poetry
Ako si Silalac
ni Reynaldo A. Duque
ako’y si silalac
ang inaawit ko’y
dalit
ng
dugo
bahay na alipato…
alimpuyong dumadaloy sa matatandang ugat
ng mga dantaong dinalipay
ng mga kuwentong bayan at alamat.
kundiman itong sumasanib sa dibdib
at sumasalok ng alindog sa talinghaga
tulik na talulot ng tagimtim
na inaruga ng dati’y matabang lupain.
awit ko itong gumigising sa gunita.
harayang humuhugos sa mga pampangin
at pasigang sa kasaysaya’y walang lagda.
dansa itong tindakan ko sa igting
at ilap ng ilusyong kakambal
at kasuyo ng kamalayang basal.
serenata ko itong lalanggas sa
sugat
at halimuyak na inaangkin ng mga magdamag.
panambitang pupuno sa gusing walang lamat
at pagsisidlan ng mga kayumangging agimat
na hinugot mula sa tadyang ng kawayan.
himig itong humihiwa sa bumbunang hinibang
at balintataw na hinilam ng banyagang aliw
at dayuhang asal.
kantiko itong sumasaliw
sa nagdurugong balikat ng mga pilapil
at nagbabagang bambang sa tibok at aliw-iw
sa agos ng pananampalatayang bumabaliw
sa lahi kong noon pa, noon pa ma’y
pinagkaitan na ng katarunga’t paggiliw.
back to poetry
| home |