|
poetry
Duhat
ni Romulo P. Baquiran
Walang dagtang tumagas
nang bitakin ako ng tag-araw--
ako na isang matandang duhat.
Parang salot ang latag
ng lumot sa aking katawan;
wala na sa piling ko ang namugad
na mga gagamba at langgam.
Sa nahantad kong himaymay,
nagkiwal ang anay;
sa mga pagod na sanga,
hindi na dumapo
ang makulay na hunihan.
Inilalaglag ko, masdan:
itim na luha
ng pamamaalam.
16 Hulyo 2002
back to poetry | home |