poetry
Ang Nakikita
ni Mikael de Lara Co
Una sa lahat: kailangan mong maniwala: wala akong
kayang sabihin
kundi ang nakikita. Nagsanib ang tubig-ulan at dura at
grasa sa pitak-pitak na mukha ng kalsada; namumuo ang liwanag at pinabibigat
ang namamagang alangaang; ito ang madaling-araw; ito ang Maynila;
ito ang Maynila sa tuwing madaling-araw. Kanina lamang
ay tinitigan mo ang buwang nakalambitin sa madawag na kalangitan.
Mamaya, kung sa pagtingala ay walang buwang nag-aabang
sa iyo, tititigan mo ang espasyo kung saan, sa mga sukal ng iyong paghaharaya,
ay iisipin mong may buwang tumititig pabalik sa iyo. Alam mo ito:
ang pagdilat ay isa lamang sa maraming anyo ng pag-asa.
Nakikita mo rin ang nakikita ko: ito, ang akong nagwiwika; ito, ikaw na
pilit humihinuha ng sariling kahulugan sa piling ng lahat ng nakikita;
ito, ang lungsod na di makayang punan ang mga uka sa nababakbak mong puso.
Kanina lamang
ay nakita ko kung paano, sa kabila ng sala-salabid na busina
at huntahan ng pasahero, may isang marungis na aleng naglabas ng rosaryo,
pumikit, at bumulong
nang para bang may nakaririnig. Ito, panalangin. Sabay
tayong magtaka kung paanong nagkakasya ang gayong kalawak na pag-asa
sa pagitan ng dadalawang palad.
back to poetry | home |