folk literature
Ang Alamat ng Rosas na may Tinik sa Tangkay
Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang Rosa, na balita
sa kagandahan, kayumian at kabaitan. Maraming binatang nangangayupapa sa
kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan.
“Hindi
ako mag-aasawa. Ang ibig ko’y iukol ang aking buong
buhay sa paglilingkod kay Bathala, sa pagtulong sa mga nangangailangan
ng aking tulong.”
Kung saang tahanan mayroong maysakit, kung saan
may nagdurusa, kung saan may nangangailangan ng kalinga, ay naroon si
Rosa, laging dumaramay.
Ngunit
si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapayag na di
mapasakanya ang dalaga. Labis ang pagkagusto niya rito. Isang gabing
nagpapahangin ang dalaga sa hardin ay tinangka siyang gawan nang masama
ni Cristobal.
“Sa ayaw at sa gusto mo’y magiging akin ka!” ang
wika nito.
Ngunit nanalangin kay Bathala si Rosa. “Huwag po ninyong bayaan
na ang inialay sa Inyong buhay ay dungisan ng lalaking ito,” taimtim
na bulong ni Rosa.
Noon di’y nalungayngay siya’t naging isang
bangkay.
Sa takot
ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya
lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman. Hindi na nakita ng mga taga-roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay
may isang halamang tumubo, na may bulaklak na ang kulay ay murang pula
at ang tangkay ay may mga tinik.
Ang unang nakakita niyon, na nagandahan sa bulaklak, ay nagtangkang
pitasin ito ngunit paghawak niya sa tangkay ay napasigaw siya, “aruuy!
Aruuy! Ang tulis ng tinik ng halamang ito. Tila ayaw papupol kanino man!”
At
iyan ang totoo. Niloob ng Bathala na gawing bulaklak ang namatay na butihing
dalaga, bulaklak na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito
upang di pagnasaang pupulin lamang ng sinuman. Ang mga tinik ay babala
na ang bulaklak ay ayaw paputol.
Mula sa Makabagong Aralin sa Balarila 6
edited by Ponciano B.P. Pineda
back to folk literature | home |