|
poetry
Daga
ni Romulo P. Baquiran
Kabilang ako sa paraiso mo:
magarang mansion, may sandosenang tsikot
malusog at masayang pamilya,
at kusinang namumuwalan sa tsibog.
Makikiamot lang naman
sa biyayang tinatamasa mo.
(Sa masama o sa mabuti man galing
hindi kita huhusgahan.
Hindi ba’t para mo na rin
akong amigo?)
Maanong hayaang simutin ko
ang mga mumo at simi
sa lababo, o kahit na ang pagpag
ng maselan mong pusa at aso.
Huwag marimarim kung makita
akong naglulunoy sa kristal
mong swimingpul; hindi sinasadya,
nadulas nang minsang manalamin
at nabighani sa ngusong balahibuin.
Bakit magdedeklara ng digma?
Ituring na salot ang kaliitan?
Ipahuli sa pulis na pusa,
ipalasog sa de-kesong bitag,
patikimin ng makapunit-bitukang lason,
o pasinghutin ng nakaduduwal na gas?
Kay-lupit mo, hari ng mundo.
Pero hindi bale, sa lungga ko,
may sandosenang mamula-mula
nakapikit pang mga bubuwit
na laging handang makihati
sa malawak mong paraiso.
18 Setyembre 2002
back to poetry | home |