|
poetry
Ahas
ni Romulo P. Baquiran
Ang pagkawala ng mga paa ko
ay nagbigay sa akin ng kakaibang
laya sa pagdama:
kalamnang ganap na sumasayad
sa lupa, damo, o sanga.
Huwag akalaing lagi akong nanunukso,
nagbubulid sa iyo sa kasamaan.
Maghinay sa sinaunang bintang--
kiwal o kembot,
gapang o lakad,
kagat o tuklaw,
sakal o lingkis--
iisa ang ating layunin,
iba’t iba lamang ang paraan.
Sa sama o buti ng kalooban
ikaw ang higit na makapagpapasiya,
ikaw na higit na malapit sa maykapal.
Kung makatwiran, bakit dudurugin
ang tahanan ng aking kamalayan?
A, hinding-hindi mo siya kawangis.
Lalo akong nangingimi sa iyong kalayaan.
23 Setyembre 2002
back to poetry | home |