Nicomedes “Nick” Joaquin

Talambuhay

Si Nicomedes “Nick” Joaquin ay panglima sa sampung anak nina Leocadio Joaquin at Salome Marquez. Ipinanganak siya noong Mayo 4, 1917 sa Paco, Manila. Sa murang edad na sampo ay nakahiligan na ni Nick ang magbasa ng iba’t-ibang uri ng aklat.

Ito ay sa impluwensiya na rin ng kanyang ama, na isang rebolusyonaryong sundalo at abugado, habang ang kanyang ina ay isang pampublikong guro. Mayroon silang sariling silid aklatan o library sa kanilang tahanan.

Bukod sa Ingles, bihasa rin si Nick sa wikang Espanyol at mga ilang lokal na dayalekto. Sa kanyang pagsusulat Ingles ang ginagamit niya upang makalikha ng kanyang mga obra maestro sa sining ng panitikan.

Sa edad na labingpito, nakapagsulat at nakapag-lathala na siya ng kanyang tula na pinamagatang “Don Quixote”. Nabasa at naisulat ito sa Sunday Tribune Magazine noong 1935. Pagkatapos nito ay isinulat naman niya ang kanyang pinakaunang maikling kuwento na may pamagat na “The Sorrows of Vaudaville”.

Si Nick Joaquin ang tinaguriang pinakamagaling na Pilipinong manunulat gamit ang lingwaheng Ingles. Sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer na Small Beer, makikita mo kung paano niya binago at inangat ang istilo ng pagsulat na may halong emosyon at koneksiyon mula sa manunulat at sa mga makakabasa nito. Napakalapit sa katotohanan ang bawat artikulo na kanyang sinusulat.

Tunay na naiiba at namumukod tangi ang pamamaraan ng panunulat ni Nick Joaquin, maging isang kathang isip o makatotohanang kuwento man ito. Ang mga karakter at tauhan sa kanyang mga obra ay kayang-kaya niyang bigyang buhay. Ang bawat kuwento, tula at dulaan na kanyang ginawa ay mayroong naibibigay na aral sa nakaraan, sa kasalukuyan, at maging sa hinaharap na kaganapan.

Malaki ang pagpapahalaga ni Nick Joaquin sa kulturang Pilipino, lalo na sa moral at dignidad ng mga Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit madaling napupukaw ang damdamin ng bawat tao na tumatangkilik sa kanyang mga likha.

Legasiya ni Nick Joaquin

Si Nick Joaquin ay ginawaran ni Pangulong Marcos ng National Artist Award in Literature noong 1976. Pitong dekada niyang ginugol ang kanyang buhay sa pagsusulat ng mga panitikan na hanggang sa kasalakuyan ay pinakakikinabangan ng napakaraming klase ng mga indibidwal. Halos 60 na aklat ang kanyang naisulat at nalimbag na dumagdag sa yamang sining ng ating bansa.

Maging sa larangan ng pinilakang tabing ay nagagamit pa rin ang kanyang mga obra. Halimbawa na dito ay ang kanyang sinulat na “A Portrait of the Artist as a Filipino”. Isinabuhay ito sa pelikula at binigyan ng titulong “Ang Larawan”, na umani ng napakaraming parangal tulad ng Gawad Urian Award for Best Actress para ay Joanna Ampil noong 2018.

Namatay si Nick Joaquin noong April29, 2004 dahil sa atake sa puso. Bilang pag-alala at pagbigay pugay sa yumaong Pambansang Alagad ng Sining, ang kanyang larawan ay inilagay sa postal stamp ng Pilipinas noong taon ng 2010.

Ang tulad ni Nick Joaquin ay isang alamat. Nawala man siya sa mundong ibabaw, ang kanyang alaala ay mananatili hindi lamang sa mga kuwento, tula, at dulaan na kanyang sinulat, ngunit maging sa puso ng bawat nakabasa nito.

Popular Posts