fiction
Sipi mula sa Makinilyang Altar
ni Luna
Sicat-Cleto
Pagbangon sa mga Bungang-Tulog Dadamputin ko na sana ang librong nakapatong sa pasamano nang mapansin kong dumapo ang maraming tarat sa punong sampalok sa bakuran. Saglit kong pinakinggan ang huni ng mga iyon, pagkuwa'y nagtaka kung bakit walang mga letra, walang mga salita, walang teksto sa mga pahina ng librong hawak ko. Sabay-sabay na nilisan ng mga tarat ang puno, at sa pagkampay ng kanilang mga pakpak, kumampay na rin ang pahina ng libro at kusa itong nagsara. At saka ko pa lamang napansin na nagkalat pala ang mga libro sa bawat sulok ng silid-naroon sila sa mahabang pasilyo, sa may terasa, sa balkon, sa bukana. Patong-patong, nakasalansan, paisa-isa. Tuyong dahon ang mga librong waring nakakapasok sa loob ng bahay na iyon na walang mga kasangkapan. Muling humuni ang hangin, hinawi ang mga kurtina sa mga bintana. Binulong ng hangin na damputin ko't buklatin ang bawat libro para lamang makita nang paulit-ulit ang blangkong mga pahina. Sa paglalakad, pumipikit ang bawat mata ng kahoy sa sahig na aking naapakan, mabagal ang aking kilos, tila lumalangoy ako sa dagat. Walang patlang ang paglalakad, di ko napansin ang mga iwa ng liwanag mula sa pintong aking nadaraanan, habang bumababa ako ng hagdan. Pumipikit nang marahan ang mga mata ng kahoy sa mga pader. Umaalon ang mga puting kurtina, kasabay ng pag-alon ng matataas na talahib sa burol. Lumabas ako ng bahay, naramdaman ko ang ambon. Umupo ako sa damuhan sa lilim ng sampalok, ibig kong takasan at namnamin nang sabay ang ambon. At saka ko namalayang ang bahay pala'y malapit sa isang bangin, at nakukuba na ang ikalawang palapag sa dikta ng panahon.
Kahit ilang beses kong napapaniginipan ang bahay na ito, nananatili itong tahimik, payapa, at walang katau-tao. O wala nga ba? Tila nauulinig ko ang tinig ng aking ama't ina, ngunit sa tuwing palapit na ako sa direksiyon ng kanilang mga boses, biglang dumaratal ang katahimikan, at matutuklasan kong wala naman palang tao, kaluskos lang pala iyon ng dahong nalaglag, pagkampay ng pakpak ng mga ibon, o marahang huni ng pahinang sinusuklay ng hangin.
Nagtataka ako kung bakit wala roon ang aking asawa, o ang aking anak na batang lalaki na minumutya. Nagtataka rin ako kung bakit sa huling frame ng panaginip na iyon ay makikita ko ang sarili, nagsusulat, hanggang sa magdugo ang mga titik, hanggang sa parang nababasa ang mga pahina, nawiwisikan ng ulan, kahit maaraw at ngumingiti ang ulap sa labas.
Bakit ko dinadalaw sa panaginip na iyon ang isang abandonadong bahay na yari sa kahoy, na noon ko lamang nakita ngunit sa tuwing nauulit ang panaginip, lalong naidiriin ang aking pamilyaridad sa lugar, wari bang nananahan na ako rito, sa isang lugar, sa isang panahon? Bakit sa tuwing may bubuklatin akong aklat, na matutuklasan kong wala naman palang laman, dumarapo sa akin ang matinding lungkot, katulad ng lumbay na mararamdaman kapag nagpaalam na ang mga nawawala kong mga kaanak na hindi ko man lamang nakilala, o pumanaw sa aking harapan ang malalapit na kaibigan? Bakit ko naririnig ang mga tinig ng aking mga magulang? Bakit sa tuwing lumalapit ako sa pinagmumulan ng mga tinig na ito, biglang tumatahimik, at yayakapin ako ng aking pag-iisa? Laging natatapos ang panaginip sa himig na ito.
At hindi ko maintindihan kung bakit sa tuwing ako ay magigising, inuusig ako ng aking panulat at papel. Pinabayaan ko nang tangayin, na animo libag, ang aking panulat at papel.
888
Sa realidad, malayo ang itsura ng bahay na aking tinitirhan sa aking napapanaginipan. Doon, wala akong pinakikisamahan liban sa aking sarili. Sa realidad, marami akong pinakikisamahan. Bawat bahay o espasyong tinawag kong bahay sa isang takdang panahon ay bahay rin ng iba: asawa, anak, kapatid, magulang, hipag, biyenan, pamangkin, pinsan, tiya, tiyo, lola. Kung iisipin ko ang panahon kung kalian nga dumapo ang paulit-ulit na panaginip ng bahay na iyon, marahil masasabi ko na matagal na akong naghahanap ng mauuwian.
At matagal na ring naging palaisipan sa akin kung ako lang ang nanaginip ng ganito. Kung may iba ring kagaya ko na may bahay ngang inuuwian, ngunit humihimlay ang kanilang kamalayan sa ibang tahanan sa kanilang mga bungang-tulog.
Binagabag ako ng panaginip na ito noong kasalukuyan kaming nakikitira sa bahay ng aking hipag na si Martina. Doon sa Kalye Kamantigue, sa isang low-cost subdibisyon sa Marikina.
Mula sa malawak na unibersong binabaybay sa panaginip, nagigising ako sa isang silid na kalahati'y may pintura, kalahati'y wala pa. Katulad ito ng tekstura ng tasang plastic na natatalupan ng kintab.
Sa panaginip na paulit-ulit, wala akong nakikitang kasangkapan na magpapahiwatig ng domestisidad, liban sa mga librong hindi ko naman mabasa dahil walang nakasulat. Sa realidad, kahit na silid lamang ang maituturing kong domestikong espasyo, naroroon na ang lahat-lahat ng kasangkapang naipundar naming mag-asawa.
Sa may pinto, naroroon ang 18" na telebisyong colored, na binitbit pa ng asawa ko sa mismong eroplanong kanyang sinakyan at kinalong niya sa kanyang kandungan mula Sharjah hanggang Maynila. Sa may bintana'y naroroon ang Sansui CD component, na regalo niya sa akin noong ikadalawampu't pito kong kaarawan. At sa isang sulok, ang 5-ft. refrigerator na kulay avocado, na puno ng mga inuming tetra pack, vitamins, mga processed foods na baon ng anak ko sa umaga't tanghali.
May dalawang palapag ang bahay ng aking hipag na si Martina. May kalakihan ito, lalo na kung ikukumpara sa iba pang mga bahay sa paligid. Maraming mga barungbarong sa gilid ng alow-cost na subdibisyon na iyon. Karamihan sa mga kapitbahay naming sa Kalye Kamantigue'y nagtatrabaho sa gobyerno bilang mga kawani o bisor; may ilan na may mga maliliit na negosyo katulad ng kantina, tindahan, beauty parlor, bilyara't petshop. Ngunit mas marami ang bilang ng mga pamilyang ang isa sa mga magulang ay pirmeng walang trabaho, na kadalasa'y mga lalaking minsang naging pulis, klerk sa munisipyo, mensahero o anupaman, na nawalan ng gana sa pagtatrabahong tila walang patutunguhan ang tapat na pagkayod. Pangkaraniwang tanawin na rin sa loob ng subdibisyon ang mga maybahay na nag-uumpukan sa hapon para magkuwentuhan o tumaya sa ending. Pangkaraniwan na ring mapapansin ang tamlay ng mga kabataang magsipasok sa mga eskuwelahan; mas palagay sila sa balitaktakan sa mga bilyaran o basketbolan, o dili kaya'y sa pakikisabay sa awitan sa mga videoke o sayawan sa dancing pad.
Magaspang ang mga pader ng karamihan sa mga bahay dito sa Kalye Kamatigue, katulad ng gaspang ng mga salita at tikas na lumilibot sa subdibisyon. Kapag pinagmamasdan ko ang pader, ang kisame, ang pinto, ang bintana ng silid na aming tinutuluyan, naihahalintulad ko iyon sa malungkot na tasang plastic na natatalupan na ng kintab. Nais ko ng espasyong napapalibutan ng mga libro't halaman, ng simpleng kasangkapan, ng katahimikan. Ngunit umuuwi ako sa isang silid, sa isang bahay, na estranghero ako sa sarili kong espasyo.
888
Kapag umuuwi ako sa silid na iyon, magdaraan ang sinasakyan kong jeep sa isang squatters area, makikita kong pumapara sa sasakyan ang mga batang naninilaw ang buhok, bundat ang tiyan; sabay-sabay na naglalakad ang mga kabataang pormang istambay. Makikita ko ang mga kabataang ito na naninigarilyo sa mga kurba ng daan, na waring mga modelo ng sigarilyo o softdrinks. Paglampas ng kumpol ng mga barungbarong ay madaraanan ang mga magagarang bahay, na may mga malalawak na lawn na may bermuda grass. Pumapasok sa garahe o umuurong doon ang mga magagarang modelo ng kotse kagaya ng Ford Expedition, Mercedez Benz o BMW. At maririnig kong ikinukuwento ng isang katabi, madalas daw mag-shooting dito ang cast at crew ng tampok na soap opera. At idaragdag ng isa pa na ang karamihan sa mga homeowners ay nagtatrabaho sa Customs, at sasabihin naman ng katabi na "oo nga," nakita niya na minsang lumabas sa bahay na iyon ang mismong batang-batang aktres. Kay kinis pala talaga ng balat! Sasabit sa jeep ang mga lalaking trabahador, sikyo at atchoy. Amoy sigarilyo ang kanilang mga kamiseta. Plastado ng pomada ang kanilang mga buhok. Bitbit nila ang mga bag nilang kanbas na naglalaman ng mga tools. At suot nila'y imitasyon ng mamahaling rubber shoes. Lalagpas ang jeep sa gate ng exclusive na subdibisyon at tataluntunin nito ang tulay. Mababa lang ito. Kapag tuloy-tuloy ang buhos ng ulan, natatabunan ang tulay na ito ng tubig. Pagkaraan ng bagyo, pangkaraniwan nang makita ang mga lumulutang na bola ng basketbol, tsinelas, styrofoam, patay na aso o baboy at iba't ibang kulay ng plastic. Ngunit kung kalmado ang panahon at maaraw, humihilera sa gilid ng tulay ang mga kabataang lalake na sumisisid sa ilog. Sa kabilang dulo ng tulay ay isa na namang kumpol ng mga dampa. Ngunit ang itsura ng mga bahay-bahay dito ay hindi na kasing rusing ng unang nadaanan. Maraming beerhouse na may sari-saring mga pangalan na nagpapahiwatig ng paraiso, libog at magagandang mga dilag. Mga hardware store, mga bakery at bilyaran, punerarya at paanakan. Pasingit-singit ang mga bahay-bahay na may video slot machine, dancing pad, karaoke, retail outlet ng balut, itlog, pabango, tela, klinika, atbp. Madalas na may nakaparadang police patrol sa tapat ng Muslim settlement, na balitang lugar ng droga at saksakan, kaya't laging nag-aantabay ang mga pulis sa nagkakagulo doon.
Sa dulo ng biyaheng ito, may palengke. Sasakay ako ng pedicab sa tapat ng maliit na grocery na katabi ng isang gotohan. Liliko ang pedicab sa kanan, madaraanan ang talipapa. Lawlaw ang mga 50-watt na mga bumbilya sa talipapang ito, animo'y pinaglalamayan ang mga pata ng baboy at panga ng isda. May mga anim na pasilyo sa talipapa, at buhay na buhay ang kalakal dito sa mga oras ng pag-uwi ng mga tao, palibhasa'y maraming mga maybahay ang dumaraan dito para makapamili ng maihahapunan; hayun at makikita silang nagkukumpulan at bumibili ng bangus, tuyo, daing at munggo. Daraan ang pedicab sa mga eskinita. Dikit-dikit na ang mga bahay dito at ang bawat dighay, utot at hingal ay alam ng kapitbahay. Tawid nang tawid ang mga paslit na hubo't hubad habol ng mga inang may dalang pamalo. Kakabahan ka sa mga sigang dumaraan na may mga tattoo, korteng V ang pormasyon ng mga masel nila sa likod, praktisado ang mabagal at hambog na paglalakad.
Nagsusulputan sa tumbong ng eskinita ng mga bahay na tila naliligaw sa lugar na iyon, mga bahay na may tatlo hanggang limang palapag, makikinis ang mga pader, malayo pa lang parang naaamoy pa rin ang bagong pahid na pinta, may mga decorative tiles at maririkit na grills. Ito ang mga bahay ng mga asawa ng mga seaman, DH o Japayuki. May mga washing machine na naka-display sa tabi ng kanilang mga pinto, mga karaoke't videoke, at masisilip mo ang lagablab ng tv habang naglalaro ng playstation ang mga bata.
Ilang metro na lang at makauuwi na ako. Malayo pa lang ako'y tila nararamdaman na ng aking anak ang aking pag-uwi. Sabik itong sasalubong sa akin sa tarangkahan, habang kinukutkot ang aking bag para sa pasalubong.
Araw-araw ay umaalis at umuuwi ako rito, ngunit gabi-gabi ay humihimlay ang aking kaluluwa sa bahay ng aking bungang-tulog. Ako lang ang nakakaalam nito. Hindi ko maipagtapat sa aking asawa. Wala siyang tiyagang makinig sa mga panaginip. Para sa kanya, hindi na ito dapat pang pinapansin. "Kilala mo ako, Laya, simple lang akong mag-isip. Hindi ako nagdadala ng mga bagay na alam kong mas makakabigat sa akin. Kaya nga tayo lumipat dito, hindi ba? Gusto natin ng mas simpleng buhay."
At mapapangiti ako, para matapos na ang usapan.
Kung tutuusin ay wala naming ipinagkaibang masyado ang bahay sa Kalye Kamantigue sa bahay na aking kinalakhan noong aking kamusmusan. Dati kaming nakatira sa isang apartment sa Project 6, Quezon City. Puspusang nagtatrabaho ang aking ina, si Gloria Dimasupil, bilang accountant ng isang bus company, samantalang nakatutok sa pagsusulat ang aking ama, si Deo Dimasupil.
Isang daan at limampung piso ang upa ng aking mga magulang noon sa nasabing apartment. Katulad ng tipikal na bagong kasal, kakaunti pa lamang ang mga kasangkapan ng aking mga magulang. Sa katunaya'y wala pang sulatan noon ang aking ama. Ginagamit nitong mesa ang isang plantsahan. Sa mga litrato ko sa panahong ito, nakapaligid sa akin ang mga libro. Kinunan ako ng aking ama na suot ang kanyang salamin habang ako'y natutulog sa krib, at nakapalibot sa akin ang mga nobela sina Sartre, Dostoyevsky at Camus. Hawak ko sa aking munting kamay ang isang magnifying glass.
Dokumentado ang aking paglaki sa aking unang taon: kung paano ako pinaliliguan ng aking ina, kung papaano ako ipinaghehele ng yaya kong si Yolanda sa saliw ng "What Am I Living For," kung paano ako tumawa't umiyak. Pagkaraan ng isang taon ay nagkaroon ako ng bagong kapatid.
Hindi inaasahan ang pagdating ni Bituin. Binulabog niya ang nakasanayan: din na ako pupuwedeng matulog sa gitna ng aking mga magulang. Iyakin si Bituin; hindi ito napapakalma ng kahit sino, hindi ito sumasama sa kahit sino, liban sa aming ina. Namumuyat si Bituin, ngunit kinagigiliwan ng aking mga magulang ang mga ngiti niya't maamong mga mata.
Ilang linggo lang, kinailangan nang magreport sa trabaho ng aking ina. Isang umaga, pumasok siyang tangay ang sangkaterbang folder sa mesa, at nakasama sa mga iyon ang aking mga ginuhit. Noong hapong iyon, mataas na mataas ang sinat ni Bituin at nilalagnat ako. Berde na ang tingin ko sa paligid, nilalamig ako, palibhasa'y kumakapit ang lagnat sa buto. Pinainom ako ng gamot ng aking ama ngunit hinahanap ko ang yakap ng aking ina. Iyak nang iyak si Bituin, at natutulig na ang tainga ko sa sabayang pagmumura ng aking ama at uha ng aking kapatid. Natataranta na ang kinse anyos naming katulong, ayaw susuhin ni Bituin ang gatas na inimbak, kahit na nanggaling pa ito sa aking ina. Takipsilim na nang umuwi si Mama, at nakahinga na kaming lahat. Kahit pagod, masaya niyang ikinukuwento sa aking ama ang nangyari sa opisina nang matuklasan niyang tumutulo ang gatas mula sa kanyang mga utong. Noong gabing iyon, masiglang-masigla si Bituin, at ayaw nang matulog. Mag-aalas dos na ng umaga'y gising pa rin ito'y humahagikgik, parang sumuso ng kape. Nakatulog na ang aking ina sa pagod, humihilik na rin ang aking ama. Gising na gising naman kaming magkapatid: nagkakaunawaan, ayaw pumikit, nangangambang aalis ang aming ilaw.
Nagsimulang humugong ang aking hininga sa mga panahong ito. Hindi ako makatulog, kahit pagpatung-patungin ko ang unan sa batok ko't likod. May mga gabing gumagapang ako sa sahig. Himbing na himbing sa pagtulog ang lahat habang ngumingiyaw ang aking baga. Pinatingnan ako sa duktor nang mapansin ng aking ina na asul na ang kulay ko. Natuklasan nilang may hika pala ako. Niresetahan ako ng gamot. At nakatulog akong humihilik. Pagkagising ay nanginginig ang aking mga kamay. Dalawang beses isang taon kung ako'y sumpungin: kapag panahon na ng pamumulaklak ng talahib at kapok, kapag malapit nang magpasukan.
Kapag inaatake ako ng hika noon, binabantayan ko ang natutulog kong kapatid. Naaalimpungatan ako habang naririnig ko ang paghahanda ng aking ina sa pagpasok nito sa opisina. Ibibilin kami sa katulong, may iiwan siyang pera sa ibabaw ng refrigerator, saka niya kukunin ang mga folder sa mesa, aayusin nang kaunti ang stockings, titingin sa salamin, hahalik sa amin, "mga anak.," hahalik sa tatay, at aalis. Kapag nakaalis na ang aking ina, magkukulong na ang aking ama sa silid.
888
Ano ba ang kanyang sinusulat? Bakit ba siya nagkukulong? Ito na ang lagi kong tinatanong, bata pa lamang ako.
Magmula umaga hanggang sa gabi naroroon lang sa silid ang aking ama. Naririnig ko ang dagundong ng kanyang makinilyang Olympia, kasalit ang murang malalakas at malulutong. Naririnig ko ang iyak ng mga papel na pinupunit at nilalamukos habang may pinapanday siyang akda.
Natutulog na kaming mag-iina sa sala. Malamok. At malamig ang sahig. Naririnig kong bumabangon ang aking ina para ipagtimpla ng kape ang aking ama. Umalis na ang katulong. Ilang oras na lang ang idlip ng aking ina't alam kong babangon ito muli para magluto ng aming almusal at para makapasok na sa opisina. Maiiwan na naman kami. Bubuksan ko ang kaldero, maghahanap ako ng makakain, at sasandok ako ng kanin at ulam. Kapag may pasok, isusuot ko na ang uniporme kong di gaanong naplantsa ng aking ina sa kanyang pagmamadali noong nakaraang gabi. Kung wala, pinapatay ko ang oras sa pagdodrowing, o di kaya'y sa paglalaro.
Sa mga panahong ito'y kinailangan na naming lumipat at makisukob sa bahay ng aming Lola Salud. Bumibigat na ang gastusin sa bahay: hindi na mapagkasya ng aking ama ang kinikita sa pagsusulat, kinailangan na niyang magturo sa unibersidad. Samantala, ang aking ina nama'y palipat-lipat na rin ng opisinang pinapasukan dahil resign siya nang resign nang dahil sa amin.
Isang gabi, naalimpungatan ako. Bukas ang pinto sa likod. Sa may sampayan, naririnig ko ang kanilang sagutan. Nagkakahulan ang mga aso, may nagbukas ng bintana't nagsara. Tinakpan ko na lang ng unan ang aking tainga. Kinabukasan, lumiban ang nanay ko sa opisina. Namumugto ang kanyang mga mata. Ngunit kay tamis ng kanyang ngiti habang hinahain niya ang pritong tuyo at talong sa aming hapag.
Noong hapong iyon, bumili sila ng maraming mga kahon. Inempake nila ang aming iilang gamit at damit. Naiwan muna ang eskaparate at double bed sa dati naming tinutuluyang apartment, para kunin ng paupahang trak.
At sinabi sa amin ni Bituin, lilipat na raw kami. Madali naming nairaos ang paglilipat. Ang naging mahirap ay ang pakikibagay ng aking ama sa mga bagong kapitbahay, na binubuo ng aking Lola Salud, Tita Beverly at Tita Honey-pie.
888
Sa pinakadulong bahagi ng compound kami tumira, malapit sa grottong may nilulumot na Mahal na Birhen at fishpond na wala namang isda. Tuwing tag-araw ay naglalaglagan ang mga bunga ng atsuete sa bubong. Mainit sa loob ng bahay, walang kisame. Tuwing tag-ulan ay binabaha kami. Matutulog muna kami sa malaking bahay, sa kuwartong bodega ng aking lola. Bahing kami nang bahing sa alikabok. Laman ng silid ang saku-sakong mga retaso, lumang damit at magasin, sapatos, at plastic na iniipon ng lola. Matagal na itong retired, at para hindi mainip ay nagnenegosyo ito ng buy and sell. Nagre-repack ito ng asin, arina, daing at banana chips. Nagbebenta ito ng payong at alahas. Pinagkakabit-kabit nito ang mga pira-piraso ng tela para gawing quilt na kailanman ay hindi natatapos. Magkakasukat ang mga hexagon ng mga pira-pirasong tela: may bulaklakin, may guhitan, may de-kulay lamang. Masinsin ang kanyang pananahi. Noong malinaw-linaw pa ang mga mata'y nagbuburda ito ng mga punda ng unan at table cloth, at kung minsan ay naggagantsilyo.
Ang kuwento sa amin ng aking lola, na laging may himig ng pagmamalaki, mag-isa raw niyang napag-aral ang lahat ng kanyang mga anak, na pawang propesyunal lahat. Natuklasan niya ang kanyang business acumen noong digmaan. Katorse anyos pa lang siya'y natuto na siyang mag-buy-and-sell. Kung ikuwento niya ang digmaa'y waring gintong panahon iyon sa kanyang buhay, waring hindi niya natikman ang hirap. At dahil kinagisnan niya ang digma, hindi naalis ng aking lola ang ugali niyang huwag magtapon ng kahit ano, hangga't mapapakinabangan. Kaya't ang bahay niya'y nagmistulang gubat ng mga gamit na pang-black market noong panahon ng Hapon: gilingan ng karne, orasang lagot na ang kuwerdas, sapatos ng batang kulang ng isang paa, radyong wala nang pihitan, mga ladies shoes na pudpod na ang suwelas at nakangiti na ang sakong, isa o dalawang plantsang ginagamitan pa ng uling, rolyo-rolyo ng mga telang calico, gabardine at cotton, mga pluming nagdugo na ang puwitan o wala nang mga takip, mga kuwadernong naninilaw na ang mga pahina, bote-bote ng sari-saring mga butones at siper.
888
Uso noon ang palabas na John en Marsha. Sa mga biruan ng aking mga magulang, madalas silang mag-role playing. Ang tatay ko si John, ang nanay ko si Marsha, at ang aking lola si Doña Delilah.
Bida ang aking ama sa aking lola. Madalas silang magkuwentuhan. Magkasundo sila, palibhasa'y may matindi silang pagpapahalaga sa kanilang mga sariling espasyo. Hindi sa pagmamayabang, ngunit pakiramdam ng aking ama'y siya ang paborito nitong manugang. Binibigyan siya ng pera paminsan-minsan ng aking lola, pambili daw ng libro. Lagi niya itong tinatanggihan ngunit laging nananaig ang kagustuhan ng matanda.
"Kung sabagay, mabuti na rin po ito dahil unti-unti kong napaparami ang koleksiyon ko ng mga libro."
"Alam mo, Deo, kung ano ang gustong-gusto ng aking asawa sa akin? Ang hilig ko sa pagbabasa. Oo. Lagi rin niya akong pinasasalubungan ng mga nobela ni Perry Mason, 'yung mga kuwentong detektib. Gustong-gusto ko iyon. Sasabihin ko sa 'yo, kahit grade six lang ang natapos ko, ako ang nag-top sa eksamen ng Civil Service noong kapanahunan ko."
"Siyanga?"
May isang bentahe ang pagiging bata: dumaan ka man sa harap ng mga matatandang nagkukuwentuhan, hindi nila namamalayang nakikinig ka. Basta't kailangan mo lang pigilan ang bibig sa pagsabat, hahayaan ka nila sa isang sulok na parang isa ka lang halaman.
May isang pintas nga lamang ang aking lola sa aking ama: masyado raw itong temperamental . Hinanap ko sa diksyunaryo ang kahulugan ng salita at ako'y napangiti. Kahit kalian, prangka ang aking Lola Salud.
Ang sabi ng aking ama sa kanyang talaarawan, nakikita niya ang aking nasirang Lolo Lazaro sa aking Lola Salud: pagkat ang libangan ng huli'y ang pagkakabit-kabit ng mga pira-piraso ng tela para gawing kumot, takip ng refrigerator, o punda ng unan.
Marunong lumilip ng bilao ang aking Lolo Lazaro. "Mahigpit ang pagkakalilip, buhusan man ng tubig ang bilao, hindi ito tumutulo." Bilang tao, hinahangaan talaga ng aking ama ang anumang indikasyon ng tiyaga at kahusayan sa malaki o munti mang gawain.
888
Malakas magpatugtog ng stereo ang pamilya ni Tita Beverly, mga long-playing album ng disco ang kinahihiligan nitong patugtugin. Madalas mapansin ng aking ina na napapangiwi ang aking ama. At itatanong niya kung bakit, kahit alam na niya ang isasagot nito: "nangangalisag ang aking balahibo tuwing naririnig ko ang tambol at kizit ng synthesizer."
Sinasagot ng aking ama ang ingay ng discotheque sa kabila sa pagpapatugtog ng mga kundiman nina Sylvia La Torre at Conching Rosal, ngunit nalulunod ang mga awit ng dagundong sa kabila. "Balahurang kultura! Ano ang aasahan mo sa mga magulang na tumatangkilik ng ganyang uri ng musika?" Ilang beses na niyang sinusuntok ang pader sa kabila. Kung may minamalas na pusang tatawid sa kanyang harap ay sisipain niya ito nang ubod ng lakas at halos mabasag ang bungo ng animal sa pader na dumadagundong ng "Ring My Bell." Sumasagitsit ang kanyang galit kapag naiingayan siya't napapatigil sa kanyang ginagawa, at kahit anong tahimik ng aming mga yabag, ng aming mga tinig, pati kaming nanahimik ay nabubulyawan. Ngunit pinili naming hayaan siya sa kanyang pag-iisa at lumikha ng sariling mundo na hangga't maaari'y hindi babangga sa sarili rin niyang planeta.
Doon ko nadiskubre ang hilig ko sa pagguhit. Tuwing ibig ng aking ama na mapag-isa, binibigyan niya ako ng maraming bond paper at cardboard mula sa ream ng mga hinihithit niyang Marlboro. Pahihiramin niya ako ng bolpen sabay paalala na ibabalik ko sa kung saan ko nakuha. At iguguhit ko ang kahit na ano lang; ang anyo ng natutulog kong kapatid, ang itsura ng mga tsinelas na nakasalansan sa bungad ng bahay, ang natirang tinik ng galunggong sa lamesa, ang anino ng tatay kong nakahukot sa tapat ng Olympia, ang nanay kong kita ang half slip sa pagmamadaling pumasok sa opisina.
Nakahanap rin si Bituin ng sarili niyang paraan para palipasin ang oras. Nang dumalaw si Tiyo Oro, nagbitbit ito ng manok na native. Madali lang daw iyong alagaan, basta't pakakainin lamang at hahayaang gumala. Araw-araw ay pinapakain ito ni Bituin ng kanin, at inayos pa niya ang bungad ng aming bahay para makagawa ng pugad sa may grotto. Nilulumot na ang puti-puting bato sa grottong ito. Tinutuka-tuka ng manok ang fake eyelashes ng Birhen hanggang sa magmukha itong mongoloid. Hindi na napapansin ng aming mga magulang ang dibersiyon naming ito. Bumagyo noong 1970, binaha ang aming silid. Lumulutang sa tubig-baha ang mga papel na aking ginuhitan, at nang aking pinulot, natuklasan kong binura ng tubig ang mga mukha't anino ng aking mga larawan.
Kay tagal ng bagyong iyon, umabot ng kung ilang linggo, at hanggang ngayon, nakaukit ang alaala ng tatay kong tinatanaw ang nagngangalit na langit, habang nakatayo ito sa pinto. Nang tumila na ang hangin at ulan, natagpuan naming nakabulagta ang bangkay ng alagang manok ni Bituin sa lilim ng atsueteng nakuba sa bangis ng hangin. Nalungkot ang aking kapatid. At parang nawala sa loob ng aking ina na magpaprito ng manok sa tanghaling iyon, pampalubag ng sama ng loob. "Masarap ang ulam natin ngayon, anak: fried chicken." At lalong nagwala si Bituin dahil cannibalism daw iyon. Natawa ang aking mga magulang, na lalo lamang nagpagatong sa pagmamaktol at pagpapadyak sa sahig ni Bituin. Napatahan lamang siya nang nagboluntaryo ang aking ama na tutulungan niya si Bituin sa paglilibing ng kanyang alaga.
88
Ang manok ang una sa listahan ng mga hayop na inilibing sa lilim ng punong atsueteng iyon; susunod dito ang puting kuting na nasagasaan ng trak, tutang nakakain ng karag at nagdugo ang tumbong, dagang kostang nasakal ng ribbon, kunehong sinipon. Dumami nang dumami ang mumunting krus.
Sa Ehipto, inaalis ng mga banal na baylan ang mga lamang loob ng taong namatay at inilalagay sa mga garapon na kahugis ng ilang hayop ang takip: may aso, may pusa, may uwak, may uwang. Ngunit itinitira ang puso. Hinahayaang mapreserba kasama ng buong katawan, bago ito bendahan at ikulob sa loob ng selyadong kahon na kahugis ng taong pumanaw. Katwiran nila'y kinakailangang taglay ng namatay ang puso kapag ihaharap na siya kay Ra. Ang puso ang magtatakda kung karapat-dapat nga ba siyang tumuloy sa Kaharian ng Magpakailanman.
Nasa Mindanao ang aking Tiyo Delfin at nagtatrabaho roon bilang minero. Nakapangasawa siya ng isang babaeng kung tukuyin ng aking ama'y "laking iskuwater." Tanguan lamang ang kanilang batian, ang aking ama at ang tiya kong si Beverly. Hindi matagalan ng aking ama ang mapagkunwaring pagkatao ng tiya kong ito. Anya, pilit nitong ikinukubli ang uring kanyang pinanggalingan, laging sumasabay sa uso kung manamit, hindi na bale kung itinataya ng asawa ang buhay sa pagmimina sa Davao, kapag sumusuong ito sa ilalim ng mga bundok at kuweba at nagpapaputok ng dinamita. Mahilig itong magsuot ng turban at halter blouse na akala mo'y isang socialite na nagpupunta sa resort. Habang kumakain kami'y bahagi na ng kanyang pagpapatawa ang gayahin ang ritwal ni Tita Beverly. Imumuwestra ng aking ama na may suot siyang turban. Papalakpak ito ng tatlong beses, waring si Aladdin na pinatatawag ang genie. At gagayahin niya ang boses ng alipin na magsasabing, "Nakahanda na ang pagkain, inyong kamahalan." At ang punchline niya ay, "Hindi na bale kung ang ulam ay ginisang kalabasa't sitaw, basta't nagkukubyertos."
"Kung ano ang ugali ng ina ay gayundin ang mga anak," wika nito sa aking ina. At para patunayan ang epekto ng pagpapalaki'y gagamitin niyang halimbawa ang aking mga pinsan. Sisimulan niya kay Franco, na nahuhumaling sa mga comic book at mahilig tumakbo-takbo na suot ang costume ni Batman. Sapagkat unang apo si Franco ay nasanay ito sa atensiyon. Hindi ito pinapalo o pinagsasabihan, sapagkat katwiran ng ina'y may sarili rin itong pag-iisip. Kaya't hindi na bale kung pinaiiyak nito ang iba pang mga bata sa compound, kung sinusuputan nito ang lahat ng mga bunga ng bayabas para angkinin, kung sinisiguro nitong siya lamang ang may hawak ng pinakabagong laruan. Lagi nitong pinaiiyak ang ikalawang kapatid, si Rebecca, na tinatawag niyang negra at panget. Samantala, ang ikatlo'y isang tahimik na batang lalaking nagngangalang Bugoy, na mahilig tumitig sa mga kutsara, sa pag-aakalang siya'y may angking telekinesis.
Naiingayan din ang aking ama sa nakatirang kamag-anak namin sa likod, na sina Tita Honey-pie. Plaka naman nina Connie Francis at Jackson Five ang paboritong patugtugin. Madalas marinig sa likod ang halakhakan ng mga lalaking nag-iinuman. Bago tumulak ng Bahrain ang aking Tito Ysmael, mahilig na talagang "mag-entertain" ng bisita ang kanyang kabiyak na si Honey-pie. Tuwing pinag-uusapan ng aking mga magulang ang pangalan ng aking tiya'y naririnig kong nagbubungisngisan sila. "Paano mo seseryosohin ang isang babaeng nagngangalang Honey-pie? Sa pangalan na pangalan pa lang, babastusin na siya."
Hindi nakapagtapos ng kursong engineering ang aking Tito Ysmael dahil maaga itong nag-asawa. Sa katunayan, ang una nitong nagustuhan ay ang kapatid ni Honey-pie, ngunit hindi sila nagkatuluyan dahil nakagawa ng paraan si Honey-pie para pakasalan siya nito. Nagising na lamang si Ysmael na katabi niya sa kama ang dalaga, at pareho silang hubo't hubad. Dala ng tulak ng kahihiyan at banta ng umuusok nabaril, kinasal sila kaagad sa huwes. Ilang beses nang sumubok na bumalik sa pag-aaral si Tito Ysmael ngunit sadyang nawalan na ito ng interes sa pag-aaral. At dahil hindi rin naman tapos si Tita Honey-pie sa kurso niyang commerce, ang mga magulang muna ang umalalay sa kanila sa mga unang taon ng kanilang pagsasama. Isang araw, dumalaw ang kumpare ni Tito Ysmael na si Marcelo at niyaya niya ang tiyo kong subukan ang pagtatrabaho sa Bahrain. Malayo man daw sa pamilya, makakaipon naman daw.
May isang kuhang larawan ang mag-anak bago sumakay ng eroplano ang aking Tito Ysmael. Tanghaling tapat noon, at masakit sa mata ang araw. Nagkumpol ang mga magkakapatid at ilang mga kaibigan sa isang litratong pinitik ng aking ama. Kapansin-pansin na malungkot ang mukha ng lahat, maliban kay Tita Honey-pie. Siya lang ang bukod-tanging nakangiti. Peroksada ang kanyang buhok, nangulubot na ang lahat ng mga kuku sa kaka-manicure, balingkinitan ang katawan at may kutis na maputi. Kung sa ordinaryong araw ay makikita itong nakasuot ng makipot na sando at shorts, sa litratong itoy tunay niyang ginampanan ang papel ng mabuting maybahay sa bestida niyang bulaklakin. Nakangiti siya sa kamera na waring iniisip ang "magandang kinabukasan." Samantala, presong ibibitay ang ekspresyon sa mukha ng aking Tito Ysmael sa mahigpit niyang pagkakayakap sa dalawang anak na babae't lalake, sina Mandy at Barry.
88
Noong nasa Bahrain si Tito Ysmael, masugid itong nagpapadala ng sustento sa kanyang mag-iina. May bintana sa aming tinutuluyang silid na nakatapat sa bungad ng bahay nina Tito Ysmael. Tuwing umaga, ugali na ng aking tiya na umupo sa mumurahing bersiyon ng lounge chair na gawa sa marupok na bakal at nylon. Habang nagre-relax sa kanyang lounge chair, nagpapalinis ito ng bahay sa maid, gamit ang bagong padalang vacuum cleaner. Sa buong compound, ang tiya kong ito ang unang gumamit ng washing machine. Mabilis nitong natatapos ang paglalaba. Isinasampay ng maid ang mga damit, at pa-juice-juice ang tiya ko habang nagbabasa ng mga magasin. Laging may bisita, madalas, lalaki. Pinakakain sila ng chocolate cake at coke. Pinaiinom sila ng serbesa't pinangunguya ng pili nuts. Lalabas ang mga pinsan ko. Mangangapitbahay si Barry sa pinsan naming si Bugoy, at yayayain ni Mandy na maglaro sila ni Bituin. Ipinagmamayabang nila ang walking doll na pumipikit-dumidilat ang mata, kusang humahaba-umiikli ang buhok, at nagsasabi kung gusto niyang magweewee. Kumpleto rin si Mandy sa mga maliliit na platito at kalderong nilulutuan ng kanyang mga kalaro ng gumamela't buto ng atsuete. Puwede rin naman akong makisali sa kanilang mga laro pero mas gusto kong magdrowing na lamang sa bahay.
Minsan, napansin ng aking ama na nakatanghod kami sa pintong malapit sa bahay ng Tito Ysmael. Ikapitong kaarawan ng pinsan kong si Barry, at hindi kami imbitado. Maraming lobo na may iba't ibang kulay, may handing fried chicken, chocolate cake at spaghetti. Ang daming inimbitang mga bisita, ngunit iisa lamang ang bukod-tanging inimbitang kamag-anak: si Franco, na suot ang kanyang tanyag na Batman costume. Hindi sila magkamayaw sa mamang sorbetero na nag-aabot ng tinatawag ng tiya kong "dirty ice cream."
Sa sandaling iyon, nakita kong nakatingin din sa aming magkapatid ang aking ama.
Kailan ko lamang naunawaan ang implikasyon ng mahabang patlang na iyon ng pagtitig niya sa aming dalawa ni Bituin, nang nabasa ko ang kanyang journal entry na tumutugma sa araw na iyon, sa sandaling iyon:
Biglang pumasok sa aking isip ang lamang ng sulat ng aking bilas: na sa sobrang init ng disyerto'y dumudugo ang kanyang ilong ngunit kailangang kumpunihin ang mga sirang aircon ng barko na nakadaong sa pier. Heto ang asawa't nagpapa-birthday party. Heto ang asawa't pudpod na ang mga kuko sa paa't kamay, nalito na ang ugat ng buhok sa kakaperoksada, at hindi na siya magugulat kung darating ang isang araw na uuwi ang kanyang bilas at walang maabutan sa bahay kundi simi ng chocolate cake at tamod ng ibang lalaki na nakapagkit sa kumot sa kama nilang mag-asawa.
