poetry

Baging
ni Romulo P. Baquiran

Mula sa kamatayang pagtulog sa loob ng buto,
gigising ako para kilitiin ang talampakan mo.
Nalulula ako sa pagtingala sa iyong mga sanga,
bulaklaking humahaplos sa mga sutlang ulap.
Hangad ko rin ang itinadhanang kataasan mo.
May magawa kaya ang kalambutan
at kamuntian upang maging katulad mo?
Ito: ang pagsumundan ang iyong kaanyuan,
sambahin ang iyong larawan nang buong tapat,
sa pagkamarahang hindi ko akalain
at hindi mo napapansin.
Bayaang yakapin kita sa pulupot
na lunting-lunti at hindi mapaknit.
Araw-gabi akong gagapang, mangungunyapit
sa iyong banal na balat at mga duklay.
Bawat sandali’y magsusumingit sa iyo
pagkat ako’y sumasamba sa iyong tipuno.
Hanggang isang araw, hindi mo inaasahan,
dumampi ang dulong daliri ko sa dulong daliri mo
sa pagsaksi ng mga namanghang ulap at ibon.
At hindi mo na makilala ang sarili mong anyo
sapagkat ikaw at ako’y naging iisa.
Huwag mangamba, punong mahal,
wala sa hinagap kong patayin ka
kahit sa lahat ng bahagi’y lingkis kita.
Hindi ko hahayaang tayo’y malugmok.
Sayang kasi ang kinaiinggitan ng marami:
ang katayugang ating narating.

28 Disyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive