poetry

Branch
ni Jay Fernando

Lunes at walang magawa sa opisina
nang may naghanap kay First sa telepono,
Ambassador Funeral Homes daw,

may isang katawan na naghihintay sa kanya.
Isang bangkay, 20-25 taong gulang,
5’5’’, balingkinitan, itim ang buhok.

First din ang pangalan, ayon sa I.D.
na kipkip nito nang matagpuan sa kalsada.
Kinausap ni First ang tumawag, sinabing

"Wala akong panahon sa ganyang mga biro,"
pagkat sino nga ba ang may panahon
sa ganoong mga biro ngayon?

Ngunit hindi ito biro.
At kailangang pumunta ni First sa punerarya,
walang aangkin sa katawan kundi siya.

Nag-halfday si First sa trabaho,
ang totoo ay lihim din siyang natuwa.
Ngayon, may dahilan siyang matakasan

ang airconditioned na buhay sa loob
ng cubicle. Bago pumunta sa punerarya,
dumaan si First sa McDonald’s,

bumili ng Burger McDo Meal
at Caramel Sundae. Naisip niyang
iilan lamang ang mga bagay

na hindi nagbabago dahil itinatakda
ng Industriya ang kanilang pananatili
nang ganoon sa paglipas ng panahon.

                         •

Minsa’y napag-usapan na nila ni Max
ang bagay na iyon, kung mamatay
ang kahit sino sa kanila. Katatapos lang

nilang maligo at nadulas si Max
sa loob ng banyo. Tumama ang noo niya
sa lababo’t sandaling pinanawan ng malay.

"Ano ba’t kung mamatay ako," tanong ni Max,
"wala namang magbabago sa mundo.
Hindi hihinto ang MRT sa pagtakbo,

walang pipigil sa pagkakaprito
ng mga frenchfries, at ang ozone layer,
magpapatuloy lang ang pagkabutas.

Ikaw lang First ang magiging bisita
sa oras na kailangan nang silaban
ang aking katawan, ikaw lang

ang maapektuhan ng aking kamatayan,
kung ako’y buhay ngang matatawag."
Napangiti si First at napaisip. Oo nga, oo.

                         •

Tinungo ni First ang punerarya bitbit
ang kanyang sundae at ang kanyang kaba.
Hindi niya matanto kung bakit

ngunit kinakabahan siyang makita
ang sarili, na bangkay.
Pumasok siya sa lounge at nagtanong.

"Sa ibaba po, doon sa waiting room
nakalagay ang mga bangkay.
Gusto na po ba ninyong makita?"

Tumango lang si First at sila’y bumaba.
"Kahapon nakita ang bangkay, sa harap
ng 7-Eleven. Ibinagsak daw ng isang van,

walang buhay at walang damit
kundi ang isang maong na pantalon.
Sa bulsa po ng pantalon namin nakita ito."

Inabot ng katiwala kay First ang lumang I.D.,
laking gulat ni First sa kanyang nakita.
I.D. niya iyon noong siya’y grade two pa.

"Sa akin ho ito." sabi ni First. "Kung gayo’y
kilala n’yo ang bangkay," bulong ng katiwala,
"o posibleng kayo ang bangkay?"

                         •

Malamig sa waiting room ng mga bangkay
at kailangang magsigarilyo ni First sa labas
ng punerarya pagkatapos ng bisita sa sarili.

May dalawang asong nag-aamuyan ng tumbong,
dalawang galisin na sandali pa’y nagkantutan
sa gitna ng kalsada.

Kinuha ni First ang kanyang cellphone
at tinawagan si Max. Nang magkabuhay
ang kabilang linya, static ang kanyang narinig.

"Max, kailangan mong pumunta
dito sa punerarya. Hindi ka maniniwala."
Namatay ang cellphone at naupos ang sigarilyo

nang di man lamang niya nahihithit.
Kahit umaambon na, ayaw pumasok ni First
sa loob ng punerarya nang mag-isa.

Dumating si Max at nakitang nakikipaglaro
sa mga askal si First. Unang tanong ay bakit
tayo nandito, ngayong lunes at umuulan.

"Patay na ata na ako."
Sabay silang pumasok sa punerarya,
kapwa kaybibigat ng kanilang mga hakbang.

                         •

Inabot niya ang kanyang credit card.
"Gusto po ba ninyong panoorin ang proseso?"
Tumango si First at sumunod sila sa katiwala.

Payak ang proseso ng pagsusunog sa katawan.
Pagkahiga sa kamang stainless steel,
ipapasok ang tao sa hurno. Ipipinid ang pinto.

Inabot kay First ang remote control
na magbubunsod ng transpormasyon.
Inabot naman ni First ang remote kay Max,

si Max ang nais niyang magmay-ari
sa kanyang katawan kung katawan nga niya
ang ngayo’y naghihintay ng apoy.

Parang sa spacerocket na nag-takeoff
ang ugong ng hurno. Isang iglap ay nagbago
ang paniniwala ng dalawa sa halaga ng mga bagay.

                         •

Isinilid ni Max ang zip-lock bag ng abo
sa kanyang backpack. Sumakay sila sa taxi.
Hindi pa rin makapagsalita si First.

"Maaaring nangyayari ang bagay na iyon
sa ibang tao. At hindi natin masasabi
kung ano pang kababalaghan

ang nagaganap araw-araw."
Napangiti si First. "Oo nga, oo. Ganito pala
ang mabuhay, kung ako’y buhay pa."

Dumaan sila sa McDonald’s bago umuwi
sa kanilang apartment. Kumain sila
ng Cheeseburger Meal at Apple pie.

Sadyang may mga bagay na hindi nagbabago.
At sila’y iisang reinkarnasyon,
sa iba’t ibang branches, sa iba’t ibang panahon.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive