|
poetry
Ang Pagsasalin
ni Roberto T. Añonuevo
“Matuto kang magmasid,” sambit ni Lolo
sa akin habang nakatitig sa bahay na ibinabalangkas.
Batid niya ang uri ng haspe sa sarisaring tungkulin,
gaya ng tao na kaniyang inuutusang magbaon
ng isang pulgadang pako sa playwud o lawanit,
o di kaya’y magsaayos ng sawaling tabike.
Mahigpit siya sa pagtatakda ng mga sukat:
kung di eskuwalado ang dalawang pares na kahoy
ay tiyak na salubong ang kaniyang mga kilay;
kung alahado ang kapwa pisngi ng mga tabla
ay napapapitik siya’t magaang tumapik.
Nananakit man ang kaniyang batok ay kutob niya
ang asintadang mga rehas. Walang paltos
ang bawat hulog niya, dahil tiyak matutuwid
ang mga bahagi ng bahay o ang mga paa ng katuwang.
“Ano ba ang pakialam ko rito?” ismid
ko
nang tinuturuan niya akong magkabit ng bisagra.
Hindi ko maihinang sa isip ang gayong gawain.
Manipis ang aking mga palad para magsandal
ng barandilya, isabalikat ang matitibay na biga,
o isapuso ang madrina para sa bilang na baitang.
Kabesado ni Lolo ang katwiran ng pitsa’t rematse
sa yero, ang salimuot ng taga sa panahong soleras,
ang pagtitiis ng sahig, ang pananalig sa kilo’t haligi.
Samantalang ako’y ni walang hilig sa gayong gawain.
Pinapawisan ako nang malamig pag hawak
ang barena’t nakatitig ang tagapagturo sa akin.
(Di ko kailanman iyon nadama pag nagsusulat.)
Marahil ibig niya akong batuhin ng katam,
o katamin ang aking katamaran. Paano kung sinibat
niya ako ng bareta dahil sa labis na inis? Natatakot
akong tumugon, at ang aking pagbabantulot
ay waring sagot na ang kaluluwa ko’y malayo
sa konstruksiyon ng barumbarong at mansiyon.
Ikinukubli ko ang lahat sa nakangingilong pagkikil,
o sa mga yerong kanaladong tinatabas o ginugunting.
Nang lumaon, iginuhit ko ang plano sa isip.
Ang Lolo ko’y malimit mahapo’t ubuhin,
kaya napilitan akong kumuyom ng kutsara’t
magpalitada. Ako na dating tagaabot ng paet
at pala ang siyang naging promotor ng lahat.
Natutuhan kong magkimkim ng dalawang mukha
gaya ng hasaan: ang isa’y karpintero kapag araw,
at ang ikalawa’y manunulat kapag tulog ang lahat.
Binanat ko ang sarili gaya ng metro at walang
inaksayang espasyo para sa mabibilis na layaw o bisyo.
Nagtakda ako ng mga pitik at nag-iwan ng mga linya
upang pagsumunduan ng lagari. Naghunos ang bait ko
at itinuring na ang buhay ay nababaluktot, napipilipit
ng plais at makinilya. Natauhan ako sa gayuma ng sinsil
at talinghaga ng punsol habang tumutula.
Yumukod kahit paano sa halaga ng taraha sa oras
na kailangang magkaroskas ang tubo ng tubig.
(Ewan kung bakit tila lumalabas sa aking mga daliri
ang mga kataga, gayong wala sa dugo ang pagtula.)
Dinamdam iyon ng aking Lolo dahil hindi ko namana
ang kaniyang husay sa pagtatayo ng mga bahay;
tila ba may angking agimat siyang ibig ipasa sa akin
ngunit marupok ako para sa ritwal ng pagsasalin.
Hindi nagtagal, yumao siyang lumuluha.
Ako ang gumamit ng kaniyang pala sa paghuhukay
ng libingan, at mag-isang nagradela ng semento sa nitso.
Wala akong lakas ng loob para sabihin sa kaniyang,
“Lolo, iba ka. Iba ang papel mo sa papel ng iyong apo.”
back to poetry | home |