpahinga. Ang iba’y naghanap ng matitibay na sangang magagamit bilang tungkod para sa may labinlimang minutong paglalakad paakyat ng bundok patungong kuweba. Mahigpit ang bilin ng mga nag-organisa na huwag nang hihiwalay pa ang iba at baka maubos lang ang oras sa paghahanap sa mga nawawala. Tandaang limang oras muli ang biyaheng pabalik.

Nagsimula nang maglakad paakyat. Lumingon si Nelly, at nakita niya, ang babaeng hinulaan nang una sa kanya ay nakaupo sa isang sementong bangko, nakatingin sa kanila.

Siniko ni Nelly si Cynthia, itinuro ang nakaupo.

“Kanina, nangangapos na’ng hininga, aakyat pa ng bundok?” sabi ni Cynthia.

Lumingon muli si Nelly. Nakatingin pa rin sa kanila ang babaeng nahilo’t muntik nang mahimatay.

Huminto ng lakad si Nelly. “Sasamahan ko s’ya.”

Hinatak siya ni Didith sa braso. “H’wag ka nang magpamartir. Kaya naman daw n’ya ang katawan n’ya. Mga dalawang oras lang naman tayong mawawala.”

Tumawa si Nelly. “Sige, lumakad na kayo.” At humiwalay na siya, bumaba, pabalik.

“May nakalimutan ka?” tanong sa kanya ng kababayan.

Tumawa si Nelly. “Gusto ko lang na samahan ka.”

Kumislap ang mga mata ng kababayan. Gayunma’y sinabi nito, “Baka mainip ka. Sige na, humabol ka sa kanila.”

Mula sa kanilang kinalalagyan, nakikita pa ang huling bahagi ng malaking pangkat ng mga Pilipino. Ang iba’y itinago na ng kurbang papaloob sa mga bundok.

“Magkuwentuhan na lang tayo,” sabi ni Nelly.

Ngumiti ang kababayan. “Ako si Vicenta Santos.”

“Vicenta?” Napahagikgik si Nelly.

“Sa ‘ming baryo sa San Isidro, Bising ang tawag sa ‘kin. Pero dito sa Italia’y Vicky ang naging binyag sa ‘kin.”

“Ako naman si Nelly.”

“Nelly ano?”

Ngumiti lamang si Nelly.

“H’wag kang mag-alala. Hindi ako tulad ng ibang Pilipino na s’ya pang nagsusuplong sa mga illegal dito.”

“T ka ba o CW*?” tanong ni Nelly.

“CW.”

“’Buti ka pa, walang problema sa papers.”

“Ano’ng buong pangalan mo?”

Ngumiti lamang si Nelly.

“Ilang taon ka na?”

“Twenty-five.”

“Dalaga ka pa?

“Oo.”

“Wala ka pang balak mag-asawa?”

Tumawa si Nelly. “Darating din tayo d’yan. Pagkatapos, o habang tinutupad ko’ng pangarap ko.”

“Ano?”

“Makita’ng Europe at US.”

“Ano’ng natapos mo?”

“AB Eco.”

“Ano ka dati sa Pilipinas?”

“Researcher.”

“Ang ganda pala ng trabaho mo sa Pilipinas,” sabi ni Vicenta. “Alam ba sa Pilipinas na nagkakatulong ka rito?”

“Hindi.”

“Pa’no ka napunta rito?”

“May kaibigan ako, kaopisina. Nauna sa ‘kin sa Roma. Nagsusulatan kami. Mainam daw ang buhay n’ya rito. Secretary raw s’ya. Ipon naman ako nang ipon. Tapos, nag-vacation leave ako sa opisina. Tourist ang papers ko. Nang malaman ng kaibigan ko na talagang tuloy na tuloy na ‘ko, saka n’ya sinabing nagkakatulong s’ya rito.”

“Live-in ka ba o live-out*?”

“Live-out agad,” sabi ni Nelly. “Ayokong kahit oras na ng pagtulog ay may amo pang gigising at mag-uutos. Unique nga ang kaso ko. Suwerte lang na ang kaibigan ko’y may tanggap na dalawang apartment. Walang tao kung araw dahil nag-oopisina ang mga may-ari. Sumama ‘ko sa kaibigan ko, bale nag-apprentice ako sa kanya. No’ng unang pagsama ko, buong araw kaming naglinis. ‘Yong dalawang apartment, nasa magkaibang palapag ng isang gusali. Pag-uwi nami’y plastado ako. Sa buong buhay ko, no’n lang ako nakagamit ng vacuum cleaner. Halos malaglag ang mga balikat ko, kinaladkad ko’ng mga paa ko. Kung p’wede nga lang na humiga na ‘ko sa kalsada. Nang sumunod na araw ay hindi ako nakasama sa kaibigan ko. Ang tawa sa ‘kin ng mga kasama ko sa apartment. Kung naranasan ko raw na mag-live-in muna, baka namatay na ‘ko. May isang buwan ding sumama ‘ko sa kaibigan ko. Sa tulong n’ya at ng mga kasama ko sa apartment, nakakuha ‘ko ng mga amo.”

“Talaga bang malaki ang kita ng live-out?”

“Depende sa may katawan,” sagot ni Nelly. Ang dami ng tanggap ko’y depende sa tantiya kong suweldo ng mga kapanabay ko sa Pilipinas. Dapat, sobra, o kung hindi ma’y kapantay ng suweldo nila. Hindi dapat na mas maliit pa. Hindi naman sa pagmamalaki, malaki’ng suweldo ko no’n sa Pilipinas.”

Napabuntonghininga si Vicenta. “Kung ako’y naging tulad mo, hindi na ‘ko umalis pa ng Pilipinas.”

“Ano ba’ng trabaho mo no’n?”

“Titser. Sa elementarya.”

May kumanti sa puso ni Nelly. “Titser din ang Ate Myrna ko, sa kolehiyo. Dalawa lang kaming magkapatid. S’ya ang nagpaaral sa ‘kin.”

“Nakapag-asawa ba s’ya? O tumandang dalagang tulad ko?”

Tumawa si Nelly. “Parehong ‘yon ang sagot.”

Kumunot ang noo ni Vicenta.

“Nagmadre s’ya. Nang makatapos na ‘ko ng pag-aaral, nang mayro’n na ‘kong trabaho, saka s’ya nagpaalam sa ‘kin. Papasok na raw s’ya ng kumbento. ‘Yon naman daw ang talagang pangarap n’ya. Pinigil lang s’ya ng aming ama. Contemplative order ang pinili n’ya. Pero hangga ngayon, Ate Myrna pa rin ang tawag ko sa kanya.” Nang hindi tumitingin kay Vicenta, itinanong niya, “Ikaw ba, hindi mo naisip magmadre?”

“Kahit minsan, hindi,” mabilis ang sagot ni Vicenta, “kahit maituturing kong relihiyosa ako. Kung pagmamadre ang talagang bokasyon ng kapatid mo, ako nama’y ang pagiging guro sa elementarya. No’ng bata pa ako’y mahilig ako sa aral-aralan. Gusto kong ako ang titser. Impluwensiya siguro sa ‘kin ng titser ko no’n sa grade one, si Miss Magtalas. Waring hindi magkasya sa ‘king utak ang mga bagong kaalamang ituro n’ya. Pag-uwi ko’y magbabasa ako, magkukuwento, tutula’t kakanta sa harap ng aking mga magulang at mga kapatid. Naging huwaran ko si Miss Magtalas. Nasa grade one pa lang ako’y binuo ko na sa isip na tutularan ko s’ya. Na kapag ako’y titser na, do’n din ako sa San Isidro magtuturo.”

“Pero ba’t hindi ka nag-asawa? H’wag mong sabihing hindi ka naligawan. Maganda ka naman a!”

Matagal bago nakasagot si Vicenta, nakatanaw sa malayo. “May kababata ako, si Tonyo. Para bang childhood sweetheart. Akala ko’y s’ya na’ng mapapangasawa ko. Pero nang huminto s’ya ng pag-aaral matapos ang high school, lumayo s’ya sa ‘kin. Hindi raw kami bagay. Ang napangasawa niya’y isa rin naming kababata. Ang limang anak nila’y nagdaang lahat sa ‘king pagtuturo.” Bumaling si Vicenta kay Nelly, “Pero wala ‘kong hinanakit o galit kay Tonyo, sa kanyang asawa. Ang mga anak nila’y itinuring kong para ko na ring mga anak. Likas akong matuwain sa mga bata, alam mo ba?”

“Malay mo, baka narito sa Italia ang mapapangasawa mo.”

Ngumiti si Vicenta. “Nakalimutan mo na’ng hula sa ‘kin ni Ester?” Pagkuwa’y naging seryoso, “Ganyang-ganyan din ang sinabi sa ‘kin ng recruitment agency sa Pilipinas.”

“Pa’no ka nga pala napunta sa Italia?”

“Dahil sa labinlimang taon.”

“Ano?”

“Pinarangalan ako dahil sa labinlimang taong pagtuturo. Nagdaos ng programa sa paaralan. Binigyan ako ng sertipiko. May mga talumpati, tula, sayaw, bulaklak, handa. Naluha ako sa galak. Pero sa bahay, hatinggabi na’y hindi ako makatulog, hawak-hawak ang sertipiko. Isang kapirasong papel lang pala ang pagtuturong inalayan ko ng puso’t utak. Hindi nagbago ang maliit kong suweldo.” At tumitig si Vicenta kay Nelly, “Hindi ako materyoso. Pero ako’y may tatlo pang nakababatang kapatid. At gusto nila, at gusto ko rin, na sila’y makatapos ng pag-aaral. Magsasaka lang si Tatang, at siya’y matanda na. At hindi ko maaasahan ang sumunod sa ‘king dalawa kong kapatid. Sa mga pamangkin ko’y hirap na hirap na sila.

“No’ng bakasyon ding ‘yon, lumuwas ako ng Maynila. Nakituloy sa isang kamag-anak. Naghanap ng mapagtuturuan. Sobra-sobra ang titser. At balewala ang qualifications ng isang nagtapos lang kung saang probinsiya. Balewala sa lunsod ang labinlimang taong pagtuturo sa isang liblib na baryo.

“Naghanap ako ng ibang klaseng trabaho. Klerk, salesgirl, serbidora, kahera, trabahadora sa pabrika. Madalas na ang kailanga’y mas bata. At napakaliit ng suweldo. Kulang pa sa pamumuhay ko sa Maynila.

“No’n ko sinubok ang recruitment agencies. Sa ahensiyang napili ko, sinabi sa ‘kin na magiging katulong ako sa Italia. Pero h’wag daw akong mag-alala. H’wag kong iparis sa pagkakatulong sa Pilipinas. Push-button ang lahat-lahat. May washing machine, dishwashing machine, vacuum cleaner, floor polisher. Mababait ang mga magiging amo ko. Ituturing akong parang hindi na iba sa pamilya. Kapag nagbakasyon sa ibang bansa ang mga amo ko’y tiyak na kasama ako, kayat makapaglalakbay ako nang libre. Bibigyan ako ng mga damit at iba pang gamit. May medical insurance. Malaki ang suweldo kayat ga’no man kalaki ang gastos ko’y mababawi agad kahit wala pang isang taon.” At tumawa si Vicenta, pagak, “At tulad din ng sinabi mo, baka raw nasa ibang bansa ang mapapangasawa ko.”

“Ang daming tulad mo ang kaso.” Nakatanaw si Nelly sa malayo.

“Ang talagang nasa isip ko’y ang mataas na suweldo,” patuloy ni Vicenta. “Hindi na baleng magkatulong. Basta matulungan ko lang ang mga mahal ko sa buhay. Hindi ko balak magtagal sa ibang bansa. Mag-iipon ako nang mag-iipon para makauwi agad sa Pilipinas. Babawiiin namin ang aming lupa o kaya’y bibili ng bago. Balak naming isanla lang sana ang aming maliit na sakahan, pero kulang pa sa gastos ko sa paglalakbay. Kayat napilitan kaming ipagbili na. Nangutang pa nga kami ng pandagdag.”

“Nakabawi ka na ba?”

“Mahigit na ‘kong isang taon sa Italia, pero hangga ngayo’y nagbabayad pa kami ng mga utang. Ang Tatang ko’y nakikisaka na sa iba. Natigil sa pag-aaral ang aking mga kapatid. Nangako ako kay Dentor, ang kapatid kong sana’y kakarera na sa Maynila, na makapag-aaral na s’ya sa isang taon. Gusto n’yang maging inhinyero. Balak din n’yang mangibang-bansa.” At natawa si Vicenta. “Pero do’n daw sa malaki ang palit ng pera.”

Inihit ng tawa si Nelly.

“Bakit?” tanong ni Vicenta.

Sa pagitan ng mga tawa’y ikinuwento ni Nelly, “No’ng Pasko, sa sulat ko sa ‘king tiya’y nag-ipit ako ng isang buong perang papel, fifty thousand lira. Muntik na raw mahulog ang mga mata n’ya pagkakita sa pera. Nagkagulo ang aming mga kamag-anak, ang mga kapitbahay. Nagplanong ipagagawa ang bahay. Bibili ng kung ano-ano. May mga humingi ng balato. Nang magpalit ng pera, sumama ang tiyo ko para magguwardiya. Pero hindi raw nila malaman kung sila’y malulungkot o mapapahiya o maiinis. Mahigit lang na tatlong daang piso* ang kapalit. Isinulat sa ‘kin ng tiya ko, h’wag ko na raw s’yang bibiruin nang gano’n. Baka atakehin s’ya sa puso.”

Matagal-tagal din bago humupa ang kanilang tawanan.

Tumayo si Nelly. “Kahit man lang dito’y maglibot-libot tayo.”

Naglakad-lakad sila sa paligid.

“Pero alam mo, muk’ang hindi ka katulong,” sabi ni Vicenta. “Para kang senyorita o kolehiyala.” Hinawakan ni Vicenta ang isang palad ni Nelly, sinalat-salat. “Wala kang mga kalyo. Hindi tulad ng sa ‘kin, ng iba pang tulad natin.”

Tumawa si Nelly. “Gayahin mo’ng teknik ko. Magguwantes ka hanggat maaari. Saka dapat, panay ang pahid mo ng losyon sa mga kamay.”

“Mayroon ka pang ibang teknik?” nakangiti si Vicenta.

“Kumain kang mabuti. Ikaw nga, payat ka.”

“Alam mo bang medyo mabilog ako nang nasa Pilipinas?”

“Talaga?”

“Pagdating ko sa Roma, tuwang-tuwa ako nang sabihin sa ‘kin ng Italyanong konektado sa ahensiya sa Pilipinas, ang pagsisilbihan ko raw ay isang biyuda’t matandang dukesa. Mag-isang nakatira sa isang villa. Nainggit sa ‘kin ang mga kababayan nating kasabay kong na-recruit. Sinabihan ako ng Italyano, ng mga kababayan natin, pagbutihin ko ang pagsisilbi sa dukesa. Baka pamanahan ako.

“Pinasakay ako ng tren, at matapos ang mahabang biyahe, ako’y humantong sa isang village, nasa gilid ng bundok. Ipinagtanong ko ang kapirasong papel na may pangalan at tirahan ng dukesa. Itinuro sa ‘kin ang villa, nasa bandang ituktok ng bundok. Dala-dala ang maleta, naglakad ako. Isang taon ako sa villa.”

“Pinamanahan ka ba?” sabik na tanong ni Nelly.

Napangiti nang mapait si Vicenta. “No’ng unang buwan ko’y hindi ako pinasuweldo. Nagsasanay pa lang daw ako. Pumayag ako. Hindi ako marunong ng Italian, hindi naman s’ya marunong ng Ingles. Hindi ko maintindihan ang mga utos n’ya. Nagkakamali-mali ako. Tinuruan n’ya ‘kong magluto ng pagkaing Italyano.”

“’Buti ka pa, natira na sa villa!”

“Do’n ako nagkapayat-payat. Hindi ako magkandaugaga sa paglilinis sa villa, sa pag-aalaga sa malawak na hardin. Bukod sa pagsisilbi sa dukesa na kukuliling paggising sa umaga. Baba’t akyat ako ng bundok. Mahilig sa parties ang dukesa.”

“Grabe pala’ng nangyari sa ‘yo.”

“Lalo na no’ng umpisa. Iyak ako nang iyak. Dasal nang dasal sa Panginoong Diyos na h’wag Niya kong pababayaan. Gusto kong nakukuba sa trabaho. Kahit gabi na, kahit Linggo, trabaho ako nang trabaho. Ayokong mabaliw dahil sa matinding lungkot at pangungulila. Sa lugar na ‘yon, sa aki’y walang nagmamahal. Wala ‘kong makausap sa sariling wika. Sa ‘king mga panaginip ay nakikita ko ang sarili na nasa San Isidro, kasama ang mga mahal ko sa buhay. Nakikita ko ang sarili na nasa klase, nagtuturo. Nagigising akong umiiyak.”

“Alam ba sa inyo na nagkakatulong ka?”

“Nasa Pilipinas pa lang ako’y nagsinungaling na ‘ko. Sabi ko’y magtu-tutor ako. Sa unang sulat ko sa San Isidro, inilarawan ko kung ga’no kalaki ang villa’t hardin. Maganda’t mabait ang dukesa. Musunuri’t malambing ang batang babaeng aking tinuturuan.” Tumanaw sa malayo si Vicenta, napabuntonghininga. “Isinulat sa ‘kin ng aking mga kamag-anak na hangang-hanga, inggit na inggit sa ‘kin ang San Isidro. Ang mga kasamahan kong titser ay sumulat sa ‘kin. Tulungan ko raw silang makapaghanapbuhay sa Italia. May ilang naglakas-loob na mangutang. May humingi ng gano’t ganitong padala.”

“Ano’ng ginawa mo?”

Napayuko si Vicenta. “Nag-isip ako ng kung ano-anong dahilan.” Tumigil siya sa paglalakad, yumuko, pinitas ang isang puting bulaklak-damo sa may paanan. “May naging kaibigan ako do’n, si Fely. Dating tagaprobinsiya, dati nang katulong. Nakapagtrabaho s’ya sa Pilipinas sa isang pamilyang British. Isinama s’ya sa Italia. Namamalengke ako no’n, may sumutsot. ‘Pinay ka, ‘no?’ sabi n’ya, nakangiti. Napalundag ako, niyakap ko s’ya, humahagulgol ako.” Maingat na ikinabit ni Vicenta ang bulaklak sa kanyang dibdib. “No’n lang ako muling sumigla. Kung Linggo, nagpipiknik kaming dalawa. Mahilig s’ya sa mga komiks at magasing pang-artista, galing sa Pilipinas. Pinahihiram n’ya ‘ko. Sa kanya ko nalaman na bago ako dumating sa villa, marami nang naging katulong. Lumayas lahat. Ang sinundan ko’y mag-asawang African. Pinayuhan ako ni Fely na hilingin sa dukesa na kumuha pa ng isang katulong. Kung maaari’y lalaki para may makatulong ako sa gawaing mabibigat. Sinabi ko sa dukesa, nangako naman s’ya. Pero lumipas nang lumipas ang mga buwan, wala pa rin s’yang kinuha. Kinagalitan ako ni Fely. Ang liit-liit daw ng suweldo ko’y nagpapakagaga ako. Tagapangasiwa. Tagapagsilbi. Kusinera. Labandera. Plantsadora. Tagapag-alaga. Hardinero. Layasan ko na raw ang dukesa. Hindi ko s’ya sinunod. Ayokong magkaro’n ng masamang tatak ang mga Pilipino. Kailangang tapusin ko ang kontrata.” Tumingin si Vicenta kay Nelly, “Kung ako ikaw, ano’ng ginawa mo?”

“Lalayas ako. May batas ako sa buhay—ayokong mang-api’t magsamantala. At lalong ayokong maapi’t mapagsamantalahan.” Mabilis ang sagot ni Nelly, mataas ang tono ng boses.

Napayuko si Vicenta. Matagal bago siya muling nakapagsalita. “Nalungkot ako nang tumira na sa Roma si Fely at ang kanyang mga amo. Nagsulatan kami. Nang matatapos na ang kontrata ko’y naghanap s’ya ng mapagtatrabahuhan ko. At talagang malaki ang utang na loob ko sa kanya. Nang nasa Roma na ‘ko, hindi agad ako pinag-umpisa. Isang linggo akong nabakante. Pinatutulog, pinakakain ako ni Fely sa kuwarto n’ya. Pinapapasok kapag tulog na ang kanyang mga amo. Umaalis ako bago sila magising. Gusto ko sana s’yang tulungan, pero ang amo n’yang babae’y lagi sa bahay. Pinayuhan ako ni Fely na libutin ko ang Roma.” Tumigil ng paglakad si Vicenta, nakangiti, nakatingin sa langit. “Para ‘kong ibon na nakalabas ng hawla at muling nakalipad! Pinuntahan kong lahat ang tourist spots ng Roma. Ilang beses akong nagpunta, naghagis ng barya sa fountain ng Trevi. Hiniling kong makaipon agad ako nang ako’y makauwi na sa Pilipinas. Pinadalhan ko ng mga postcard ang San Isidro. Ikinuwento kong lahat ang nakita ko.” At tumawa si Vicenta, pagak, “Hangang-hanga, inggit na inggit muli sa ‘kin ang San Isidro. Mabuti pa raw ako, paturi-turista. Nababasbasan ng Papa.”

“Si Fely ba’y pandak at maitim?”

“Oo.”

“Kilala ko s’ya. Pero iba ang barkada n’ya. Nasa’n s’ya?”

