organizations

Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA)

http://liraonline.org/

Noong Disyembre 15, 1985 sa opisina ng ngayo'y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, nagkasundo ang siyam na batang makata-sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran, Jr. at Gerardo Banzon na magtagpo tuwing Sabado ng hapon para sa madugong pagsipat sa kanilang mga tula . Tinawag nila itong Rio Alma Poetry Clinic. Mula rito ay isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino. Ilan sa mga layunin ng LIRA ang palusugin at pagyamanin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pag-aaral ng tradisyonal at modernistang tula, magbigay ng mga palihan at lecture, mag-organisa ng iba't ibang okasyong pampanitikan at tumulong sa pagpapalimbag ng mga koleksiyon ng tula ng mga kabataang makata.

Maliban kay Rio Alma, matiyagang umantabay sa mga palihan at/o nagbigay ng lecture ang ilan sa pinakamahuhusay na makatang Filipino: Mike Bigornia, Teo Antonio, S.V. Epistola, Alfredo Navarro Salanga, Marne Kilates, Fidel Rillo, Rogelio Mangahas, Joi Barrios, Krip Yuson at marami pang iba.

Bilang patunay ng masaganang pananalinghaga, nakapagpalimbag na ang LIRA ng tatlong antolohiya: ang Una, Ikalawa at Ikatlong Bagting. At ilan sa mga miyembro ng LIRA tulad nina Vim Nadera, Jr., Romulo Baquiran, Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Soselyn Floresca, Fr. Arnel S. Vitor, Mesandel Virtusio Arguelles, Maningning Miclat (SLN), Dennis Aguinaldo , Edgar Samar, Joseph Rosmon Tuazon at Dennis Aguinaldo ang mayroon nang sariling koleksiyon ng tula.

Ipinagdiwang ng LIRA noong Disyembre 13, 2005 ang ika-20 anibersaryo nito sa Conspiracy Garden Cafe, Quezon City kung saan inilunsad din ang literary folio ng mga fellow ng nakaraang palihan. Ang LIRA ay kasalukuyang naghahanda para sa palihan na gaganapin mula Hunyo hanggang Hulyo 2007. Maaaring mag-email kay Beverly Siy, pangulo ng organisasyon, sa liraworkshop@gmail.com.

back to organizations | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive