poetry

Ascaris lumbricoides
ni Michael Francis Andrada

I.

Ginoo,
Bago mo ako paulanan
Ng asin,
Titigan mo akong mabuti.

Pansinin mo ang magkabilang dulo
Ng aking patpating katawan.
Alin sa tingin mo ang aking ulo?
Alin ang puwitan?

Alinman sa dalawa
Ang ituro mo,
Pasensiya na Ginoo,
Ngunit nagkakamali ka.

Nasa tagiliran ko
Ang labasan
Ng sama ng loob,
Ng dumi ng katawan.

II.

Ngunit ano ba'ng marumi?
Lupa ang aking agahan,
Tanghalian, minindal, hapunan.
Ito rin ang aking tahanan.

At kapag umulan, ang mga butas
Na ginagawa ko sa ilalim
Ng lupa - ang aking lagusang-
Tahanan - ang siyang dinadaluyan.

Narito na ako
Bago mo pa man
Patayuan ng gusali
Ang lupang ito.

Narito na kami
Bago pa man
Maimbento
Ang semento.

Masagana ang ulan,
Panighaw sa nauuhaw
Na lupa. Ang semento
Ang pumipigil sa aming

Paghinga. Kami na walang

Pahinga.

Ginoo,
Iniisip mong tagabitbit kami
Ng sakit, na ang aming pulang
Balat ay naimbakan ng dungis;

Lupa ang nagpapapula
Sa aming abang katawan;
Patotoo kaming ang silbi nito'y
Di lamang bilang libingan.

Ngunit iyon ang nais mo:
Ang pitpitin ang lupa
Upang kasama kaming
Madildil, makitil.

III.

Ginoo,
Huli na lang,
Ang mga butil ng asing iyong hawak,
Naipon kong pawis, namuo't nabasag.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive