|
poetry
Balete
ni Romulo P. Baquiran
Tahimik akong humahamig ng hangin at liwanag
maliksing sumisimsim ng sustansiya at tubig
mula sa mga batong nagkalat sa aking paanan.
Nakakamangha ba ang pagbulas ko?
Walang akong gatol sa pag-angkin sa espasyong
inaapuhap, ginagagáp ng malalabay kong sanga,
masisiglang tangkay at di-magkamayaw na dahon.
Nagrarambulan ang tila mga ahas na ugat-baging
sa punong-katawan kong tila mapusyaw na uling.
Tumatayog, lumalapad ako araw-araw.
Sa lilim ko sa tanghaling tapat, langit-langitang
bubong ang kabuuang saklob ko sa sinuman.
Sa kasagsagan ng tag-init, sa salab ng Abril,
biglang maninilaw ang angaw-angaw kong dahon,
iglap akong nagpasiyang magpista para sa lahat.
Tumatatal ang bawat paruparong banderitas
sa banayad, maaligamgam na hininga ng hangin.
Kapag bumuga naman tulad ng tarantang kusinero,
aalimbukay sa lahat ng dako ang alipatong dilaw,
huhugos sa latag ng nabibitak na bakuran,
lilikha ng lampas-tuhod na salansan ng kamatayan.
Ngunit sa pagtingala ng lahat, higit na nakasisilaw:
nagbihis ako nang lunting-luntí, bagong mga dahon.
Isipin: kahapon lang, isa akong higanteng kalansay.
12 Setyembre 2001
back to poetry | home |