|
poetry
Ang Aberdeen Pagsapit ng Hatinggabi
ni Ariel Dim. Borlongan
Hatinggabi na naman, muling magtitilian ang mga bugaw
Sa tapat ng Aberdeen. Takbo rito, takbo roon sa mga kotse
Na nakikipag-usap ang mga bukas na pintuan at bintana.
Simple lang ang lengguwahe ng kalye sa pakikipagtawanan:
Ipamumukha ng bakla na wala pang kurbada ang beywang
O hilaw pa sa porma ang mga paa’t binti o walang masisilip
Na utong sa manipis na dibdib ng kanyang bagong putahe.
Kapag kumumpas na ang kanyang pumipilantik na daliri
Mabilis na sasakay ang menor de edad sa paroo’t paritong
Malikmata, walang masikip na bibig sa gising na sungay
Ng mga demonyo. Silang namumungay ang nanlilisik na mata
Kapag kumikiwal na ang dila ng balingkinitang dalagita;
Silang putang ina nang putang ina kapag nilalabasan ng bulkan
O natatanggalan ng bara ang kanilang ipinagmamalaking tubo;
Silang kapag hindi nasisiyahan ay binabali ang mga kalansay
O binuburdahan ng saksak o pinalalamon ng mga tingga
Ang produkto ng Quezon Avenue at iba pang lansangan.
Ngunit kapag may sumirit na malagkit sa kanilang sabik
Na mga litid, babalewalain nila kung nilalangaw na ang puke
Ng kanilang inorder o pinilihan ito ng mga pulis at reporter
Sa istasyon o Ford Fiera! Biglang magiging kamukha ng starlet
Ang trese anyos na pick-up girl at malilimot ang humpak nitong
Alindog. Maglalabas sila ng kapote upang makapasok sa pinakaloob
Ng nagnanaknak na laman at iindayog, iindayog nang iindayog
Hanggang makarating sila sa kaluwalhatian. Kapag lubos silang
Nakaraos, nakangiti nilang pasisibarin ang nanginginig na sasakyan
At ibababa sa tapat ng McDo ang anghel na muling nalagasan
Ng pakpak. Pakendeng-kendeng naman na lalapit ang multo,
Titili, bago mabilis na hahabulin ang dilim upang hindi abutan
Ang muling ibubugaw, ng nanlilisik na silahis ng bukang-liwayway.
back to poetry | home |