folk literature

Dahong Palay, Timbubuli at Bubuyog
Mula sa Mga Katutubong Pabula ni Rey Esto

Ang Bugyon ay isang liblib na nayon sa isang maliit na bayan ng Bulakan. Bago iyon marating mula sa kabayana’y may tatawirin munang isang maluwang at malalim na ilog. Ang makipot at baku-bakong karsada’y nayuyungyungan ng mayayabong na sanga ng naglalakihang puno ng mangga at akasya, kaya’t malamig ang simoy ng hangin sa nayon kahit sa katanghalian. Ang mga bahay ay mga yari sa pawid at kawayan at halos iisa ang anyo. May ilang bahay na tabla at isa na rito ang bahay ni Tata Martin.

Mula sa durungawang kinalalagayan ko’y kitang-kita ko ang silong ni Tata Martin. Maliwanag ang buwan noon at pati mukha ng mga nakaupo sa bangkong mahaba sa silong ay aking napagsisiya. Naroon si Tandang Tikang na Ina ng tisikong si Tonyo at napatawa ako sa sarili nang maalaala ko ang sabi sa akin ni Ponsing.

“Paanong gagaling si Tonyo, Ka Tentay. Sabi mo raw ay magkain ng sustansiya katulad ng itlog, atay, karne at manok. Naku, di nalagasan ng bagang si Tandang Tikang! Biro mo ba naming bumiliiyon ng isang bulig, ibinigay, at nang iluto ay dalag. Malaki na.”

Lalo akong napatawang nag-iisa nang maalaala ko ang sagot niya sa akin, “Masama pa ba amana ng isang itlog maghapon, isang tasang gatas at isang saging?” “Naku, kangino kaya ipamamana ang kayaman ng matandang ito?” naibulong ko tuloy sa sarili.

Namataan ko rin si Tandang Kuwalang hilot na nagkakatikot at katabi ng bangko. Minsa’y naratnan ko siya sa isang itinawag sa aking hindi mapanganak at ang sabi’y kaya raw nangamumutla ang mga pinapanganak ng doktor ay hindi raw luto.

“”Ano pong klasent putahi iyon at kailangan pa nating lutuin?” ang biro ko naman.

Naaninaw ko ri si Kanor na ama niyong batang may sunong na tinik isang umaga. Paano raw ay may bikig at ipinahilot na raw sa suhi’t ipinakamot na sa paa ng pusa ay hindi pa raw maalis ang tinik sa lalamunan. Nang aking pangangahin at bunutin ang tinik sa pamamagitan ng isang pang-ipit ay napasigaw si Kanor at marunong din daw pala akong mag-alis ng tinik.

Naroon din si Konsa na manas na manas ang mga paa.

“Kulang poi to sa Bitamina B-1,” ang sabi ko sa kanyang ama. Napatanga sa akin ang matanda at tila hindi maunawaan ang aking sinasabi.

“Kulang po siya sa sustansiya, lalo na iyong mga nakukuha sa gulay, bungang-kahoy, karne at…”

“Aba, e ba’t magkukulang pa sa sustansiya ang batang ‘yan ay ke lakas kumain?”

Matagal kong ipinaliwanag ang bagay-bagay na nauukol doon at sa wari ko’y nauunawaan din ako ng mag-ama.

Nakilala ko rin kahit na nakatalikod si Tomas. Minsan pa’y hindi ko napigilan ang aking pagtawang mag-isa. Paano’y naalaala ko noong minsang pumanhik sa akin, parang binibilang ang hakbang at hindi magkantututo ng sasabihin. Paano raw kaya niyang masasabi.

“Sabihin mo’t nang matulungan kita,” pampalakas ng loob kong payo.

Parang nangiti nang alanganin. Lihim daw ang sakit niya. Sa loob ko nama’y alangan pa sa kanya ang magkasakit nang lihim na katulad ng mga sakit ng mga bohemyo sapagka’t napakabata pa niya at sa pook na iyon ay walang nababalitaang nagbibili ng aliw.

“Hindi hu naman ganyan, Ka Tentay,” ang marahan niyang paliwanag matapos niyang malamang ibang sakit ang aking tinutukoy.

“Ang akin hung… ‘kuwan’… ay… kung bakit hu sumusunod ng paglaki sa pagsuwag ng tubig. Kung kati hu nama’y maliit,” ang sa wakes ay naipagtapat niya.

“Naku, batang ito, iyan lamang pala. Akala ko tuloy ay kung ano nang sakit ang ibig mong sabihin,” nakatawa kong sabi.

“Naisip ko ho tuloy na baka iniitsahan na ako ng timbubuli ni Isko.”

“Naku, huwag kang maniwala roon. Hindi kulam iyan. Iyan ang sinasabing luslos at ang dahilan niya’y ang katutubong luwag ng iyong palasinsingan sa singit. Kailangan lamang na iyan ay mahigpitan sa pamamagitan ng operasyon.”

“Ay, salamat naman, Ka Tentay. Akala naming talaga’y katulad ng ginawa ng Kuring sa leeg ni Idad. Akalain mo ba naming itsahan ng timbuubli! Naku, e, lumaki ang leeg ni idad. Tingnan mo’t pati yata mata ni Idad ay lumuluwa na tuloy sa hirap,” kuwento ko sa sarili.

At sinikap kong maunawaan niyang ang paglaki ng leeg ay isang sakit na may kinalaman sa pagkukulang ng yodo sa katawan ng tao.

“E teka nga muna, Ka Tentay,” ang tila alinlangan pa niyang habol.

“Bakit naman ang Ka Atring. Hinagisan daw ni Kuring ng bubuyog kaya priming may bumubulong sa kanya. Naririnig mo sigurong kahit hatinggabi’y sumisigaw ang Ka Atring. Paano’y ayaw siyang patulugin ng bubuyog, ha, Ka Tentay,” tila pagbabalitang pagtatanong ni Tomas.

Nagsimula na naman ako ng pagpapaliwanag na ang sakit sa utak ay napakaraming sintomas at ito’y isa lamang sa mga iyon. Hindi ko masabi kung ako’y naunawaan ni Tomas nguni’t tumango siya nang tumango.

Saka, napadako ang aking tingin sa tatlong nagbabayo ng palay sa malayu-layo nang kaunti sa silong ng Tata Martin. Naaninag kong si Lusing ka-isang anak ni Tata Martin ang kakatlo nina Ipe at Sidro. Maganda ang lagapak ng halo sa lusong. Kahit bilisan ng dalawang lalki ang lagpak ng halo ng lusong ay nasusundan ni Lusing.

“Paano akong magkakaberi-beri, Ka Tentay, pagpag naman ang aking katawan,” ang tila tutol niya sa aking pagkakilala sa kanyang pamamanas at paghingal-hingal noong minsang kumunsulta siya sa akin.

“Pagpag nga ang katawan mo, nguni’t hindi ka naman kumakain ng mga bagay na kailangan ng iyong katawan,” ang simula ko na naming paliwanag. Naging matagal din an gaming pag-uusap kaya inakala kong naunawaan niya ang aking mga sinabi.

Walang anu-ano’y nakita kong may nag-anasan sa silong ng tata Martin. Biglang huminto ang tatlong nagbabayo at sila’y lumapit sa pag-aanasan. Nang mapatingin ako sa tarangkahan lalo akong napataka sapagkat tila marami ang mga umpukan noon kaysa noong mga biang gabi. Bigla akong kinabahan sapagka’t sumaloob kong baka dudukutin ang isa sa mga anak na binata ni Tata Martin. Laganap noon ang mga dukutan at ang mga nagpapanggap na Hukbalahap ay siyang namamayani noon sa lahat ng dako. Sa pakiramdam ko’y biglang lumamig ang hihip ng hanging nagmumula sa tabing-ilog at ako’y kinilabutan. Nang mapatingin akong muli sa nag-aanasan sa silong ay napansin kong papalapit sa aking kinalalagyan si Lusing.

“Ka Tentay,” ang halos paanas niyang tawag sa akin samantalang siya’y appalapit, “huwag ka sanang matatakot, hane, mayroong idaraan dito.”

“Ano ‘yon?” ang mangha kong tanong.

“Kukunin sila Kuring ngayong gabi,” ang muling anas sa akin ni Lusing.

“Kukunin? At bakit? Saan sila dadalhin?” ang sunud-sunod kong tanong kay Lusing.

“Naku, hindi ka pa ba naniniwala, Ka Tentay? Kasi e pinaglalaruan nila si Konsa. Tingnan mo’t ayaw nilang patulugin ang Ka Atring at kung anu-ano ang ipinakikita nila kung gabi. Tingnan mo si Idad, pinalaki nila ang leeg; si Tomas, ang…” napahalakhak si Lusing nang mahina, “at marami pa sa baryong ito. Mabuti na nga ang malipol ang mga mangkukulam na ‘yan.”

“Saan nga sila daalhin?” ang takot kong tanong.

“Sa tabi ng ilog,” sagot niyang madali.

“E papatayin ba?”

“Ewan ko lamang, Ka Tentay, pero maraming galit sa mag-aanak na ‘yan.”

“Kawawa naman sila, dalaga pa naman si Kuring,” ang malungkot kong nasabi. Ako’y napailing nang hindi sinasadya.

Hindi pa halos natatapos ang aking sinabi ay siyang pagdaraan ng isang babaing may piring ang mga mata at nakapagitna sa dalawang lalaking umaakay sa kanya.

Natigil ang usapan sa silong at napaglingunan ang mga tao sa nagdaan. Tumakbo si Lusing, sinunggaban ang halo at tinawag ang mga kasama.

“Bayo na tayo,” tawag niya sa kanyang mga kakatla.

At nagsimula na naman ang katluhan, subali’t madalang at mahina ang lagapak ng halo.

Hindi nagtagal at isang matanda naming lalaki ang nakapiring ding idinaan na nakapagitna rin sa dalawang lalaking hindi ko nakuhang makilala dahil sa pagtingin ko sa matanda. Ang mga kamay ng nakapiring ay nakagapos sa likod. “Mga kriminal!” ang nais kong ihiyaw. Nagdurugo ang aking puso sa awa, nguni’t nang mga panahong iyp’y ulo ang kapalit ng diwang pinagkakatinig.

Isang lalaki naming kasibulan ang idinaang nakapagitan rin sa dalawang lalaking nangingintab ang hawak sa kamay. Nakagapos din ito nang abotsiko at nakapiring din ang mata.

“Iyon marahil si Kardo, ang kapatid ni Kuring,” ang bulong ko sa sarili.

Dahan-dahan akong nanaog at maingat na nangubli sa bakod ng bahay kong tinitirhan at unti-unti akong lumapit sa silong ng Tata Martin upang marinig ko ang usapan. Nakapangubli ako sa isang malaking puno ng santol na napapaikutan ng mga puno ng saging nang walang sino mang nakapansin sa akin. Dinig na dinig ko roon ang usapan. Biglang napatigil ang anasan. Para akong nakarinig ng isang tili ng babae. Sa liwanag ng buwa’y sari-saring pangitain ang nagsasayaw sa aking paningin. Sa liwanag ng buwa’y naguguni-guni kong lalong dumidilim ang panahon.

Isang lalaki ang patakbong galing sa ilog. Madali siyang sinalubong ni Tata Martin. Mahina ang usapan, nguni’t sapat upang aking maunawaan. Ibinitin daw nang patiwarik si Kuring at pinagpistahan ng malilikot na mata ang kasariwaan ng katawan ng dalaga. Para akong natulig sa aking narinig. Lalong kumirot ang aking puso sa awa. Noong una raw ay ayaw magsiamin. Talaga raw na matitigas ang loob. Napahagikgik pa ang nagbabalita habang sinasabing pinapatsingan dawn g mga lalaki si Kuring. Nanlaban daw ito kahit na nakabitin. Ang dalawang lalaki raw ay pinaghahagupit ng latigo. Nagkakandudumi na raw sa hirap ay ayaw pang umamin.

Isang lalaki naman ang patakbong dumating. Masayang-masaya. Nagsiamin na raw ang mag-aama. Timbubuli raw ang hawak ni Tandang Potong, dahongpalay ang kay Kardo at bubuyog ang kay Kuring. Nangako raw na pagagalingin nila si Konsa. Paliliitin daw ang kuwan ni Tomas, paliliitin ang leeg ni Idad at lahat ng maysakit ay talaga raw na pagagalingin.

Patakbo akong nagbalik sa aking tinitirhan at dahan-dahan kong ipininid ang mga durungawan upang di ko na makita ang pagdaraan ng kulang-palad na mag-aama at nadama ko ang lamig ng gabi at naisip kong napakatagal pa ng umaga sa nayong iyon.

back to folk literature | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive