|
poetry
Antigong Aklat
ni Mike Bigornia
Dilaw na't marupok, ngunit para sa kanya, isa itong bathaluman: Habang hinihimay ang diwa ng bawat salita, lalong nagiging kaibig-ibig at dapat paglaanan ng tapat na pagmamahal.
Sa nag-iibayong kapangyarihan, nagbabanyuhay tuwina ang makapal na tomong may gilid na ginintuan.
Una'y nagiging malinis at malinaw na batis sa gitna ng kakahuyan. Pagkaraa'y nagiging barokong balangkas na may mukhang kristal. Panghuli'y nagiging dambuhalang talon na busilak at maharlika.
Doo'y nasaksihan niya ang dila ng apoy at rosas, ang pagtatalik ng kalapati at ahas. Tanghalan ito ng samot-saring katauhan: bulag na mongheng kalbo at nakayapak, maestro sa piling ng tinapay at alak, anluwageng nakasabit sa mga sanga, sundalong may koronang isinusuot, piratang hinihirang na kabalyero, siyentistang nakikipagsabwatan sa diyablo, at politiko sa bingit ng digma at pagkabaliw.
Nabubuo sa wakas ang makatang walang mukha at pangalan at inaakay siya papasok. Sa pagtiklop ng lumang aklat naipit sa mga pahina ang isang bulaklak ng narciso.
back to poetry | home |