|
poetry
Ano ang Paglalagyan ng Tula
ni Rebecca T. Añonuevo
Ano ang paglalagyan ng tula ngayong nagbabadya ang
taggutom at nakakrus sa noo ng mamamayan ang papalubhang kahirapan?
Nagpipinid ang isang siglo ay tila naghuhugas sa usok ang mga sulok
at mga sanga sa paligid. Lumalagok ako ng maputlang kape habang may
nagrorosaryo sa kabilang kuwarto ay tulala; nagsasalimbayan ang mga
balitang libo-libo ang nakatakdang mawalan ng trabaho, patuloy ang
pagbagsak ng piso, tataas muli ang presyo ng gasolina (koryente, bigas,
kangkong, galunggong), nalulugi ang mga alahero’t sarisaring
mga may negosyo, isang kurot na lang ang suweldo ng mga guro at mga
kawani ng gobyerno, nagnanaknak ang mga kalye ng mga batang sumasampid
sa mga estribo ng dyip o nagkukuskos ng sapatos ng mga pasahero, may
amo at mga amang nanggagahasa ng mga musmos, nagpapataasang-ihi ang
mga kakandidato sa eleksiyon, may isa na namang alagad ng panulat ang
namatay.
Mailap ang talinghaga ngunit marahil ay mabuti na nga. Ang sabi ng
isang paham, kaya naghihirap ang isang bansa ay dahil walang malasakit
sa panitikan ang mamamayan. Kung magbabasa lang sana ang mga tao at pakakainin
ang kaluluwa sa halip na sikmurang kumakalam, hindi nga kaya malulubos
ang kasalatan?
Ano ang paglalagyan ng tula sa panahong ito ng
malulupit na kamatayan? Isa-isang nalilipol ang mga makata. Hindi pa
man ay malaon na silang inilibing ng bayan; walang pagkaligalig ang
mga kabataan kung ano ang kanilang ugat at sino ang kanunu-nunuan.
Maya’t maya’y humaharap
sila sa salamin, nagsusuklay, sinisipat ang pananamit ngunit hindi nila
nakikita ang nakalatag na dugo ng mga katutubong nagsiawit ng pananalig
sa pag-ibig, pakikipagsapalaran, pakikipaghamok sa kaaway, pagtatanggol
sa dangal at kalayaan.
Samantala ang kamataya’y hindi lang yaong
ibinabadya ng panaghoy ng mga aso sa kalaliman ng gabi. Ang kamatayan
ay nagbibihis maging sa kaloob-looban. Parang nakasuksok sa kawayan
at pinaiikot sa apoy ang mga damdaming matagal nang nagmamakaawang
maitaboy tulad ng kinahihinatnan ng masasamang espiritu. Sa kanyang
kasibulan ay tinamaan siya ng kanser ngunit magiting na isinakatuparan
ang mga mithiin. Ang isa niyang kaibigan ay may malubha ring sakit
na ang tawag ay lupus, na naging dakila dahil sa pagdapo nito sa isang
dating presidente. Nang magkasama minsan ang may kanser at ang may
lupus, hinigop nila ang nakahaing sopas na may halong kabute at nagtawanan
nang pagkalakas-lakas at iyon ang narinig ng lahat sa halip na mga
umaarangkada ng kanta sa labas.
Naaalala ko sila ay nababalot sa kapanatagan ang
aking pagkabahala. Nang lumabas kami sa malaking gusali, minsanang
ambon ang dumapo sa aking balat. Nauuhaw na muli ang lupa. Gayunma’y hindi ko maaasahang
matighaw iyon ng hampas ng alon o ng kalaliman ng balon ng mga sugat
na wari’y naghihilom.
Dapat ay maligaya ako ngunit ngayo’y nag-uusisa
kung bakit tila pati ang tula, ang rurok ng Salita, ay hindi makasapat
para isauli ang isang uri ng kinakapang damdaming ang pangalan ay ___________.
back to poetry | home |