fiction
Sipi mula sa Paghuhunos
ni Ellen
L. Sicat
Ang pagtatago ng liwanag at pagbulaga ng dilim ang palatandaan nilang
magkakalaro na kailangan na silang magsiuwi para sa orasyon.
“Taym pers,” paalam nila sa isa’t isa.
Tatakbong pauwi si Gloria, kasabay ng paglipad ng mga manok na magsisihapon
naman sa mga puno.
Tanging ang kanilang inaheng manok na may mga inakay ang hindi lilipad
sa puno. Pupuntahan niyon ang pugad na basket na ginawa ng kanyang Kuya
Nemy. Nakataas ang pugad?sapat lamang ang taas na kayang liparin ng mga
sisiw. Doon nangitlog noon ang inahen. Doon humalimhim at ngayon, doon
nito niyuyungyungan ang kanyang mga inakay.
Pag-uwi niya, naroon na sa harap ng altar ang kanyang lola, sinisindihan
ang mga kandila. Sa liwanag ng kandila, naaninaw niya ang matanda. Mataas
at balingkinitan, maputi, makinis at malinaw ang balat?nababanaagan ang
pinong ugat sa pisngi. Nakapusod ang mahabang buhok.
Tuwing orasyon, tuwid na tuwid na nakaluhod sa paanan ng altar ang kanyang
lola. Sa likuran nito’y nakaluhod silang lahat na miyembro ng pamilya.
Sa altar, nandoon ang Birheng Maria na nakatapak sa ahas, nakalahad ang
kamay, parang nag-aanyaya. Naroon din ang Sagrado Pamilya: Si San Jose,
Birhen Maria, at ang sanggol na si Hesus. Naroon din ang rebulto ni Hesus
na hanggang dibdib lamang. Bukas ang dibdib at litaw ang pusong napapaikutan
ng tinik. Malulungkot ang mga mata, nakalapat ang isang kamay sa bukas
na dibdib, habang nakataas ang isang kamay na parang nangangaral. May
dalawang plorera ng bulaklak ng rosal, kampupot, butones-butonesan at
gumamela sa magkabilang tabi ng mga rebulto.
Napapabungisngis sila ni Ysmael sa pambungad na dasal ng kanyang lola
sa Latin. Wala siyang naiintindihan at ang tanging tunog na malinaw lamang
sa kanya ay “alabado concepcion” at vive jesus maria.”
Pagkaraan, uusalin nito ang mga banal na misteryo habang nagrorosaryo.
Nagtataka siya kung paano namememorya ng kanyang lola ang mahabang paglalarawan
ng bawat misteryo. Susundan ito ng paulit-ulit na sagutan ng Ama Namin
at Aba Ginoong Maria. Nagwawakas ang ritwal sa dati’y kinaiinipan
niyang litanya. Madalas siyang makurot dahil hindi pa man nabibigkas ng
kanyang lola ang litanya ay sumasagot na siya ng “panalangin mo
po kami” o “kaawaan mo po kami.” Ngunit habang nagtatagal,
naaakit siya sa litanya. Para itong matalinghagang tula na gustong-gusto
niya:
Salamin ng katwiran,
Mula ng tuwa namin,
Sisidlan ng kabanalan,
Sisidlan ng bunyi at bantog,
Rosang bulaklak na di mapuspos ng tao ang bait at halaga…
Kahit nakatalikod ang kanyang lola, alam nito kung sila ay pumupuslit
sa pagrorosaryo. Kahit ka pa tumingkayad, at halos hindi na itapak ang
paa sa sahig ay mararamdaman pa rin nito ang iyong pag-alis. Nag-uutos
din ito habang nagdadasal, “Aba Ginoong Maria…Saning, ‘yung
sinaing, awatan mo na, nasusunog na, napupuno ka ng grasya…”
Nangungurot ito kapag hindi sila sumasagot o naririnig nitong sila’y
bumubungisngis. Madalas mapingot si Ysmael dahil saksakan ng likot; maya’t
maya’y umuupo, tumatayo at lumuluhod.
Ang lola na yata niya ang may pinakamaraming alam na dasal. Kilalang-kilala
tuloy sila sa La Loma. Bantog na sa kanilang lugar na mandarasal ito at
kinukumbida ito kapag may namatay, o mayroong maysakit na ipagnonobena.
Tinatawag din ito para tawasin ang maysakit. Tawas ang paraang nito
para malaman kung saan natakot ang maysakit, na para bang ang sakit ay
dulot ng takot.
Ilalagay ang piraso ng tawas sa kawaling bakal, sasamahan ng mga uling
at sisindihan. Magiging baga ang uling, magiging abo ang baga. Habang
nalulusaw ang tawas, namumuo ang mga bulang kristal na unti-unting pumuputok
habang patuloy na nagiging abo ang uling. Mula sa labi ng uling at tawas,
aaninagin ng matanda ang nabuong anyo. Kung ano ang nabuong anyo na mababakas
ng kanyang lola mula rito, ito na ang sasabihing dahilan ng sakit. Sasabihin
nito, pusa, o daga o kabayo, o isda ang kinatakutan ng maysakit. Titingnan
ni Gloria ang namuong anyo sa kawaling bakal. Laging iba ang kanyang nakikita
kaysa sa sinabi ng kanyang lola. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit
gumagaling ang maysakit sa oras na matawas na.
Ikaw kaya ay gagaling kapag nalaman mo ang mga bagay na kinatatakutan
mo?
Hindi tumatanggap ng bayad ang kanyang lola, kaya pinadadalhan tuloy
sila ng pagkain. Madalas, itinatapon lang nila dahil sa napakaselan ng
matanda. Ayaw silang pakainin ng pagkaing hindi nito nakita kung paano
niluto.
Mahilig itong magbasa. Tinitipid ni Gloria ang kanyang baon para maibili
niya ito ng Liwayway. Hindi ito gaanong nakapag-aral, pero marunong bumasa
at sumulat ng Tagalog. Maganda ang sulat-kamay nito.
Laging nitong sinisipi si Balagtas. Noong minsan, pumunta sa kanila
ang isang tiyahin. Nilayasan nito ang asawang babaero. Sinabihan ito ng
matanda ng:
Sapagkat ang dusang mula sa pag-ibig
Kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
Kisap mata lamang ay agad babalik
At magdadagdag pa sa una ng bangis.
Katabi nilang magkakapatid sa pagtulog ang kanilang lola. Pinakapiling
lugar ang dalawang magkabilang tabi nito. Sa isang gilid, ay ang kuya
niya, dahil ito ang unang apo, sa kabilang gilid naman ay si Pura, dahil
ito ay bunso. Napupuyat siya sa paghihintay na makatulog na ang kuya niya
o si Pura. Kapag may nakatulog na sa dalawa, dahan-dahan niyang iuusog
para siya ang makatabi ng matanda. Guto niyang nakayakap dito sa pagtulog
kahit ito’y amoy beha. Tulad ni Saning, naninigarilyo rin ang kanyang
lola. Ipinapasok din nito ang apoy sa loob ng bibig?pero hindi nagsasalita
nang may nakasumpak na sigarilyo.
Kung sa kanyang lola’y marami siyang natutuhang mga dasal, sa
impo naman niya’y marami siyang narinig na mga kuwento. Si Impo
ang panganay na kapatid ng kanyang lola. Sabi ng kanilang mga kamag-anak,
lampas isandaan na raw ito?pero hindi naman alam ng dalawang matanda ang
taon ng kanilang kapanganakan. Alam lamang nila ang buwan at araw. Si
Impo ay halos bulag na’t medyo bingi pa. Maliit itong babae, maputi,
matangos ang ilong at bulangaw ang mata. Nakatira ito sa bahay ng tiyo
nila sa kalikod-bahay nila.
Walang bakod sa pagitan ng bahay nila at ng kanilang tiyo, kaya doon
siya nagtatago kapag naglalaro sila ng taguang pong. Hindi siya mahanap
ng mga kalaro. Mula roon, naririnig niya ang: “Pong, Julie! Pong,
Larry! Pong, Tessie! Pong, Romy. Pong…nasaan na si Gloria?”
Natutuwa ang impo niya kapag naramdamang naroon siya. Nakaupo ito sa
papag, hawak ang kalikot at dikdik nang dikdik ng nganga. Kung mabigyan
ito ng pera ng isa sa mga anak ay magpapabili ito sa kanya ng siyuktong
na tinitikman niya habang daan.
“Impo, ano’ng kuwento n’yo ngayon?” lagi niyang
bati rito.
At sisimulan nito ang isang dulay:
May isang hari,
May alagang pusang bungi,
Ang buntot ay pasoli-soli,
Ay, teka, ako’y nagkamali,
Uulitin kong muli.
Pagkatapos, ikukuwento na nito ang walang katapusang pakikipag-sapalaran
ni Prinsipe Juan at Prinsesa Maria. Maglalakbay ang diwa ni Gloria sa
daigdig ng kababalaghan at talinghaga na ang mga hayop at puno ay nagsasalita
at may ermitanyo at mga diwata na may mga kapangyarihan. Tatawid siya
sa mga malalalim at matatarik na bangin. Aakyatin ang pinakamataas na
bundok. At titira sa maringal na palasyo.
Araw-araw, iyun at iyon ang kuwento ng kanyang impo pero iniiba-iba
ang panganib na haharapin ng dalawang bida. Dahil pare-pareho rin lamang
ang kuwento, iniiwan niya ang impo niya at makikipaglaro siya. Pagbalik
niya, nagkukuwento pa rin ito, di namalayang umalis siya.
Kung minsan, itinatanong niya kung may kuwento ba ito tungkol sa mga
Kastila, dahil ayon sa kanyang lola, inabutan ni Impo ang panahon ng Kastila.
Hindi siya nito papansinin o baka hindi narinig ang kanyang tanong. Hindi
na siya magpipilit dahil mas gusto niya ang mga kuwento nitong hindi kapani-paniwala.
Sa umaga, kapag maaga siyang nagising, pinupuntahan niya si Impo at
makikita niyang nagdarasal ito. Sa oras ng orasyon ay kikubut-kibot din
ang labi nito, hawak ang rosaryo.
Parang siya lamang ang kaugnayan nito, dahil parang wala nang pumapansin
dito. Sabi nila, ulyanin daw ito. Hindi nila alam, marami itong kuwento.
Labis siyang nalungkot nang mamatay si Impo. Parang siya lamang ang
nanghinayang sa pagpanaw nito. Pakiwari niya, dahil sa tagal ng buhay
matanda, nanghinawa na ang mga anak, kapatid at apo sa pagsisilbi rito.
Pero siya… Kahit haluhalo ang kuwento nito at kapag sinuri niya
ay alam niyang kababalaghan, gusto pa rin niyang pinakikinggan. Nagagandahan
siya sa paraang ng pagkukuwento ni Impo na tuloy-tuloy na dulay at tinutugma-tugma
ang mga salita. Kung tutuusin, walang katuturan ang kuwento nito. Unang-una’y
hindi totoo, at hindi mangyayari. Subalit ang tunog ng mga salita at larawang
nililikha ang gumagayuma sa kanyang ang impo niya’y balik-balikan.
Ngayon ay dalaga na siya. Dalawampu’t dalawang taong gulang na.
Ang mga pangaral ng kanyang lola at kuwento ng kanyang impo ay parang
higad na gumapang at nag-iwan ng makakating pantal sa buo niyang katawan.
Sa umaga, bago pumasok sa opisina, umiikot siya sa harap ng salamin.
Nasisiyahan na siya sa kanyang itsura. Tama lang, sa loob-loob niya. Masama
naman ang masyadong maganda. Baka isipin pa niyang sa buhay, ganda ang
puhunan sa halip na talas ng ulo. Hinog siya sa pangaral ng kanyang lola:
na hindi mahalaga ang kagandahang panlabas dahil lumilipas?samantalang
ang magandang kalooban ay mananatili sa iyo hanggang kamatayan.
Ngayon, hindi na sila nagdarasal ng orasyon. Sa takipsilim, wala pa
silang Magkakapatid sa bahay. Pero tiyak, saglit silang tumitiklop sa
pagsapit ng pagtatago ng liwanag sa dilim.
back to fiction | home |