poetry

Balita sa araw na ito
ni Edgar B. Maranan

1. Aso at baboy-damo

Pinutlan niya ng pangil ang mga nangauna
nilagasan ng ngipin upang di makatangay
ng basyo at iskrap, iba pang basura
ng kanilang pananakop sa lupang hinalay.
Kamakailan, ginawang patas naman ang laban
anya'y higit itong makataong paraan.
di na gumamit ng awtomatik ang tanod
bagkus, inalpasan na lamang ang sentring
mabalahibo't sabik sumunod sa utos.
Kayâ't baboy-damo'y sinagpang kaagad
at pinagkakagat sa malambot niyang bayag.

Ano'ng silbi ng demanda, kahit ilang libo?
Buti pa'y tambangan mo na lang sa Balibago.

2. Ang marino at ang musmos

Nagkakawag sa ilog, ibig siyang tangayin
ng agos patúngo sa loók ng Subic,
sumisinghap na hinilang pailalim sa tubig.
Mahirap hulaan kung bakit naparoon,
hintakot na musmos na lalabing-isang taon.
Tumalon kayâ ito, nag-aral lumangoy?
Naglakad sa gitna ng isang bangungot?
Hindi't itinapon sa ilog na iyon,
di alam ang dahilan, ayon sa suplong.
Di kaya kakaning-itik, at talu-talunan,
kulay pa ng balat ay nakatuwaan?
Nagtapong marino'y mulang lipi ng taong
mapagmahal sa alaga, lalo't ito'y aso
na kung paligua'y sinusuyo ng shampoo.
Kung naging aso ba, kayumangging musmos,
ihahagis kaya ito ng marino sa ilog?

Bantay-salakay sa baybay nati't bundok
pati nang paslit nati'y sila pa'ng lulunod.

3. Ang aso, sa panahon ni Pinochet

Aso ng mga Among nakakubabaw sa tao,
among asal-hayop, di-mapangalanang berdugo.
Mundo ang saksi sa taktika ng pagdurog
upang patugain ang babaing nakagapos
sa tarimang natigmak ng dugong babai,
dugo ng pinadipa't pinahigang bayani.
Bulatlat ang dangal, ang balat ay hinataw
ng kahoy na balila o bisig na bakal,
upang pagkatapos ang lumpong katawan
ay ilugso ng batuta sa pinakamaselan.
Nang sawa na sila sa buhay na bangkay
ipinatawag sa wakas ang asong Aleman.
(Sa kanyang kasintahan, sa kanyang kabiyak,
gunita na lang kaya ang pagiging busilak?
Diwa niya'y buo't busilak ang malay,
naglalahong kirot ang pagkakahalay.)

Hugsan ang lansa, ang dugo sa katawan.
Aso't amo nito'y pagtabihin na sa hukay.

4. Ang bagong kasal

Ginahis na babai'y inilatag sa sahig,
sinuntok sa hita, tiyan at bibig.
Agaw-buhay halos nang siya'y pagsawaan
limas pa ang regalo, alahas at yaman.
Pagapang siyang umusad, minasdan ang guhong
tahanang pangarap, at lugmok na kasuyo.
Inapuhap ang labi ng kanyang katinuan,
sisigaw, hihingi ng saklolo at damay
ngunit dila'y umid, may apoy sa lalamunan.
Latang ang lamig sa kanyang sikmura't
sa sinapupunang kay-tagal inihanda
sa araw na sabik sa gabi ng kasal
sa lalaking duguan at namamaalam.

Sa lupaing ang krimen ay hindi maapula
katalik ang panganib sa iyong pulutgata.

5. Si Inday, labanderang taga-Davao

Maririnig mo pa ba ang bagting ng gitarang
winasak kasabay ng tinig mong basag na?
Di mo na narinig ang sariling pagsigaw
habang bisig mo'y kinukulata ng kawal.
At anong instrumento ang baril na iyon
na nainggit sa gitarang kandong mo noon?
Ano'ng lupit ang iibig na kusang mandurog
sa brasong babai't sa isang manunugtog?
Huramentado o hibang, ang gagawa nito'y
marubdob na kampon ng sungayang anito,
bihasang manakit ng nananahimik
na taong hirati na sa hirap at sakit,
katulad mo, Inday, labanderang taga-Davao,
sinumpong ng tugtog at pag-awit ng lumbay.

Ay, tao kang nabubuhay sa banlaw at kusot
nadurog mong bisig ay kandong ng lungkot.

6. Orkidyas, Orfeo, Oligarko

Vandang maganda't Vandang mamahalin:
batik-batik, guhit-guhit, mga hugis-bituin.
Ngala'y eksotiko, romantiko't latin
mga reyna sa Eden, Olimpo at Makiling.
Sa magagarang tahanang may narseri't hardin
bulaklak ng bathala'y mutyang alagain.

Hinihilis ang biyolin, piyano'y tinitipa
mabini ang hihip sa klarinet at plawta.
Kalanting ng sitar, mandolino at arpa
Sa oditoryong madilim o silaw na sala.
Mayroong nabubusog sa timpladong sonata,
mayroong tumataba ang puso't kaluluwa.

Brilyante sa daliri, Rolex na panggalang,
Pierre Carding pampormal, Levi's na pangkaswal.
Limusinang pang-opisina at kotseng pamasyal
sa marilag na maypugad na lingid sa maybahay.
Di kapos ang palad, na laging may lagay
o mula katas-pawis ng mga bumubuhay.

Habang sila'y naglulunoy sa luho at yamang sining
sa lipuna'y nangaglutang, karukhaan, bulok, lagim.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive