poetry

Arowana
ni Romulo P. Baquiran

Sumisilaw sa amin
ang bawat kislot
ng iyong kaliskis:
nagsasabog ng kaba,
sa bawat silid ng aming
mumunting puso.

Inihagis kami rito
sa parisukat mong daigdig:
lagi tuloy saklot ng pangingilabot
ang sutla naming palikpik
sa iyong matang matalas
at mga sungot na nanunurot
mula sa talim ng iyong panga;
lagi tuloy liglig ng takot
ang bawat kibot ng hasang
sa iyong pagparoo’t paritong
walang-hanggan.

Wala kaming masulingan,
(kami na iyong mga kaiba)
sa ibabaw man o suwelo
ng iyong maliwanag na paraiso.

Ang pasag ng iyong buntot
ay sapat na magpaulaol
sa aming kimkim na sindak.

At lalo pa kapag kidlat
na nilulon ang isa sa amin
na gatong sa malamig
na apoy ng iyong gutom.

5 Enero 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive