folk literature
Ang Magkakaibigang
Isda
Mula sa Mga Katutubong
Pabula ni Rey Esto
Ang karagatan ay punung-puno ng
maraming kasaysayan. Ang kasaysayang ito na mababasa
mo ay nahahalintulad din sa kasaysayang maaaring
mangyari sa lupa. Ating tunghayan at alamin ang
kanilang pagkakahalintulad.
Noong isang panahon sa isang maliit
na ilog na dumadaloy sa karagatang Pasipiko ay
may tatlong isda. Ang pinakamaliit ay punung-puno
ng sigla na hindi siya mapipigilang lumangoy hanggang
sa pinakamalayong bahagi ng ilog nang nag-iisa.
Isang araw ay sumapit siya sa bahagi
ng ilog na dumadaloy sa bibig ng dagat.
“Ang lawak pala ng mundo,”
wika niya sa sarili. Ang akala ko’y napakalaki
na ng ilog na tinitirhan namin.”
Nagmamadaling bumalik ang maliit
na isda sa ilog at nakatagpo niya ang dalawa niyang
kasamahan.
“Nais kong tingnan ang buhay
sa karagatan. Mukhang napakarami kung matutuhan
sa kalawakan nito,” ang sabi ng maliit na
isda.
“Mapanganib pumunta doon,”
wika ng malaki at marunong na isda. “Higit
na ligtas ka rito laban sa mga mangingisda sa
dagat,” ang dugtong pa nito.
Ngunit palayo na ang isdang maliit.
“Huwag kayong mag-alaala,”
sambit niya. “Di ako matatagal. Babalik
din ako dito sa atin.”
Pagsapit niya sa bunganga ng dagat
ay mabilis siyang naanod ng hugos ng tubig.
“Ang laki pala talaga nitong
karagatan. Ni wala akong makitang mga batong malalaki,
di tulad sa aming ilog.”
“boom! Boom!” ang narinig
niyang tunog sa malayong dako.
“Ano kaya iyon?” nagtatakang
wika niya.
Lumangoy siyang patungo roon. Ngunit
nahinto siya at nakita niyang maraming maliliit
pang isda kaysa kanya ang lumulutang sa tubig.
Kung hindi hilo ay malamang na patay na ang mga
ito.
Pabalik na siya sa ilog. “Ayaw
ko na yatang magpatuloy pa,” wika niya.
“Mukhang mapanganib nga rito.”
Ngunit hindi siya makapagpatuloy.
Siya ay dala-dala ng lambat ng isang mangingisda.
Noon lumabas ng dalawa niyang kaibigan.
Lumukso ang mga ito sa tubig at nagpakita sa mangingisda.
“Ang lalaki ng mga isdang
iyon!” ang sabi niya ay sabay angat ng lambat
upang sila naman ang hulihin.
Nakawala ang maliit na isda at
ang dalawang kaibigan niyang isda’y mabilis
ding lumangoy kasama niyang pabalik sa ilog.
“Salamat, mga kaibigan,”
wika ng maliit na isda.” Kung hindi sa tulong
ninyo marahil ay wala na ako.”
“Lihim kaming sumunod sa
iyo,” wika ng isa.
“May narinig akong mga putok
at nakita kong maraming mga isda ang naglutang
sa tubig. Ano ba iyon?” tanong niya.
“Ah, iyon ay mga putok ng
dinamita. Ginagamit ng ilang masasamang mangingisda
iyon upang mapadali ang paghuli nila ng isda,”
wika ng malaking isda.
“Naniniwala ka na ba sa amin?
Ang lugar na kinalakhan mo ay tahimik at maraming
kaginhawaang maibibigay sa iyo,” wika niya.
“Ang panganib ay di gaano
at marami tayong magtutulungan,” sagot ng
kasama niya.
“Hindi na ako lalayo dito.
Pakikinggan ko ang payo ninyo at salamat na muli
mga kaibigan.”
At patuloy siyang lumangoy sa malamig
na tubig ng ilog.
back to folk literature |
home |