folk literature
Ang Surot
at ang Kaharian
Mula sa Mga Katutubong
Pabula ni Rey Esto
May mga ilang buwan lamang, sa
paunang pagtatanghal ng isang balitang pelikula
sa isa sa mga pangunahing tanghalan sa lungsod,
ang pinakamamahal na anak na babae ng hari ng
mga surot ay nagkasakit. Gaya ng alam ninyo, ang
mga surot ay nabibilang sa isang liping matipuno
sa kabila ng kanilang kaliitan. Kahit na maituturing
na pinakamahina ay kakailanganin ang maraming
ulit na pagtiris upang ito ay mapatay. At ang
mga ito’y hindi rin karakarakang nagkakasakit.
Ito, at dahil din sa ang nagkaramdam ay ang pinakamamahal
ng hari, kaya labis na nabahala ang amang hari.
Dagliang ipinatawag ang mga dalubhasang manggagamot
ng kaharian.
Datapwa’t wala ni isa mang
makatarok sa dahilan ng di-kilalang karamdaman
ng prinsesa.
Ang kamangmangang ipinamalas ng
mga manggagamot ay ipinag-alab ng poot ng hari
ng mga surot. Kasabay ng paghahagis ng gintong
setro sa pinunong surot na manggagamot ay iniutos
sa kaniyang mariskal na ipagtabuyan ang lupon
ng mga maharlikang manggagamot sa pinakamaruming
tanghalan. Ang pagpapatapon sa mga surot sa gayong
kababang uri ng mga sine ay mahigit pa sa parusang
kamatayan. Ganito ang kanilang palagay.
Noon din sa pamamagitan ng pinakamalaganap
na himpilan ng radio ay ipinakalat ang balitang
nangangailangan ang hari ng makapagliligtas sa
buhay ng prinsesa. Noon lamang nasaksihan sa Surutya
(kaharian ng mga surot) na wala isa mang nangahas
na maglakas-loob na maghandog ng paglilingkod
sa maysakit.
Nguni’t ilang araw lamang
ang nakalilipas, isang umaga’y isang matandang
albularyong surot ang inihahatid ng mga tanod
ng palasyo sa harap ng namimighating hari. Buong
pagpapakumbabang hiniling niyang makita man lamang
ang prinsesang may karamdaman at sa sandali ring
iyon ay ilalapat ang kaukulang lunas.
“Natataya sa panganib ang
iyong buhay, mapagpanggap na albularyo, pag ikaw
ay nabigo,” ang nagbabalang wika ng hari.
“Datapwa’t pag ikaw ay nagtagumpay,
ako ang bahala sa iyo. Hangga’t nabubuhay
ka ay magpapasasa ka sa mga dugong makukulimbat
namin sa mga butika, sa mga pagamutan, at sa mga
depot ng mga gamot sa buong kaharian.”
“Aking panginoon,”
ang tugon ng albularyong surot, “kung ang
kamatayan ko ang makahahango sa prinsesa sa kamatayan,
ikaliligaya kong ihandog ang kaluluwa ng walang
saysay na katawang ito. Hindi ako naghihintay
ng gantimpala, at tungkol sa inimbak na dugo ay
nagpapasalamat ako, nguni’t hindi matatanggap.
Sa gulang kong ito, panginoon, hindi na kaya ng
aking tiyan ang mga de latang pagkain.”
“Mabuti, mabuti,” anang
makapangyarihang hari. “Tayo na sa silid
ng maysakit upang makita ko ang iyong galing.”
At ang dalawa ay gumapang na sa kinaroroonan ng
prinsesa.
Gaya ng ipinagtapat sa hari, hinagod
ng tanaw ng matandang surot ang lantang katawan
ng prinsesang surot. Noon din ay ipinagtapat niya
na ang lunas sa di-kilalang karamdaman –
isang uri ng mapanganib na anemia na likha ng
amoy ng homo Japok (isang uri ng mandirigmang
mancow) – ay ang dugo ng isang tapat na
pulitiko.
“Anino ni Deogenes!”
ang sigaw ng hari. “Nababaliw ka ba?”
“Shh…” ang saway
ng reynang surot, “alalahanin mong nasa
silid ka ng iyong anak na may sakit, at wala sa
pulong ng mga mambabatas.”
“Ikinalulungkot ko,”
ang buong pagpapakumbabang wika ng hari. At nang
sila’y makasapit sa tanggapan ng haring
surot, “Matandang Linta, ikaw ba ay nakatitiyak
sa sinabi mo?”
“Aking panginoon, kung ako
man ay hindi si Matusalem, sa loob ng limapung
taong pakikipamuhay ko sa daigdig ay nagkaroon
din naman ako ng malawak na karanasan ukol sa
maraming bagay. Nakapaglakbay na ako sa malalayong
bayan at nakatikim ng iba’t ibang uri ng
dugo ng tao sa lahat ng sulok at siwang ng daigdig.
Naranasan ko ang magkaramdam ng lahat ng uri ng
sakit ng tao, nguni’t buhay pa rin ako.
Nabasa ko ang iba’t ibang makakapal na aklat
na kinatatalaan ng kanilang karunungan. Narating
ko na rin ang kanilang mauunlad na lipunan, gayundin
ang sa mga mangmang. Paniwalaan mo ako, panginoon
ko, na ang karamdaman ng prinsesa ay isang karamdamang
sa atin man ay maaaring dumapo.”
“Ako ay mapipipi at matutuyuan
ng katas ng buhay,” ang tutol ng hari. “Tayong
lahat!”
“Tunay, panginoon ko,”
ang patuloy ng albularyong surot, “sapagka’t
tayo ay nabubuhay sa dugo ng isang lahing nagagahaman
sa pananagana sa surplus pagkatapos mamuhay nang
apat na taong pananalat – mga taong nabubuhay
sa biyaya ng lumipas na digmaan. At marahil kung
nabubuhay lamang ang dakilang bayani, masasabi
niyang nanumbalik na naman ang pamamahala ng kasakiman.
Ang tanging lunas po sa karamdaman ng iyong mahal
na anak ay dugo ng tapat na pulitiko.”
“Saang impiyerno ng daigdig
na ito makakakita ng tapat na pulitiko?”
“Hindi ko matatanggap iyon,”
ang umiiyak na tugon ng reyna. “Mamatamisin
ko pa ang mamatay kaysa makita kong mabuhay ang
aking anak na tulad ng isang multo ng pulitikong
lameduck!”
“At, Inyong Kamahalan,”
ang patuloy ng matandang surot, “ang serum
na makapagpapagaling sa prinsesa ay dapat manggaling
sa isang Pilipino. Ang dugo ng ibang lahi, kahit
na napakamatapat, ay hindi makagagaling.”
Nakasisira ng loob ng marinig ang
hatol na tiyak na hindi maisasakatuparan. Ang
hari at reyna ay sandaling nawalan ng malay-tao.
“Diyos ko!” At ang
matandang surot ay nagkurus. “Hindi ko sinasabing
walang matapat na pulitikong Pilipino.”
Pagkalipas ng isang oras ay pinagbalikan
ng ulirat ang hari at reyna. Si Sinker, ang ministro,
ay dumulog sa hari upang iharap ang kaniyang payo.
“Ipagpatawad ninyo, mga kamahalan,”
ang simula nito, “bakit po naman hindi maaari
ang dugo ng karaniwang mamamayang Pilipinong matapat?”
“Siya nga naman,” ang
ayon ng haring nag-ukol ng makabuluhang tanaw
sa matandang surot.
“Panginoon ko,” ang
tutol ng matandang surot, “sapagka’t
ang sakit na anemia ng karaniwang matapat na mamamayan
ay higit na malugha kaysa taglay na karamdaman
ng mahal na prinsesa. Ang totoo po, ako ay may
hinalang ang karamdaman ng prinsesa ay galing
sa isang matapat nguni’t anemikong manggagawa.”
“Paano makababayad ang isang
matapat na mahirap sa lodge ng isang pangunahing
tanghalan. Hindi yata ako makapaniwala sapagka’t
hindi kikita ang matatapat ng sapat na salapi
upang makapasok sa lipunan ng mga maharlika.”
“A, panginoon ko,”
ang paliwanag ng albularyo, “marami pong
matamis ang dila at mapagsamantala sa panahong
ito. Dahil dito’y mayroon din naming mga
matatapat na mamamayang madaling mapaglalangan
ng mga kabilanin at matatabil na pulitiko. Marahil
po ay naanyayahan ang isang taong mangmang at
upang lubos na mapapaniwala ang walang muwang
na tao ay sa upuan ng mga maharlika siya pinaupo.
Ang ipinagtataka ko po lamang ay bakit ang prinsesa
lamang ang nagkasakit?”
“Kulang-palad na anak ko!”
ang himutok ng reyna.
Noon naman ay titiyad-tiyad na
pumasok sa silid ng prinsesa ang isang utusang
surot. Pabulong na ipinabatid sa lahat ng naroron
na ang panariling daman g prinsesa ay hinimatay
at biktima rin ng umiiral na salot. Ang lahat
ay nagulumihanan at malaon ding hindi nakaimik.
Ang unang pinagbalikan ng loob ay si Sinker, and
unang ministro.
“Inyong Kamahalan,”
sa tinig niyang gumaralgal, “Iyan po ay
isang kataksilang maingat na binalangkas…
isang pakanang Maka-Hitler upang mapuksa an gating
lahi.”
“O, ano!” ang pukaw
ng hari, “Magsalita ka, matandang surot,
magsalita ka.”
“Nasabi ko nap o, aking panginoon,
na hindi maililigtas ng dugo ng karaniwang mamamayan
ang buhay ng prinsesa sa tiyak na kamatayan. Gayon
pa man ay huwag tayong mag-aksaya ng panahon.
Magtipon tayo ng dugo ng karaniwang tapat na mamamayan
upang maging pansamantala’y huwag nating
panghinayangan ang panahon at buhay na gugugulin
natin sa pagtuklas ng pambihirang lunas kahit
saan at kahit kalian.”
“Makitid ang noo!”
anang ministro. “Wala akong tiwala!”
“Kailangang maisagawa natin
ang lahat ng kailangan nang buong pagsisikap,”
ang paninindigan ng albularyo. “Kung tayo’y
mag-aaksaya ng panahon, maaaring maibuwis nating
lahat ang malusog na dugo ng matapat na mga mamamayan
sa lupang ito, sa bayang ito. Kung gayon ay mabibigo
tayo sa hangaring mailigtas hindi lamang ang inyong
maharlikang angkan kundi pati ang inyong lahi.”
“Tunay, tunay,” ang
sang-ayon ng hari, “magaling na pangungusap,
matalino at matandang surot. Mula ngayon, puno
ka ng aking mga tagapayo.”
Si Sinker, naman ang tinanaw ng
hari at pinagbilinan ito: “Ikaw ay inaataan
kong siyang mag-aalaga sa albularyo. Kapag siya’y
hindi nasiyahan, malalagay sa panganib ang iyong
buhay.”
“Matutupad pong lahat ang
inyong bilin.”
“Kapitan ng mga tanod,”
ang sigaw ng hari, “paparituhin mo ngayon
din si Mariskal Probosis.”
Samantala’y natira na lamang
ang hari sa pagkabahala sa malubhang kalagayan
ng kaniyang anak at sa pagkasira ng loob ng mga
mamamayan ng Surutya.
“Gumagamit kaya ng DDT ang
mga Pulitiko sa kanilang tahanan o sa Batasang
Gusali?” ang tanong ng hari sa sarili. Pagkatapos
magkamot ng ulo ay nagpatuloy, “Walang salot,
pagkatapos sunugin ng mga Hapon ang Maynila na
makahihigit sa DDT sa pagpuksa sa aking libu-libong
matatapat na sakop. At ngayon ay naririto naman
ang anemia… salamat na lamang at itinatago
ng mga mapagsamantalang mangangalakal ang kanilang
DDT.”
Naulinigan ng reyna, samantalang
nagpapasasang sumisipsip ng dugo ang ginang ng
lipunan, ang ibinubulong ng hari. Pagkatapos na
kuskusin nito ang kaniyang nguso ay lumapit sa
hari. “Tumigil ka nga ng kabubulong. Naaalaala
ko tuloy noong ikaw ay makasipsip ng dugo ng isang
lasenggong mananalumpating sampay-bakod. Isang
lingo ka noong nahibang. Muntik na tuloy nagkaroon
ng pahihimagsik dahil sa kahibangan mo.”
“Oh, panginoon ko!”
ang daing ng hari. “Kailan pa kaya kami
makalilikha ng dugo na abot-kaya ng isang karaniwang
surot upang kami’y hindi na umasa sa mga
sakim at gahamang tao?”
“Oh, Diyos ko!” ang
dalangin ng reyna, “Bigyan Mo po kami ng
patak ng dugo ng matapat na pulitiko.”
“Siya nga po naman,”
anang haring sisinghut-singhot. “Papatayin
ako ng pangamba, mahal ko. Mayroon bang isang
lasenggo riyan? Kailangan ko ng kaunting dugo
niyon upang mabigyang-lakas ang aking kaluluwang
namamatayan ng pag-asa.”
“Hayun ang isang lasenggo
sa tabi ng maharlikang ginang. Sa palagay ko’y
lasing na lasing.”
“Sa palagay mo ba’y
walang halo kung uminom iyan?”
“Aywan ko. Ako’y hindi
marunong kumilala ng alak. Sa pakiwari ko’y
alcohol ng kahoy ang iniinom niya.”
Binalingan ng hari ang albularyo.
“Ano ang palagay mo? Sa tingin ko’y
isa siyang pusakal na pulitiko.”
“Sa palagay ko, aking panginoon,
ay isang sawing-palad na guro.”
Sa di-kawasa ay dumating din ang
Probosis. Ang kaniyang anyo’y sukat kapootan
ng hari.
“Probosis, huwag mong ilalapag
ang gusgusin at walang kabuluhang talaang iyan.
Tila ka isang tenedor de libro sa impiyernong
laging may taglay na talaan ng mga parurusahan
sa araw ng paghuhukom.”
“Dinaramdam ko pong makapagdulot
sa inyo ng sukat ikapoot. Nguni’t noong
minsang maiwan ko ito sa aking tanggapan, ang
ilan pong mahahalagang usapin ay naglaho at napalitan
dahil sa pakikipagsabwatan ng ilang nasa Dakilang
Sanggunian ng Surutya sa mga taong may masasamang-loob.”
“Isang kabuktutan na naman,”
ang bulong ng hari sa reyna.
“Dahil po sa nangyari,”
ang patuloy ng mariskal, “ay wala akong
nagawa kundi pawalan ang ilang mapanganib na criminal
na dahil sa kagagawan ng mataas na tao sa pamahalaan
ay nakukuhang gawing laruan lamang ang batas.
Muntik ko nang maipatibtay ang isang batang paslit
na ang tanging pagkakasala ay napalitan ng pagkakanulo,
pakikipagtulungan, pagpapataas ng halaga, pagpapasuhol,
panghuhuwad, pagnanakaw, pag-iwas sa buwis…”
“Tumigil ka na,” ang
saway ng hari. “Hindi ka na nakapagpaliwanag
sa maikli at maliwanag na pangungusap. Kung ang
mga hatol na ignagawad ninyo sa mga salarin ay
kasing-haba ng walang katapusang pangungusap sa
iyong mga ulat, isa mang salarin ay walang makalalaya.”
“Nguni’t, mahal na
hari, ayon sa aking napag-alaman buhat sa mga
makapangyarihang surot, ang maluwag na pagpapabayad
ng malaking piyansa upang ang mga salarin ay makalaya
pagkatapos ay isang paraan upang kumita ang pamahalaan.
Ang mga nagsisipagbayad niyon ay hindi tumututol
gaya ng karaniwang mamamayan.”
“Siya nga,” ang patuyang
wika ng hari, “sapagka’t ang kanilang
mga biktima ay siyang tumututol para sa kanila.”
Pagkatapos na agawin at ihagis ang lalagyan ng
talaan. “Ako’y may higit na mahalagang
bagay na ipagagawa sa iyo. Hindi kaila sa iyong
ang aking anak ay may karamdaman. Kailangan niya
ang dugo ng matapat na pulitikong Pilipino para
sa kaniyang lubusang paggaling.”
“Dapat sana’y nakapagbitiw
na ako ng tungkulin noong isang taon,” ang
nagsisising bulong ng mariskal.
“Makinig ka,” ang bulong
ng hari, “pakilusin mo ang lahat ng iyong
mga tauhan, ang iyong mga maniniktik, mga kaututang-dila,
ang iyong mga kumpare at kumara. Gamitin mo ang
natutuhan mo sa iyong college degree o third degree.
Saliksikin ninyo ang lahat ng sulok sa pagtuklas
ng lunas at kung kayo’y mabibigo, ipatatapon
ko kayosa kabuluk-bulukang sine.”
“Inyong Kamahalan,”
ang dugtong ng matandang surot, “iutos po
ninyo sa mariskal na iatas sa kaniyang mga tauhang
sipsipin ang lahat ng dugo hanggang mamatay ang
lahat ng masasamang tao, lalo na ang mga pulitikong
may dugong gahaman, at ipatapon ang lahat ng mga
surot na may nalasong pag-iisip. Sa ganitong paraan,
yaon lamang mga masunurin ang magmamana ng kaharian.”
“Mariskal,” ang hadlang
ng hari, “ang payo ng matandang albularyo
ay kailangang masunod nang walang kulang.”
Yumukod ang mariskal at bubulung-bulong
na nagwika sa sarili: “Mga walang hunos-dili!”
Ano ako, atomik!”
“At bayaan mong bigyan kita
ng tip, mariskal,” anang reyna, “bilang
isang inang maunawain, naniniwala akong makasusumpong
ka ng matapat na pulitiko.”
“Magaling!” ang saad
ng hari. “Saan? Saan?”
“Marahil ay sa tatlong pook.
Una, sa labas ng kaharian; ikalawa, sa mga tahanan;
ikatlo, doon sa walang nakatitiyak. Hindi kaya?”
At ang mariskaly ay yumaong sumusumpang,
“Kung kinakailangan ay tutuyuin ko ang lupaing
ito.”
back to folk literature |
home |