|
poetry
Bayambang
ni Herminio S. Beltran, Jr.
PIYESTA SA SAMPALOC
Kapag may kumatok sa iyong pinto’t
Hihingi ng donasyon
Umpisa na ang piyesta sa Sampaloc
Ikakabit ang mga straw at paper cup
Sa mga poste
Papagaypay sa hangin
Bagong-bihis na ang mga kalye
Tinakpan pati kanal
Pininturahan ang pook-iskwater
Dahil ito’y araw na banal
Mula Abril hanggang Mayo
Kumakanta ang mga bulaklak
Nag-aalay kay Maria
Kinukumpasan ng musiko
Nagpuprusisyon ang sangkaterbang reyna
Nagpapataasan ng arko
Naglalabanan sa basketbol
Ipinapagkit ang pangalan ng mga opisyal,
Mangangalakal, butihing tao
Nambibilog ng ulo
Iikot ang tiyubibo
Iingay ang peryahan
Magtatayaan sa ripa
Ang mga walang pera
Kikintab ang simbahan
Sa damit ng mga pinagpala
Sa kamangmangan at luha
Naghahanda ng pagkain
Kamag-anak at pinopormahan lamang
Ang niyayaya.
Halina sa Sampaloc
Huwag mahihiya
Mga tao dito’y
Walang nakikilala.
(1981)
ISKANDALO SA KAPITBAHAY
Mahimbing na ako sa kama nang ako’y magulantang
sa hiyaw na galing sa kung saan. Malalim na ang gabi.
Sanay na ako sa hiyawan ng magkakabarkadang sa harap
ng bahay nagtotomaan. Ngunit kaiba ang kumorot
sa aking pag-iisa’t pamamahinga. Napatakbo ako
sa bintana. Umilaw ang mga kapitbahay. Sa tapat,
may nagsasagutan.
“Palamunin naman tayong lahat dito, a. Aba’t
may lakas ng loob magpalayas ang babaeng iyan.”
“Kayong mga walang hiya, di mapakiusapan.
Sabi nang isara ang radio, parang walang naririnig.
Alam n’yo naming maaga ang pasok ko bukas.”
“Mahina na nga ang radio, naghahanap talaga
ng away ang babaeng iyan. Mainit ang ulo. Hindi lang
naman siya ang binabawasan ng sahod, a.”
“A, walanghiya, buhat nang mawala ang ate,
ako na lang ang nagpapalamon sa pamilyang ito.”
“Inay, pahintuin na ninyo sila, nakakahiya
sa mga kapitbahay.”
“Sige na, huminto na kayo, tumahimik na lang kayo,
Para n’yo nang awa.”
“Hala, matulog na kayo. Alam n’yong tumatanda na
ang tao, inaaburido n’yo pa kami. Anito na nga lang
tayo, ni wala pa tayong kahihiyan sa mga kapitbahay.”
Sa bawat bintana, may nakadungaw. Nakikinig sa bawat kataga.
Tulad ng drama sa radio.
Waring may umugong sa kalye sa karimlan.
Alam kong hindi iyon ang unang iskandalo sa aming lugar.
Isa lamang bersyon iyon ng mga angkang marangal.
(1978) back to poetry | home |