organizations
Kilometer 64
Ang Kilometer 64 ay isang ugnayan
ng mga makata at ng mga may natatanging hilig
sa tula, na ang karamihan sa mga kasapi ay nasa
Pilipinas ngunit may ilan din namang nasa ibang
bansa. Nabuo ito noong Marso 14, 2003.
Bakit Kilometer 64? Sa Ingles,
kung dadaglatin, ang Kilometer ay nagiging Km,
at ang Kilometer 64 ay kumukuha ng inspirasyon
sa organisasyong Kabataang Makabayan (KM) na itinatag
noong 1964.
Bilang isang organisasyong isa
sa mga nilayon ay ang pagpapalaganap ng kultura
ng patriotismo, ang KM ay humango ng aral mula
sa kasaysayan ng bayang Pilipino at sa mga buhay
at nagawa ng mga personalidad na nag-ambag nang
malaki sa pagsulong nito – kabilang ang
premyadong makatang si Amado V. Hernandez.
Sa mga panahong ito ng pagsubok
– na inilalarawan ng marami sa mga komentaristang
panlipunan sa akademya man o pabatirang madla
bilang isa ring panahon ng paghahanap ng katuturan,
naniniwala ang Kilometer 64 na malaki ang magiging
kapakinabangan ng pagpapatuloy ng KM matapos itong
ideklarang iligal nang ipataw ang batas militar
noong 1972.
Hangad ng Kilometer 64 na mapalaganap
ang pag-ibig sa bayan at sa kapwa, na itinatanghal
maging sa mga aklat-araling pinopondohan ng pamahalaan.
Ginagawa ito ng Kilometer 64 sa pamamagitan ng
paglikha at pamamahagi ng panulaang nagsusulong
ng pagpapahalagang ito.
Naipamamahagi ng Kilometer 64 ang
mga akda nito hindi lamang sa pamamagitan ng paglalathala
ng mga koleksiyon, kundi maging sa pamamagitan
ng pagtatanghal ng mga poetry reading sa mga bar
at paaralan, at maging sa mga piketlayn, sa lansangan
at sa mga maralitang komunidad.
Itinuturing na mahalagang bahagi
sa kasaysayan ng Kilometer 64 ang pagkakalathala
ng 40: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan.
Inilunsad sa Polytechnic University of the Philippines
(PUP) noong Nobyembre 2004, natitipon sa aklat
na ito ang mga tula mula sa 40 makata na nagpupugay
sa yumaong mga kabataang bayani ng patuloy na
pagsisikap ng sambayanan na maitatag ang tunay
na soberanya, katarungan, at mabuting pamamahala
sa bansa. Nagsilbi itong ambag ng Kilometer 64
sa paggunita sa ika-40 anibersaryo ng KM noong
Nobyembre 30, 2004.
Tagapagtatag:
Rustum Casia
Pangkalahatang Kalihim: Alexander
Martin Remollino
E-group: http://groups.yahoo.com/group/kilometer64/
back to organizations | home |