organizations

bukalsining

Ang bukalsining ay organisasyon ng mga manlilikhang-sining mula sa iba't ibang larangan ng buhay. Kabilang ito sa mga pangkulturang organisasyong nagsisikap makabuo ng isang pambansang alyansa ng mga pangkulturang organisasyon sa Pilipinas. Kasama rito ang Kx-Leyte, ABA cultural group (mula sa Mindanao), at CORDEV cultural group (binubuo ng mga Igorot at Ifugao). Ang bukalsining ay binubuo ng:

•  larangang panitik - sakop ang kasanayan sa pagsulat ng tula, sanaysay, nobela, kwento at iskrip. Ito rin ay may tungkuling pangunahan ang 'pananaliksik, pagtatala, palagiang pagsasalamin ng karanasang may kinalaman sa larangang panitik.' Pangunahin ang larangang ito sa pangangailangan at layunin ng pag-aaral na ito upang masuyod at mapalaganap ang panitik at kahusayan sa pagtingin sa karanasan ng tao. Ang larangan ng panitik ang pinakasentro sa pagtuklas sa sarili at pagmumulat sa kaisipan gamit ang ekspresyong mapagpalaya sa tagisan ng karanasan, kaisipan at isyung panlipunan. Lahat nang ito ay lumalabas sa mga panulat o akda ng mga kasapi.

•  larangang himig -sakop ang paglikha ng musika, paglalapat ng himig sa mga tula, pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika at pagsasanay ng boses.

•  larangang guhit-kulay -sakop ang pagsasanay sa paglikha ng mga sining biswal at paggamit ng iba't ibang midyum.

•  larangang dulambuhay -sakop ang pagtatanghal, pagsasanay sa pagsayaw at pag-arte sa kaalamang teknikal sa dula, at pagsasagop ng lahat ng larangan.

Kasaysayan

Ang bukalsining ay umusbong mula sa Kabanata X (Kx) o "Mga Alagad ng Sining para sa Mapagpaunlad na Kultura Ng Bayan." Naging masigasig ang Kx sa pagkakaroon ng mga workshop na tumutugon sa kasanayan at kahalagahan ng grupong panitikan mula 1996- 1999.

Ayon kay Emman Dumlao, ang Kalihim, "palibhasa hindi lamang sa larangan ng panitikan may talento ang mga kasapi nito, nagsanga ang naturang mga workshop ng iba't iba pang gawain. May nagpasimuno ng paggawa ng papier mache, paggawa ng kwintas na gawa sa papel, paggawa ng greeting cards, pagpinta. Hanggang sa pagpasyahan ng mga kasapi nito na magbuo na ng isang organisasyon na hiwalay sa Kx. "

At isinilang ang bukalsining . Nakapagbuo ito ng tsapter sa UP Diliman noong 1999. (Hindi lahat ng mga miyembro ay mag-aaral ng UP.) Taong 2001, inaprubahan ng SEC ang inkorporasyon nito bilang isang organisasyon.

Bisyon at Misyon

Mga batayang prinsipyo ng bisyon at misyon ng bukalsining : una, minimithi ang lipunang pantay-pantay at malaya; ikalawa, kumikilala sa kapangyarihan ng sining bilang buhay; at ikatlo, gumagalang sa palitan ng kakayahan sa sining, ideya at prinsipyo sa pagpapayaman ng pananaw at kamalayan.

Isang hangarin ng bukalsining ang "lipunang malaya, walang uri, hindi nagtatangi batay sa lahi, gender, paniniwala, nakaugat sa pagkilala at pagsasabuhay ng karapatang pantao, sumususo sa ganap na pag-unawa sa lalim ng ugnayan ng tao, lipunan, kalikasan at daigdig," Ang "paglikha, pagtuklas, pagpapalaganap ng iba't ibang porma ng sining at pagpapayaman ng Wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas tungo sa pagpapaunlad ng tao, lipunan, kalikasan at daigdig," ang isinagawang pagkilos ng bukalsining upang unti-unting makamit ang minimithing lipunan.

Nagsisilbing gabay sa pagkilos ng bukalsining ang paggalang sa bawat kakayahan ng mga kasapi. Ang pagkakaroon ng grupo ng mulat na kamalayan ay masasabing nagmumula sa "pinapaunlad ng malusog na punahan at tunggalian ng mga ideya ang mga likhang sining ng bawat kasapi, at maging ang kanilang pagkatao bibigyang puwang ito sa organisasyon sa lahat ng pagkakataon." Sa ganitong pamamaraan, ang bukalsining ay nagtataglay ng kakayahan na maglahad ng kritisismo hinggil sa mga naipasang akda sa kanila, batay sa uri ng pamumuhay ng mga kasapi nito.

Opisyales at Mga Komite/Larangan ng bukalsining

  1. Daryl Leyesa - Pangulo
  2. Emmanuel Dumlao - Kalihim
  3. Agnes Ilagan - Auditor
  4. Rowena Nalda -- Ingat Yaman
  5. Fidel Aquino -- Tagapagdaloy sa Larangang Panitik
  6. Rhodelia Gavieta-- Tagapagdaloy sa Larangang Himig
  7. Nadia B. Pulmano -- Tagapagdaloy sa Larangang Guhit-Kulay
  8. Teresa de Jesus-- Tagapagdaloy sa Larangang Dulambuhay

Gawaing Pangkomunidad

Sa ngayon may anim na tinututukang komunidad ang bukalsining . Ito ay ang mga nasa:

  1. Tagong, Malabon;
  2. Towerville, San Jose del Monte, Bulacan;
  3. Navotas;
  4. Quezon City;
  5. Las Pinas; at
  6. Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman (ang sentro ng pagtitipon at pagpaplano ng mga miyembro at bumubuo sa komunidad ng mag-aaral, guro at mga tumatangkilik sa sining.)
            Nagtatatag ang bukalsining ng tsapter sa bawat lugar upang doon palaganapin at paunlarin ng mga miyembro sa komunidad, ang sining at iba pang kakanyahang itinataguyod ng organisasyon. Dito rin nagsasagawa ng alternatibong pagtuturo ng sining o ng malikhaing pagsulat na nakabatay sa maralitang tagalunsod. Kaalyado ng bukalsining ang ibang NGO, People's Organizations at ibang pangkulturang organisayon tulad ng Kalayaan, Task Force Detainees, Balay at Philippine NGO Liaison for Food Security and Fair Trade upang lubos na maisakatuparan ang layuning imulat ang kaisipan ng mamamayan sa nangyayari sa lipunan.

back to organizations | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive