poetry

Ang Mga Batang Anghel
ni Genaro R. Gojo Cruz

St. Bernard, Southern Leyte – Isang paaralan na
pinaniniwalaang may mahigit 200 mag-aaral ang
natabunan ng putik at mga bato. Sa kasalukuyan,
hindi pa rin matagpuan ng mga rescuer ang paaralan.
- Mula sa isang balita

Pinamangha tayo ng nayong ito at ng paaralan
na itinindig sa paanan ng matatayog na kabundukan.

Napahalukipkip tayo nang tumambad sa atin
ang nakalatag na ulap sa ating daraanan.

Nagagalaw ng ating pananabik na malibot ang nayon
ang mumunting ulap sa likod ng mga berdeng dahon.

Napangiti tayo sa mga batang ating nakakasalubong,
bitbit ang kanilang mga lumang libro at upod na lapis.

Napangisi sila’t napahiya sa ating pagkakatitig,
sa ating ngayon lamang nila nakita’t namalayan.

Kay palad ng mga batang itong nakalilikha
ng makukulay na haraya at pangarap.

Mapalad ang kanilang mga guro na malimit
nilang pasalubungan ng mga ngiti at pag-asa.

Mapalad ang kanilang mga magulang na nakauunawa
sa kasalimuotan ng kanilang kamusmusan.

Mapalad tayong kanilang nakasalubong sa daan,
mga anghel silang naghawan ng daan para sa atin.

Bumukadkad ang kanilang mga munting pakpak
sa pagmamadaling maabutan ang pila at Lupang Hinirang.

Nakiliti ang ating mga paa sa mumunting alikabok
na likha ng kanilang maninipis na tsinelas.

Naiwan sa atin ang matatamis nilang bungisngis
at ngiti, sa ating ngayon lamang nila namalayan.

Namasdan natin ang hanay ng mga batang-anghel,
tamihik at tiklop ang kanilang mga puting-puting pakpak.

Nasabik tayong sana’y naging guro rin nila tayo,
o kaya’y magulang, kamag-aral, kapitbahay o kaya’y kakilala.

Nang hindi nila tayo pangilagan at ituring na iba.
Sana’y nabibigkas natin sa kanila ang ating mga baong kuwento.

Sana’y nakakaulayaw natin sila, nakakausap, at naririnig
natin maging ang kanilang mga musmos na suliranin.
Ngunit bisita lamang tayo, panandaliang nakikisukob
sa kadalisayan at kabutihan nitong kanilang nayon.

At umuwi tayong kipkip ang matimyas na tubig galing bundok,
ang amoy ng kabukirang kabubungkal pa lamang,

ang tila musikang likha ng pagaspas ng pakpak ng mga bata,
na malaon na nating hangad na marinig at madama.

Naging lubhang abala tayo sa samu’t saring bagay at pasanin.
Maraming teksto na rin ang namaybay sa ating mga mata.

Sa ating daan pauwi, sinalubong tayo ng nakagigimbal na balita
nang pagguho ng lupa at bato mula sa ngayo’y hungkag na bundok.

Hindi tayo naglakas-loob pumasok sa kanilang munting paaralan,
kung bakit naduwag tayo at tinanaw lamang natin sila habang
nakapila.

Ngayo’y naunawaan nating patuloy nila tayong pangingilagan.
Hinding-hindi natin mabibigkas ang maririkit na kuwentong ating baon.

Hinding-hindi natin sila kailanman makakaulayaw, makakausap,
o maririnig ang kanilang mga tinig at musmos na suliranin.

Ngayo’y naintindihan nating hinding-hindi kailanman nila tayo
maaaring maging magulang, kamag-aral, kapitbahay, kakilala, o guro.

Hinding-hindi sila papayag na matagpuan pa ang kanilang paaralan,
hinding-hindi na sila pabubulabog sa mga tulad nating nakikisukob,

sa ating bago pa lamang nila nakita’t namalayan.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive