folk literature
Pusu-pusuan
Mula sa Munding-Munding ni Alberto Florentino
Di baga maraming puso sa sagingan;
may pusong saba’t may puso ng tundan;
may pusong dalaga at pusu-pusuan;
may pusong tapat at pusong salawahan;
ngunit ang puso ng magulang
ang may tunay na pagmamahal.
Ako’y nagtanim sa laguerta ng puso;
puso ang tinamnan, puso ang tumubo;
puso ang nagbunga, ibinunga’y puso;
puso ang kumitil, kinitil ay puso;
ngunit ang puso ng magulang
ang may tunay na pagmamahal.
Ang tao ay paraw, ang buhay ay dagat;
sa tao ang puso’y tunay na layag;
layag ay timbangan ng paraw sa lawak;
ang puso ng tao’y timbangan ng palad;
ngunit ang puso ng magulang
ang may tunay na pagmamahal.
Sa paglayag mo sa dagat ng buhay,
ang layag ng puso’y dapat alagaan;
kung humahabagat, magdagdag ng tibay;
huwag kang magtiwala kung umaamihan;
ngunit ang puso ng magulang
ang may tunay na pagmamahal.
back to folk literature |
home |