|
poetry
Baka
ni Romulo P. Baquiran
Masuwerte kami:
kapiling ang parang
na binubughan ng langit
ang mga langgam, tipaklong at paruparo.
Walang aalalahaning buwis
na kinokolekta ng gobyerno.
Walang tsismis o intriga
kapag bagot at walang magawa.
Hindi kailangang magalit
pag inungaan ng kapwa baka
sa mismong butas ng tenga.
Hindi dumadanak ang dugo
kapag may pangahas na baka
na pumatong sa asawa ng iba.
Hindi rin kailangang makibaka
kapag naiba ang paniniwala
ng kinabibilangang kawan
sa paniniwala ng kabilang kawan.
At kapag kami’y naiihi,
hindi na kailangang ilabas ang ari
o tumakbo sa kubeta.
At sakaling kumulo ang tiyan,
hindi na kailangang magpawis,
puwede nang manginain
sa mismong kinatatayuang damuhan.
16 Agosto 1985
back to poetry | home |