Sinara niya ang pinto. Pinaupo niya kami sa mesang sulatan. Binigyan niya kami ng maraming papel. Kumuha siya ng dalawang klase ng bolpen, isang pula at isang itim, at sinabi niyang magdrowing kami. Kaagad kong kinuha ang bolpeng pula, si Bituin nama'y ang itim. Maya-maya'y nagtatawanan na kaming magkapatid, nakalimutan na namin ang birthday party sa kabilang bahay.
88
Nagigising ako sa gabi sa mga hagikgik na iyon. Hindi pangkaraniwang hagikgik, alanganing sa bata, at hindi naman sa mangkukulam. Parang paswit ng bubwit, iyak ng tiyanak, huni ng bubuyog. Ito ba'y isang tawag? Marahil. Parang bubuyog ang hagikgik na iyon kung makaikot sa loob ng aking utak, bubuyog na naghahanap ng pukyutan, at sa pag-ikot-ikot nito'y lumilikha ito ng ipo-ipo, at sa dulo ng ipo-ipong iyon, may isang bakal na bulaklak na nalalagas na ang mga talulot, may isang di makitang kamay na pumipitik-pitik sa mga talulot, katulad ng ritwal ng isang taong umiibig: mahal ba niya ako o hindi, siguro, oo, hindi . Isa-isang nalalaglag ang mga talulot sa isang ilog na berde, na nanggaling sa bukal na mula sa dugo ng mga paruparong wasak ang mga pakpak at di na makalipad. May kumakantang bruha sa tabi ng ilog na iyon, at inaawit nito ang babala ng lumbay. Ibig niyang hampasin ang bubuyog na lumilikha ng ingay, ng hagikgik, ng tunog. Ibig kong itulak papalabas ang paswit, iyak at huning hagikgik, ngunit hindi ako makagalaw-dahil sa panaginip na iyon ay matagal nang patay si Laya Dimasupil.
Ako, ako ang babaeng iyon. Aawitin ko sa papel ngayon nang buong igting, makikipaghabulan ako sa panahon, at susuotin ko ang siwang ng mga espasyong nilisan at patutunguhan. Huling imahe ng panaginip na ito'y supling ng ilusyon at realidad. Limang taon na akong hindi makasulat, magmula noong matali ako sa papel ng pagiging mabuting ina, mabuting asawa, mabuting anak, mabuting guro.
Kaya't bumabangon ako. Ibig kong hamunin ang hagikgik na iyon-mahahanap ko rin ang aking tinig na inakala kong matagal ko nang nawaglit.
Pagkaraan, nagbago ang himig ng paulit-ulit na panaginip. Nagkaroon na ng teksto ang librong binubuklat, pero hindi ko pa rin mabasa. Pero sino ba'ng nananaginip nang nagbabasa? O habang nagbabasa'y nananaginip? Kailangan ko pa bang buklatin ang libro? Alam ko nang kumpleto ang koleksiyon. Naroroon ang lahat ng inakala kong matagal nang nawawala, katulad ng unang librong iniregalo sa akin ng aking ama isang Paskong kay tagal nang lumipas, ang koleksiyon ng mga kuwento ni Hans Christian Andersen. Nang lumingon ako sa isang sulok, nakita kong muli ang Leaves of Grass na matagal nang itinatanong ng aking ama kung nasaan.
Nagbalik sa aklatan ang mga libro, na parang nawawalang mga kamag-anak o kaibigan.
88
Ano ba ang kanyang sinusulat ? Minsan, lumabas ng kuwarto ang aking ama at nagtungo sa banyo para maligo. Sinilip ko ang silid. Nakita ko, sa kalagitnaan ng gubat ng mga nilamukos na papel, ang makinilyang Olympia na nakapatong sa mesa. Kabibili ng aking ina ng makinilyang ito.
Naririnig ko ang sunud-sunod na buhos ng tubig mula sa banyo. Nakikipagtitigan sa akin ang makinilya, parang nanghahamon. Parang may mukha, parang may bibig, parang may mata. Hindi ito simpleng makina lang ng pagtipa. May sarili itong personalidad: marunong umismid, suminghal, at kung minsan, namamalikmata ako't parang nanlilisik ang kanyang mga mata. Napasulyap ako sa patung-patong na mga papel sa tabi nito. Kukuha n asana ako ng ilang blangkong piraso nang pumasok ang aking ama sa silid. Tapos na siyang maligo.
"Ginalaw mo ba 'yan?"
"Hindi po."
"Bakit mo hawak ang papel na iyan?"
"Naghahanap lang ako ng di na ninyo ginagamit. gusto kong magdrowing."
"Nasaan na nga pala ang bolpen na ginagamit ko?"
"Hindi ko po alam."
"Hindi mo ginalaw?"
Pumasok ng silid si Bituin na hawak ang bolpeng hinahanap ng aking ama.
"Akala ko ba ay hindi mo ginalaw?"
"Hindi niya galaw," pakli ni Bituin.
Kinabig niya ang aking leeg, at saglit kong naramdaman sa aking batok ang mainit niyang singhal. Namuti ang paligid nang ako'y binatukan. Sumibi ako. Galit na galit ako sa aking nguso dahil hindi nito mapigilan ang pagsibi. Galit na galit ako sa aking ilong dahil tumutulo nang kusa ang sipon. Nainis ang aking ama, tinampal niya ako. Pumasok ng silid ang aking ina, "Nasaan na nga 'yong folder na 'yon." at hindi na nito naituloy pa ang sasabihin nang makita niya akong umiiyak, at dahil umiiyak ako'y nakikiiyak na rin ang aking kapatid. Niyakap ako ng aking ina. At lalo lang akong nahilam.
"Sa lahat ng ayaw ko'y pinakikialaman ang mga gamit ko. Putang'na, pa'no na 'ko makakasulat ngayon, nagdadramahan na naman 'yang lintek mong mga anak."
Lumabas na kami ng silid. Habang ipinaliliwanag ng aking ina kung bakit nagalit ang aking ama, hanging humahaging lamang sa aking pisngi at batok ang alaala ng sampal. Magmula noon, kinamuhian ko na ang makinilyang iyon.
At ngayon, mababasa ko sa isa sa pitumpu't limang kuwadernong kanyang iniwan ang internal na tunggali na nagaganap sa aking ama noong araw na iyon:
Mahigpit na pangangailangan ng isang manunulat ang paggalang ng mga kasambahay sa kanyang pag-iisa. Kailangang mapag-isa siya sa kanyang mga inisip, kailangang mapag-isa siya sa kanyang silid. May nasasaling sa kanya sa tuwing pakikialaman ang kanyang makinilya; bahagi ito ng kanyang katawan, pati ang mga libro. Ingatan ninyo ang mga bagay na ito.
Hindi ko na itutuloy pa ang "Yugto." kapag hindi pa ito umarangkada. Maganda ang ideya, bago ang paksa ng dula, pero hindi ko mapaamo ang mga linya, hindi ko mabigyang hugis. Dramatiko ang iniisip kong wakas: papatayin ng ina ang sarili niyang anak, ngunit kailangang maging mahigpit ang kaugnayan ng wakas na ito sa simula pa lamang. Pagod na ang aking utak, pagod na rin ang aking katawan. Hindi mawaglit sa alaala ang pasaring ng asawa ni Kuyang, siyang naiinis sa tunog ng makinilya sa hatinggabi. Kailangang tigilan ko na ang pagmamalupit kay Laya. Matalas ang kanyang gunita.
Papaano mo isusulat ang isang karanasan, ang isang buhay? Paano mo babalansehin ang mga samutsaring emosyon na nakapaloob? Ngayon, habang binabasa ko ang kanyang talaarawan, pinipilit kong intindihin at pasukin ang kanyang utak. May pinto ba akong maaaring lusutan? Heto, nasa aking mga kamay ang kuwaderno. Ang kuwadernong pinangarap kong mabasa nang buong layaw, nang buong laya, para maunawaan ang isang taong hindi ko mawari kung aking kasusuklaman o hahangaan.
At ngayon ay isasalaysay ko sa inyo ang aking kasaysayan, ang aking pagkatuto. Ngunit higit sa lahat, nais kong awitin ang elehiya ng makinilyang altar.
Sana naging isda akong maaaring hiwain ang tagiliran para maukit nang gayon ang hasang-nalilinis, nababanlawan. Kung naging isda lang akong walang nauunawaan, walang nararamdaman, masaya sa paghigop ng mga bulate't lumot, nangingitlog ng milyon, at nahuhuli ng tao para kainin. O baka naman mas masaklap ang kahahantungan ng isdang lumulutang na lamang sa tubig dala ng pagkalason? Wala na bang katiyakan sa buhay na ito liban sa pagtatalik at kamatayan?
Gusto kong sumulat ngunit-ano ito?-matagal na akong nakaupo'y iniingusan ako ng mga ideya. Naririto ako ngayon, nabubuhay sa isang masalimuot na panahon na nangingibabaw ang mga kasinungalingan. Ano ang saysay ng katwiran? Ano ang silbi ng utak kung hindi ko magawang tumipa ng kahit isang matinong pangungusap sa kompyuter na inutil. Ang mga salita-bakit nagiging ibon na ayaw dumapo? Natatakot akong dumating ang panahon na sila'y mangingisay. At kabalintunaang naisusulat ko ito ngayon, sa isang umagang nagtitilaukan ang mga manok, at mamaya'y sisilip na rin sa bintana ng aking silid ang mga bisitang tarat.
1992. Sa taong ito, itinigil na ng aking ama ang paninigarilyo. Pambihirang resolusyon iyon para sa kanya. Nasanay na marahil ang kanyang bibig na may nakalawit na nagbabagang stick. Hinahanap ng lalamunan ang lamig at hagod ng pinaghalong menthol at nikotina. Humihithit siya kapag nagsusulat, kapag may kailangang pagpuyatan. Humihithit pagkagising, habang nagtatanim, habang nagmamaneho, pagkakain, bago matulog. Humithit silang mga manunulat kapag nag-uumpukan, kapag nag-iinuman, kapag nag-uusap. Ngunit kailangan na niyang huminto. Tinatapik na siya ng kalusugan, pinagsasabihan: walang kinalaman ang nikotina sa kakayahang humabi ng katha. Katarantaduhang isiping may kinalaman ang usok nito sa pakikinig sa mas mataas na sarili para makapagsabi ng mga bagay na ibinubulong ng marami ngunit di nila maisiwalat.
Wala na ngang katiyakan ang buhay na ito kundi kamatayan at pagtatalik. Hithit, buga, hithit, buga. Disisyete anyos ang aking ama, si Deo Dimasupil, nang una niya itong sinubukan, noong masamang-masama ang loob niya't hindi niya naisayaw ang babaeng pinakamamahal.
Kailan ko lang ito nalaman, noong sinimulan kong basahin ang kanyang mga journal sa kanyang pagpanaw. Ang mga kuwaderno ang nagsilbing live recording ng buhay na ibig niyang isiwalat sa sinumang makababasa. Pinuno niya ang bawat kuwaderno ng lahat-lahat ng naiisip niya sa pagdaan ng panahon. Pitumpu't lima ang kabuuang bilang ng mga ito na sumasaklaw sa apat na dekada ng kanyang naging buhay sa planetang ito, at ang kabalintunaan, kinailangan muna niyang mamatay para kami'y makapagkuwentuhan nang totoo, nang wala nang mga mascara, nang wala nang mga singhal at pait, at naroroon lamang ang pag-unawa't pagpapatawad.
Hithit buga. Hithit buga. Bakit nga hinihithit ko rin mismo ang pumatay sa aking ama. Ito ba'y isang paraan na rin ng pakikipagniig, ng pagtawid sa mga bawal, ng paghamon sa kung ano ang tama at hindi? Natatandaan ko rin ang una kong paghithit ng sigarilyo-labingwalong taon ako noon at punung-puno ng galit. Kulang ang metapora ng bulkan upang ilarawan ang sidhi ng aking nararamdaman noon. Sabihin na nating alam na alam ko na noon pa man ang gusto kong gawin, ngunit hindi pa man, pinutulan na ako ng daliri.
88
Sinubukan kong iguhit nang kung ilang beses ang bahay. Sinubukan kong ipinta ang langit, ngunit hindi mahuli ng kulay ang bughaw ng langit sa aking panaginip. Simbughaw ito ng plastic na nakapalipit sa holen. Pagkabangon, naalimpungatan pa't lahat, maghahagilap na ako ng lapis at papel. Ngunit hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Sa hagdan? Sa bintana? Sa balkon? Nauumid ang aking alaala sa pagguhit, na aking ipinagtataka. Natutunan kong isilid sa aking alaala ang detalye ng mga lugar, bagay o tao sa murang edad. Kilalang-kilala ko ang mukha ng paglisan.
May mga detalye sa pagbabaliktanaw kong ito na hindi ko matiyak ang katotohanan. Bakit klarung-klaro ang ilang detalye katulad ng mga lumulutang na alikabok sa anag-ag sa isang maliwanag na uamga, ngunit kay labo naman ng iba? Dahil dito'y bigla akong natakot sa posibilidad na baka ang aking alaala, o mismong ang aking panaginip ay pagbabaluktot na lamang ng "katapatan" sa alaala. Kung hindi ko kayang iguhit, bakit hindi ko subukang isulat? At sinubukan ko nga. Naghanap ako ng mga litrato mula sa nakaraan. Instinktibo kong nawatasan na sa larawan ako mag-uumpisa. back to fiction | home |