folk literature
Ang Alamat ng Kalamansi
Noong araw, ang kalamansi ay matamis, bukod pa sa makatas. Pag ito ay tinitimpla upang gawing inumin o pamatid-uhaw ay di na kailangang lagyan ng asukal. Lalahukan na lamang ng tubig at masarap na. Maaari namang kainin nang liha-liha pagkat napakatamis. Isa pa, ang mga kalamansi noong araw ay mabibilog at malalaki. Sinlalaki ng mansanas.
Dahil dito ay mayayabang ang kalamansi. Ubod ng yabang. Lubhang mapagmataas sa mga kapwa halaman. “Sa lahat ay kami ang biniyayaan ng Inang Diyosa. Sino ang hindi nagmamahal at matatakaw pag nakikita kami? Hmmmmp. Tabi ang lahat ng mga halamang may bunga sa amin.”
Ang labis na kayabangan ng mga kalamansi ay ipinagdamdam ng mga kapwa halaman at ikinagalit ng Inang Diyosa.
“Aalisan ko kayo ng dahilan sa pagmamataas. Gayon pa man, magiging mahalaga pa rin kayo sa mga tao.”
Pinaliit ng Inang Diyosa ang mga kalamansi at pinaasim ang katas ng mga ito. “Paalala sa inyo na nagkulang kayo sa kababaang loob,” anya.
Ngayon ay marami pa ring gamit ang kalamansi ngunit hindi na ito malaki at hindi na matamis ang katas.
back to folk literature | home |