“Bumalik sa England ang kanyang mga amo. May panahong nagkasulatan kami. Hindi ko alam kung siya’y umalis na sa kanila. Ang mga amo ko nama’y lumipat ng apartment. Hindi ko alam kung sumulat si Fely sa dating tirahan namin.”

Naupo sila sa damuhan. Dinampot ni Vicenta ang bag, kinuha ang isang maliit na kuwaderno, iniabot kay Nelly. “Isulat mo nga’ng tirahan at telepono mo.”

Tumawa si Nelly, hindi inabot ang kuwaderno. “Linggo-linggo, nagkikita-kita tayo. Sa sine’t disco lang tayo hindi nagkakabangga.”

Ngumiti si Vicenta. “Nagtitipid kasi ako.”

“H’wag namang puro tipid at trabaho. Ikaw ang naghihirap kumita, pakonsuwelohin mo naman ang sarili mo, ba!”

“Hayaan mo’t sasama ‘ko sa sine paminsan-minsan. Pero kung disco…” At nahihiyang ngumiti si Vicenta, “Hindi ako marunong sumayaw. Nakakahiya namang para ‘kong tin-edyer na iikot-ikot.”

Napahalakhak si Nelly. “Disco lang, suko ka na? Sa Linggo, manonood ang barkada ng sex film!”

Nanlaki ang mga mata ni Vicenta. “Ba’t kayo manonood no’n? Linggong-Linggo, galing pa naman ng simbahan!”

Kumibit si Nelly. “Hindi naman dahil nanood ka’y gagayahin mo na. Saka bahagi ‘yan ng Roma. Nandito na rin lang, saliksikin na. Ano, sasama ka?”

Nahihiyang ngumiti si Vicenta. “H’wag na lang.”

Kumibit si Nelly. “Okey lang.”

Iniabot muli ni Vicenta ang kuwaderno.

Tiningnan lamang iyon ni Nelly.

“Kahit telepono mo na lang,” sabi ni Vicenta.

“Walang telepono sa apartment namin.”

“Do’n sa pinagtatrabahuhan mo?”

Kinuha ni Nelly ang kuwaderno, sumulat.

Ibinalik ni Vicenta ang kuwaderno sa bag.

“Ayan na sila!” bulalas ni Nelly.

Mula sa kurba, ang isang grupo’y naging agos ng mga Pilipino. Pagod ngunit mukhang masasaya.

“Ang ganda-ganda ng kuweba! Sayang, hindi kayo nakasama!”

“Ang dami naming kuha ng retrato sa loob!”

“Naku, muntik na ‘kong madulas! ‘Buti na lang, napigilan ako ni Mando!”

Tuksuhan at tawanan.

“Ang sakit-sakit ng mga paa’t binti ko!”

“Uhaw na uhaw na ‘ko! Inom tayo ng soft drink!”

“O, magkuhanan tayo ng retrato! Dito sa harap ng souvenir store!”

Nagkanya-kanyang kumpulan. Sa isang pangkat ng mga nagpapakuha, nagkasama sina Nelly at Vicenta. Nasa dulong-dulo, bandang kanan si Vicenta. Sa isang bangko, pinanonood sila ng dalawang Italyanong tsuper ng kanilang mga bus. Inimbitahan sila ni Linda, may hawak ng kamera, na sumali sa kuhanan, at siya’y sinegundahan ng iba. Nagpaunlak ang mga tsuper. Ang isa, balbas-sarado, ay tumayo sa tabi ni Vicenta. Hanggang balikat lamang niya si Vicenta.

“Ready?” sabi ni Linda.

Inayos-ayos ang buhok. Pinunasan ang pawis sa mukha. May naghabol ng pulbos at lipstik. Inunat-unat ang damit. Dumeretso ng tayo, iniliyad ang dibdib. Pinamilaylay ang pinakamatamis na ngiti. Nag-isip ng pinakamasayang sandali sa buhay upang maging makatotohanan ang kislap ng mga mata. Umakbay ang Italyano kay Vicenta.

“O, talagang ready na!” sabi ni Linda.

Pinigil ng lahat ang paghinga.

Klik!

***

NAGSIMULANG MAGING MAPAG-ISA si Nelly nang mamalayan niyang tumitindi ang kanyang yamot at pagkabagot. Sa bahay na nililinis, kung walang nakakakita, basta na lamang sinisipa niya ang mga walang malay na mesa’t silya. Kung hapon o gabing pauwi, naglalakad-lakad siya, sumasagap ng sariwang hangin, nagmamasid-masid. Bakit kailangang magmadaling umuwi? Buong umaga’t maghapon na siyang ikinulong ng mga dingding, pinto, bintana, sahig, kisame, bubong.

Mag-iisang buwan na siyang hindi lumalabas kung Linggo. Nasa apartment lamang siya buong araw. Natutuwa siya na kung Linggo’y solong-solo ang bahay, kapiling ang hiniram-biniling mga libro, magasin, mapa, travel brochure. Noong unang Linggong hindi siya lumabas, tinanong siya ng mga kasama sa apartment, may sakit ba siya? Ngunit wala, wala siyang sakit, tinatamad lamang siya. Sayang daw at hindi siya makakasama sa saya’t gulo ng barkada, ng mga kababayan. At lihim na natawa, muntik pang mapaismid si Nelly. Kahit nananaginip ay masusundan niya kung ano ang ginagawa, kung nasaan bawat sandali ang nagliliwaliw na mga kababayan. Ang buhay nila sa Italia ay isang relo—hindi nagbabago ng anyo, ng direksiyon, ng mga numero. Kung Linggo ng umaga, nagtitipon sa loob ng Vaticano, doon sa pagitan ng malalaking haliging bato ng colonnade. Magpapalitan ng balita at tsismis matapos ang isang linggong hindi pagkikita. May nagtitinda ng syopaw at iba pang meryenda. O ng meyk-ap, damit o anupaman sa bayarang hulugan na maaaring para sa kanilang sarili o kaya’y ipadadala sa Pilipinas. May ilang bata o sanggol na pinagkakatuwaan.

Ang Papa’y lilitaw sa isang mataas na bintana ng isang gusali, at sa harap ng mikropono’y magsasalita’t magdadasal, at matapos ang kanyang basbas, sila’y magkakanya-kanyang grupo na sa paglisan. Karaniwa’y sa mga parke ang tuloy. Sa damuhan, sa lilim ng mga puno, ilalabas ang mga baon. May paikot-ikot sa mga grupo, nagtitinda ng pansit na lemon ang pampaasim, litsong kawali na may ketchup, at iba pa. Umpisa na ng piknik. Magkakasama ang mga Ilokano, ang mga Batanggenyo, at iba pang hatiang batay sa wika o lugar. O kaya’y ang mga propesyonal at di-propersyonal. Matapos ang kainan, palilipasin ang oras sa pamamagitan ng kuwentuhan o kaya’y pagpapaunlak sa isang nagpapasugal. Malakas ang tayaan. Mga bandang alas tres o alas kuwatro ng hapon, kanya-kanyang alis ang mga pangkat. Pupunta sa mga simbahang pinagmimisahan ng mga paring Pinoy na iskolar ng kani-kanilang order. Sa Ingles at Pilipino ang misa, mga awit at sermon. Punong-puno ang simbahan, pulos Pilipino, maliban sa isa o dalawa o tatlong puti na maaaring kaibigan, nobyo, asawa o “kabit” ng ilang kababayan.

Matapos ang misa, muling maghihiwalay ang mga pangkat-pangkat. May pupunta muli sa mga parke, may magdidisco, may magsisine. Halos hatinggabi na kung maghiwa-hiwalay patungo sa kanya-kanyang tinutuluyan.

Mag-iisang buwan na ring hindi niya nakikita si Vicenta.

Naging malapit sa kanya si Vicenta matapos ang pag-uusap sa outing. Kung Linggo, parang asong bubuntot-buntot ito sa kanya, at kaya lamang hihiwalay ay kung pupunta na ang barkada sa disco o sine. Panay ang tawag nito sa telepono.

Ikinuwento sa kanya ni Vicenta, “Isinulat ko sa pamilya ko, hindi na ‘ko malulungkot pa sa Roma. May bago akong kaibigan, si Nelly.” Ipinadala ni Vicenta ang retratong kuha sa outing, minarkahan kung nasaan ang bagong kaibigan. At nagbiro rin daw ito, “Bagay ba kami ng aking nobyo?”

Pinagkaguluhan sa San Isidro ang retrato. Sunod-sunod ang mga tanong. Ano ang pangalan ng kanyang nobyo? Ilang taon na? Ano ang trabaho? Kailan sila magpapakasal? Tuwang-tuwa ring ibinalita ng pamilya ni Vicenta, itinatala ng San Isidro ang mga tagumpay ni Vicenta: ang unang nakatapos ng pag-aaral sa baryo; ang unang nakapaglakbay at nakapagtrabaho sa ibang bansa; ang unang makapag-aasawa ng puti. Si Vicenta’y ginawang huwaran ng mga magulang sa kanilang mga anak.

“At ewan ko, Nelly,” sabi ni Vicenta, nakayuko, “ewan ko kung bakit sinabi ko, s’ya si Luigi. Apatnapung taon, superbisor sa isang kompanya. Inaaya na ‘kong magpakasal pero ayaw ko pa.”

Napahagikgik si Nelly.

“Sising-sisi ako matapos maipadala ang sulat. Binuo ko sa sarili na sa susunod, sasabihin kong nagbibiro lang ako. Pero sa sumunod na sulat, kinukumusta nila si Luigi. Ipaabot daw ang kanilang mainit na pangungumusta.” At tumulo ang luha ni Vicenta. “Mula no’n, hindi na nawala sa ‘ming sulatan si Luigi. At ako nama’y nawalan na ng loob na bawiin ang mga sinabi ko mula umpisa.” Sapo-sapo ang mukha, tahimik na lumuha si Vicenta.

Tumanaw si Nelly sa malayo.

Humihikbi-hikbi, pinahid ni Vicenta ang luha’t sipon. “Humingi ako ng tawad sa Diyos. Nagkumpisal ako. Pero pagdating ng sulat mula sa San Isidro…” Tumitig si Vicenta kay Nelly, “Ano’ng gagawin ko, Nelly?”

Natahimik sila.

Ngumiti si Nelly. “Simple. H’wag mo nang amining imbento lang ang ‘yong nobyo. Bawasan mo nang bawasan ang pagkukuwento. Hanggang sa hindi mo na banggitin. Kapag nagtanong pa ang San Isidro, sabihin mo, nadiskubre n’yo ni Luigi na hindi kayo para sa isa’t isa. Gano’n lang. Ang daming ganyang istorya sa mundo.”

Nagliwanag ang mukha ni Vicenta.

Pagkatapos ay bagong problema naman.

“Natatakot ako sa amo kong lalaki, Nelly.”

“Kamuk’a ba ni Dracula?” nakatawa si Nelly.

Kahit bahagya, hindi nangiti si Vicenta.

Nagseryoso si Nelly. “Bakit?”

“Hinihipuan ako.”

Nandilat si Nelly. “Talaga?”

“Pinipisil-pisil ako sa baba. Inaakbay-akbayan ako.”

Kumibit si Nelly. “Para ‘yon lang!”

“Saka madalas ding tinatapik-tapik ako sa puwit.”

Matunog ang halakhak ni Nelly. “Ang tagal-tagal mo na sa Italia’y hindi mo pa kilala ang mga I*!” Natutop ni Nelly ang noo. “Ay, isang taon ka nga pala sa dukesa!”

Tumitig si Vicenta kay Nelly. “Pero no’ng isang hatinggabi, kumatok s’ya sa kuwarto ko. Tinawag ako, mahina.”

Kumunot ang noo ni Nelly. “Ano’ng nangyari?”

“Hindi ako bumangon, hindi ako sumagot. Takot na takot ako no’n, Nelly.”

“Malay mo naman kung may iuutos lang sa ‘yo.”

“’Yon din ang sabi n’ya sa ‘kin kinabukasan. Ang himbing ko raw matulog.”

“’Yon naman pala e.”

“Pero natatakot ako, Nelly. Hindi ko gusto’ng mga titig n’ya sa ‘kin. Baka may balak s’yang masama.”

“Kung ano-ano’ng pinag-iiisip mo.”

“Natatakot ako, Nelly.”

“Nag-oopisina ba’ng amo mong babae?”

“Hindi.”

“’Yon naman pala e. Ano’ng ikatatakot mo?”

“Kahit na.”

“Basta ikandado mong palagi ang ‘yong pinto kung gabi.”

Natahimik sila.

Pagkuwa’y sinabi ni Vicenta, nakatitig kay Nelly, “Gusto ko nang mag-live-out, Nelly.”

“Dapat naman. Beterana ka na sa Italia.”

Nakatitig pa rin si Vicenta kay Nelly. “P’wede kaya ‘ko sa apartment n’yo?”

Napanganga si Nelly. Ang apartment ay para lamang sa isa o dalawang tao, kayat may isa lang kuwarto na siya na ring tulugan at salas, isang makipot na kusina, at isang makipot na banyo’t kasilyas. Anim sila sa apartment. Sa kamang pang-isahan ay magkatabi sina Berna at Didith. Sa kamang pandalawahan ay silang tatlo nina Evelyn at Cynthia. At si Jimmy ay sa higaang de-tiklop sa kusina. Doon kinakasiping ni Jimmy si Loida at ang iba pang babae sa kanyang buhay. Kahit walang telepono at heater, tumataas ang bayad sa apartment tuwing may makikitang bagong mukha sa apartment. At hindi naman sila makapalag sa madalas na pagtataas ng upa sa apartment, mahirap maghanap ng malilipatan. At ano naman kaya ang iisipin ni Vicenta sa relasyon nina Berna at Didith? Ni Jimmy at ng mga babaeng pinaliligaya nito? Magimbal kaya si Vicenta? Mangaral? At tanggapin nang ito’y hindi makikialam, saan matutulog si Vicenta? Maliban na lamang kung ito’y matutulog nang nakatayo o nakaupo, doon sa banyo.

“Ang sikip-sikip na sa apartment. Hindi na p’wedeng tumanggap ng bago,”sabi ni Nelly.

Napayuko si Vicenta, malungkot.

“Hayaan mo’t kapag may umalis ay sasabihin ko sa ‘yo. Magtatanong-tanong din ako para may malipatan kang amo.”

Napapitlag si Nelly nang hawakan siya ni Vicenta sa braso, mahigpit.

“Pero talagang natatakot ako, Nelly!”

Pinilit ni Nelly na ngumiti. “Basta ikandado mo ang ‘yong pinto…Walang mangyayari sa ‘yo.”

Hindi na sila nagkita mula noon. Nang bandang huli’y tumigil ito ng pagtawag sa kanya sa telepono, nang tulad din ng iba, sinabihan niya itong siya’y nagmamadali o pinagmamadali ng amo sa pagtatrabaho.

Gayunman, kung Linggo, sa pagdating ng kanyang mga kasama sa apartment, ibinabalita ng mga ito, hinahanap, itinatanong, kinukumusta siya ni Vicenta. Tinutukso tuloy si Nelly ng kanyang mga kasama sa apartment. Ano ba talaga ang relasyon nila ni Vicenta? Magnanay? Magtiya? Mag-ate? Magpinsan? O baka naman…Sino ba sa kanila ni Vicenta ang lalaki?

Ngunit kumikibit lamang si Nelly. O ngingiti. Mas mahalaga sa kanya ang mga tanong ng sarili. Pulos Roma na lamang ba? Aling sulok at kanto pa ng Roma ang hindi niya natatapakan? Pulos pagkakatulong na lang ba? Hindi siya nagpunta sa Europe upang paganapin lang ang sarili sa mga istorya ng pagliliwaliw kung Linggo, na kabisadong-kabisado na niya ang simula’t dulo. Hindi siya nangibang-bansa upang makinig lamang sa mga usapang nakaangkla sa mga “nanay”, “tatay”, “anak”*, mga gawaing-bahay, hinaing at problema. Hindi upang sundan ang buhay at kasaysayan ng isang Vicenta.

Ipinasya niyang umpisahan na ang paglilibot sa Europe. May sapat na siyang naiipon para sa ilang bansa. Bibili siya ng Eurail pass, mas mura sa tren. Unahin kaya muna niya ang France, West Germany at Netherlands? May mga kaibigan siya roon. Nasa Paris si Orly, may kuwartong inuupahan. Nagpunta ito sa Paris bilang iskolar, artist-observer sa loob ng tatlong buwan, ngunit tulad niya, hindi na ito bumalik sa Pilipinas. Ngayo’y nabubuhay ito sa pamamagitan ng pagpipinta at pagiging potograpo. Sa Frankfurt, makikituloy siya kay Nora at sa German na napangasawa nito, dating penpal. Nasa Amsterdam si Angie, kahera sa department store, at ka-live-in ang isang Dutch. Sapat na marahil ang isang buwang paglalakbay. Saka naman iplano ang mga ibang bansa. Sinulatan niya ang tatlong kaibigan.

Linggo, umaga, kaaalis lamang ng kanyang mga kasama sa apartment. Siya’y kontentong-kontentong nakaupo sa kama, katabi ang isang bandehadong mansanas, ubas at peras, napaliligiran ng mga mapa’t travel brochure. Hawak-hawak ang mapa ng Paris, tinitingnan niya kung gaano kalayo sa isa’t isa ang Eiffel Tower at ang Arc of Triumph nang gulatin siya ng pahangos na pagpasok ng humihingal na si Evelyn.

“Si Vicky, patay na!”

Ang utak ni Nelly ay nasa Eiffel Tower at Arc of Triumph pa. At kinilig si Evelyn, “Sabog ang mukha’t bungo!”

Nabitiwan ni Nelly ang mapa.

***

NALATHALA SA ISANG diyaryong Italyano ang tungkol sa isang Pilipinang nagpakamatay. Ayon sa among babae, paggising niya noong umagang iyo’y nagtaka siya kung bakit wala sa kusina ang katulong. Dati-rati, paggising niya’y handa na ang almusal. Nagtimpla siya ng kape. Naubos na ang kape’y hindi pa rin lumilitaw ang katulong. May sakit kaya? Nagpunta siya sa kuwarto nito. Maayos na maayos ang higaan, ngunit wala roon ang katulong. Pabalik na siya sa kusina nang marinig niya ang sigawan at pagkakagulo sa labas, sa ibaba. Ikinuwento rin ng among babae na ilang araw na ang nakararaan, naging malulungkutin ang katulong. Tinanong niya ito at umiiyak na sinabi sa kanya, tumawag ng long distance ang nobyo nitong seaman, isang Pilipino. Sinabi ng nobyo na ito’y mag-aasawa na sa iba. Kasama sa balita sa diyaryo ang retrato ni Vicenta, iyong kuha para sa pasaporte. Mabilog ang mukha, mapupurok ang mga pisngi, nakangiti si Vicenta.

Nagkontribusyon ang mga Pilipino upang maipauwi sa Pilipinas ang bangkay, gayundin, ang ibang gamit ni Vicenta.

“Baka na-foul play ng among lalaki,” sabi ni Didith matapos marinig ang pagtataka ni Nelly sa deklarasyon ng among babae. Naikuwento rin ni Nelly ang mga huling pag-uusap nila ni Vicenta.

“Halungkatin natin ang kaso,” sabi ni Berna.

Binigyan ni Cynthia ng ballpen at papel si Nelly. “Ikaw rin lamang ang kaibigan ni Vicky, ikaw na’ng bahalang magbalita sa pamilya n’ya.”

“Sasabihin ba nating nagpakamatay?” tanong ni Didith.

“H’wag na, magagalit at maghihinagpis lang sila. Wala na namang magagawa. Nangyari’t nangyari na,” sabi ni Evelyn.

“Anong bersiyon ng kamatayan ang sasabihin natin?” tanong ni Jimmy.

“Namatay sa pagtulog, nakapandyama,” sabi ni Berna.

“Lalaki lang ang binabangungot,” sabi ni Jimmy.

“At pa’no kapag nakitang durog ang mukha’t bungo?” sabi ni Evelyn.

“Nakahinang naman ang ataol a!” katwiran ni Berna.

“E kung magpilit silang pabuksan? Ang tagal-tagal na hindi nakita ng pamilya n’ya si Vicky!” giit ni Cynthia.

“Ganito na lang,” sabi ni Nelly, “nabangga ang kotseng sinasakyan n’ya.”

Sumang-ayon ang lahat.

Pumunta sa kusina si Nelly. Hawak ang ballpen at nakatitig sa blangkong puting papel na nakapatong sa mesa, naisip ni Nelly, dapat din niyang tandaan: sa San Isidro, si Vicenta at Vicky ay si Bising.

Mula sa Sandaang Damit at Iba Pang Maikling Kuwento. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing, Inc., 1994. pp.113-134.

*Kahit libo-libo ang nakasulat na halaga sa lira (perang Italyano), maliit lang talaga ang katumbas nito sa ibang pera. Halimbawa, sa palitang lira-piso noong 1981, ang 50,000 lira ay mahigit lang P300 ang katumbas.

*Sa lengguwahe ng mga Pilipino sa Italia, ang T ay turista, ang CW ay contract worker.

*Live-in, o full-timer, nakatira sa bahay ng amo; live-out, o part-timer, hindi nakatira sa bahay ng amo.

*I, Italyano.

*“Nanay”, among babae; “tatay”, among lalaki; “anak”, batang inaalagaan.

*Pangalawang gantimpala, Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1982.

back to fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive