folk literature
Bahay Kubo
Bahay kubo, kahit munti
Ang halaman doon ay sari-sari
Singkamas at talong,
Sigarilyas at mani,
Sitaw, bataw, patani,
Kundol, patola,
Upo’t kalabasa
Saka mayroon pa
Labanos, mustasa,
Sibuyas, kamatis,
Bawang at luya
Sa paligid-ligid
May puno ng linga
Ako’y May Alaga
Ako’y may alaga
Asong mataba
Buntot ay mahaba
Makinis ang mukha
Mahal niya ako
Mahal ko rin siya
Kaming dalawa
Laging magkasama.
May Isang Ibon
May isang ibon
Dilaw ang tuka
Tatalon-taon
Sa may bintana
“Gumising ka na,
Tamad na bata!”
Pong, Pong Kasile
Pong, pong Kasile
Nanganak kagabi
Anong anak?
Buto’t balat;
Bali-bali ang pakpak.
Ako’y Maliit na Pitsel
Ako ay maliit na pitsel.
Heto ang tatangnan
Heto ang bibig.
Kung ako’y puno ng inumin,
Isalin at ubusin.
Ako ay May Lobo
Ako ay may lobo
Lumipad sa langit
Di ko na nakita
Pumutok na pala.
Sayang ang pera kong
Ipinambili ng lobo
Kung pagkain sana
Nabusog pa ako.
Leron-leron Sinta
Leron-leron sinta
Umakyat sa papaya
Dala-dala’y buslo
Sisidlan ng bunga.
Pagdating sa dulo
Nabali ang sanga.
Kapus-kapalaran;
Humanap ng iba!
Doon po sa Amin
Doon po sa amin
Bayan ng San Roque.
May nagkatuwaang
Apat na pulubi.
Nagsayaw ang pilay,
Kumanta ang pipi,
Nanood ang bulag;
Nakinig ang bingi.
Si Ale kong Nena
Si ale kong Nena,
Magandang-maganda;
Nahulog sa balon,
Nagging gumamela.
Si Maria Kondende
Si Maria Kondende
Nagtinda ng gabi;
Nang siya’y malugi,
Umupo sa tabi.
Ili, ili, Tulog Anay
Ili, ili, ‘tulog ka na
Kahit wala pa ang nanay.
Nasa tindahan si tatay,
Bumibili ng tinapay.
Ili, ili, matulog na…
Ningning ng Munting Bituin
Ningning ng munting bituin
Liwanag sa gabing madilim.
Sa langit na kay-taas;
Nagsasabog ng liwanag.
Ningning ng munting bituin
Sana’y kaya kitang abutin.
Inday sa Balitaw
Inday, Inday sa Balitaw
Kahoy nakahapay,
Sandok nakasuksok,
Palayok nakataob,
Sinigang na matabang
Kulang sa sampalok.
Mama, mamang namamangka
Mama, mamang namamangka
Ipagsakay yaring bata
Pagdating sa Maynila
Ipagpalit ng kutsinta!
Ale, aleng namamayong
Ipagsukob yaring sanggol,
Pagdating sa Malabon,
Ipagpalit sa bagoong!
back to folk literature | home |