organizations
Pangkat ng Kabataang Kuwentista
(KATHA)
Kasaysayan
Nabuo ang Pangkat ng Kabataang
Kuwentista (KATHA) noong 1989, bilang tugon sa
pangangailangang maorganisa ang mga kabataang
kuwentista na nagsusulat sa pambansang wika at
mapabilis ang pagpapaunlad ng naturang anyong
pampanitikan sa Filipino.
Kabilang sa mga kasaping tagapagtatag
sina Joi Barrios, Roland B. Tolentino, Francine
Y. Medina, JJ Alvarez de la Rosa, at iba pang
mga premyadong kuwentista. Naging tagapayo ng
samahan sina Fidel Rillo, Romulo Sandoval, at
Lilia Quindoza Santiago.
Nais ng KATHA na itaguyod ang maikling
kuwentong Filipino sa pamamagitan ng: 1) pag-oorganisa
at pagbibigay-gabay sa mga kabataang manunulat
na naghahangad na maging kuwentista; 2) pagdaraos
ng mga palihan ng mga naisulat na kuwento ng mga
kabataang ito; at 3) pagsasaaklat sa mga kuwentong
isinalang at nakapasa sa palihan.
Malay ang KATHA sa kasaysayan at
tradisyon ng maikling kuwento sa Filipino. Nababalangkas
ang kanilang mga layunin sa mga naging tunguhin
ng mga manunulat ng Agos sa Disyerto, Sigwa, at
iba pang mga naunang samahan ng mga kuwentista,
bilang pagkilala sa kanilang ambag sa pagpapayaman
ng naturang anyong pampanitikan ng bansa.
Programa at Proyekto
Mula sa paggagap sa kamalayan ng
isang taga-lungsod hanggang pagtalakay sa iba’t
ibang uri ng relasyon, nakapaglathala na ang KATHA
ng mga tematikong antolohiya ng mga akda ng mga
kasapi nito. Kabilang dito ang sumusunod:
1. Engkuwentro. Manila:
Kalikasan Press, 1989. Mga Editor: Roland B.
Tolentino at Juan Jose Alvarez dela Rosa.
2. Impetu. Manila: Kalikasan
Press, 1990. Mga Editor: Romulo P. Baquiran,
Jr., Joi Barrios, at Honorio Bartolome de Dios
3. Habilin. Manila:
Kalikasan Press, 1990. Mga Editor: R. Fulleros
Santos at Roland B. Tolentino.
4. Alagwa. Manila: De
La Salle University Press, 1997. Mga Editor:
Mes de Guzman at V. E. Carmelo D. Nadera Jr.
5. Relasyon. Quezon
City: Ateneo de Manila University Press, 1999.
Mga Editor: Luna Sicat at Roland B. Tolentino.
6. Kuwentong Siyudad.
Quezon City: Ateneo de Manila University Press,
2002. Mga Editor: Roland B. Tolentino, Romulo
P. Baquiran Jr., at Alwin Aguirre
Binabalak nila sa kasalukuyan na
maglabas ng ikapitong koleksiyon na katatampukan
ng mga kuwentong erotica.
Pamunuan at Kasapian
Bagama’t walang nakatalaga’t
pirming pook-pulungan ang samahan, naging regular
na base nila ang Heritage Art Center simula 1989
hanggang sa mga sumunod na taon. Pagkaraan, naging
madalas ang kanilang pagtitipon sa bahay ni Barrios
sa Kamuning, Quezon City. Noong kalagitnaan ng
dekada 90, nalipat naman sa Polytechnic University
of the Philippines (PUP) ang pagsasagawa nila
ng mga palihan at iba pang aktibidad.
Si Tolentino, kritiko at premyadong
kuwentista, ang nauupong pangulo ngayon ng samahan.
Nagsilbi ring pangulo sina Baquiran, Roland Santos,
at De Dios.
Kumakalap sila ng mga kasapi mula
sa mga dumadalo sa regular nilang pagtitipon o
palihan, kung makapapasa rin sila sa pagpapasiya
ng pamunuan.
Institusyon kung
saan nakabase
Institute of Creative Writing, Unibersidad ng
Pilipinas
Adres
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, quezon City
Telepono
9818500 lok. 2117
e-mail
joey_baquiran@yahoo.com
back to organizations
| home |