poetry

Aso
ni Romulo P. Baquiran

Walang latoy ang danas mo
kung talas ng pandama ang usapan:
pang-amoy at pandinig ko’y ilang ulit
ang bisa sa limitasyon mo.
(Kaya hintuturo ako ng droga o bomba.)
Tiyak na hindi mo matatagalan
ang halimuyak, anghit, bango, sulasok
ingit, tili, lagabog, busina, pagsambulat
ng mundo kapag nagkapalit tayo ng ulo.
Pero dahil ako’y hamak na aso,
nakatutok ako sa amoy at boses mo.
Diyan nakasalalay itong buhay ko.
Huwag masamain ang asal-asong katapatan
(Iyan ang naman ang hanap mo kahit sa kapwa.
Pero walang tao—labis man ang pag-ibig sa iyo—
ang sasamba sa bawat pintig ng kapritso mo.
Kung meron man, baka aso na iyon, di tao.
Wala akong makatutulad sa pagsamba sa iyo.
Parusa diumano ang turingang tao-sa-tao.)
Sa munting isip-aso, hindi ko maunawaan--
sa kabila ng lubos na handog-buhay ko--
kapag ginusto mo (kahit sinong amo),
magwawakas ako sa tinidor ng lasenggo.

17 Setyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive