Sapagkat hindi inaasahan ang pagdating ng Digmaan sa ating bansa, marami ang di-inaasahang pangyayari sa ating buhay, lalo na ang pagkakahiwalay sa mga mahal sa buhay na napadpad sa malayong lupain. Ganyan na lamang ang kaba ng magandang asawa ni Genaro nang hindi na nakabalik ang lalaki sa tabi ng kanyang mag-anak.
Isinara ang lahat ng paaralan kaya napilitang huminto sa pagtuturo si Aurora. Higit na naragdagan ang kanyang kalbaryo sapagkat hindi niya malaman kung saan siya hahanap ng ikabubuhay nilang mag-iina.
“Doon na lang kina Lolo at Lola n’yo tayo titira, mga anak,” ang sabi ng mapagmahal na ina sa tatlong anak.
“Gusto ko roon, Nanay! Maraming niyog doon! Sagana sa singkamas! Magsasawa tayo sa gulay, duhat, at kamatchile!” mabilis na sagot ng panganay.
“Sige sirin Nanay, doon na lang tayo kina Lolo at Lola tumira,” mabilis ding habol ng dalawang nakababatang anak niya.
Dahil sa tiyaga, sipag, at tiis ni Aurora, nakayanan niyang mabuhay kahit wala ang asawa. Nagbabuyan at nagmanukan silang mag-iina. At dahil naroon sila sa dulo ng makapal na niyugan ng biyenan niya, madalas silang maglangis na siyang ibinebenta; sadyang mahal ang langis sa mga panahong yaon.
Isang gabi, naitanong ni Mario, “Nanay, kailan naman kaya uuwi si tatay, ey?”
“Huwag kang mabahala anak, at pagkatapos ng giyera uuwi na ang tatay mo,” paasa ng ina.
“Napakasaya natin kung magkagayon! Di ba, Nanay?” magiliw na sambit ng mga bata.
“Matulog na kayo sirin mga anak, upang maaga kayong makabangon. Marami tayong gawain bukas. Magdadala tayo ng niyog,” paalala ng ina sa mga anak.
Habang patuloy ang digmaan, gayon na lamang ang hirap na dinanas ni Aurora, lalo na noong wala na siyang natanggap na impormasyon tungkol sa kanyang asawa. Tumigil ang koreo, pahayagan, at radio o kahit anong mapagkukunan ng balita.
Ang mga araw, buwan, at taon ay lumipas nang hindi namamalayan, at sa gitna ng kanyang mga hirap at lungkot nabalikat ni Aurora ang tungkuling pag-aralin ang kanyang mga anak. Umaasa pa rin siyang balang araw ay makaiisip ding umuwi sa kanila ang kanyang asawa.
“Nanay,” wika ng mga anak niya, “bakit kaya hindi sinasagot ni Tatay namin ang mga sulat sa kanya? Kinalimutan na siguro tayong tuluyan.”
“Maaari, subalit hindi rin ako maniniwalang hindi siya nangungulila sa atin,” sagot ng nanay nila.
“Sinulatan namin si Tatay noong ibinalita naming nahulog ang kapatid ko. Napakatigas naman ng puso niya at hindi man lang sumulat sa atin!” malungkot na bigkas ng anak na babae.
“Hindi tayo maaaring makalimutan ng Tatay n’yo. Wala naman akong pagkukulang na maaari niyang ikagalit sa akin. Hindi bale, anak, umasa kayo sa Diyos, at darating din siya sa atin.”
Natahimik ang mga bata. Ang taimtim nilang pagmamahal sa kanya ang nagsilbing pag-asa at lakas ni Aurora sa buhay.
Maagang naghapunan sina Aurora kaya maaga rin silang pumanhik nang tahimik sa kanilang silid. Hindi nagtagal, may naulinigan si Aurorang pamilyar na boses. Kaagad siyang tumungo sa pinto at binuksan ito. Nagulat siya nang makitang dumating ang biyenan niyang lalaki. Siya’y nagbigay-galang at saka nag-usisa.
“Bakit, Ama, napadalaw kayo sa oras na ito? Ano ho’ng nangyari? Ano’ng pakay n’yo?” ang sunud-sunod na tanong ni Aurora.
“Dumating ang asawa mo, anak,” hindi mapigilang balita ng matanda.
“Dumating si Genaro! Nasaan siya, ey? Sadyang ikinasisiya ko, Ama, ang pagbalik niya sa piling naming mag-anak. Hindi kailanman nagmaliw ang pag-asa kong magkikita kaming muli. Hindi magpapabaya ang Diyos, basta’t hindi mo rin siya kalilimutan.”
Noon din ay nagbihis si Aurora, at sumama sa biyenan upang salubungin ang asawang matagal nang hindi nasilayan.
Read the original in Pangasinan



