fiction
Sa dalampasigan ng ibayong dagat
ni J. Dennis C . Teodosio
May dalang kilabot ang dapithapon kahit mahinahon ang pagdating ng hangin sa dalampasigan. Hindi nag-aapura sa paglubog ang araw kahit sumusungaw na ang namimilog na buwan. Kakatwa ang lamlam ng liwanag. Lumilikha iyon ng kakaibang repleksyon. Tila talim ng tabak ang bawat dulo, ang bawat salansan ng mga rumaragasang daluyong.
Mahalaga para kay Fidel ang pag-iisa sa mga sandaling iyon.
"Hey," basag ng isang malaking tinig sa namamayaning katahimikan.
Halatang walang balak pakialam ni Fidel ang anumang intensyon ng tinig na narinig niya.
"You from here?"
Patlang.
Katulad ng buhanginan, pinili ni Fidel na mas intindihin ang pag-uunahan ng mga along dumarating.
"Wait a minute."
Naramdaman ni Fidel ang pangahas na pagsipat sa kaniya, mula ulo hanggang paa. Wari niya, alahas siyang kinikilatis, tinuturingan.
Totoo ba o peke?
"Pinoy ka?..."
Buntonghininga.
"Pinoy ka, 'no?"
Humugong ang dagat. Napakabanayad.
"Taga 'Pinas din ako, 'Tol."
Mapapakibit-balikat na lang si Fidel.
"Mukhang me problema tayo, a. Malalim yata ang inisip natin."
Sa halip na sumagot, dagling dinampot ni Fidel ang isang malaking batong nasulyapan at buong lakas niya iyong ipinukol. Kitang-kita niya kung paanong parang tuldok lang na nilamon ng dagat ang malaking bato.
"Matagal na 'ko rito. Mga sampung taon na rin. Malapit lang ang flat ko rito. Saan ka banda?"
Patlang ulit.
"Pipi ka ba?"
Saglit na nilingon ni Fidel ang pinagmumulan ng pangahas, hambog na tinig. Kahit papalubog na ang araw, hindi maikakailang kababayan nga niya ang kaharap. Sunog ang kulay. Hindi mayabang ang ilong. Mabikas ang tindig kahit hindi kataasan. Mukhang matagal na nga siya roon. Hindi na siya asiwang magsuot ng leather jacket.
"Bakit mo alam na Pinoy ako?" naaasiwang bitaw ni Fidel.
"Alam ko agad na Pinoy ka. Lalo na ngayon. Sa tingin mo pa lang sa 'kin, mapapa-away ka na, e. Tayo lang ang makakagawa n'yan."
Kiming ngingiti si Fidel.
"Tagasaan ka?"
"Aparri."
"Saan?"
"Sa probinsya," sagot ni Fidel.
"A, probinsyano ka pala. Ako sa me Tabora. Sa me bandang Divisoria. Manila boy talaga 'ko. Purong-puro. Bwusit nga kasi wala akong probinsya. Marami akong mga katsokaran na me probinsya. Nakakainggit sila kasi maraming naibibida. Ako, wala ni isa. Ano ba naman ang makikita mo sa Maynila? Trapik. Usok ng sasakyan. Pulubi. Tindera sa kalye. Palaboy. City Hall."
"Anong trabaho mo rito?" tanong ni Fidel.
"Pinagkakakitaan?"
Tatango si Fidel.
"Dumidiskarte lang. Nakakaraos din naman. Minsan waiter o bartender. O kaya tagahugas ng pinggan sa me restaurant. Minsan utusan. Minsan house boy. Minsan kargador o kaya tagakatay ng baboy o baka. Pero ang mas madalas, palipasan ng oras ng mga puti."
"Palipasan?"
"Boy toy."
"Boy toy?"
"Bingi ka ba?"
Lihim na mapapangiti si Fidel. Sa isip niya, hindi siya bingi. Mukha siyang tanga. O nagtatanga-tangahan?
"Marami na akong suki. Nakakawili ang maging palipasan. Meron ding matrona 'pag sinus'werte. Kaunting hagod lang, tapos karinyo, tapos paraya. Gano'n lang, dolyar na."
Gustong kamayan ni Fidel ang kausap at sabihing humahanga siya sa klase ng dignidad nito. Parang wala nang kahulugan ang salitang hiya sa kausap niya. Kung sa Pilipinas sila nagkukuwentuhan, mas malamang tampulan na ang lalaki ng mga usap-usapan mula sa pondahan sa kanto hanggang sa pinakadulong umpukan sa barangay. Ang buhay nga naman.
"Nagtapos ako ng education sa 'tin."
"Matalino ka pala, e. Ako, sa Samsom Tech lang nakatuntong. Nag-aral akong magbutingting ng kung anu-ano pero wala ring napala. T'yak malaki raket mo rito. Saan ka nagtuturo?"
"Nag-aalaga ako ng mga matatanda."
"Aba, e, mas malaki pala ang pera mo."
"Pera? Pera lang ba ang kahulugan ng lahat sa 'yo? Mukha ka palang pera, e," gusto sanang sabihin ni Fidel at ipamukha sa kausap pero walang ganoong mga salitang namutawi sa kaniya.
"Gusto ko nga ring subukan ang gan'yan kaya lang baka matiklo."
"Wala kang papeles?" paniniyak ni Fidel.
Iiling lang ang kausap.
"'Di ka natatakot?"
"Sanayan lang. Alam mo na, patago-tago lang ako rito. Mahabang kuwento kung pa'no ko napunta rito pero ang dulo, eto pa rin ako't walang kasiguraduhan ang kapalaran. Gusto ko na ngang maging citizen pero putsa baka dumugo ang utak ko sa kaka-ingles. Kinakanta ko nga ang "bayang magiliw" nila pero letse ang hirap."
"I see."
"Alam ko ang inisip mo. 'Wag mo akong ibubuko sa immigration, ha. Alam ko me reward ka nag-tsu-tsu ka at pagnatiklo ako."
"Kababayan mo 'ko."
"'Yon na nga, e. Mas lalo akong dapat mag-ingat kasi nga kababayan kita."
"Hindi ako ganoon."
"Sinabi ko ba?"
Dadamputin ni Fidel ang isang tuyot na kahoy at aanyong maghahanap pa ng iba.
"Magsisiga tayo?"
Tatango si Fidel at ilang sandali pa dalawa na silang namumulot ng mga tuyong kahoy. Nang sapat na ang mga nakalap, umupo sila malapit sa isang puno. Kapwa nila naramdaman ang unti-unting paglakas ng hangin. Banayad iyong humagupit sa kanilang mga pisngi.
Pinagpatong-patong ni Fidel ang mga tuyong kahoy. Bihasa siya sa ginagawa. Alam niya ang matimping pagsasalansan ng mga maliliit at malalaking kahoy. Saglit pa, nakagawa siya ng isang mataas at magarang tumpok. Tumayo siya at inikutan ang nagawa, sinipat ang bawat angulo, inayos ang mga kakatwang nakausling kahoy. Talo pa niya ang inhenyero o arkitektong ibinuhos ang kakayanan sa unang obra.
Sana ganito kadali ang pag-aayos ng buhay, bulong ni Fidel sa sarili.
"Sindihan na natin."
Walang imik na inabot ni Fidel ang inabot na pansindi ng kausap.
Nang magsimulang gumapang ang apoy sa tumpok ng mga kahoy, may kakaibang kislap ang sumilay sa mga mata ni Fidel. Mistulang hinigop siya ng mga dila ng apoy at manghang-mangha sa mga imaheng nabubuo sa isipan niya. Nang lumakas at tumaas ang nigas, mas lalo siyang nabuhayan ng loob at umanyong tila isang iskultor na nakatagpo ng isang malaking tipak ng bato at pinagbubulayan ang kakaibang hubog na malilikha.
"Madalas ka ba rito?"
"Kapag nag-iisip lang," tugon ni Fidel kahit sa apoy pa rin siya nakatutok.
"Madalas ka bang mag-isip?"
"'Di ko masasabing madalang."
"Bakit ngayon lang kita nakita rito?"
"Madalas ka ba rito?"
"Sa ngayon, oo. Mainit sa kalsada, e. Maraming alat. Dito tumatambay ang mga parukyano ko. Marami rito."
"Maraming ano?" mabilis na tanong ni Fidel. Pero huli na nang matimbang niya ang bigat ng sagot sa pang-uusisa. Nakita na lang niya ang kausap na ginagatungan ang apoy. Natiyak niyang wala na siyang makukuhang sagot.
"Bakit mo ako nilapitan?" susog ni Fidel.
"Ewan."
"Mukha ba akong parukyano?"
"Mukha kang malungkot."
"Malulungkot ba ang mga parukyano mo?"
"Hindi."
"E, ano?"
"'Di ko alam."
"Bakit 'di mo alam."
"Ewan. Gano'n naman talaga ang buhay. Maraming tanong na walang sagot."
"Ang lalim mo pala, e. Akala ko taga-Samson Tech ka lang."
"Bakit? Ang akala mo ba dagat lang ang malalim?"
Matatawa si Fidel.
Matatawa rin ang kausap.
Kapwa sila mapapatingin sa apoy. Tumindi ang siklab niyon, tila nagwawala at gustong pasuin ang langit. Isa pang malakas na ningas at pagkatapos noon, wala na. May hangganan talaga ang lahat, muni nilang dalawa.
Sisirain na sana ni Fidel ang tumpok nang makita nila ang isang makapal na usok, wangis ang isang mahabang puting hibla. May kaluluwa ba ang mga natupok na kahoy?
Kapwa sila walang kibo. Nakita na lang ni Fidel ang pagsindi ng sigarilyo.
"Nilalamig na ako."
"Malakas ka bang manigarilyo?" pakli ni Fidel.
"Bisyo."
"Masama 'yan sa katawan."
"Mas masarap ang bawal, 'di ba?"
"Baka nga tama ka."
"Nakakatulong sa pag-iisip ang sigarilyo."
"Marami kang iniisip?"
"Marami. Ang asawa ko. Baka may nilalanding iba. Ang anak ko. Baka kilala lang ako sa litrato. Ang nanay ko at ang walang katapusang naming mga utang. Upa sa bahay. Pang-grocery. Me sakit si ano. Sira ang TV. Bagong damit sa Pasko. Ang mga kapatid ko at mga pangarap nila. Ang mga kamag-anak ko at ang pag-aakala nilang namumulot ako ng ginto rito o kaya, tumatae na ako ng dolyar. AIDS."
Isang hithit at malakas na buga ng usok ang sumunod doon.
Dama ni Fidel ang hinanakit sa tinig ng kausap. Gusto niyang murahin ang mundo. Gusto niyang sumbatan ito. Bakit ba kasi kapag Pinoy puro drama ang buhay? Lahat na lang ng kausap niya, may kuwento para kay Charo Santos. Nurse. Teacher. Teacher na DH. Yaya. Seaman. TNT. Lahat sila may hinagpis. May dalang kurot sa puso. Nag-uumapaw ang angst.
May monopoliya nga ba ang Pinoy sa saklap ng buhay?
Paano nga ba niya dudugtungan ang narinig mula sa kausap, paninimbang ni Fidel sa sarili. Makikipagpataasan ba siya ng ihi at sasabihing "may drama rin ako sa buhay" o hahabi siya ng mga magagandang kuwento para makapaghagi ng pag-asa? Sana ang pagpapasya ay kasing dali ng cara y cruz.
Kanina lang kausap ni Fidel ang kaniyang ina. Wala pang dalawang oras ang nakakalipas.
Patay na raw ang ama ni Fidel.
Walang palabok, walang paligoy.
Basta patay na raw ang ama ni Fidel. Nabutas ang baga. Binutas ng Ginebra. Ang samang pakinggan. Lansenggong mahirap. Kaya nga siya nagsikap makalipad ay para maipagamot ang ama. Inisip niyang baka kung maililipat sa mas mahusay na ospital, baka gumaling pa. Magpapadala na lang siya ng dolyar. Maraming dolyar. At ito ang siste, ang dolyar niya ay galing sa pag-alalaga ng mga matatandang may sakit. Paghuhugas ng mga puwit nila. Pagpapaligo sa kanila para matanggal ang anghit. Pag-aalo sa kanila kung may buryong. Ni hindi niya sila kilala. Ang tatay niya, naratay, lumubha, namatay, pero ni minsan, hindi dinalaw. Basta ang alam niya, obligasyon niyang humanap ng pera pampagamot at pambuhay sa walo pang mga nakababatang kapatid. Kinalimutan niya ang tinapos. Walang naging silbi ang diploma niya. Mas madali kasing makaalis kung mag-aalaga siya ng mga matatanda. Kung gagawin niya ang ayaw gawin ng mga tagarito. Kung magtuturo siya sa Pilipinas, ano nga ba naman ang mapapapala sa kaniya ng mga mag-aaral? Sentimyento. Isa pa, mga bakla lang raw ang natuturo. Ang lalaki, maraming alam na paraan para kumita bukod sa pagtuturo. Letse talaga. Mahirap ang magpakalalaki.
Hindi alam ni Fidel kung tama ang sinabi niya kanina sa ina. Ipalibing na lang. Magpapadala na lang ako. Magastos kasi ang pamasahe. Wala pa akong tatlong buwan dito. Paano mababawi ang placement fee? Maiintidihan na niya iyon. Buo ang tinig niya kanina habang naririnig ang hagulgol, ang nakakaduhaging hikbi ng ina. Gusto niyang patunayan sa ina ang kaniyang katatagan.
"Lumaki akong malapit sa tubig, " basag ni Fidel sa katahimikan.
"Dagat?"
"Lumaki ako sa baybayin ng Punta. Doon nagtatagpo ang ilog ng Cagayan at ang dagat ng Pasipiko. Doon nagsasalpukan ang tubig-tabang at tubig-alat. Kapag nakita ko na ang pagsasama ng dalawang magkaibang uri ng tubig, ginagapangan ako ng kilabot. Doon ko nasimulang maisip na pwede pala akong tumawid sa kabilang ibayo. Baka iba ang buhay doon, doon sa ibang ibayo."
"Seryoso 'yan, a."
"Ewan."
Saglit na katahimikan.
"Kaya ako pumupunta rito para maalala ko kung saan ako galing. Siguro kapag nilangoy ko 'to, makakauwi ako sa 'min."
"Astig ka pala, e. Hindi mo kakayanin 'yon."
"Bakit hindi? Nakakaya nga nating mabuhay rito, e."
Huhugong ang mas banayad na hangin.
"Magkuwento ka."
"Anong kuwento?"
"Kahit ano. Tungkol sa probinsya mo."
"Bakit?"
"Nalulungkot ako."
"Wala akong masayang kuwento."
"Kahit malungkot. Masarap marinig ang kuwento ng kababayan."
Napakibit-balikat na lang si Fidel bago tuluyang bitiwan ang unang salita ng kaniyang malungkot na kuwento.
"Sa amin, may isang lalaking usap-usapan."
"Bakit?"
"Gusto raw kasi niyang mamatay sa dagat. Malunod. Tangayin ng alon. Sira raw ang ulo."
"Tapos?"
"Namatay na siya."
"Kanina lang. Nabalitaan ko."
"Hay, ang saklap."
"Siguro nga."
"Nalunod?"
"Hindi."
"E, ano?"
"Nabutas ang baga sa alak."
"Sira ulo nga. Sa alak pa?"
"Hindi siya sira ulo."
"At bakit?"
"Tinupad lang niya ang kagustuhan niya."
"Nilamon ba s'ya ng alon?"
"Hindi. Nilunod niya ang sarili sa alak. Nilamon siya ng kawalang pag-asa. Hindi na kasi siya nakaugapay sa hirap ng buhay, sa kahirapan. Lunod na lunod siya."
"Putsa. Ang lungkot naman n'yan."
"Minsan, sa kalungkutan, mas nakikita natin ang katotohanan."
"Ang lalim naman 'yan. Parang ako ang nalulunod. Walang gan'yan sa Samson Tech."
Nakita ni Fidel ang tumilapong upos ng sigarilyo bago tuluyang naghari ang dilim. Wala na ang araw. Ang malamlam na liwanag na lang ng buwan ang nagsisilbing tanglaw.
"Aalis na ako."
"Uuwi ka na?"
"Hindi. Maghahanap pa ng parukyano. Wala nang pambili ng gatas ang anak ko, e. Ikaw?"
"Dito lang muna. Kakausapin ang dagat."
"Bahala ka. Buhay mo 'yan."
"Sana magkita tayo sa Pilipinas."
"Sana. Sana nga."
Sinundan ni Fidel ang papalayong kausap. Saglit pa, nakita niyang may inakbayan iyong anino bago tuluyang ikinubli ng madawag na kakahuyan. Dagling pumasok sa isip niya ang imahen ng dalawang asong nagyayarian sa kalye. Nakita niya ang sariling may hawak na isang dakot na asin. Gusto niyang isaboy sa mga aso pero para siyang naging bato. Wala siyang karapatan.
Lumapit si Fidel sa dalampasigan. Nagsimula siyang magsalita, maglabas ng lahat ng hinanakit, magbuhos ng mga sama ng loob. Sa sobrang galit, napasigaw siya. Kung hindi niya ginawa iyon, sasabog ang dibdib niya.
Pero nanatiling pipi ang dagat.
Wala itong sagot ni isa man lang sa mga libong litanya niya.
Naisip ni Fidel na ang dagat ay luhang piniga mula sa mga pasakit na buhay.
Ikatlong Gantimpala, Gawad Ka Amado para sa Maikling Kuwento, 2004.
back to fiction | home |