Bumukas ang aking mga mata
sa kalatog ng mga kaldero.
Nilingon ko ang huli kong katabi kagabi.
Naroon pa siya. Napangiti ako.
Naaamoy ko pa sa kanyang hininga
ang binalasa naming erbi.
Gusut-gusot ang kumot—
siguro inukit niya roon ang kanyang lungkot
habang ako ay natutulog.
Maingat ko iyong itinakip
sa hubad niyang balikat.
Gusto ko siyang itali sa aking yakap,
gusto ko siyang ikandado sa aking mga halik;
ideklarang akin siya.
Ngunit ang puso ko ay isa lang sa mga bato
at ang puso niya ay tubig na umaagos
sa sanga-sangang mga ilog ng mundo.
Kininis niya ako pero hindi siya mananatili
para gawin akong diyamante
kahit ipagpilitan ko ang aking sarili
para baguhin ng mga kamay niya.
Nagliyab ang kurtina sa puluhan ng aking kama
pero hindi niya iyon nakita.
Kaya't lihim ko siyang binulungan
ng, "Isinusuko ko sa iyo ang tiwala ko."
baka sakaling dito na siya mananghalian.
Baka sakaling maisip din niya bago siya umalis
na iwan ako ng kasiguruhan,
kahit pabiro lang, na ako ay kanyang babalikan.



